Ang henerasyon ni Noe ay napakasama. Sampung henerasyon na ang nakalipas mula kay Adan at tila nalimutan na ng sangkatauhan ang Diyos. Lubhang korap ang lipunan at naglipana ang karahasan. Ang kalagayan ng mundo ay napakasama kaya't nagpasiya ang Diyos na lipulin ito sa pamamagitan ng isang baha.
Hindi primitibo ang mga tao noong panahon ni Noe. Sila ay malapit sa perpektong kaganapan nina Adan at Eba. Ang kanilang potensyal ay walang hanggan at sadyang napakahusay, ngunit sa kasamaang-palad, ginamit nila ito sa masamang motibo.
Ang mga kasamahan ni Noe ay nahuhumaling sa mga sarili at kasiyahan. Hindi na sila kumikilala sa pinagmulan ng kanilang mga kakayahan. May nakikita ka bang pagkakatulad nito sa ating lipunan ngayon?
Ang pagpapadala ng Diyos ng baha sa mundo ay hindi nagpapakita ng kalupitan o pagmamadali. Mahal Niya ang sangkatauhan ngunit hindi Niya matitiis ang kasalanan. Hindi pa nagtatagal ang sanlibutan ngunit nararapat na itong linisin.
Kahit panahon na upang baguhin ang mundo, may mangilan-ngilan pa ring nananatiling tapat sa Diyos. Kabilang sa kanila ang lalaking si Noe, matuwid at masunurin sa Kanya. Ayon sa Bibliya, namuhay siya nang walang kapintasan.
Si Noe at ang kanyang pamilya ay pinili upang balaan ang mga tao tungkol sa paparating na baha. Inutusan siya ng Diyos na gumawa ng isang malaking bangkang tinatawag na arka upang iligtas ang kanilang mga sarili kasama ng lahat ng mga hayop. Ito ay nagpapakita ng pagkakaroon ng Diyos ng awa at ng katotohanang mayroon pa ring iilang taos-pusong sumusunod sa Kanyang utos, anuman ang impluwensya ng lipunan.
Tulad ng inaasahan, tinanggap ni Noe ang misyon. Nagpasiya siyang sundin ang Diyos gaanuman kataka-taka o katakut-takot ang kahilingan.
Matinding paninindigan at lakas ng loob ang kinailangan sa paggawa ng barko. Ito ay isang malaking proyekto—limandaan at sampung talampakan ang haba at limampung talampakan ang taas, at yari sa goper, isang uri ng sipres na hindi madaling masira.
Ibig sabihin, ang arko ay singhaba ng kalahating palaruan ng futbol at sintaas ng apat na palapag na gusali. Malaki ang imbakan nito. Sa katunayan, kaya nitong maglaman ng apat na daan at limampung malalaking trak. Matatantya ring kasya rito ang hindi bababa sa isang daan at dalawampung libong tupa.
Sa tulong ng ibang tao, nairaos ni Noe at ng kanyang pamilya ang paggawa ng arko sa kabila ng pangungutya ng madla. Gamit ang sinaunang mga kagamitan, inabot nang mahigit isang daang taon ang trabahong ito. Tunay na hindi basta-basta ang proyekto ito dahil nangangailangan ito ng tamang direksyon at sapat na pagtitiwala.
Hindi naniwala ang mga tao sa babala ni Noe tungkol sa paparating na baha. Para sa kanila, siya'y isang baliw na mangangaral na gumagawa ng walang kakwenta-kwentang proyekto. Nangaral siya sa loob ng isang daan at dalawampung taon ngunit walang nakinig sa kanya.
Sa kabila ng pangungumbinsi ni Noe at kahit para ito sa kaligtasan ng lahat, walang nagpasyang itama ang kanilang mga landas at lumapit sa Diyos. Pinagtawanan pa nila siya dahil nagtatayo siya ng barko sa lupang wala namang baha.
Balik sa dating gawi ang mga tao. Ayaw talaga nilang maniwalang may darating na trahedya. Tila baliw si Noe para sa kanila. Wala rin naman kasing anumang senyales ng malawakang pagbaha dahil hindi pa ito kailanman nangyari.
Binalewala nila ang mga babala ni Noe ngunit noong malapit na ang baha, nagsimula nang magsipasok sa arko ang mga hayop. Gayunman, hindi pa rin nakumbinsi ang mga tao.
