Ayon sa isang pag-aaral ng Hasbro, 96% ng mga pamilya ay nagiging mas matibay kapag naglalaro ng anumang laro sa isang partikular na pagtitipon.
Kaya naman, ang artikulong ito ay nagtatampok ng 5 pampamilyang aktibidad na nagtatampok ng mga larong biblikal na siguradong makawiwilihan ng iyong pamilya.
1) Mag-iskedyul ng Pampamilyang Oras ng Paglalaro
Problema mo rin ba ito?
Abala araw-araw? Halos hindi na nag-uusap-usap sa bahay? Pisikal na magkakasama ngunit walang sosyal na ugnayan?
Ang paglalaro ng mga larong biblikal ay makatutulong paigtingin ang inyong samahan.
Sa katunayan, sa paglalaro ng video games nang magkakasama, nagkakaroon ng kaluguran at nagiging malapit sa isa’t isa ang mga miyembro ng isang pamilya1.
Paano basagin ang katahimikan at tipunin ang lahat?
Ito ang maaari mong gawin.
a. Kumuha ng panulat at isang piraso ng papel.
b. Iskedyul ang inyong pang-araw-araw na gawain.
c. Magtakda ng oras para sa paglalaro ng mga larong biblikal.
d. Magpasya kung gaano kadalas nyo ito nais isagawa.
Ano ang pakinabang nito?
a. Pinananatili nitong nagkakaisa ang inyong mga miyembro.
Sa pag-iiskedyul ng larong pampamilya, nagkakaisa ang mga miyembro tungo sa layuning maglaan ng oras para sa isa’t isa.
Sa ganitong paraan, nakapaghahanda ang bawat isa upang maglaan ng oras para rito. Kaya naman kapag oras na ng paglalaro, madali nang iwan ang kanya-kanyang gawain para magtipun-tipon.
b. Nagiging regular na gawain nyo na ang pampamilyang libangan.
Ilang oras ang ginugugol nyo sa pagliliwaliw? Pang-ilan ito sa inyong mga prayoridad?
Sa pagsingit ng paglalaro sa inyong iskedyul, nagiging bahagi na ito ng inyong pampamilyang gawain hanggang sa makasanayan na ito.
c. Naiiwasan nyo ang pagpapaliban.
Dahil sa araw-araw na kabisihan, madalas naipagpapaliban ang pagliliwaliw.
Dito makatutulong ang pag-iiskedyul ng oras sa paglalaro ng pamilya. Ito ay nagpapaalala sa inyong gugulin ito bago maging huli ang lahat. Dahil dito, natututo kayong pangasiwaang mabuti ang oras.
d. Nagiging planado ang inyong paglalaro.
Ang paggawa ng iskedyul ay nag-uudyok sa iyong pamilyang maglaro ng mga larong biblikal na may layunin.
Ibig sabihin, hindi lamang kayo naglalaro upang malibang. Sa halip, ginagawa nyo ito sa hangaring patibayin ang inyong samahan habang natututo tungkol sa Salita ng Diyos.
e. Naiiwasan ang pagkakasabay-sabay ng mga gawain.
Nagluluto at naglilinis ng bahay si Nanay. Samantala, si Tatay naman ay nagkakarpintero at nagkukumpuni. Gayundin, ang mga bata ay gumagawa ng kanilang mga gawaing pang-eskwelahan.
Kapag may iskedyul, makapaghahanda ang lahat. Maipaplano nyo ang inyong mga gawain upang hindi mataon sa pampamilyang oras ng paglalaro.
2) Pumili ng Pinakamainam na Laro Para sa Iyong Pamilya
Ang mga larong biblikal ay maaaring pisikal o digital.
Ang pisikal na uri ay kinabibilangan ng board games, outdoor relays, at mga katulad. Ang digital na uri naman ay binubuo ng video games na iniinstala sa kompyuter o selpon.
Ito ang ilan sa pinakamagagandang larong maaari mong isaalang-alang:
a. Heroes: The Bible Trivia Game
Ang Heroes ay isang larong pangkaalaman sa Bibliyang nilikha at inilathala ng Iglesia Adventista del Séptimo Día sa pakikipagtulungan ng Hope Channel International at General Conference of Seventh-day Adventists.
