Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang Kanyang bayan...
Exodo 7:16
Kwento ni Moises, Ang Tagapagbigay ng Batas
OKUPASYON
PRINSIPE, TAGAPAGLIGTAS
Kwento ni Moises, Ang Tagapagbigay ng Batas
Panahon
MGA PATRIARKA AT MGA PROPETA
Kwento ni Moises, Ang Tagapagbigay ng Batas
Antas
ANTAS 21
Estratehiya
Basahin ang mga aklat ng Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio sa Bibliya.
Kwento ni Moises, Ang Tagapagbigay ng Batas
OKUPASYON
PRINSIPE, TAGAPAGLIGTAS
Kwento ni Moises, Ang Tagapagbigay ng Batas
Panahon
MGA PATRIARKA AT MGA PROPETA
Kwento ni Moises, Ang Tagapagbigay ng Batas
Antas
ANTAS 21
Estratehiya
Basahin ang mga aklat ng Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio sa Bibliya.
Kwento
Bahagi 1 ng 8

ANG BUHAY NI MOISES

Isinilang si Moises sa panahong napakahirap para sa mga kababayan niyang Israelita. Matagal na silang naninirahan sa Ehipto, simula pa nang sila ay unang magtungo roon noong panahon ng kanilang ninunong si Jose, na naging gobernador ng naturang lugar sa ilalim ng naunang Paraon.

Subalit malaki ang ipinagkaiba ng buhay nila ngayon sa kanilang masaganang pamumuhay noong panahon ni Jose. Ang mga Israelita ay nakaratay sa pagkaalipin at pinahihirapan ng kanilang mga panginoong Ehipsyo. Dagdag pa rito, ipinag-utos ng Paraon na patayin ang lahat ng kanilang mga sanggol na lalaki sa pag-aalalang mabilis lumaki ang kanilang populasyon.

Determinado ang pamilya ni Moises na mailigtas siya sa kamatayan. Sa simula, siya'y itinago, ngunit sa kalauna'y malinaw na kailangan nilang gumawa ng ibang paraan.

Bahagi 2 ng 8

ANG SANGGOL SA BASKET

Ang ina ni Moises na si Yokebed ay gumawa ng mapangahas na plano upang iligtas ang kanyang anak. Inilagay niya ito sa isang hinabing basket na kayang lumutang. Maingat niya itong itinago sa talahiban ng Ilog Nilo at inatasan si Miriam, kapatid na babae ng sanggol, na lihim itong bantayan.

Nagulat si Miriam nang mapansin ng prinsesang anak ng Paraon ang basket sa kanyang paliligo sa ilog. Pinakuha niya ito sa kanyang alipin at natuklasan ang sanggol. Sa kanyang awa, nagpasiya siyang iligtas ito.

Agad kumilos si Miriam. Kanyang nilapitan at tinanong ang prinsesa kung kailangan nito ng isang babaeng Hebreo upang alagaan ang sanggol. Pumayag naman ito kaya't dinala ni Miriam ang kanyang ina upang ipakilala sa anak ng Paraon. Ang kasunduang ito ay naging daan upang maalagaan ni Yokebed ang kanyang sariling anak. At bayad pa siyang gawin ito!

Bahagi 3 ng 8

NAHALUANG PAGPAPALAKI

Sa kanyang paglaki, ang batang ito ay dinala ng kanyang ina sa prinsesa. Inampon siya nito at opisyal na pinangalanang Moises, na nangangahulugang "iniahon ko siya sa tubig."

Ang pagbabagong-kalagayang ito ay nagdala kay Moises upang maging prinsipe ng Ehipto. Ngunit sa kabila ng kanyang katayuan at marangyang pamumuhay, hindi siya nakalimutan sa kanyang pinagmulan. Nakiramay siya sa kanyang mga kapwa Israelitang inaalipin.