Anim na daang taong gulang na si Noe nang dumating ang baha. Sa pagsara ng pinto nito, huli na ang lahat para sa mga tao. Ngunit tuloy pa rin sila sa kanilang pangungutya hanggang sa bumuhos na ang ulan. Doon lamang sila natakot.
Tuluy-tuloy ang pag-ulan hanggang sa nagbaha na sa buong mundo. Nagsimula nang umandar ang arko sa agos ng karagatan. Hindi si Noe kundi ang Diyos ang nagmamaneho nito.
Ang tanging mga naligtas ay si Noe at ang asawa nito, tatlong anak, at kani-kanilang mga asawa. Ni ang mga karpinterong tumulong sa paggawa ng arko ay hindi nagpasyang sumama.
Umulan nang apatnapung araw at apatnapung gabi. Ligtas sa loob ng arko si Noe at ang kanyang pamilya pati na ang mga hayop. Buti na lamang at maraming libangang pwedeng gawin tulad ng pagpapakain sa mga hayop. Binilinan sila ng Diyos kung gaano karami ang ipapakain sa mga ito araw-araw.
Lumalim pa ang baha sa loob ng isang daan at limampung araw. Pagkaraan nito, dumaong na ang arko sa Bundok Ararat. Apatnapung araw ang lumipas. Nagpalabas si Noe ng mga ibon upang tingnan kung mayroon nang matatagpuang lupa. Ang una niyang ipinadala ay ang uwak ngunit hindi na ito bumalik. Ang sunod naman ay kalapati ngunit wala rin itong natagpuang lupa. Pagkaraan ng pitong araw, muli niya itong ipinalipad. Ngayon, bumalik na ito na may dala-dalang dahon ng olibo. Sa wakas, tapos na ang paghihintay!
Sumatutal, nanirahan sa arko sina Noe sa loob ng humigit-kumulang isang taon. Ngayon, maaari na silang lumabas at magsimula ng panibagong buhay sa bagong mundo.
Nakaligtas sina Noe mula sa pandaigdigang pagkawasak. Ngayon, sisimulan ng Diyos ang bagong mundo kasama ang munting pamilyang naging tapat sa Kanya.
Bilang tanda na hindi na Niya lilipulin ang mundo sa pamamagitan ng malawakang pagbaha, naglagay ang Diyos ng isang bahaghari sa kalangitan. Mula sa araw na iyon, ang bahagharing ito ay magiging simbolo ng pangakong iyon bilang kasunduan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan.
Tuwing makikita ni Noe ang bahaghari, ito ay magpapaalaala sa kanya ng pangako ng Diyos. Ito rin ay magsisilbing paalala ng pagpasok Niya sa kasunduang ito. Hindi ito nangangahulugang makakalimutin ang Diyos. Ipinapakita lamang nitong tapat Siya sa ipinangako. Samakatwid, ang bahaghari ay tanda ng katapatan at proteksyon ng Diyos.
Hindi naging perpekto ang buhay matapos ang baha. Minsan, si Ham, isa sa mga anak ni Noe, ay nakita ang kanyang amang natutulog nang hubo't hubad sa kanyang tolda.
Ikinwento ito ni Ham sa kanyang mga kapatid. Maya-maya, pumasok sina Shem at Jafet nang patalikod upang hindi makita ang katawan ng ama at saka ito dinamitan.
Pagkagising ni Noe, sinumpa nito si Canaan, anak ni Ham, at ang lahi nito. Sina Shem at Jafet naman ay kanyang binasbasan. Si Noe ay nasawi sa edad na siyam na daan at limampu. Tunay na malaki ang naiambag niya para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa kanyang panahon.
Pinangunahan ni Moises ang mga Israelita sa ilang habang si Noe naman ay nagmukhang baliw sa tingin ng mga tao dahil sa paggawa ng arko sa lupa. Ngunit pareho silang sumunod sa utos ng Diyos.
Iniligtas ni Ester ang kanyang mga kababayan at iniligtas ni Noe ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa Diyos.
Parehong maaaring magbigay ng maraming dahilan sina Rut at Noe para hindi gawin ang tama. Ngunit naging tapat sila sa Diyos at pinagpala dahil dito, dahilan upang maligtas sila at ang kanilang mga mahal sa buhay.
Heroes Bible Trivia Quiz: 12 Questions About Noah, the Ark Builder
Maging una lagi sa mga updeyt tungkol sa app ng Heroes, mga kaganapan, at iba pa.
Karapatang-ari ©2023 General Conference Corporation of Seventh-day Adventists. Lahat ng karapatan ay nakalaan. | Patakaran ng Praybasi |