Bakit binuo ang ikalawang edisyon ng Heroes? Ano ang kulang sa unang bersyon? Kumusta ang proseso ng pagdebelop nito?
Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga sumusunod:
- Unang bersyon ng Heroes, ang naging inspirasyon nito, kung paano ito dinebelop, at ang kinahinatnan nito
- Ikalawang edisyon, bakit at kung paano ito nilikha, at ang mga bagong tampok nito
- Mga dapat pang abangan mula sa Heroes
Magsimula Tayo sa Unang Bersyon ng Heroes
Bakit ito nilikha?
Tulad ng natalakay sa ibang mga artikulo, si Sam Neves ang may-akda ng Heroes. Siya ang kasalukuyang pangalawang direktor ng komunikasyon para sa General Conference of Seventh-day Adventists.
May 3 bagay na nag-udyok sa kanyang likhain ang Heroes. Ito ay ang mga sumusunod:
1) Ang lumalagong industriya ng paglalaro
Ang industriya ng paglalaro ay isang malaking merkado. Patuloy itong lumalaki habang dumarami ang mga manlalaro sa buong mundo.
Sa katunayan, ayon sa Statista, isang portal ng estatistika, ang negosyo ng video games ay kumita ng bilyun-bilyong dolyar sa loob ng maraming taon.
Nakita ito ni Sam bilang magandang pagkakataon upang ipakilala ang pinakadakilang Bayani ng lahat. Nais niyang ihatid ito sa wikang lubos na makauugnay sa mga manlalaro.
Gayundin, nadama niyang kailangang lumikha ng laro dahil halos lahat ng tao ay naglalaro.
2) Komisyon sa ebanghelyo ni Kristo para sa sanlibutan
Sabi sa Marcos 16:15 (MBBTAG), “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao.”
Ang komisyong ito ay ibinigay ni Hesus sa Kanyang mga alagad bago Siya bumalik sa langit. At bilang mga anak, mayroon tayong bahagi sa banal na gawaing ito.
Kaugnay nito, nakasaad sa 1 Mga Taga-Corinto 9:22-23 (MBBTAG), “Sa piling ng mahihina, ako’y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang. Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito.”
Dahil dito, napagtanto ni Sam na ang ebanghelyo ay kailangang ihatid sa pamamagitan ng laro upang mailapit ang mga tao sa Bibliya.
3) Ang konsepto ng pagkakakilanlan ni Steve Jobs
Alam mo bang si Steve Jobs ay isa rin sa mga inspirasyon ni Sam? Paano at bakit?
Sa kanyang pagbabalik sa Apple matapos tanggalin, inilarawan ito ni Steve bilang isang kumpanyang walang pagkakakilanlan. May 2,000 empleyado itong gumagawa ng mga kompyuter na hindi man lamang alam ang tunay na layunin.
Dahil dito, napagtanto ni Sam na ang simbahang Adventista ay bigo ring ipakilala ang tunay nitong pagkakakilanlan sa mga bagong henerasyon.
Ngunit dahil sa tagumpay ng kanyang proyekto, kinumpirma ni Steve na madali lamang itaguyod ang pagkakakilanlan. Kailangan lamang daw paalalahanan ang mga tao kung sino ang kanilang mga huwaran.
Dito napagtanto ni Sam ang kanyang responsibilidad na paalalahanan ang henerasyong ito kung sinu-sino ang tunay na mga bayani.
Ang mga taong nagpasimula nito
Naniniwala ka bang 4 na tao lamang at 1 organisasyon ang nagpasimula ng Heroes?
Sila ang mga sumusunod:
- Sam Neves – utak ng laro
- Arnaldo Oliveira – punung-abala sa pagdedebelop, pagpapalaganap, at iba pang mga operasyon ng proyekto
- Julio Flores – pangunahing debeloper na responsable sa pagkocode ng mga biswal na elemento at pagpoprograma ng mga nilalaman ng laro
- Jader Feijo – arkitekto ng mga solusyong namamahala sa pagtuklas ng mga teknolohiyang magpapagana at bubuhay sa laro
- F4D Media – pangkat ng mga tagadisenyo ng grapiks at animasyon ng laro
Paano sila nagtulungan?
