Si Elohim, bilang bayani ng Bibliya, ay natatangi sa Kanyang uri. Siya ang Dakilang Diyos ng kalawakan. Ang Elohim ay isa sa maraming katawagan para sa Diyos ayon sa Hebreong Bibliya Ito ay nangangahulugang "Supreme One" o "Mighty One." Ito ay pangalang nagpapakita ng dakilang kapangyarihan ng Diyos.
Ang likas ni Elohim ay hindi abot ng ating pag-unawa. Ipinakikita sa Job 36:26 na ang Diyos ay nasa ibang dimensyon. Bilang mga tao, hindi natin kayang lurukin ito. "Pagkat sino ba ang nakaalam na ng pag-iisip ng Panginoon? O sino na ba ang naging tagapayo Niya?" tanong ni Apostol Pablo (Roma 11:34). Maliwanag na higit ang kaisipan ni Elohim kaysa kaisipan ng mga tao.
Ngunit hindi ibig sabihin nito ay titigil na tayo sa pag-unawa at pagkilala sa Diyos. Hindi lamang Kanyang kadiosan ang nais Niyang kilalanin natin. Siya ay isang misteryo ngunit nais din Niyang magkaroon tayo ng relasyon sa Kanya. Bakit? Mahal Niya tayo bilang mga anak Niya.
Nasa unahan ng lahat ang Diyos. Mahirap unawain ngunit totoo ito. Dahil dito, Siya ay iba sa lahat ng bagay. Hindi ito nangangahulugang Siya ay walang katauhan. Ibig sabihin lamang nito ay Siya ang namamahala sa lahat ng bagay. Hindi Siya limitado sa pantaong pagtingin ng panahon. Ang Diyos ay walang simula at wala ring wakas. Huwag mabahalang maunawaan ito nang lubusan; sadyang misteryo ito.
Dahil ang Diyos ay higit sa pantaong pananaw ng panahon, nakatutuwang malamang nais Niyang makilala natin Siya habambuhay. Dahil dito, karapat-dapat na purihin si Elohim at alalahanin ang magagandang bagay na Kanyang ginagawa para sa atin.
Si Elohim ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Siya ang lumikha ng kalikasan at bawat bagay na nabubuhay. Sa Genesis, ang unang aklat ng Bibliya, si Elohim ang unang nilalang na mababasa. Siya ang Manlilikha.
Nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay sa loob ng anim na araw, kabilang ang ating mga ninuno. Nilikha Niya sila ayon sa Kanyang likas. Ang katotohanang ito ay naglalarawan sa kung paano Niya tayo pinahahalagahan bilang Kanyang mga anak.
Matapos likhain ang mundo, nagpahinga si Elohim sa ikapitong araw ng linggo, Sabado, at ginawa itong isang banal na araw ng pahinga. Sa paraang ito, nagpakita Siya ng mabuting halimbawa ng kapahingahang dapat tularan ng mga tao. Ito ay nagbibigay sa atin ng lingguhang pagkakataong makapagpahinga sa pisikal na aspeto at makipag-ugnayan sa Kanya at sa ating pamilya at mga kaibigan.
May malalim na kahulugan ang misteryo ni Elohim. Isa Siyang Diyos ngunit may tatlong Persona. Ang salitang Elohim ay isang pangngalan, isa sa mga bahagi ng pananalita sa anyong maramihan. Ang tatlong personang bumubuo sa kadiosan ay ang mga sumusunod: Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Sila ay kilala rin bilang Trinidad at gumagawa nang sama-sama sa iisang layunin. Kung ikaw ay naguguluhan sa bagay na ito, huwag mabahala dahil tunay na mahirap itong lurukin.
Mahalaga mang pag-aralan ang Biblia at malaman ang likas ni Elohim, mahalaga ring malamang binabalot ito ng misteryo kung kaya't dapat itong igalang.
Walang ibang diyos bukod kay Elohim. At kung may ibang dios na sinasamba ang katauhan, ito ay huwad na diyos, isang idolo lamang. Sa Unang Utos, hindi pinahihintulutan ni Elohim ang pagsamba sa iba kundi Siya lamang. Ang Sampung Utos ay mga tagubiling ibinigay ni Elohim sa mga tao upang magkaroon sila ng mapayapa at maunlad na pamumuhay. Ang utos na ito laban sa pagsamba sa ibang mga diyos ay hindi lamang nangangahulugang hindi dapat lumuhod sa pisikal na mga imahen ng ibang diyos. Ito ay mas nakatuon sa kung sino ang iyong pinahahalagahan. Si Elohim dapat ang unahin sa lahat ng bagay. Kung hindi, sumasamba tayo sa anumang pinahahalagahan natin.
Upang makilala si Elohim, ang nag-iisang tunay na Diyos, mahalagang dumiretso sa Bibliya at hindi sa ibang mga sanggunian. Ang Bibliya ay naglalahad ng katotohanan at nilalayo tayo sa mga maling paniniwala at kaisipan.
