Walang matalinong tao, enkantador, salamangkero, o manghuhula ang makapagpaliwanag sa hari ng hiwagang kanyang itinanong, ngunit may Diyos sa langit na naghahayag ng mga misteryo. Ipinakita niya kay Haring Nabukodonosor kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
Daniel 2:27-28
Kwento ni Daniel, Ang Matalinong Propeta
OKUPASYON
GOBERNADOR, BISYONARYO
Kwento ni Daniel, Ang Matalinong Propeta
Panahon
Mga Propeta at mga Hari
Kwento ni Daniel, Ang Matalinong Propeta
Antas
ANTAS 49
Estratehiya
Kilalanin pa si Daniel sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat niya sa Bibliya.
Kwento ni Daniel, Ang Matalinong Propeta
OKUPASYON
GOBERNADOR, BISYONARYO
Kwento ni Daniel, Ang Matalinong Propeta
Panahon
Mga Propeta at mga Hari
Kwento ni Daniel, Ang Matalinong Propeta
Antas
ANTAS 49
Estratehiya
Kilalanin pa si Daniel sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat niya sa Bibliya.
Kwento
Bahagi 1 ng 8

NABIHAG

Nasubok si Daniel sa edad na labimpito. Lumaki sa angkan ng mga maharlikang Hudyo, ang binatang ito ay dinakip at puwersahang dinala mula sa kanyang nasakop na lungsod, ang Herusalem, patungo sa bansa ng Babilonya kung saan namumuno si Haring Nabukodonosor.

Sa kanyang pagdating sa Babilonya, si Daniel, tatlo sa kanyang mga kaibigan, at iba pang mga kabataang mula sa maharlikang pamilya ng mga Hudyo, ay sinanay sa mga kaugalian ng palasyo. Ang pagsasanay na ito ay tumagal nang tatlong taon. Ang makapapasa sa pagsasanay ay maglilingkod sa palasyo ni Haring Nabukodonosor.

Nagsimula ang pagsubok nang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay inalok ng pagkain at inumin ng palasyo ngunit tumangging kainin at inumin ang mga ito. Lumaking mga Hudyo, hindi nila magagawang punan ang kanilang mga katawan ng magarbo at maruming pagkaing inihahain sa mga diyus-diyosan.

Bahagi 2 ng 8

ANG MALAKING TANONG

Humiling si Daniel na siya at ang kanyang mga kaibigan ay iliban sa pagkain ng mga ito. Sa halip ay humingi siya ng simpleng pagkaing binubuo ng gulay at tubig. Ang kahilingang ito ay tinanggihan ng opisyal na namamahala sa kanila sa pangambang siya'y papatayin kung papayagan niya silang sumuway sa diyetang habilin ng palasyo. Ngunit nagpumilit si Daniel na payagan siya sa kanyang mungkahi sa loob ng sampung araw. Pagkaraan nito, ikukumpara ang kanilang kalusugan sa kanilang mga kasamahang kumakain ng masaganang pagkain ng palasyo.

Pagkaraan ng sampung araw, si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay ikinumpara sa iba pang mga nagsasanay. Nang makitang mas malulusog, pinahintulutan na silang magpatuloy sa kanilang diyeta para sa natitirang mga araw ng pagsasanay.

Sa pagtatapos ng tatlong taong pagtuturo, si Haring Nabukodonosor na mismo ang sumubok ng bawat isa sa mga nagsasanay at nasumpungang si Daniel at ang kaniyang tatlong kaibigan ay sampung ulit na mas mahusay kaysa sa kanilang mga kasamahan.

Bahagi 3 ng 8

BANGUNGOT NG HARI

Isang gabi, nagkaroon ng panaginip si Haring Nabukodonosor na lubhang nakagambala sa kanyang paggising. Wala siyang maalalang detalye nito kaya ipinatawag niya ang kaniyang matatalinong tauhan upang ipaliwanag sa kanya ang panaginip at ang kahulugan nito.

Hindi ito maipaliwanag ng mga pantas, na lubos na ikinagalit ng hari. Dahil dito, ipinag-utos niyang ipapatay silang lahat. Malungkot na balita naman ito para kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan dahil sila'y mga bagong itinalaga lamang sa kaharian.