Ang grupo ay nagtipon sa London upang simulan ang pagbalangkas ng mga tanong. Nairaos nila ito sa kabila ng hamong hatiin ang kanilang oras para sa Heroes at kani-kanilang mga trabaho.
Samantalaga, iginuhit ni Sam ang hitsura ng mga karakter, nilalaman, at iskrin ng laro. Pagkatapos ay nakipagtulungan siya sa mga tagadisenyo upang pagandahin at bigyang-buhay ang mga ito.
Nakipagtulungan din siya kina Julio at Jader para subukin kung masarap itong laruin. Bukod kasi sa pagkakaroon ng mga nakamamanghang grapiks, animasyon, at power-ups, ang laro ay kailangan ding madali at nakaeengganyong laruin.
Ngunit hindi ito madali. Inamin ni Sam na madaling isiping magiging maganda ang kahihinatnan nito ngunit hindi ito magagarantiya hanggat hindi pa nakikita ang resulta.
Nang subukin niya ang laro sa unang beses, nabagot siya. Dahil dito, kinailangang baguhin ang mga konsepto, subuking muli, baguhin pa kung kinakailangan, at subukin ang resulta. At paulit-ulit ang proseso hanggang sa maging kawili-wili ang laro.
Ano ang naging resulta?
Sa tulong ng mas marami pang boluntaryo mula sa iba’t ibang bansa, inilathala ang unang bersyon ng Heroes noong 2013. Tinawag itong “Heroes: The Game.”
Ayon kay Sam, napakalaking tagumpay nito. Sa isang partikular na panahon, mahigit 10 milyong minuto itong nilaro sa buong mundo sa 8 magkakaibang wika. Ito rin ay nagbukas ng pinto para sa iba pang mga larong Adventista.
Para kay Arnaldo, nakatutuwang makitang patok sa panahon ng paglathala ang proyektong ito. Isang himala rin daw ang makakuha ng maraming boluntaryo mula sa iba’t ibang lugar.
Kung matagumpay naman pala ang unang bersyon, bakit kailangang lumikha ng ikalawang edisyon? Iyan ang susunod nating tatalakayin.
Dumako Naman Tayo sa Ikalawang Edisyon
Ano ang nagtulak sa grupong likhain ito?
1) Isang mahalagang elemento ang wala sa unang bersyon.
Bilang pagtanaw sa tagumpay ng unang bersyon, hiningi ni Sam ang opinyon ng direktor ng pagpapalaganap na si Jefferson Nascimento.
Nagustuhan daw ito ni Jefferson dahil naiiba. Napakalaking bagay rin daw na nairaos ang proyektong ito kahit mahirap. Ngunit may ilang mungkahi lamang siya.
Samantalang kamangha-mangha ang mga karakter, istilong komiks, at mga katanungan, nawawala ang elemento ng pagkukwento—ang paglalakbay o pakikipagsapalarang dapat maranasan ng manlalaro.
Nang subukan niya itong laruin, madali lamang daw sagutin ang mga tanong. Ngunit pagkaraan ng 6 na segundo, hindi na ito gaanong nakaeengganyo.
Kaya naman, anu-ano nga ba ang idinagdag sa ikalawang edisyon? Ipagpatuloy ang pagbabasa.
2) Nakakuha ng ideya ang grupo mula sa isang pagsasaliksik sa Google.
3 taon mula nang mailathala ang Heroes, nagsagawa ng pag-aaral ang iba’t ibang ministeryo ng iglesyang Adventista. Inalam nila mula sa Google ang pinakapopular na terminong hinahanap ng mga tao tungkol sa Bibliya.
Ayon sa kanilang pananaliksik, may 250,000 pandaigdigang pananaliksik sa mga terminong ”Bible trivia,” “Bible games,” at “Bible quizzes” sa bawat 30 araw. At sa tatlong ito, “Bible trivia” ang natuklasan ni Sam na may pinakamaraming pananaliksik.