Sa larong ito, kilalanin ang mga tauhan sa Bibliya bilang “mga bayani” sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong tungkol sa kanila:
- Juan, ang anak ng kulog
- Ester, ang reyna ng katapangan
- Samson, ang alamat
- Rut, ang matalinong balo
- Noe, ang kapitan
- Jose, ang mapanaginipin
- Adan at Eba, ang mga ninuno
- Hesus, ang Leon ng Huda
- Daniel, ang matalinong propeta
- Moises, ang tagapagbigay ng batas
- Maria Magdalena, ang manlulusob ng libingan
- Dabid, ang mangingitil ng mga higante
- Maria, ang tagapangalaga
- Pablo, ang biyahero
- Pedro, ang tapyas ng bato
- …at marami pang iba sa susunod
Sa bawat tamang sagot, makakukuha ka ng mana at mga puntos na magagamit sa pagbukas ng iba pang mga bayani at pagsagot ng marami pang mga katanungan tungkol sa kanila.
Maaari mo ring iapgreyd ang iyong laro gamit ang mga puntos na nakalap mula sa mga nakaraang sesyon upang makagamit ng power-ups.
Ang lahat ng ito ay matatamasa sa grapiks at animasyong 3D. Isa pa, libre lamang ito! Walang mga patalastas na lilitaw sa iyong iskrin.
Isa pa, maaari mo itong laruin sa isahan o maramihang moda. Gamit ang maramihang moda, maaari mong anyayahan ang iyong pamilya at mga kaibigang makipaglaro sa iyo.
Hindi ka rin ba masasabik malamang maaari itong laruin sa iyong lenggwahe?
Ito ay nakasalin sa Ingles, Espanyol, Pranses, Portuges, Swahili, Romano, Tagalog, Bahasa Melayu, at iba pa.
Isang napakamakabuluhang paraan upang mag-aral ng Bibliya at linangin ang iyong pananampalataya habang nalilibang!
b. Superbook Bible Trivia Game
Ang Superbook ay isa ring larong pangkaalaman sa Bibliya. Ito ay nilikha ng Christian Broadcasting Network.
Si Gizmo, isang kawili-wiling robot, ang iyong gabay. Tutulungan ka niyang tuklasin ang iba’t ibang nakaeengganyong tanong at sagot tungkol sa mga karakter, lugar, kaganapan, at iba pa sa Bibliya.
Tampok dito ang 3 power-ups na magsisilbing gabay para sa mga nakalilitong tanong:
- Unlocking Power-up – power-up na maiipon sa bawat tamang sagot; tumutulong abutin ang mas mataas na lebel
- Downloading Power-up – power-up na makukuha matapos gumamit ng lifeline
- Earning Back Power-up – hiyas na makokolekta sa bawat tamang sagot; tumutulong makakuha ng kahit gaano karaming power-ups
Bukod sa mga power-up, mayroon ding walang hanggang pahiwatig na sagot sa bawat tanong. Halimbawa, ang berdeng Superbook Device na pindutan ay nagbubukas ng isang talata sa Bibliyang naglalaman ng tamang sagot.
Panghuli, mayroong 3 lebel na maaaring laruin:
ANTAS | URI NG MANLALARO | NAKATAKDANG ORAS | MGA PUNTOS |
Madali | Baguhan | 30 segundo bawat tanong | 10 puntos bawat tamang sagot |
Katamtaman | Intermedya | 20 segundo bawat tanong | 20 puntos bawat tamang sagot |
Mahirap | Bihasa | 5 segundo bawat tanong | 30 puntos bawat tamang sagot |
Isang mapanghamon ngunit nakaaaliw at nakaeengganyong larong pang-edukasyon, hindi ba?
c. Watch Ya Mouth
Nakapagsuot ka na ba ng dental cheek retractor? Nakakahiyang ilantad ang iyong mga ngipin at gilagid, hindi ba?
Isa pa, ang hirap magsalita, lalo na ang magbigkas ng mga katinig. Ganito ang karanasan sa paglalaro ng Watch Ya Mouth.
Ganito ito laruin:
- Isuot ang cheek retractor.
- Kumuha ng kard.
- Basahin ang nakasulat na pariralang maaaring tungkol sa biblikal na karakter, lugar, bagay, pangyayari, o katulad.
- Ipahula ito sa iyong mga kalaro.
Tiyak na mahihirapan kang bigkasin nang tama ang karamihan sa mga titik. At iyan nga ang masaya rito!
d. Guesstures: Bible Edition
Kung ikaw ay mahusay sa pagsasadula ng mga bagay-bagay, kawiwilihan mo ang larong ito.