Tumungo sa kaharian si Daniel at ipinaalam sa haring kayang ipakita sa kanya ng Diyos ang panaginip nito. At iyon nga ang nangyari. Matapos malaman ang panaginip sa tulong ng Diyos, ipinaliwanag na niya sa haring ito'y nanaginip ng malaking rebulto. Ang mga bahagi ng katawan nito ay kumakatawan sa iba-ibang kahariang uusbong sa iba-ibang kapanahunan sa hinaharap.

Bahagi 4 ng 8

ANG HULA SA PANAGINIP

Ipinaliwanag ni Daniel na ang ulong ginto ng estatwa ay kumakatawan sa kaharian ni Nabukodonosor, ang Babilonya. Maghahari ito sa buong mundo mula 612 hanggang 539 BC. Ang dibdib at mga brasong pilak naman ay kumakatawan sa Medo-Persya, ang maghahari mula 539 hanggang 331 BC.

Ang tiyan at mga hitang yari sa tanso ay sumisimbolo sa isa pang dakilang kapangyarihan, ang Gresya, na mamumuno mula 331 hanggang 168 BC. Ang mga bakal na paa naman ay sumasagisag sa Roma, ang imperyong sasakop sa mga Griyego sa 168 BC at magpapatakbo ng mundo hanggang sa pagbagsak nito sa 476 AD.

Ang estatwa ay mayroon ding mga paa na gawa sa bakal at luwad (na kumakatawan sa mga nahahati na kaharian ng Europa na hindi kailanman nakamit ang pagkakaisa.) Sa dulo ng panaginip isang bato, na sumasagisag sa walang hanggang kaharian ng Diyos, ang nagwasak sa rebulto at nagpatuloy na magtiis magpakailanman.

Ang tagumpay ni Daniel sa pagpapaliwanag ng panaginip na iyon ay naging daan upang mapalaya ang mga pantas ng hari. At dahil nakuha niya ang loob ng hari, siya'y hinirang na gobernador ng buong lalawigan ng Babilonya.

Bahagi 5 ng 8

HARING NAGING HAYOP

Sa ibang panahon, nanaginip muli si Haring Nabukodonosor at muling kumunsulta kay Daniel. Sa panaginip na ito ay may isang malaking punong sa kabila ng kahanga-hangang hitsura nito ay pinutol at naiwan lamang ang tuod.

May pag-aatubili man, ipinaliwanag pa rin ni Daniel na ang punungkahoy ay kumakatawan sa hari, at siya'y babagsak at magiging kasama ng mababangis na hayop. Mananatili ito sa ganitong kalagayan hanggang sa handa na siyang tanggaping wala nang ibang mas dakila kaysa sa Diyos.

Ang pitong taong pagdurusa ni Haring Nabukodonosor ay nagsimula nang itaas niya ang kanyang sarili dahil sa tagumpay ng Babilonya sa kabila ng babala ni Daniel. Sa loob ng pitong taon, nanirahan siyang kasama ng mababangis na hayop at dumanas ng labis na pagkabaliw. Ang kanyang buhok ay naging kasinghaba ng balahibo ng agila at ang mga kuko sa kanyang mga kamay at paa ay naging kasintulis ng mga kuko ng isang mabangis na ibon.

Nagwakas ang pamumuhay ng hari sa ilang nang kinilala na niyang ang Diyos ay nakahihigit sa sinumang hari at nagawang "ibaba ang mga lumalakad sa kapalaluan."

Bahagi 6 ng 8

SULAT SA PADER

Maraming hari ang nasaksihan ni Daniel sa haba ng panahon ng kanyang paglilingkod sa Babilonya. Isa na rito ang apo ni Haring Nabukodonosor na si Belsazar. Minsan ay nagdaos siya ng isang marangyang salu-salo para sa isang libo niyang tagapamahala. Ang mga pinggang ginto at pilak, na kinuha mula sa dating templo ng Herusalem, ay ginamit upang maghain ng mga pampalamig. Maya-maya, lumitaw ang isang misteryosong kamay na may daliring sumusulat sa dingding ng palasyo.