Dahil dito, naghangad ang grupong iangat ang lebel ng Heroes. Pinangarap nilang maging pinakamahusay na larong pangkaalaman sa Bibliya ang ikalawang edisyon nito.
Nais nilang tulungan ang bawat manlalarong maunawaan ang Bibliya at makahanap ng kalayaan, kagalingan, at pag-asa kay Hesus, paliwanag ni Sam.
Pagpapalaki ng organisasyon
Muling nadagdagan ang grupo ng daan-daang boluntaryong nagmula sa iba’t ibang bansa, na humahantong sa ganitong istruktura ng organisasyon:
- Departamento ng Sining – mga tagaguhit, tagadisenyo, animeytor, tagapagmodelo, musikero, at iba pang responsable sa pagbibigay-buhay sa mga karakter, power-ups, at mga katulad
- Departamento ng Pag-iinhinyero – mga debeloper, tagagawa ng codes, arkitekto, inhinyero, at iba pang nag-aasikaso ng mga teknikal na gawain
- Departamento ng Pagpapalaganap – mga manunulat, tagasalin, embahador, at iba pang nagpapalaganap ng laro sa mga tsanel ng pamamahayag, sosyal midya, radyo, at iba pa
- Departamento ng Pag-eebanghelyo – grupong namamahala sa kurso ng pag-aaral ng Bibliya, tulong-panalangin, at iba pang mga programa ng laro
Pagpapaganda ng laro
Sa aspetong sining
Ang gawain para sa ikalawang edisyon ay nagsimula sa muling pagdidisenyo ng mga karakter ng Bibliya. Dating may 2 dimensyon lamang, ang mga ito ay nagkaroon na ng 3 dimensyon dahil sa mga idinagdag na kalamnan at mas makukulay na damit.
Ang istilong komiks din ay pinalitan ng istilong pagsusulit na may magagara at makukulay na disenyo.
Samantala, nagrekord na rin ng temang musika at mga tunog para sa laro. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Filmharmonic Orchestra na pinamunuan nina Williams Costa, Jr., Clayton Nunes, at Peter Pycha.
Kung nasubukan mo nang laruin ang Heroes, marahil narinig mo na kung gaano kagaganda ang temang musika at mga tunog nito.
Sa aspetong pag-iinhinyero
Base sa mga rekomendasyon, maraming beses na binago ng mga debeloper ang code ng laro hanggang sa maging kawili-wili itong laruin. Para rito, C++ ang kanilang ginamit na language software at Unreal Engine naman ang game engine.
Lahat ng bagay sa laro—kung paano gumagalaw ang mga karakter, kung paano gumagana ang mga elemento, at iba pa—ay may kaukulang code.
Naiisip mo ba kung gaano kadetalyado at kamasalimuot ang gawain ng mga debeloper, at kung gaano kahabang pasensya ang kailangan?
Sa pagpapalaganap
Upang mabenta ang laro, ang grupo ay may mga tauhan para sa mga sumusunod na gawin:
- Paggawa ng iba’t ibang sulatin para sa websayt
- Pagsasalin ng mga ito sa iba’t ibang wika upang lumawak ang sakop
- Pagpapalaganap ng laro sa sosyal midya
- Pakikipag-ugnayan sa mga tsanel ng balita, kilalang personalidad sa sosyal midya, istasyon ng radyo, at iba pa
Sa pag-eebanghelyo
Upang isulong ang pag-aaral ng Bibliya, pagsamba, at pananalangin, idinagdag ng grupo ang mga sumusunod:
- Hope Channel – opisyal na telebisyon at radyo ng iglesyang Adventistang naghahandog ng mga programa tungkol sa Kristiyanong pamumuhay, pananampalataya, kalusugan, relasyon, at komunidad
- The Big Questions – libreng kursong nagbibigay-kasagutan sa mga karaniwang tanong tungkol sa Bibliya at mga kwento ng mga bayani nito
- Tulong-panalangin – birtwal na serbisyong panalanging handog ng aming mga lingkod anumang oras
Nailathala na
Pagkaraan ng subukan, inilathala na ng Iglesia Adventista del Séptimo Día ang ikalawang edisyon ng Heroes noong Marso 25, 2021. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Hope Channel at General Conference of Seventh-day Adventists.
