Si Jose ay lumaki bilang paboritong anak ng kanyang amang si Jakob. Siya ang panganay na anak ni Rakel, ang paboritong asawa ni Jakob, na pumanaw habang nanganganak sa pangalawang anak na si Benjamin. Bilang pagpapakita ng kanyang pagmamahal kay Jose, binigyan niya ito ng isang espesyal na kasuotang may maraming kulay. Kinamuhian naman ng kanyang sampung kapatid na lalaki ang espesyal na pagtrato sa kanya ng ama. Sila ay mga anak ni Leah na pinakasalan ni Jakob dahil sa panlilinlang ng kanilang amang si Laban. Nakalulungkot na hindi gaanong minahal ni Jakob si Leah tulad ng pagmamahal niya kay Rakel.
Lalo pang nakapagpagalit sa mga kapatid ni Jose ang kanyang mga kakaibang panaginip. Minsan ay nanaginip siya ng labing-isang bungkos ng trigo (ang kanyang mga kapatid), at ang mga ito'y yumukod sa kanyang bungkos. Sa isa pang panaginip, ang araw (ang kanyang ama), buwan (ang kanyang ina), at labing-isang bituin (ang kanyang mga kapatid) ay pawang lumuhod din sa kanya.
Dahil sa kanyang magandang kasuotan, espesyal na pagtrato, at mga pambihirang pangitain, si Jose ay di malilimutan ng kanyang mga kapatid.
Isang araw, ipinadala ni Jakob si Jose upang maghatid ng mga kagamitan sa kanyang mga kapatid na nagpapastol ng mga tupa sa malayong lugar. Nang matagpuan niya sila sa lugar na tinatawag na Dotan, ninais ng kanyang mga naiinggit na kapatid na patayin siya at itapon ang kanyang katawan sa isang balong walang laman. throw his body into an empty well.
Si Ruben, isa sa magkakapatid, ay nakiusap na sila'y magpigil at iminungkahing huwag patayin si Jose kundi itapon na lamang itong buhay sa balon. Palihim niyang binalak na iligtas ito at ibalik sa kanilang ama.
Sumang-ayon ang ibang mga kapatid at itinapon si Jose sa balon. Ngunit bago pa man siya mailigtas ni Ruben, ibinenta na siya ng kanyang ibang mga kapatid bilang alipin sa mga dumaraang mangangalakal patungong Ehipto. Nagpasiyang ipaliwanag ng magkakapatid ang pagkawala ni Jose sa kanilang ama sa pamamagitan ng pagpahid ng dugo ng kambing sa damit nito. Nang makita ito ni Jakob, labis siyang nagdalamhati sa paniniwalang patay na ang kanyang paboritong anak.
Samantala, si Jose na dating laki sa layaw at napakapribilehiyadong anak ay naging isang kaawa-awang aliping patungo sa isang dayuhang lupain.
Pagdating sa Ehipto, ipinagbili ng mga mangangalakal si Jose bilang alipin kay Potifar, ang kapitan ng hukbong tagapagtanggol ni Paraon. Ginawa ni Jose nang mabuti ang kanyang trabaho para sa kanya kaya't agad siyang itinalaga bilang pinuno ng buong sambahayan. Ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng ari-arian nito. Mukhang umaayon ang lahat ng bagay para kay Jose ngunit may isang miyembro ng sambahayan ni Potifar na nais bawiin mula sa kanya ang kanyang tagumpay.
Magandang lalaki si Jose at napansin ito ng asawa ng kanyang amo. Sa katunayan, nahumaling ito sa kanya kung kaya't ilang beses niyang tinangkang sipingan ito.
Tinanggihan ito ni Jose sa dahilang ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang amo ang lahat ng bagay sa sambahayan maliban sa kanyang asawa, at ang pakikipagsiping sa kanya ay kasalanan laban sa Diyos.
Ngunit hindi sumuko ang asawa ni Potifar. Isang araw, nahuli niya si Jose at sinunggaban ang balabal nito nang sinubukan nitong tumakas. Hawak ang nakuhang damit, isiniwalat niya sa mga tauhan ng sambahayan na sinubukan siyang halayin ni Jose.