Bahagi 4 ng 8

PAGPATAY AT PAGTAKAS

Maraming taon ang lumipas at si Moises ay binata na. Isang araw, nakita niya ang isang Ehipsyo na walang awang hinahampas ang isang aliping Hebreo. Sa kanyang galit sa kalupitang ito, kumilos siya sa sariling kaparaanan. Sa pag-aakalang walang nakatingin, pinatay niya ang Ehipsyo at inilibing ang bangkay nito sa buhanginan upang itago ang ebidensya.

Kinabukasan, nakita ni Moises ang dalawang aliping Hebreo na nag-aaway. Nang subukan niyang awatin sila, tinanong siya ng isa kung balak niya ring patayin ito tulad ng ginawa niya sa Ehipsyo. Agad na naisip ni Moises na kumalat na ang balita tungkol sa krimeng ginawa niya kahapon, bagay na ikinabahala niya.

Hindi nga nagtagal, pinahanap ng Paraon si Moises upang maghiganti para sa pagkamatay ng Ehipsyo. Subalit tumakas ang binata at nagtago sa disyerto.

Bahagi 5 ng 8

ANG NAGLILIYAB NA PALUMPONG

Malaki ang kaibahan ng buhay ni Moises sa disyerto sa naging pamumuhay niya bilang miyembro ng maharlikang pamilya ng Ehipto. Di naglaon, nakarating siya sa lupain ng Madian kung saan nagpahinga siya sa tabi ng isang balon.

Pagkaraan ng ilang sandali, dumating ang pitong anak na babae ng prinsipe at pari ng Madian upang mag-igib ng tubig para sa kawan ng kanilang ama. Maayos ang lahat nang biglang sumipot ang ilang bruskong pastol at pinaalis ang mga babae.

Niligtas sila ni Moises, pinalayas ang mga barumbado, at tinulungan sila sa kanilang gawain sa kawan ng ama. Nang malaman ito ng kanilang ama, inanyayahan nito ang binata para sa isang hapunan at ibinigay sa kanya ang anak na si Zipora bilang asawa.

Namuhay si Moises bilang isang pastol at nagkaroon ng pamilya kay Zipora. Sila'y kontentong namuhay sa loob ng maraming taon. Isang araw, habang inaalagaan niya ang kanyang mga tupa, napansin niya ang isang nagliliyab na palumpong. Ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan nito at inutusan siyang talikuran ang kanyang buhay sa ilang, bumalik sa Ehipto, at palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin.

Bahagi 6 ng 8

ANG PAGBABALIK SA EHIPTO

Nag-aalinlangan si Moises na tanggapin ang hamong ito dahil takot siya at nag-aalala para sa kanyang kakayahang makipag-usap sa Paraon. Para sa bagay na ito, pinayuhan siya ng Diyos na isama ang kanyang kapatid na si Aaron upang maging tagapagsalita. At tumungo na nga siya sa Ehipto kasama ng kanyang asawa at mga anak.

Sumama si Aaron sa kanilang paglalakbay. Nang makipagpulong sila sa mga nakatatandang Israelita sa Ehipto, nakuha nila ang kanilang suporta. Ngunit bigo sila sa kanilang pagdulog sa Paraon upang ipaalam na nais ng Diyos na palayain ang mga Israelita. Tumanggi ito at sinabing hindi niya kilala ang Diyos, hindi niya Ito susundin, at lalong hindi niya papayagang umalis ang mga Israelita.

Bilang pagsalansang sa kahilingang ito, iniutos ng Paraon na itigil ang pagbibigay ng mga dayami sa mga aliping Israelita para sa kanilang paggawa ng tisa. Napilitan tuloy ang mga aliping sila mismo ang manguha ng dayami habang sinisikap na maabot pa rin ang dating dami ng kanilang gawa. Nang hindi makayanang abutin ito, sinisi nila sina Moises at Aaron sa karagdagang pagpapahirap.

