Marahil ay narinig mo na ang Hope Channel. Pero alam mo bang partner ito ng Heroes: The Bible Trivia Game? Anong papel ang ginagampanan nito?
Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang mga sumusunod:
- Hope Channel at ang misyon, organisasyon, saklaw, at mga programa nito
- Ang mga tungkulin at programa sa pakikipag-ugnayan nito sa Heroes
Pagkilala sa Hope Channel
Ano ito? Ano ang ginagawa nito?
Ang Hope Channel ay ang opisyal na telebisyon ng Iglesia Adventista del Séptimo Día. Kabilang ito sa mga programa ng General Conference of Seventh-day Adventists.
May 67 tsanel ito sa buong mundo. Ang mga ito ay nagbobrodkast ng kanilang mga programa base sa wika at kultura ng kanilang mga manonood.
Tinatalakay sa mga programang ito ang pamumuhay-Kristiyanong may pagtuon sa pananampalataya, kalusugan, pamilya, relasyon, at komunidad.
Saan ito matatagpuan?
Ang Hope Channel ay nasa opisina ng General Conference of Seventh-day Adventists sa Silver Spring, Maryland sa Estados Unidos.
Ito ay bahagi ng Religious Organizations Industry, na binubuo ng mga organisasyong nagbibigay at nanghihikayat ng pagsamba at mga aktibidad panrelihiyon. Ngunit hindi kasama rito ang mga paaralan at ospital na pinatatakbo ng mga organisasyong ito.
Kilalanin ang dalawa sa mga direktor nito!
1) Derek Morris
Sa panahong isinulat ang artikulong ito, si Derek Morris ang pangulo ng Hope Channel International. Siya ang nangangasiwa sa mga operasyon ng network.
Ang nagdala sa kanya sa posisyong ito ay ang matibay niyang relasyon sa Hope Channel. Halimbawa, mahigit 6 na taon na siyang nangunguna sa Hope Sabbath School.
Bukod diyan, siya ay nagsilbi ring pangalawang kalihim ng Ministerial Association. Naglingkod pa siya sa iba’t ibang simbahan tulad ng Forest Lake Church.
2) Vyacheslav Demyan
Sa panahong isinulat ang artikulong ito, si Vyacheslav Demyan ang bise presidente ng Hope Channel para sa pagpoprograma. Pinangangasiwaan niya ang estratehikong pag-unlad, produksyon, pangangalap, at pagbobrodkast ng mga programa ng network.
Bago marating ang posisyong ito, naglingkod siya bilang direktor ng Hope Media Group Ukraine. Pinamunuan niya ito mula sa pagsisimula nito noong 2008. Sa kanyang pamumuno, Hope Channel Ukraine ang naging pinakatanyag na Kristiyanong network sa bansa.
Ano ang misyon ng network?
Sinusuportahan ng Hope Channel ang misyon ng Iglesia Adventista del Séptimo Día na nakasaad sa dakilang komisyon sa Mateo 28:19-20. Iyon ay ang gawing mga alagad ng Diyos ang lahat ng tao habang ipinahahayag ang walang hanggang ebanghelyo sa konteksto ng mga mensahe ng tatlong anghel.
Sa pamamagitan nito, tatanggapin nila si Hesus bilang personal na Tagapagligtas at mapapabilang sa Kanyang nalalabing iglesya. Sila rin ay magiging mga disipulong maglilingkod sa Kanya bilang Panginoon at maghahanda para sa Kanyang nalalapit na pagdating.
Anu-anong biblikal na prinsipyo ang inspirasyon ng misyong ito?
Naniniwala ang Hope Channel na ang tunay na kapayapaan at kasiyahan ay matatagpuan kay Hesu Kristo lamang.
Sa mas partikular na pananaw, ito ang mga pangunahing prinsipyong pinanghahawakan ng mga programa nito:
- Ang Diyos ay pag-ibig at ipinakilala Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo (Juan 14:9; 1 Juan 4:16).
- Si Hesus ang banal na Anak ng Diyos, hindi isang nilalang kundi isang walang hanggang Diyos (Juan 1:1).
- Bumaba si Hesus sa sanlibutan upang mamuhay nang matuwid at isakripisyo ang Kanyang buhay sa krus nang tayo ay maligtas mula sa kasalanan (Mga Taga-Roma 5:6-10).
- Kapag si Hesus ay nanahan sa ating buhay, tayo ay Kanyang babaguhin (Juan 14:15; 2 Corinto 5:17; Hebreo 8:10).
- Ipinahahayag ng propesiya ng Bibliyang ang kawakasan ng mundo ay tunay at malapit nang bumalik ang Panginoon (Apocalipsis 22:12).
Anu-anong kontinente ang saklaw nito at mga wikang sinusuportahan?
Sinasaklaw ng Hope Channel ang Aprika, Asya, Europa, Timog Amerika, at mga isla ng Pasipiko.
