Nilalaman

3 Dahilan Kung Bakit Sila Tinaguriang Mga Bayani ng Bibliya

Bakit tinawag na “mga bayani ng Bibliya” ang mga biblikal na karakter?

Sa artikulong ito, ating:

  • Kilalanin ang 5 sa mga pinakamagigiting na bayani mula sa Bibliya
  • Tukuyin ang 3 katangiang nagpapatunay kung bakit sila tinawag na ganoon
  • Pumulot ng 4 na aral mula sa kanila

Kilalanin Ang 5 sa Mga Bayani ng Bibliya

1) Noe

Heroes: Si Noe

Si Noe, isang matuwid na lalaki ng kanyang kapanahunan, ay pinili ng Diyos upang ihayag ang Kanyang planong linisin ang mundo mula sa kasalanan (Genesis 6:9).

Inatasan siyang gumawa ng isang arka sa loob ng 120 taon (mga talata 14-16), na nagbabala sa mga tao tungkol sa paparating na baha (2 Pedro 2:5). Ngunit sa kabila ng kanyang pagsisikap, siya’y binalewala (Mateo 24:37-39).

Pagdating ng baha, tanging pamilya at mga hayop ni Noe lamang ang pumasok sa arka (Genesis 7:1-16).

Ang pag-ulan ay tumagal nang 40 araw at gabi habang ang arka ay ligtas na inanod ng mga alon (mga talata 12 at 17-24). Kinalaunan, pumirmi ito sa Bundok Ararat (talata 4 ng kapitulo 8).

Isang araw, nagpalabas si Noe ng isang uwak at isang kalapati upang maghanap ng tuyong lupa (mga talata 6-12). Pagkabalik ng kalapating may dalang dahon ng olibo bilang hudyat ng paghupa ng baha, bumaba na sila (talata 11).

Isang bahaghari ang lumitaw sa himpapawid bilang tanda ng tipan ng Diyos na nangangakong hindi na magkakaroon ng pandaigdigang pagkawasak (mga talata 12-17 ng kapitulo 9).

2) Jose

Heroes: Jose

Si Jose, panganay na anak nina Jakob at Raquel, ay may 11 kapatid.

Ang mga kapatid niyang ito, na inggit sa pagtatangi ng kanilang ama sa kanya, ay lalo pang nagalit nang ibahagi niya ang kanyang mga panaginip na hinuhulaan ang kanyang paghahari balang-araw (Genesis 37:3-11). Ang kanilang paninibugho ay umakay sa kanilang ipagbili siya bilang alipin sa mga mangangalakal patungong Ehipto.

Sa Ehipto, naglingkod si Jose bilang tagapangasiwa ng sambahayan ni Potifar, kapitan ng paraon, hanggang sa madala siya sa bilangguan dahil sa maling akusasyon ng asawa ni Potifar (mga talata 1-20 ng kapitulo 39).

Sa bilangguan, binigyang-kahulugan ni Jose ang mga panaginip ng 2 kapwa niya bilanggo, na nagkatotoo rin base sa kanyang hula (mga talata 1-23 ng kapitulo 40).

Pagkaraan ng maraming taon, hinanap ng paraon ang interpretasyon ni Jose sa kanyang panaginip, na humantong sa pagkakatalaga kay Jose bilang tagapangasiwa ng pag-iimbak ng butil sa Ehipto bilang paghahanda sa taggutom (mga talata 1-57 ng kapitulo 41).

Sa pagsapit ng taggutom, tumungo sa Ehipto ang mga kapatid ni Jose upang bumili ng pagkain.

Hindi nila siya nakilala ngunit sila ay nakilala niya. Ginamit ito ni Jose bilang pagkakataong subukin sila bago ihayag ang kanyang pagkakakilanlan (mga talata 1-38 ng kapitulo 42).

Kinalaunan, di na napigilan ni Jose na ihayag ang kanyang pagkakakilanlan. Nakipagkasundo na siya sa kanyang mga kapatid at inanyayahan ang kanyang pamilya sa Ehipto (mga talata 1-28 ng kapitulo 45). At nagsama-sama na sila (mga talata 28-34 ng kapitulo 46).

3) Moises

Heroes: Moises

Si Moises, isang sanggol na Israelita, ay mapalad na nakaiwas sa utos ng paraong patayin ang lahat ng mga sanggol ng lahing iyon.

Itinago siya ng kanyang ina sa isang basket at pinalutang sa ilog, kung saan ang anak na babae ng paraon ay natuklasan siya at naawa sa kanya kaya inampon siya at pinalaki sa sambahayan ng paraon (Exodo 2:1-10).