Maaaring idownload ang app mula sa Apple App Store at Google Play Store. Libre!
Ano ang bago sa ikalawang edisyon?
1) Animasyong 3D na may mga tunog
Mula sa 2-dimensyong istilo ng komiks, ang ikalawang edisyon ay may 3-dimensyong grapiks at animasyon na. May kapal na ang pangangatawan ng mga karakter at iba pang mga bagay sa laro kung kaya’t nagmumukhang totoo na sila.
At gaya ng natalakay kanina, ang bersyong ito ay mayroon ding musika at mga tunog na gawa ng orkestra. Walang marahas na tunog. Klasikal at biblikal na himig lamang na nakatutulong sa konsentrasyon.
2) Mga puntos at mana
Ang Heroes ay nagdagdag ng experience points (XPs) na sumusukat sa iyong karanasan sa paglalaro at pag-angat ng lebel. Katulad din ito ng mga puntos na nakukuha mo sa paglalaro ng role-playing games.
Ngayon, ano naman ang mana?
Sa mga bayad na laro, gumagastos ka ng pera upang bumili ng power effects para iapgreyd ang iyong laro.
Ang ikalawang edisyon ng Heroes ay may ganito ring sistema. Ngunit sa halip na pera, ito ay sa pamamagitan ng mana dahil libre lamang ang laro.
Mana? Ano ito ayon sa Bibliya?
Ito ang pang-araw-araw na pagkaing ibinigay ng Diyos para sa mga Israelita noong panahon ni Moises. Kailangan nilang kumuha ng sapat lamang na dami nito araw-araw.
Kung gayon, paano gumagana ang mga puntos at mana?
Habang dumarami ang tamang sagot na iyong nagagawa, dumarami rin ang iyong puntos at mana. Ito ang iyong gagamitin sa pagkuha ng higit pang power effects at pagbukas ng iba pang karakter para laruin.
3) Mga power-up
a. Abraham effect
Sa Genesis 15:9-10, hinilingan ng Diyos si Abram na mag-alay ng kambing, tupa, kalapati, at batu-bato. Dinala nga niya ang mga ito sa Kanya, biniyak ang mga ito (maliban sa mga ibon), at inayos ang mga ito katapat ng isa’t isa.
Sa laro, tinatanggal ng Abraham effect ang 2 sa 4 na opsyon sa bawat tanong upang mas matukoy mo ang tamang sagot.
b. Daniel effect
Sa Bibliya, binigyang-kahulugan ni Daniel ang panaginip ni Haring Nabucodonosor at mga sulat sa dingding ng palasyo. Ang mga interpretasyon ay ipinahayag sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin.
Sa parehong paraan, ang Daniel effect ay nagpapakita ng talata sa Bibliya kung saan matatagpuan ang tamang sagot sa tanong.
c. Elijah effect
Bago si Elias pumanhik sa langit, binigyan niya si Eliseo, kanyang kahalili, ng dobleng bahagi ng kanyang kapangyarihan (2 Mga Hari 2:9).
Gayundin, ang Elijah effect sa ikalawang edisyon ay dinodoble ang iyong XP bilang tulong sa iyong paglalaro.
d. Friday effect
Gaya ng nabanggit kanina, naglaan ang Diyos ng mana bilang pang-araw-araw na pagkain ng mga Israelita (Exodo 16).
Sapat na dami lamang ang kanilang dapat kunin araw-araw. Ngunit sa araw ng Biyernes, kailangan nilang kumuha ng dobleng dami dahil walang ibibigay sa araw ng Sabado.
Tulad nito, dinodoble ng Friday effect ang iyong mana sa bawat tamang sagot sa laro.
e. Jonah effect
Nais ng Diyos na pumunta si Jonas sa Nineve upang mangaral ngunit ang propeta ay tumakas patungong Tarsis (Jonas 1).