Dahil sa takot, agad na sumang-ayon ang hari sa mungkahi ng reynang ipatawag si Daniel upang bigyang-kahulugan ang sulat sa pader. Ipinagtapat ni Daniel kay Belsazar na hindi nito isinaalang-alang ang aral ng pagpapakumbabang natutuhan ng ama niyang si Nabukodonosor. Dinungisan niya ang mga sagradong sisidlan ng templo at sinamba ang walang kabuluhan at walang buhay na mga bagay sa halip na ang tunay na Diyos.

Binigyang-kahulugan ni Daniel ang mga salitang Hebreong Mene, Tekel, at Parsin. Ang 'Mene' ay nangangahulugang binilang na ng Diyos ang mga araw ng kaharian ni Belsazar at wawakasan na ito. Ang 'Tekel' naman ay nagpapahiwatig na ang hari ay hindi natagpuang karapat-dapat o mapagpakumbabang pinuno. At ang 'Peres' naman, isahang anyo ng Parsin, ay nagsasabing babagsak ang Babilonya at mahahati sa pagitan ng mga Medes at Persyano.

Bahagi 7 ng 8

BAGONG HARI

Di nagtagal matapos ihatid ni Daniel ang mabigat na mensaheng iyon, sinalakay ni Haring Dario, na isang Medo, ang Babilonya. Si Belsazar ay pinatay nang gabing iyon.

Ipinagpatuloy ni Daniel ang nakagawiang sipag at katapatan sa paglilingkod ngayong si Dario na ang bagong hari. Ang kaniyang mataas na katayuan at ang respeto sa kanya ng hari ay kinainggitan ng ibang mga opisyal. Dahil dito, gumawa sila ng paraang mapatalsik siya. Kinumbinsi nila ang haring gumawa ng batas na nagsasabing walang sinuman ang maaaring sumamba sa ibang diyos maliban sa kanya mismo.

Ang sinumang hindi sumunod sa batas ay ipapatapon sa mga lungga ng mga leon upang lamunin ng mga ito. Malungkot na balita ito para kay Daniel na kilala sa Babilonya sa pananalangin nang tatlong beses araw-araw. Gayunpaman, nanatili siyang tapat sa pananampalataya at nagpatuloy sa kanyang gawi. Nang siya'y arestuhin at litisin na, labis na nalungkot si Haring Darius na ngayon lamang napagtanto ang mapanlinlang na pakana ng kanyang mga opisyal.

Bahagi 8 ng 8

LUNGGA NG MGA LEON

Bago ipatapon si Daniel sa yungib ng mga leon, nanalangin ang hari sa Diyos ng binata, humihiling na siya'y protektahan. Pagkaraan ng isang gabing walang tulog, ang hari ay nagmadaling pumunta sa yungib upang siyasatin kung nakaligtas ang kanyang tapat na tagapayo.

Himala, si Daniel ay naligtas! Ibinalita niya sa haring itinikom ng Diyos ang mga bibig ng mga leon. Tuwang-tuwa si Dario nang matuklasang nakaligtas ang kanyang tapat na lingkod mula sa kakila-kilabot na pagsubok na iyon at agad siyang pinaahon mula sa hukay. Bilang kaparusahan sa mga nag-akusa kay Daniel, ipinag-utos ng haring sila ang ipatapon sa yungib ng mga leon kung saan sila ay agad na nilamon. Pagkatapos ay nagpalabas siya ng isang utos na nagpapahayag na ang Diyos ni Daniel ang dapat sambahin.

Si Daniel ay tapat na naglingkod sa mga pinuno at mga tao sa kanyang panahon. Marahil ang kanyang pinakamalaking kontribusyon ay ang pananaw na ibinigay niya sa mga kaganapan sa hinaharap. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay-kahulugan sa mga mensahe ng Diyos at paglalahad ng mga pangitain at panaginip na ibinigay Niya sa kanya.

Ngayong alam mo na ang kwento ni Daniel, subukin ang iyong kaalaman tungkol sa kanya sa pamamagitan ng paglalaro ng Heroes.
Pindutin ito para idownload ang laro.

Para sa karagdagang kaalaman, basahin din ang aklat ni Daniel sa Bibliya.