Bilang saksi sa pagdurusa ng kanyang bayan, namagitan si Moises nang makita niyang inaabuso ng isang Ehipsyo ang isang Hebreo. Nagresulta ito sa pagtakas niya sa Midian upang makaiwas sa galit ng paraon (mga talata 11-15). Doon, pinakasalan niya si Zipora at nag-alaga ng mga tupa.

Sa ilang, nagsalita ang Diyos kay Moises sa pamamagitan ng isang nagniningas na palumpong. Inatasan Niya siyang palayain ang mga Israelita mula sa Ehipto (mga talata 1-10 ng kapitulo 3). Nag-alinlangan man noong una, tinanggap din ni Moises ang panawagan.

Pagbalik sa Ehipto, hinarap ni Moises ang paraon, hinihiling na palayain ang mga Israelita, na sinamahan ng mga himala (mga talata 1-17 ng kapitulo 4).

Ngunit sa kabila ng pagsaksi sa banal na interbensyon, tumangging sumuko ang paraon hanggang sa dumating ang 10 mapangwasak na salot sa Ehipto (mga kapitulo 7–12).

Doon lamang nagsisi ang paraon at pinahintulutang makalaya ang mga Israelita (mga talata 31-33 ng kapitulo 12). Sa patnubay ni Moises, naglakbay sila patungong kalayaan sa pamamagitan ng mahimalang pagtawid sa Dagat na Pula (mga talata 21-31 ng kapitulo 14).

4) Ester

Heroes: Ester

Si Ester, na ang pangalan ay nangangahulugang “bituin” sa Persyano at “Hadasa” sa Hebreo, ay pinalaki ng kanyang pinsang si Mardokeo pagkamatay ng kanyang mga magulang, sa gitna ng isang komunidad na napilitang lumipat sa Persya.

Napili para sa isang maharlikang patimpalak ng kagandahan, nakuha niya ang loob ni Haring Ahasuero, dahilan upang siya ang koronahang reyna (Esther 2:1-17).

Ang kaniyang pamumuno ay nalagay sa panganib nang si Haman, punong tagapayo ng hari, ay naghangad na lipulin ang populasyon ng mga Hudyo dahil sa pagtanggi ni Mardokeong yumuko sa kanya. Nais man magtago ng kanyang pagkakakilanlang Hudyo, napilitan si Ester na isiwalat ang katotohanan sa hari upang iligtas ang kanyang bayan (3:1-6; 4:1-17).

Sa payo ni Mardokeo, buong tapang na lumapit si Ester sa hari, itinaya ang kanyang buhay, at inanyayahan siya at si Haman sa mga piging upang unti-unting ibunyag ang masamang balak ni Haman (5:1-8; 6:14).

Sa patnubay ng Diyos, isiniwalat na nga ni Ester ang kataksilan ni Haman na humantong sa kanyang pagbagsak at pagkahirang kay Mardokeo bilang kapalit na punong tagapayo (7:1-10; 8:1-2).

Nagbigay ito ng karapatan sa mga Hudyo na ipagtanggol ang kanilang mga sarili, taliwas sa dati nilang kapalaran. Dahil dito, nagkaroon ng kapistahan ng Purim na naging tradisyunal na pagdiriwang mula noon (8:8-14; 9:1-32).

Dahil sa katapangan ni Ester at patnubay ng Diyos, ang mga Hudyo ay nakaraos mula sa kahirapan.

5) Dabid

Heroes: Dabid

Si Dabid, isang batang pastol, ay namuhay nang simple sa pag-aalaga ng mga tupa ng kanyang ama. Kinakikitaan din siya ng katapangan sa panahong kailangan niyang ipagtanggol ang mga ito laban sa mga mandaragit tulad ng mga leon at oso (1 Samuel 17:34-36).

Hindi man siya isinama ng kanyang ama sa mga anak na ipinakilala kay Propeta Samuel, hinanap siya ng propeta at hinirang na hari ng Israel balang-araw (mga talata 12-13 ng kapitulo 16).

Sa isang mahalagang araw ng kasaysayan ng Israel, hinarap ni Dabid si Goliat, isang kakila-kilabot na higanteng Filisteong hinahamon ang mga Israelita (mga talata 4-11 ng kapitulo 17).

Habang ang iba ay nag-aalangan, si Dabid, kahit 1 tirador at 5 bato lamang ang dala, ay nagprisintang harapin ang higante (mga talata 32-37). Sa kabila ng pag-aalinlangan at pag-alok ni Haring Saul ng sandata, nanindigan si Dabid sa kanyang sariling armas at pananampalataya sa Diyos (mga talata 38-40).