Sa ikalawang edisyon, ang Jonah effect ay nilalaktawan ang tanong na mahirap para sa iyo.
f. Joshua effect
Sa Joshua 10:12, humiling si Josue sa Diyos na palamigin ang araw at buwan.
Sa parehong paraan, ang Joshua effect ay hinihinto pansamantala ang iyong oras sa loob ng 5 segundo upang makapag-isip ka pang mabuti ng iyong isasagot.
g. Jesus effect
Si Jesus ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay, gaya ng binabanggit sa Juan 14:6.
Sa laro, ang Jesus effect ay inaalis ang iyong mga mali at ipinakikita ang tamang sagot.
h. Lazarus effect
Sa pagkamatay ni Lazaro, binigyan ni Hesus sina Maria Magdalena at Marta ng pagkakataong manampalataya sa Kanya.
Kaya naman, ang Lazarus effect sa ikalawang edisyon ay nagbibigay rin ng pangalawang pagkakataon kapag mali ang iyong sagot.
i. Revelation effect
Ang isang mahalagang elemento ng panahon sa propesiya ay ang simbolong tatlo at kalahati. Binabanggit ito ng aklat ng Apocalipsis kaugnay ng mga araw, buwan, at taon.
Yamang nabanggit ang kalahati, kinakalahati rin ng Revelation effect ang iyong naitalang oras kung masasagot mo nang tama ang lahat ng 12 tanong.
4) Maramihang moda
Hindi tulad ng unang bersyon, ang ikalawang edisyon ay may maramihang moda upang malaro mo ito kasama ng iba.
Maaari mong hamunin ang iyong pamilya, mga kaibigan, at maging ang iyong mga pastor sa isang paligsahan o kompetisyon. Kapana-panabik ba?
5) Hope Channel
Ang tampok na ito ng ikalawang edisyon ay nag-uugnay sa iyo sa Hope Channel, ang pandaigdigang telebisyon at radyo ng mga Adventista.
Gaya ng natalakay kanina, nag-aalok ito ng mga programa tungkol sa pamumuhay-Kristiyanong nakatuon sa pananampalataya, kalusugan, relasyon, at komunidad.
Gaya ng iyong nabasa kanina, ito ay isang libreng kursong nagbibigay-kasagutan sa ilang karaniwang tanong tungkol sa Bibliya.
Ang mga bayani ng Bibliya mismo ang iyong gabay. Nagbabahagi sila ng sulyap sa kanilang mga kwento sa ilang modyul ng kurso.
Bilang bahagi ng layuning pang-ebanghelyo ng ikalawang edisyon, idinagdag ng Heroes itong serbisyo ng panalangin.
Dadalhin ka nito sa Messenger upang makipag-ugnayan sa aming mga lingkod na handang manalangin para sa iyo 24/7.
Abangan!
1) Iba pang mga lenggwahe
Sa panahon ng pagsulat ng artikulong ito, ang Heroes ay nakasalin sa mga sumusunod na wika:
- Ingles
- Pranses
- Portuges
- Espanyol
- Hindi
- Romanyan
- Swahili
- Koreano
- Filipino
- Intsik
- Malay
- Siyamo
Ngunit habang patuloy naming pinahuhusay ang laro, asahang marami pang wika ang darating. Isa na rito ang Ukranyan.
2) Hero mode
Ang modang ito ay hahamunin kang sagutin ang bawat isa sa 12 tanong sa bawat karakter sa loob lamang ng 30 segundo. Pag hindi ka umabot, uulit ka sa simula ng sesyon.
Bukod pa riyan, mayroon ding mga bagong tanong, power-ups, at mga pormat ng pagraranggo. Kapana-panabik, hindi ba?
Nais mo bang mauna sa pagsubok ng bagong tampok na ito? Sumali sa aming komunidad sa Discord at maging beta tester!
Gusto Naming Marinig Ang Iyong Mga Saloobin
Ano ang masasabi mo sa paglago ng Heroes mula una hanggang ikalawang edisyon? Anu-anong aral ang iyong natutuhan?
Ilahad ang mga ito sa mga komento sa ibaba.