Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos.
Rut 1:16
Kwento ni Rut, Ang Matalinong Balo
OKUPASYON
MAMUMULOT NG BUTIL, MAYBAHAY
Kwento ni Rut, Ang Matalinong Balo
Panahon
MGA PATRIARKA AT MGA PROPETA
Kwento ni Rut, Ang Matalinong Balo
Antas
ANTAS 28
Estratehiya
Upang makilala pa siya nang lubusan, basahin ang aklat ng Rut sa Bibliya.
Kwento ni Rut, Ang Matalinong Balo
OKUPASYON
MAMUMULOT NG BUTIL, MAYBAHAY
Kwento ni Rut, Ang Matalinong Balo
Panahon
MGA PATRIARKA AT MGA PROPETA
Kwento ni Rut, Ang Matalinong Balo
Antas
ANTAS 28
Estratehiya
Upang makilala pa siya nang lubusan, basahin ang aklat ng Rut sa Bibliya.
Kwento
Bahagi 1 ng 8

MASAKLAP NA SIMULA

Mahirap ang kalagayan ni Rut sa Moab nang mamatay ang kanyang asawang si Mahlon matapos ang sampung taong mag-asawa sila. Noong panahon ito, ang mga kababaihan ay walang trabaho at umaasa lamang sa pinansyal na suporta mula sa mga kalalakihan. Bilang balong walang anak, walang sinumang tutustos sa kanya kundi ang kabutihang-loob ng mga estranghero kung walang kamag-anak na tutulong sa kanya. Siya ay kabilang sa pinakamababang uri ng lipunan.

Sumama si Rut sa isang taong mas mahirap pa sa kanya—ang kanyang biyenang si Naomi. Nabalo si Naomi dahil pawang nangamatay ang kanyang asawa at dalawang anak na lalaki. Walang kamag-anak sa Moab na tutulong sa kanya at lampas na rin siya sa tamang edad para mag-asawa. Desperado at kaawa-awa ang sitwasyon, siya'y nagpasyang bumalik sa kanyang bayan, ang Israel. Pinakita ni Rut ang kanyang katapatan at pagmamahal sa kanyang biyenan sa pamamagitan ng pagtangging iwan ito sa ganitong kahabag-habag na kalagayan.

Bahagi 2 ng 8

HUWAG KAILANMAN MAGPAALAM

Maaaring manatili si Rut sa kanyang sariling bansang Moab, kasama ang kanyang pamilya para sumuporta sa kanya. Nasa edad pa siya para makapag-asawang muli at maaaring magkaroon ng kahit kaunting pananalapi ngunit ninais niyang tulungan si Naomi kahit kapalit nito ang kanyang pagmamahal sa sariling bansa, mga kaibigan, pamilya, kultura, at mga diyos.

Tila nagbigay ng isa sa pinakamagagandang talumpati si Rut tungkol sa katapatan at pagmamahal nang makiusap siya kay Naomi: "Huwag ninyo akong piliting iwan kayo, dahil kung saan kayo pupunta, doon din ako pupunta, at kung saan kayo titira, doon din ako titira. Ang mga kababayan nyo ay magiging kababayan ko rin, at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin. Kung saan kayo mamamatay, doon din ako mamamatay at ililibing. Parusahan nawa ako ng Panginoon nang mabigat kapag humiwalay ako sa inyo, maliban na lang kung ang kamatayan na ang maghihiwalay sa ating dalawa."

Bahagi 3 ng 8

WALANG PERA

Naglakbay sina Rut at Naomi patungong Betlehem, ang bayan ni Naomi sa Israel. Nadatnan nila roon ang simula ng pag-aani ng sebada. Bilang mga balong nagmula sa kahirapan, sila ay umaasa sa kabutihan ng iba para may makain. Dahil dito, nagsikap si Rut na magtrabaho sa bukid upang may makain.

Ayon sa Levitico 19:9-10, ang mga magsasaka sa Israel ay binibilinang mag-iwan ng bahagi ng tanimang hindi aanihin. Kung may mahulog na palumpong ng butil, iiwan lamang ito sa lupa upang pulutin ng mahihirap. Si Rut ay nagsimulang magpulot ng mga ito sa bukid ni Boaz, na nangyari pang kamag-anak ni Naomi. Ang pag-aani, lalo na ang pagpupulot ng mga nalaglag na butil, ay mainit, maalikabok, at nakapapagod, ngunit nagsipag si Rut mula umaga hanggang hapon kaya napansin siya ng tagapangasiwa.

Bahagi 4 ng 8

TANIMAN NG MGA BUTIL

Isang araw, habang nag-iikot si Boaz sa kanyang bukid, napansin niya si Rut. Pinakitaan niya ang dalaga ng kabaitan. Nangako siyang poprotektahan ito, pinayagang uminom ng tubig mula sa banga ng kanyang mga manggagawa, binigyan ng tanghalian, pinayagang mag-ani sa pagitan ng mga gilid ng palay, at binilinang mag-iwan ng sobrang bigas para sa kanya. Lahat ito ay dahil sa nabalitaan ni Boaz ang katapatan ni Rut kay Naomi. Sa pamamagitan ng pagpapagal sa kanyang trabaho at kabaitan ni Boaz, nakapag-uwi si Rut ng punung-punong basket ng bigas na sapat na para sa ilang araw na pagkain.

Si Boaz ay tagapagtanggol nina Naomi at Rut, ngunit mayroong isang kamag-anak na mas malapit pa sa kanila. Hindi maaaring magpakasal si Boaz kay Rut hangga't hindi ito pumapayag na ibigay sa kanya ang kanyang karapatan sa dalaga.

Bahagi 5 ng 8

PAGTATAMBAL

Alam ni Naomi na mas maaalagaan si Rut kung siya ay mag-aasawa kaya inalok niya itong ipakasal kay Boaz. Dahil si Boaz ang kinikilalang tagapangalaga ng pamilya ni Elimelech (ang yumaong asawa ni Naomi at ama ng asawa ni Rut), may karapatan si Rut na lumapit sa kanya upang pakasalan siya nang maipagpatuloy ang lahi ni Elimelech.

Tinulungan ni Naomi si Rut sa paghiling ng pagpapakasal kay Boaz. Matapos ang anihan, giniik na ng binata ang kanyang mga pananim. Batid na ng lahat na may nagnanakaw ng mga ani kaya inaasahan din ni Naomi na si Boaz ay laging matutulog sa kanyang taniman upang bantayan ang mga trigo. Inutusan ni Naomi si Rut na tumungo roon ngunit huwag magpapakita sa binata hanggang sa matapos itong kumain at uminom.

Bahagi 6 ng 8

PAG-IIBIGAN

Sinabihan ni Naomi si Rut na tandaan kung saan matutulog si Boaz at dahan-dahang humiga sa mga paa nito. Sa panahong ito, ang gawaing ito ay nangangahulugan ng pagpapasakop.

Noong hatinggabi, nagising si Boaz at nagulat nang makita ang isang babaeng nakahiga sa kanyang mga paa. Sa pagpapakilalang siya'y tagapaglingkod nito, mapagpakumbaba at malakas ang loob, ngunit hindi sa paraang malaswa, na inilapit ni Rut ang kanyang kahilingang pakasalan siya: "Si Rut, ang inyong lingkod. Isa kayong kamag-anak na malapit kaya dapat ninyo akong kalingain at pakasalan." Ang pahayag na ito ay isang makatuturang paraan upang sabihing, "Ako ay balo; pakasalan mo ako."

Humanga si Boaz sa kagandahang-asal ni Rut kung kaya't pumayag ito, ngunit mayroon pang isang pagsubok.

Bahagi 7 ng 8

MAGKAKAMAG-ANAK SILANG LAHAT

Si Boaz ay tagapagtanggol nina Naomi at Rut ngunit mayroong isang kamag-anak na mas malapit pa sa kanila. Hindi maaaring magpakasal si Boaz kay Rut hanggat hindi pumapayag ang kamag-anak na itong ibigay sa kanya ang kanyang karapatan sa dalaga.

Noong araw ding iyon, pumunta si Boaz sa pintuan ng syudad, nagtawag ng sampung saksi, at nakipagkita sa taong ito. Sa simula, pumayag ang kamag-anak na itong bilhin ang isang bahagi ng lupaing dati nang pagmamay-ari ng asawa ni Naomi. Halos nawalan na ng pag-asa ang lahat hanggang sa binanggit ni Boaz na bukod sa pagbili ng lupa, dapat din niyang pakasalan si Rut at magkaanak sa kanya upang maipagpatuloy ang angkan ni Elimelech. Nagbago ang isip ng kamag-anak dahil ayaw niyang ikompromiso ang kanyang sariling mana at lupain. Nagtanggal siya ng kanyang sandalya at ibinigay kay Boaz, isang kaugaliang nagpapatibay ng mga usapin sa pagbabalik ng inilaan at pagpapalitan. Pagkatapos nito, binasbasan ng mga saksi ang kasal nina Rut at Boaz.

Bahagi 8 ng 8

LAHI NG MGA MAHARLIKA

Isang pagpapala para kay Naomi ang pagsasama nina Rut at Boaz lalo pa nang isilang nila ang kanilang anak na si Obed. Kahit na isa siyang ganap na dayuhan, si Rut ang naging ninuno ng pinakadakilang hari ng Israel. Si Obed naman ang ama ni Jesse, na siya namang ama ni Haring Dabid. Sa angkan ni Dabid dumating ang Mesiyas.

Dahil sa kanyang di-matatawarang katapatan, kakaibang determinasyon, at walang pag-iimbot na paglilingkod, si Rut ay hindi lamang nakatulong sa kanyang pamilya ngunit naging mahalagang bahagi rin ng talaangkanan ng pinakadakilang Bayani sa Bibliya—si Hesukristo, ang Anak ng Diyos.

Ngayong alam mo na ang kuwento ni Rut, subukin ang iyong kaalaman tungkol sa kanya sa pamamagitan ng paglalaro ng Heroes. At basahin ang kanyang aklat sa Bibliya para sa karagdagang kaalaman.
Pindutin ito para idownload ang laro.