Si Elohim ay perpekto. Mahal Niyang labis ang mga tao. Alam Niyang tayo'y hindi perpekto, at dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin, mahaba ang Kanyang pasensya sa atin. Kung saan ang tao ay maaaring sumuko na, sa bagay na iyon ay sadyang mahabagin at maawain pa rin ang Diyos.
Kahit na ang kasalanan ay nilalayo tayo kay Elohim, nananawagan pa rin Siya sa atin sa maraming paraan. Ang pag-unawa sa Bibliya ay isang paraan upang makilala Siya at ang mga paraang nakikipag-ugnayan Siya sa atin. Nais Niyang ipabatid na hindi Siya isang malayo at galit na Diyos na handang ikondena ang lahat ng ating pagkakamali. Sa halip, nauunawaan ng Diyos ang mga pinagdadaanan natin at inaanyayahan tayong tanggapin ang Kanyang pagmamahal at kapangyarihan upang mamuhay nang maayos.
Pinakamainam na naipahayag ang pag-ibig ni Elohim sa atin sa pamamagitan ng Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng Diyos Anak. Sa pagpapakita ng pagmamahal at kababaang-loob, napabilang sa atin si Elohim sa pamamagitan ng buhay ni Hesus, na Diyos Anak sa pisikal na anyo. Higit sa lahat, ito ay nagpapakita ng karakter Niya.
Ang Anak ng Diyos, sa anyo ni Hesus, ay namatay upang bayaran ang kaparusahan para sa kasalanan ng tao. Ipinahahayag ng sakripisyong ito na si Hesus ang dakilang Bayani, ang ating Manunubos. Ipinakikita rin nito ang kagustuhan ni Elohim na maisaayos ang nasirang relasyon ng sangkatauhan sa Kanya. Ginawa Niya ang bagay na kailanman ay hindi natin magagawa. Napanagumpayan Niya ang kamatayan sa pamamagitan ni Hesus.
Sa anyo ni Hesus, si Elohim ay namamagitan para sa atin sa langit. Sinisiguro ni Hesus na buhay Niya ang nakatala sa aklat ng buhay kapalit ng atin. Sa ganitong paraan, magiging karapat-dapat tayo maligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakripisyo ni Hesus para sa atin.
Gumamit si Hesus ng isang pangalan ni Elohim nang manawagan Siya sa Ama mula sa krus: "Eloi, Eloi, lama sabachthani?"—na nangangahulugang, "Aking Diyos, aking Diyos, bakit Mo ako pinabayaan?"
Ang kaligtasang ito ay hindi bagay na biglaang naisipan lamang ni Elohim. Pinlano na Niya ito "bago itinatag ang sanlibutan" upang iligtas ang sangkatauhan mula sa habambuhay na kamatayan (Efeso 1:4).
Pagkaraang mabuhay ni Hesus mula sa kamatayan, hindi tayo iniwan ni Elohim. Ipinadala Niya ang Banal na Espiritu, ang ikatlong Persona ng Diyos, upang maging Gabay natin sa araw-araw na pamumuhay.
Ginagabayan tayo ng Banal na Espiritu sa pagbabasa ng Bibliya. Kahit na mga tao lamang ang sumulat ng teksto, na ginagabayan din naman ng Diyos, nagsasalita sa atin si Elohim sa pamamagitan ng Banal na Espiritu upang magpahayag ng mga katotohanang hindi natin madidiskubre sa sarili nating kakayahan. Sa ganitong paraan, tayo ay nagagabayang mainam sa pag-aaral ng Bibliya, daan upang magkaroon ng magandang relasyon sa Diyos.
Si Elohim, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ay gumagawa ng bagay na hindi kayang gawin ng pansariling tulong ng tao: ang pagbago sa atin ayon sa Kanyang wangis sa paraang sinasalamin ang Kanyang pag-ibig at kahabagan. Si Elohim, na nagsalita sa mga propeta at mga manunulat ng Bibliya, at nagbigay ng kapangyarihan kay Hesus, ay tumutulong din sa ating abutin ang kasukdulan ng ating mga potensyal. Gusto Niyang makamit natin ang pinakamakakaya natin, hindi lamang bilang mga indibidwal kundi bilang pamilya ng mga mananampalataya.
Si Elohim, ang makapangyarihang Diyos, ay hindi iniwan sina Adan at Eba nang sila ay nagkasala. Sa halip, gumawa Siya ng planong iligtas sila.
Si Elohim ang nagbigay ng lakas ni Samson. Nakakalungkot, hindi palaging naaalala ito ni Samson.
Si Elohim ang nagbigay ng buhay at nagbigay ng lakas kay Jesus sa kanyang ministeryo sa mundo, upang magkaroon ng pagkakataong makasama siya nang walang hanggan ang bawat isa.
Maging una lagi sa mga updeyt tungkol sa app ng Heroes, mga kaganapan, at iba pa.
Karapatang-ari ©2023 General Conference Corporation of Seventh-day Adventists. Lahat ng karapatan ay nakalaan. | Patakaran ng Praybasi |