Sa mga nabanggit na kontinente, ito ang ilan sa mga bansang nasasakupan:
- Inter-Amerika
- Kanada
- Suwesya
- Pinlandiya
- Ukranya
- Australya
- Indya
- Indonesiya
- Hapon
- Korea
- Tsina
- Pilipinas
- Reyno Unido
- Ghana
- Pransiya
- Italya
- Israel
- Armenya
Ito naman ang ilan sa mga sinusuportahang wika nito bukod sa Ingles:
- Espanyol
- Portuges
- Aleman
- Romanyan
- Mandarin
- Ruso
- Tamil
- Hindi
- Ukranyan
- Arabik
- Telugu
Anu-ano ang ilan sa mga programa nito?
1) Bible HelpDesk
Binibigyang-kasagutan ng programang ito ang mga tanong tungkol sa Bibliya mula sa mga manonood nito sa brodkast o kaya sa pamamagitan ng tawag o tekst.
Ang nagbibigay ng mga paliwanag sa mga sesyon ay isang pangkat ng mga teologo, pastor, at iba pang mga eksperto sa Bibliya.
Ang mga nangunguna naman ay sina Kenia Reyes, Ruben Covarrubias, at Tiffany Brown.
2) Hope at Home
Ang programang ito ay nag-aalok ng lingguhang pagsambang maaaring matamasa sa kaginhawahan ng tahanan.
Pinangungunahan ito ni Sam Neves, pangalawang direktor ng komunikasyon ng General Conference of Seventh-day Adventists.
Tampok sa programang ito ang mga sumusunod:
- Saliw-musika
- Mga tampok pambata
- Panayam na nagbibigay-payo tungkol sa pangangalaga ng sarili para sa mas malusog na isip, katawan, at espiritu
- Sermong batay sa mga kwento
Ang mga programang ito ay nakatuon lahat sa pag-asang hatid ni Kristo sa buhay na ito at higit pa.
3) Hope Sabbath School
Ang talakayang ito ay isang malalim at interaktibong pag-aaral ng Bibliyang pinangungunahan ni Derek Morris.
Sa programang ito, isang grupo ng mga kabataang may sapat na gulang ang nakikilahok sa isang masiglang pagtalakay ng Bibliya kadalinggo.
4) Let’s Pray
Ito ay isang pandaigdigang komunidad ng panalangin.
Pinangungunahan ng mga misyonero ng panalangin, ang programang ito ay nag-aanyaya sa mga manonood na idulog ang kanilang mga kahilingan at pasasalamat. Pagkatapos ay ipinagdarasal sila ng mga nangunguna.
5) Revival for Mission
Ang programang ito ay pinangungunahan ng pangulo ng General Conference na si Ted Wilson at pangalawang direktor ng komunikasyong si Sam Neves.
Nagtatampok ito ng mga kuwento ng pananampalataya at mga patotoo ng pagbabagong-buhay sa iba’t ibang panig ng mundo. Naghahandog din ito ng pag-aaral tungkol sa buhay ng mga tauhan sa Bibliya.
Hope Channel sa Pakikipagsosyo sa Heroes
Ano ang naging papel ng Hope Channel?
Sa pakikipag-ugnayan sa Seventh-day Adventist Church, Hope Channel ang naglathala ng Heroes: The Bible Trivia Game.
Inilunsad ng network ang larong ito noong Marso 25, 2021 sa pangalang Heroes 2: The Bible Trivia Game.
Ano ang naging inspirasyon ng pakikipagtulungang ito?
Ang Heroes 2 ay pagpapatuloy ng unang edisyon nito, ang Heroes the Game, na sinimulan ni Sam Neves.
Naging daan ang unang bersyon sa pag-usbong ng iba pang mga larong Adventista dahil sa napakalaking tagumpay nito. Halimbawa, nakalikha ito ng 10 milyong minuto ng interaksyon noong 2013.
Ano ang naging resulta?
Ang tagumpay na iyon ay nag-udyok sa General Conference na kumuha ng mga internasyonal na eksperto upang lumikha ng mas pinahusay na edisyon ng laro.
Sa pamamagitan ng upgreyd na ito, nagkaroon ang Heroes ng animasyong 3D, multiplayer mode, at mas mapanghamong mga tanong. Nagkaroon din ng mas detalyadong impormasyon tungkol sa mga karakter.
Anu-anong programa ang naihandog o ipagkakaloob pa lamang ng Hope Channel sa Heroes?
1) Pagsasalin ng mga nilalaman
Nais ng Heroes na lumawak ang saklaw nito sa pamamagitan ng laro nito.
Kaya naman ayon kay Sam Neves, kailangang gumawa ng paraang mapaabot ito sa iba’t ibang wika.
Ito ay dahil ayaw ng mga taong magbasa ng wikang hindi nila nauunawaan. Natututo sila ng mga kuwento sa kanilang sariling mga lenggwahe at umaasang gamitin ang parehong midyum sa paglalaro.