Sa katunayan, ang Guesstures ay isa sa pinakamabentang charades. Ngunit ang edisyong ito ay nakatuon sa mga biblikal na paksa.
Ito ang mga hakbang sa paglalaro:
- Hahatiin ang 2 o higit pang manlalaro sa 2 grupo.
- Isindi ang Mimer Timer. Ang bawat sesyon ay karaniwang tumatagal nang 30 minuto.
- Kumuha ng kard.
- Isadula ang salitang nakasulat.
- Kapag nahulaan na ito ng iyong mga kalaro, kunin ang kard bago pa ito lunukin ng timer.
Makakukuha ka ng higit pang mga puntos mula sa mas mahihirap na salita. At ang pangkat na may pinakamaraming puntos ang siyang panalo.
3) Lumikha ng Mga Pampamilyang Gawain at Tradisyong Maaaring Tampukan ng Mga Larong Biblikal
a. Kwentuhan ang iyong mga anak.
Ang mga bata ay mahilig makinig ng mga kwento.
Gamitin ito bilang pagkakataon upang kwentuhan sila ng kanilang mga paboritong kwento sa Bibliya. Maglaro rin ng larong biblikal upang ihambing at tiyakin ang mga pangalan ng mga tao, lugar, at iba pa.
Gawin ito anumang oras ng araw ngunit pinakamainam bago matulog. Tulad ng musika, ang mga kwento ay epektibong pampatulog ng mga bata.
Ang mga sandaling tulad nito ay nagmamarka sa puso at tumatagal habambuhay. Nakapagpapatibay ito ng inyong relasyon.
b. Magkaroon ng araw-araw na debosyon bilang pamilya.
Para sa espirituwal na pag-unlad ng iyong pamilya, gumugol ng oras sa pagsamba at panalangin.
Pagkagising, bago gumawa ng kahit ano, tipunin muna ang mga miyembro ng iyong pamilya. Umawit ng mga papuri, mag-aral ng Bibliya, at manalangin.
Habang inihahanda ang inyong agahan, ang mga bata ay maaaring maglaro ng kanilang mga paboritong larong biblikal bilang pampalipas-oras.
Gawin din ito bago maghapunan.
c. Magdaos ng gabing pampamilya.
Sa mga espesyal na okasyon tulad ng kaarawan, madalas bongga ang iyong paghahanda. Inaanyayahan mo pa ang iyong mga kaibigang dumalaw sa iyong tahanan.
Ganitong paghahanda rin ang nararapat para sa gabing pampamilya. Ngunit tulad ng ipinahihiwatig ng termino, para lamang ito sa pamilya. At depende sa kakayanin, maaari itong gawin isa o dalawang beses kadalinggo.
Lutuin ang iyong mga paboritong putahe, inumin, at meryenda. Magtayo rin ng karaoke. Ihanda ang iyong mga paboritong larong biblikal.
Ang mga aktibidad tulad nito ay hindi lamang nakapagbubuklod kundi nagtataguyod din ng seguridad at kasiguruhan ng pagiging kabilang sa pamilya.
d. Magsagawa ng pampamilyang pagtitipon.
Ang pagtitipon ng pamilya ay katulad ng gabing pampamilya. Ngunit dito, maaari mo ring anyayahan ang iyong mga kamag-anak.
Gawin ang parehong paghahanda at mga aktibidad tulad ng sa gabing pampamilya, kabilang ang mga larong biblikal. Masaya itong gawin habang kumakain, nagkakaraoke, at iba pa.
Ang aktibidad na ito ay hindi lamang nagpapaigting ng pagiging kabilang ngunit nagtataguyod din ng kultura, mga kaugalian, at mga prinsipyo sa buhay ng iyong angkan.
4) Lumabas
a. Magpiknik.
Ang piknik ay nakaugalian nang libangan ng pamilya.
Bilang paghahanda, isama ang iyong pamilya sa pamimili ng mga pagkain sa palengke. Bumili ng mga prutas, gulay, at masusustansyang meryenda. Kumuha rin ng ilang inumin. Pagkatapos ay gawin ang inyong mga paboritong sanwits at palamig.
Huwag kalimutan ang iyong mga paboritong Bible board games. At siyempre, ihanda rin ang iyong mga laro sa selpon.