Nang marinig ni Potifar ang mga paratang ng kanyang asawa laban kay Jose, wala siyang nagawa kundi ipabilanggo ito. Walang kasalanan si Jose kaya't umangat ang kanyang estado. Labis niyang napahanga ang bantay ng bilangguan kaya't ipinagkatiwala sa kanya ang pangangasiwa sa ibang mga preso.
Habang nasa bilangguan, binigyang-kahulugan ni Jose ang mga panaginip ng dalawang kapwa bilanggo: ang katiwala ng kopa ni Paraon at ang kanyang punong panadero. Ang panaginip ng katiwala ng kopa tungkol sa paghahain nya ng bagong pigang katas ng ubas kay Paraon ay nangangahulugang siya'y ibabalik sa kanyang dating posisyon sa kaharian. Para naman sa panaginip ng panadero kung saan kumakain ang mga ibon ng tinapay mula sa mga sisidlang inilaan para kay Paraon, sa kasamaang-palad, tumutukoy ito sa kanyang nalalapit na pagkabitay.
Nagkatotoo ang dalawang hula. Binitay ang panadero at kinain ng mga ibon ang kanyang bangkay, samantalang ibinalik ang katiwala ng kopa sa kanyang posisyon. Ngunit nakalulungkot na nakalimutan nito si Jose, na kakikitaan ng kawalan nya ng utang na loob sapagkat humiling ito sa kanya na ipetisyon kay Paraon ang kanyang paglaya.
Dalawang taon ang lumipas saka lamang naalala ng makakalimuting katiwala ng kopa na banggitin si Jose noong nagkaroon ng masamang panaginip ang Paraon. Nakapanaginip si Paraon ng pitong payat na bakang kumakain ng pitong matatabang baka, at pitong lantang uhay ng trigong kumakain ng pitong matatabang uhay. Nang hindi maipaliwanag ng mga opisyal ni Paraon ang panaginip, naalala ng katiwala ng kopa si Jose at kanyang iminungkahi ang pagsangguni rito.
Ibinunyag ni Jose kay Paraon na ang kanyang panaginip ay naghahayag ng pitong taong kasaganaan bago magkaroon ng pitong taong taggutom. Pinayuhan niya itong magplano nang maaga at maiging mag-imbak ng mga suplay ng trigo bilang paghahanda sa inaasahang taggutom pagkatapos ng pitong taon.
Ang interpretasyon ng panaginip, kasama ang mabuting payong natanggap niya, ay nagbigay ng malaking impresyon kay Paraon na nagpasiyang italaga si Jose bilang pangalawang pinuno ng Ehipto. Nagsimula nang mangasiwa si Jose sa pag-iimbak ng mga trigo bilang paghahanda sa malawakang taggutom. Sa edad na tatlumpu, nakamit ni Jose ang ikalawang pinakamakapangyarihang posisyon sa lupain.
Gaya ng hula ni Jose, pitong taon ng kasaganaan ang naganap at siya ang nangasiwa sa pagkolekta at pag-imbak ng trigo. Napakarami ng naipong trigo kung kaya't tila imposibleng makapagpanatili ng eksaktong imbentaryo ng mga ito.
Subalit humantong na sa kawakasan ang pitong taon ng kasaganaan at sumunod ang matinding taggutom. Hindi lamang ito sa Ehipto naranasan kundi sa buong mundo.
Pinapunta ni Paraon ang mga taga-Ehipto kay Jose upang bumili ng trigo mula sa imbakan. Kumalat ang balita sa ibang mga lugar na may pagkain sa Ehipto, at sa paglipas ng panahon, ipinadala ni Jakob ang kaniyang mga anak upang bumili ng trigo rito.