Himala, ang nag-iisang bato ni Dabid ay matagumpay na tumama sa higante! Nagtamo ito ng tagumpay para sa Israel at nagdulot ng takot sa hukbo ng mga Filisteo, na humantong sa kanilang pagkatalo (mga talata 48-52).

Ang tagumpay ni Dabid ay nagpakita ng kanyang matibay na pananampalataya at lakas ng loob, na nagpapatunay na ang pagpapakumbaba at pagtitiwala sa Diyos ay sandata sa anumang hamon.

3 Katangian ng Mga Bayani ng Bibliya

1) Pagiging mga tagasunod ni Kristo

Sa isang panayam ng pangalawang direktor ng komunikasyon ng General Conference na si Sam Neves, sumipi ang direktor ng mga kabataan ng Iglesia Adventista del Séptimo Día na si Gary Blanchard mula kay Apostol Pablo. Ayon dito, lahat ng mga disipulo ay mananampalataya ngunit hindi lahat ng mananampalataya ay mga alagad.

Tunay ngang maraming mga Kristiyano ngayon ay mga Kristiyano sa pangalan ngunit hindi tapat na mga tagasunod ni Kristo. Ito ay nangangahulugang ang isang bayani ng Bibliya ay masunurin sa Diyos at sa Kanyang mga utos.

Ang batas at Salita ng Diyos ay hindi arbitraryo, pagpapatuloy ni Gary. Hindi lamang Siya gumagawa ng mga batas at tuntunin dahil kaya Niya at Diyos Siya. Ang mga kautusan Niya ay hindi ginawa para igapos o pahirapan tayo kundi upang palayain tayo.

2) Pagtayo sa tama anuman ang mangyari

Heroes: Si Daniel at ang kanyang mga kaibigang tinatanggihan ang pagkain ng hari
Karapatang-ari: JW.org

Para kay Gary, ang isang bayani ng Bibliya ay handang mamuhay para sa Diyos anuman ang mangyari. Handa siyang manindigan para sa Kanya kahit na hindi umayon ang mga bagay.

Dagdag pa ni Sam, kailangan natin ng isang henerasyong handang tumayo sa tama. Sila dapat ay hindi kailanman lalampas sa linya ng kabutihan.

Maaari itong humantong sa pag-uusig ngunit hindi sila takot sa mga kahihinatnan ng pananatiling tapat sa Diyos.

Ginawang halimbawa ni Gary si Daniel. Ayon sa kanya, ang bayaning ito ay isang binatang may integridad kahit na hindi ito nasumpungan sa kanyang lipunan.

Sa Babilonya, si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay tumanggi sa utos ni Haring Nabucodonosor na sumamba sa mga diyus-diyosan at kumain ng maharlikang pagkain, na nagpapakita ng katapatan sa Diyos (Daniel 1:8-16; 3:12-27). Sa kabila ng mga banta ng kamatayan sa pamamagitan ng nagniningas na pugon, sila ay mahimalang naligtas.

Noong panahon ni Haring Dario, nakaligtas mula sa yungib ng leon si Daniel dahil sa kanyang pananampalatayang nag-udyok sa haring parangalan ang Diyos ng lalaking ito (mga talata 10-23 ng kapitulo 6). Sa pamamagitan ng katatagan ni Daniel, ang kapangyarihan ng Diyos ay nahayag. Napatunayan nito ang kahalagahan ng pananampalataya sa gitna ng kahirapan.

3) Kakayahang manghikayat ng mga tao

Heroes: Influencing another person to study the Bible
Karapatang-ari: Campbellsville University Online

Si Daniel ay isa lamang sa maraming bayani ng Bibliyang ang katapatan ay lubhang nakaimpluwensya sa lipunan.

Nariyan din si Juan, ang mapagmahal na apostol, na dating anak ng kulog. Ang kanyang pangangaral ay humantong sa pagtatatag ng unang iglesya pagkaraan ng muling pagkabuhay ni Hesus.

Si Maria Magdalena naman ay dating mangangalunya. Gayunman, ang kaniyang mapagpakumbabang paghugas ng mga paa ni Hesus gamit ang pabango ay nagpakita sa mga alagad kung ano ang taimtim na pagsisisi. At pinatawad siya ni Hesus.

Marami pang iba ngunit ang pinakadakila sa kanilang lahat ay si Hesus, ang ating tunay na Bayani.