Pumili ng isang magandang pasyalan sa iyong lugar. Kung wala, pwede na rin ang isang madamong bahagi ng inyong bakuran kung mayroon man.
Itayo ang lahat. Pagkatapos ay maglaro bilang pampagana. Samantalahin ang malaking espasyo para maglakad, tumakbo, at tumalon hanggang sa magsawa.
Pagkatapos ay magpahinga habang tinatanaw ang magandang kalikasan kasama ng masasarap na meryenda at musika.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, maaari kang makapagrelaks at makapagpahinga. Nakatutulong itong maibsan ang istres at mapangalagaan ang mental na kalusugan2.
b. Magkamping.
Ang kamping ay parang piknik din ngunit dito, maaari kang magpaumaga. Mas maraming paghahanda rin ang ginagawa rito.
Bukod sa pagkain at inumin, dalhin din ang iyong mga kagamitan sa pagluluto at pagtulog. Huwag ding kalimutan ang iyong tent, ilaw, mesa, at kit para sa unang lunas.
Pagkarating, itayo ang lahat. Magluto at kumaing magkakasama. Magpatugtog ng musika sa malaking ispiker para sa masayang atmospera.
Maglaro ng mga larong biblikal bilang pangunahing aktibidad ng inyong programa. Pagkatapos ay magkaroon ng pagpapalitan ng mga kuru-kuro at natutuhang liksyon.
Panghuli, manalanging magkakasama bago matulog. Kinabukasan, gumising sa magandang tanawin ng kalikasan.
Maaari kayong manatili nang mas matagal at ulitin ang parehong mga aktibidad. Pwede ring mamasyal sa pinakamalapit na bundok.
c. Magmasid ng mga bituin sa gabi.
Sino ang ayaw tumuklas ng mga bagong konstelasyon o planeta?
Tumungo sa isang malawak na bukid. Kung wala nito, dumungaw lamang sa inyong bintana o balkonaheng may magandang tanawin ng kalangitan.
Kumuha ng magandang pares ng binokulo. Mas mainam kung mayroon ding teleskopyo upang makita nang mas malapitan ang mga bituin.
Paminsan-minsan, magpahinga sa pamamagitan ng paglalaro ng mga larong biblikal sa iyong selpon. Pagkatapos, magmuni-muni habang ninanamnam ang malamig na simoy ng hangin sa gabi.
Sa aktibidad na ito, mapahahalagahan mo ang kahanga-hangang nilikha ng Diyos. Mabibighani ka sa laki at lawak ng sansinukob at mapagtatanto kung gaano ka kaliit.
5) Subukin Ang Kakayahan ng Iyong Pamilya sa Paglalaro
a. Sumali sa isang paligsahan ng mga larong biblikal.
Pumunta sa inyong lokal na simbahan at tingnan ang kanilang kalendaryo ng mga kaganapan. O kaya ay pumunta sa paaralan ng iyong anak. Maaari ring magtanong sa inyong komunidad o lokal na pamahalaan.
Tingnan kung mayroon silang iskedyul ng mga paligsahan para sa mga larong biblikal. Kung oo, kailan ang pinakamalapit?
Sunggaban ang pagkakataong ito! Irehistro ang iyong pamilya upang makipaglaro sa ibang mga pamilya!
b. Gumawa rin ng sarili ninyong larong biblikal.
Kasama ng iyong pamilya, magplanong bumuo ng sarili ninyong laro para sa inyong komunidad.
Hindi kailangang magarbo o magastos. Hangga’t maaari, maging praktikal lamang. Ang mahalaga ay ang motibo at karanasang maibibigay nito.
Matapos ilahad ang panukala, humingi ng tulong mula sa inyong lokal na iglesya o paaralan.
Marahil, mayroon silang mga ideya upang punan ang inyong mga kakulangan. Matutulungan ka rin nila sa lohistika, panghihikayat, at iba pang mga pangangailangan.
Sabik na sa paglunsad ng inyong proyekto? Lasapin ang tagumpay ng inyong pagtutulungan habang nakikita ang mga manlalarong nasisiyahan at natututo mula sa inyong laro.
Ibahagi Ang Iyong Saloobin
Ano ang iyong masasabi sa 5 aktibidad pampamilyang itong nagtatampok ng mga larong biblikal? Alin ang pinakanakapukaw ng iyong interes upang subukan?
Ibahagi ang iyong mga saloobin sa mga komento sa ibaba.