Tinanong ni Sam ang bise presidente ng Hope Channel na si Vyacheslav Demyan kung paano makatutulong ang Hope sa layuning ito.
Payo ni Demyan, hikayatin ang lahat ng mga nasasakupan ng network sa pagdebelop ng Heroes sa iba’t ibang wika. Sa pagtutulungang ito, tiniyak niyang magiging mas mabilis ang gawain ng pagsasalin.
At nanawagan na nga ng mga tagapagsalin mula sa iba’t ibang bansa.
Kaya naman, sa panahon ng pagsulat nitong artikulo, ang Heroes ay naisalin na sa Pranses, Hindi, Portuges, Romanyan, Espanyol, at Swahili na nakabase lahat sa Ingles. Magpapatuloy pa ang pagsasalin sa iba’t ibang wika.
2) Pag-aaral ng Bibliya
Paano kung hindi mo masagot ang mahihirap na tanong sa laro dahil wala kang gaanong alam sa Bibliya?
Puwes, ayon kay Demyan, maaari ka munang dumako sa modyul ng pag-aaral ng Bibliya. Ito ang The Big Questions, na inilunsand ng Hope Channel sa Heroes.
Ito ay isang kurso sa pag-aaral ng Bibliyang may mahigit 20 modyul na sumasagot sa mga karaniwang tanong tungkol sa Bibliya. Mga karakter ng Heroes din mismo ang iyong gabay rito.
Ito ang ilan sa mga katanungang makikita sa kurso:
- Totoo ba ang Diyos?
- Kung ang Diyos ay mabuti, bakit tayo nagdurusa?
- Kasalanan ba ang pornograpiya?
- Ano ang layunin ng Diyos para sa pakikipagtalik?
- Ano ang pananaw ng Bibliya sa pag-aasawa at diborsyo?
- Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa homosekswalidad?
- Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtatangi ayon sa lahi?
- Ano ang pananaw ng Bibliya sa pulitika?
- Ano ang mangyayari pagkaraan ng kamatayan?
- Bakit napakaraming relihiyon?
- Ano ang pangingilin ng Sabado?
- Ano ang tanda ng hayop?
Ngunit bakit hindi tungkol sa mga karakter ng Bibliya mismo ang mga tanong na ito? Paano sila makatutulong sagutin ang mga ito?
May dahilan kung bakit nasa kurso ang mga tauhang ito. Bukod sa pagiging gabay sa pag-aaral, ibinabahagi rin nila ang kanilang mga karanasang nauugnay sa mga tanong ng kursong iyon. Ang mga kaalamang mapupulot mo rito ay magagamit mo rin sa pagsagot sa mga tanong ng laro.
3) Suporta sa panalangin
Naaalala mo pa ang Let’s Pray ng Hope Channel na ating tinalakay kanina?
Ang portal ng panalangin para sa Heroes ay halos pareho rin, maliban lamang na wala ito sa telebisyon.
Kaya hindi mo kailangang mag-alala sa posibilidad na ilathala sa publiko ang iyong mga kahilingan at pasasalamat. Kailangan mo lamang ipadala ang mga ito sa pamamagitan ng Facebook Messenger at ang aming mga misyonero ng panalangin ay makikinig at mananalangin para sa iyo anumang oras.
Amen?
4) Palaro
Oo, tama ang iyong nabasa! Ang Hope Channel ay nagbabalak maglunsad sa EU ngayong taon ng isang palaro batay sa Heroes.
Ano ang mga magaganap? Malalaman mo sa lalong madaling panahon. Kaya abangan ang mga anunsyo.
Ano ang layunin ng pakikipagtulungang ito?
Ayon kay Demyan, hindi ito tungkol sa atin. Hindi rin ito tungkol sa mga pangalang itinataguyod natin sa ministeryong digital. Sa halip, ito ay tungkol kay Hesus at sa Kanyang pag-ibig.
Nais ni Hesus na iligtas ang mga kabataang maaaring hindi pa nakakikilala sa Kanya. Gusto Niyang maabot at maimpluwensyahan sila.
Nagtapos si Demyan sa isang imbitasyon para sa ating lahat na magkaisa sa pagtataguyod at pagpapaunlad ng Heroes. Sa ganitong paraan, masusuportahan natin ang lahat ng mga ministeryong digital sa buong mundo. Ang lahat ng pagsisikap na ito ay makatutulong sa misyon ng Diyos para sa atin—ang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo sa buong sanlibutan.
“Humayo kayo, gawin ninyong alagad Ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos Ko sa inyo. Tandaan ninyo, Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:19-20, MBBTAG).
Ipahayag Ang Iyong Mga Saloobin!
Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Hope Channel? Ano ang masasabi mo sa pakikipagtulungan nito sa Heroes?
Ipaalam sa amin ang iyong mga saloobin sa mga komento sa ibaba.