Si Dabid ay isang matapang na binata. Sa simula pa lamang, siya'y may dugong mandirigma na. Ngunit bago pa man siya nakapatay ng higante at nakipagdigmaan, siya ay isang pastol na handang lusubin ang anumang hayop na nagtatangkang atakihin ang kanyang mga tupa.
Nang bumisita si Propeta Samuel sa pamilya ni Dabid upang hanapin at pahiran ng langis ang susunod na hihiranging hari ng Israel, di sumagi sa isip ni Jesse, ama ng binata, na siya'y tawagin mula sa pastulan dahil sigurado siyang ang hihiranging pinuno ay magmumula sa kanyang mga nakatatandang anak. Magkakainteres nga naman ba ang propeta kay Dabid?
Ngunit si Dabid ay espesyal sa simula pa lamang. Sinikap ni Samuel na makilala ito. Nang matagpuan, pinahiran niya ito ng langis sa ulo—kumpirmasyon na ang binatang ito ay nakatadhana para sa magandang kinabukasan.
Isang laban ang naging daan para magkaroon si Dabid ng mahalagang ambag sa kasaysayan. Si Goliat, isang higanteng Pilisteo, ay apat na araw nang nanghahamon sa mga sundalong Israelita upang makipagtuos sa kanya. Isang araw, nagdala si Dabid ng pagkain para sa mga nakatatandang kapatid na kasama sa listahan ng mga sundalong ilalaban sa higante.
Nang marinig ni Dabid ang panghahamon ni Goliat sa mga sundalong Israelita, nagprisinta siyang tanggapin ito para makipagtuos sa kanya.
Nang malaman ito ni Haring Saul, nagdalawang-isip siyang payagan si Dabid. Ngunit determinado ang binata. Tinanggihan niya ang alok na magsuot ng baluti at magdala ng espada. Sa halip, pinili niyang harapin si Goliat gamit lamang ang tirador at limang bato.
Pinaikot na ng binata ang kanyang tirador at tinira sa noo ng kalaban. Isang bato lamang ang kinailangan upang mapatumba ang higante. Agad niyang hinugot ang espada nito para pugutan ito ng ulo. Sa kanilang takot, tumakas ang mga sundalong Pilisteo.
Maaaring iniisip mong sa pagkapanalong ito ni Dabid ay magiging kaibigan siya ni Haring Saul. Ngunit hindi, kahit pa ibinigay niya sa binata ang kanyang anak na babae bilang asawa (kapalit ng mga tinuling balat ng mga Pilisteong pinaslang ni Dabid sa isa sa mga digmaang kanyang kinabilangan). Kinamuhian pa ng hari ang unti-unting pag-usbong ng katanyagan ng binata bilang pinuno ng hukbong Israelita. Dahil sa karisma at likas na kakayahan nito sa pamumuno, naging bayani siya ng Israel—bagay na lubhang ikinatakot ng hari.
Ang balita tungkol sa tagumpay ni Dabid laban kay Goliat ay kumalat na parang apoy. Habang tinatamasa niya ang sunud-sunod na tagumpay sa pakikibaka, ang mga kababaihan ng Israel ay nagsimulang umawit, "Pumatay si Saul ng libu-libo, si Dabid nama'y sampu-sampung libo." Lalo itong ikinagalit ng naiinggit na si Saul. Isang araw, habang tumutugtog ng alpa ang binata upang aliwin ang hari, inihagis ni Saul ang kanyang sibat sa binata sa pagtatangkang patayin siya.
Sa tulong ng anak ni Saul at ng matalik na kaibigan ni Dabid na si Jonatan, nalaman ng binatang tila hindi huhupa ang galit sa kanya ng hari kung kaya't nagtago na siya.
Ilang taong hinanap ni Haring Saul si Dabid. Minsan, nagpapahinga ang hari sa mismong kwebang pinagtataguan ng binata. Lumapit ito at tinapyasan ang damit ng hari.
Maya-maya, nagising si Saul. Habang palabas siya ng kweba, tinawag siya ni Dabid at ipinakita ang tinapyas na piraso ng kanyang palda. Nabagabag ang hari dahil hindi siya sinaktan ng binata at sa halip ay nag-alok pang magkasundo silang dalawa. Ngunit hindi naman nakamit ang kapayapaang ito.
Maraming tao ang tumulong kay Dabid sa kanyang pagtakas mula kay Saul. Ngunit hindi kabilang dito si Nabal, isang mayaman at makapangyarihang tao. Ininsulto nito ang binata sa pamamagitan ng pagtangging bigyan siya ng anumang kagamitan.
Sa kanyang galit, naghanda si Dabid ng apatnaraang sundalo upang sugurin si Nabal. Ngunit sinalubong siya ni Abigail, asawa ni Nabal, kasama ng kanyang mga lingkod upang maghatid ng ilang panustos sa pangangailangan. Nagmakaawa siya kay Dabid na tanggapin ang mga ito at huwag patayin si Nabal.