Bahagi 7 ng 8

ANG MGA SALOT AT ANG PAGTAKAS

Hindi nagpatinag sina Moises at Aaron. Nakiusap muli sila sa Paraon, ngayon ay may kasama nang pagpapamalas ng himala. Itinapon ni Moises ang kanyang tungkod sa lupa at ito'y naging ahas. Nagawa rin ito ng mga salamangkero ng Paraon ngunit sinakmal ng ahas ni Moises ang mga ito. Gayunpaman, hindi nagbago ang isip ang Paraon.

Sunud-sunod na salot ang dumating sa lupain ng Ehipto habang hinihiling ni Moises sa Paraon na palayain ang mga Israelita. Naging dugo ang Ilog Nilo; bumaba sa lupain ang mga palaka, niknik, at langaw; nangamatay ang kanilang mga alagang hayop; nagkaroon sila ng pigsa at inulan ng yelo; kinuyog sila ng mga balang at sinira ang kanilang mga pananim; at naging madilim ang buong lupain. Nagmatigas pa rin ang Paraon hanggang sa huling salot—ang kamatayan ng panganay na anak ng bawat pamilyang hindi nagpahid ng dugo ng tupang handog sa pintuan ng kanilang tahanan.

Nang mamatay ang kanyang sariling panganay, nagpaubaya na ang Paraon. Pinalaya na si Moises at ang kanyang mga kababayan. Pinabaunan niya sila ng mga regalo sa kanilang pag-alis.

Hindi nagtagal pagkaalis ng mga Israelita mula sa Ehipto, nagdalawang-isip ang Paraon. Tinipon niya ang kanyang mga hukbo upang habulin ang mga Israelitang nagkakampo sa tabi ng Dagat Pula. Itinaas ni Moises ang kanyang tungkod sa dagat at hinati ng Diyos ang tubig upang makatawid ang mga Israelita. Nang makahabol ang mga Ehipsyo, nilunod naman sila ng malalaking alon. Nakaligtas ang mga Israelita.

Bahagi 8 ng 8

PAMUMUNO SA ILANG

Sinubok si Moises sa kanyang pamumuno sa mga Israelita sa ilang. Ang mga ito ay matitigas ang ulo at walang utang na loob. Palagi silang nagrereklamo kahit ilang beses nang napatunayan ng Diyos na tutugunan Niya ang kanilang mga pangangailangan.

Kailangan ng mga Israelita ng malinaw at epektibong mga tagubilin. Matapos nilang madaig sa digmaan ang mga Amalekita, sila ay nagkampo sa tapat ng Bundok ng Sinai kung saan ibinigay ng Diyos kay Moises ang Sampung Utos na isinulat ng Kanyang sariling daliri sa dalawang tabletang bato.

Habang nasa bundok si Moises, gumawa ang mga Israelita ng isang gintong estatwa ng guya upang sambahin. Nang makabalik siya sa kampo at nakita ang ginagawa ng mga kababayan, nagalit si Moises at ibinagsak ang dalawang tabletang bato ng Sampung Utos.

Umakyat muli si Moises sa bundok upang ihingi ng tawad sa Diyos ang mga Israelita. Sa Kanyang utos, kinailangang gumawa ng Israelitang pinunong ito ng kapalit na tabletang bato ng Sampung Utos. Nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw kung saan siya'y nag-ayuno, nanalangin, at nakipag-usap sa Diyos. Nang siya'y bumaba sa bundok, nanginig sa takot ang mga tao dahil ang kanyang mukha ay may liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos.

Si Moises ay isang mahusay na lider na namatay habang pinapangunahan ang kanyang mga kababayan patungo sa Lupang Pangako, ang Canaan. Hanggang ngayon, pinararangalan ng mga Hudyo ang bayaning ito bilang "tagapagbigay ng batas ng Israel."

Ngayong alam mo na ang kuwento ni Moises, subukin ang iyong kaalaman tungkol sa kanya sa pamamagitan ng paglalaro ng Heroes. Pindutin ito upang idownload ito.

At dagdagan pa ang iyong kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat ng Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio sa Bibliya.