Kaya nama'y makalipas ang maraming taon, nagtagpo sina Jose, na ngayo'y gobernador ng Ehipto, at ang kaniyang mga taksil na kapatid. Hindi siya nakilala ng mga ito bagkus ay yumukod sila sa kanyang harapan. Nagkunwari si Jose na hindi sila nakilala.
Sinubok ni Jose ang kanyang mga kapatid sa pamamagitan ng malupit at istriktong pakikitungo sa kanila. Tinanong niya sila kung saan sila nanggaling at inakusahang mga espiya. Ipinagtanggol naman nilang sila ay magkakapatid, at ang kanilang bunso ay nasa kanilang tahanan habang ang isa pa nilang kapatid ay wala na. Tinanong din niya kung buhay pa ang kanilang ama.
Ipinakulong ni Jose ang kanyang mga kapatid sa loob ng tatlong araw habang ang isa sa kanila ay hinilingang manatili. Makakalaya lamang siya kapag bumalik na ang iba kasama ang kanilang bunsong kapatid na lalaki.
Sa puntong ito, dama ng magkakapatid na sila'y pinarurusahan sa kanilang pagmamalupit noon kay Jose. Maya-maya, iginapos na si Simon at pinauwi silang may dalang mga sako ng trigo. Lingid sa kanilang kaalaman, ang pilak na pinambayad nila sa mga trigo ay itinago sa kanilang mga sako.
Malungkot man, napagtanto ni Jakob na kailangan niyang payagan si Benjamin na bumalik sa Ehipto kasama ng mga kapatid nito.
Nang bumalik sa Ehipto ang magkakapatid kasama si Benjamin, naging emosyonal si Jose. Ngunit itinago niya ang kanyang damdamin at inanyayahan ang kanyang mga kapatid, kasama ang pinalayang si Simon, sa isang piging.
Nang gabing iyon, ipinag-utos ni Jose na kargahan ang mga asno ng kanyang mga kapatid ng lahat ng kailangan nilang bigas kasama na ang pilak na dala nila na doble ang halaga bilang kabayaran sa huli nilang byahe. Iniutos din niyang ilagay ang kanyang pilak na kopa sa sako ni Benjamin.
Nang pauwi na ang magkakapatid, sila'y hinabol ng katiwala ni Jose upang hanapin sa kanila ang nawawalang pilak na kopa. Nang makita ang tasa sa sako ni Benjamin, inutusan itong manatili bilang alipin ni Jose. Nagmakaawa naman si Huda sa gobernador na siya na lang ang gawing alipin sa halip na si Benjamin.
Sa puntong ito, hindi na napigilan ni Jose ang maiyak habang inaamin sa mga kapatid na siya ang nawawala nilang kapatid. Tiniyak niya sa kanilang hindi niya sila sasaktan. Sa halip, pinakiusapan silang dalhin ang kanilang ama patungong Ehipto.
Nakapiling ni Jakob ang kanyang matagal na nawawalang anak bago siya namatay. Tunay na isang bayani ng Bibliya si Jose dahil sa pagligtas sa kanyang pamilya at pagpapamalas ng kamangha-manghang pagpapatawad.
Kung paanong sinamahan ng Diyos si Daniel sa matapang na pagharap kay Nabukodonosor, gayon din Niya tinulungan si Jose upang makuha ang respeto ni Paraon sa kabila ng matinding pagsubok.
Sa kanilang kabataan, pawang iniwan nina Jose at Moises ang karangyaan ng buhay. Ngunit may mas magandang plano ang Diyos para sa kanila.
Sina Jose at Noe ay handang sumunod sa Diyos kahit na hindi sila lubos na nauunawaan ng mga tao. Kinailangan nilang maglakas ng loob ngunit nariyan ang Diyos sa bawat hakbang na kanilang tinahak.
Heroes Bible Trivia Quiz: 12 Questions About Joseph the Dreamer
Maging una lagi sa mga updeyt tungkol sa app ng Heroes, mga kaganapan, at iba pa.
Karapatang-ari ©2023 General Conference Corporation of Seventh-day Adventists. Lahat ng karapatan ay nakalaan. | Patakaran ng Praybasi |