Humanga si Dabid sa ginawa ni Abigail. Pinakita niya sa kanya ang paggalang na nararapat para sa susunod na hihiranging hari. Kaya naman hindi na itinuloy ni Dabid ang pagpatay kay Nabal at pinauwi na si Abigail. Nang ikwento ito ni Abigail sa kanyang asawa, natakot at namatay ito. Itinuturing itong parusa ng Diyos sa naturang hari. Pagkatapos nito, hiniling ni Dabid na maging asawa si Abigail at sila nga ay ikinasal.
Sa pagkamatay ni Saul sa digmaan, si Dabid ang pumalit na hari. Sa kanyang pamumuno, nasakop ng Israel ang Herusalem. Naibalik niya ang kaban ng tipan at itinatag na ang kanyang kaharian.
Habang nasa bubong ng kanyang palasyo isang araw, nasilayan ni Haring Dabid ang isang magandang babaeng naliligo. Agad siyang naakit at ipinatawag ang babaeng itong nagngangalang Batsheba sa kanyang palasyo. At doon ay nagtalik sila.
Kinalaunan, nagpadala si Batsheba, na kasal na, ng mensahe kay Dabid na siya ay nagdadalang-tao. Sa pagtatangkang itago ang nangyari sa kanilang dalawa, pinauwi ni Dabid si Uria, asawa ni Batsheba na dating nagsisilbi sa kanyang hukbo.
Sa kabila ng pagpapatuloy at pakikipaglasingan ni Dabid kay Uria, hindi niya ito nakumbinsing umuwi upang matulog kasama ni Batsheba. Bilang tapat sa kanyang tungkulin, hindi niya magawang magpakasarap habang ang kanyang mga kamandirigma ay nasa gitna ng giyera.
Nagbago ang isip ni Dabid. Sa halip na ipagtalik si Uria kay Batsheba, pinabalik niya ito sa giyera at iniutos na ilagay siya sa delikadong posisyon, dahilan upang siya'y mamatay.
Ang alaala ng pangangalunya, panlilinlang, at pagpatay ay bumagabag kay Dabid nang, sa pagkamatay ni Uria, kunin niya si Batsheba bilang kanyang asawa.
Hindi nasiyahan ang Diyos sa ginawa ni Dabid kaya ipinadala Niya si Propeta Natan upang turuan ito ng liksyon. Ibinahagi sa kanya ng propeta ang kuwento ng isang mayamang lalaking kinuha ang nag-iisang tupa ng isang mahirap na lalaki upang patayin at gawing ulam para sa kanyang bisita. Nainis si Dabid sa kwentong ito at sinabing dapat mamatay ang mayamang taong iyon dahil sa kanyang ginawa. Pinangaralan siya ng propeta ukol sa kanyang ginawa laban kay Uria, at ipinagtapat sa kanyang siya ang kumakatawan sa mayamang tao sa kuwento.
Bilang parusa sa kanyang kasalanan, namatay ang sanggol na ipinanganak nina Dabid at Batsheba dahil sa sakit. Bukod pa rito, hindi siya pinahintulutan ng Diyos na magtayo ng isang templo sa Jerusalem.
Upang dagdagan pa ang sakit ng sugat, sinubukan ng sariling anak ni Dabid na si Absalom na pabagsakin ang kanyang ama mula sa trono. Umalis si Dabid sa Jerusalem upang tumakas mula sa anak. Ngunit hindi siya nakabalik sa Jerusalem hanggang sa masawi si Absalom sa isang labanan.
Malungkot na umuwi sa Herusalem si Dabid. Patuloy siyang namuno sa Israel at itinalaga ang kanyang anak na si Solomon upang humalili sa kanyang trono bago siya namatay sa edad na pitumpu pagkaraan ng apatnapung taon ng pamumuno.
Sa kabila ng kanyang mga pagkukulang, si Dabid ay itinuring ng Diyos na taong sumusunod sa Kanyang kagustuhan. Sa bawat pagkakamali, nagsisi siya sa kanyang kasalanan at bumalik sa Kanya. Nakatala ang marami sa magaganda at malulungkot na bahagi ng kanyang buhay sa aklat ng Mga Awit. Inilalarawan siya ng Bibliya bilang isang huwarang hari at si Hesus mismo ay nagmula sa kanyang lahi.
Pinarangalan ng Diyos ang katapatan ni Rut sa kanyang pamilya at ang kanyang kahandaang maglingkod. Kahit na dayuhan, naging ninuno siya ni Haring Dabid.
Tulad ng pagmamalupit ni Potifar kay Jose, paulit-ulit na tinangka ni Saul na patayin si Dabid kahit na wala itong kasalanan. Ngunit tinulungan ng Diyos sina Jose at Dabid sa kanilang pamumuno sa panahon ng kahirapan.
Tulad ni Moises, si Dabid ay nagtagumpay sa pagpapalaya ng bayan ng Diyos. Pareho nilang naitaguyod ang Israel mula sa mga kaaway nito.
Heroes Bible Trivia Quiz: 12 Questions About King David
Maging una lagi sa mga updeyt tungkol sa app ng Heroes, mga kaganapan, at iba pa.
Karapatang-ari ©2023 General Conference Corporation of Seventh-day Adventists. Lahat ng karapatan ay nakalaan. | Patakaran ng Praybasi |