Sa kabila ng Kanyang pagiging Diyos, nagkatawang-tao Siya rito sa lupa upang mamuhay kasama natin at mamatay para sa ating mga kasalanan. Ito ay nagbigay sa atin ng kaligtasan at buhay na walang-hanggan sa langit.

Ayon sa mga ito, ang isang bayani ng Bibliya ay hindi lamang gumagawa ng kabutihan kundi nakahihikayat din ng mga taong makilala ang Diyos.

Anu-anong Liksyon Ang Itinuturo Nila sa Atin?

1) Mahal tayo ng Diyos sa kabila ng ating pagkamakasalanan.

Heroes: Si Hesus hawak ang kamay ng isang babae
Karapatang-ari: Canva

Ang mga bayani ng Bibliya ay hindi perpekto tulad natin. Nagkaroon sila ng mga pagkukulang at nagkasala rin.

Halimbawa, nangalunya si Dabid kay Batsheba. Sinira ni Samson ang kanyang panatang Nazareo nang umibig siya sa mga babaeng Filisteo at pinaputol ang kanyang buhok. At si Pedro naman ay 3 beses pinagkanulo si Hesus.

Ngunit sa kabila ng mga ito, humingi sila ng tawad at nagbago tungo sa kabutihan. Patuloy silang nanindigan sa Diyos, bagay na nagtangi sa kanila mula sa iba, dagdag ni Sam.

2) Ang buhay ay parang isang laro.

Heroes: Lalaki sa isang maze
Karapatang-ari: Canva

Ang mga larong pangkaalaman tulad ng ating Heroes ay may mga palaisipan at hamong dapat lutasin. Ang video games naman tulad ng A Journey Towards Jesus ay may mga paglalakbay at misyon.

Maging ang programa ng ating simbahan, ang Pathfinders, ay may mga kasanayang matututuhan at mga pagsubok na dapat lagpasan. Sinasanay nito ang mga kabataang maging mga tagasunod at saksi ni Kristo.

Sa katunayan, sa Pathfinders natutuhan ni Sam ang sistema ng paglalaro.

Sa programa kasing ito, may mga hakbang kang gagawin at gagantimpalaan ka ng mga tsapang maaaring ilagay sa iyong uniporme. Sa pagkolekta ng mga ito, tumataas ang iyong ranggo.

Ito ay sumasalamin din naman sa realidad ng buhay.

Gaya ng mga bayani ng Bibliya, nakararanas tayo ng mga pagsubok na sumusubok sa ating pagtitiis, determinasyon, at pananampalataya sa Diyos. Habang nag-eedad tayo, nagiging mas mahirap ang mga hamong ito.

Ngunit, bilang gantimpala, natututo tayo ng mga aral na magpapalakas sa atin upang harapin ang higit pang mga hamon sa hinaharap. Ang mga liksyong ito ay baon natin habambuhay.

3) Kailangan natin ang isa’t isa sa paglago.

Heroes: Pamilyang nag-uusap
Karapatang-ari: Canva

Ayon kay Gary, sa Pathfindering, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataang lumago sa aspetong espiritwal at bilang mga tao.

Ito rin ay isang magandang pagkakataon para sa mga nakatatanda upang makibahagi sa buhay ng mga kabataan bilang mga tagapagpayo at tagapagpalakas ng loob.

Tunay ngang kailangan ng mga kabataan ang mga nakatatanda at gayundin naman sa kabaligtaran. Sa madaling salita, kailangan nilang magtulungan.

Dagdag pa ni Gary, mismong ang mga bayani ng Bibliya ay humugot ng lakas at natuto rin mula sa mga nauna sa kanila.

4) Si Hesus ang ating tanging Modelo.

Heroes: Si Hesus

Hinahangaan natin sina Noe, Jose, Moises, Rut, Samson, Ester, Daniel, Dabid, at iba pang mga bayani ng Bibliya. Ngunit huwag nating kalimutan ang pinakadakilang Bayani ng lahat—si Hesus.

Siya ang ating tanging Modelo. Bilang isang Nilalang na walang kasalanan, namuhay Siya nang walang kasalanan, bagay na maaari nating tularan.

Kaya sa ating pagkilala sa mga bayani ng Bibliya, alalahanin natin ang payo ni Apostol Pablong nagsasabing tularan siya gaya ng pagtulad niya kay Kristo at sundin siya gaya rin ng pagsunod niya sa Kanya.

Ano Ang Iyong Natutuhan?

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Anu-ano ang iyong natutuhan mula sa mga bayani ng Bibliya?

Ibahagi ang mga ito sa mga komento sa ibaba.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *