Pamilyar ka ba sa kuwento ng tagpuan ni Moises at ng palumpong na nagniningas? Anong mga aral ang itinuturo nito sa atin?
Sa artikulong ito, tuklasin ang 5 sa kanila.
Ngunit bago iyan, kilalanin muna natin si Moises.
Sino si Moises?
Ang pangalan ni Moises ay nagmula sa Hebreo at Arameikong salitang Mosheh na nangangahulugang “isang inilabas.” Ito ay batay sa Ehipsyong salitang mś o mśw na nangangahulugang “anak” o “ang ipinanganak ng”1.
Bilang mahalagang karakter sa Bibliya, si Moises ay karaniwang kinikilala bilang isang Hebreong propeta, pinuno ng relihiyon, at tagapagbigay ng batas2.
Malaki ang kanyang naiambag sa pagpapalaya ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto at pagtanggap ng Sampung Utos sa Bundok Sinai (Exodo 3–34).
Ang Kanyang Kwento
Bago ang engkwentro sa nagniningas na palumpong
Ipinanganak si Moises sa panahong ipinapapatay ang mga Hebreong sanggol na lalaki. Upang mailigtas siya, itinago siya ng kanyang ina sa isang basket na kanyang pinalutang sa Ilog Nile.
Maya-maya, siya ay natuklasan ng anak na babae ni Faraon, na siyang umampon sa kanya (Exodo 2:1-10).
Lumaki si Moises sa palasyo. Ngunit nang matuklasan ang kanyang lahing Hebreo, pinatay niya ang isang Ehipsyong tagapangasiwang namataan niyang binubugbog ang isang aliping Hebreo. Nagsisisi sa kanyang ginawa, tumakas siya patungong ilang (mga talata 11-15).
Sa ilang, si Moises ay nanirahan sa Midian at pinakasalan si Zipora, anak ng isang pari roon (mga talaga 16-22).
Ang engkwentro sa nagniningas na palumpong
Habang nag-aalaga ng mga tupa sa kabundukan ng Midian, nakakita si Moises ng isang palumpong na nagniningas ngunit hindi natutupok.
Paano nangyari iyon?
Gayunpaman, ang Diyos ay nakipag-usap sa kanya sa pamamagitan ng palumpong na iyon. Inihayag Niya ang Kanyang sarili at inatasan siyang pamunuan ang mga Israelita upang makalaya mula sa Ehipto.
Nag-alangan at nakaramdam man ng pagiging hindi karapat-dapat, tinanggap din ni Moises ang panawagan sa kasiguruhang sasamahan siya ng Diyos (Exodo 3:1-10).
5 Liksyon Mula sa Tagpuan ni Moises at ng Palumpong na Nagniningas
1) May panukala ang Diyos para sa ating lahat.
Sa Jeremias 29:11 (ABTAG2001), ipinahahayag ng Diyos, “Nalalaman Ko ang Aking mga panukala para sa inyo…mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.”
Sa bagay na ito, pinili ng Diyos si Moises, sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan at pagdududa sa sarili, para sa layuning pamunuan ang mga Israelita palabas ng Ehipto at gumanap ng malaking papel sa kasaysayan ng kaligtasan (Exodo 3:10, 6:6-7).
Ito rin ang pangako sa atin. Sinuman tayo, saanman tayo naroroon, o anuman ang ating ginagawa, may magagandang plano ang Diyos para sa atin.
2) Mahalagang makipag-ugnayan sa Kanya.
Sa Filipos 4:6-7 (MBBTAG), pinaaalalahanan tayo, “Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.”
Sa engkwentro ni Moises sa nagniningas na palumpong, nakipag-usap siya sa Diyos. Nagpapakita ito ng halimbawa ng paglapit sa Kanya para sa ating mga hinanaing, na humihingi ng patnubay at nagpapalawig ng ating relasyon sa Kanya.
3) Manatiling malapit sa Kanya.
Ang Santiago 4:8 (MBBTAG) ay nagpapayo, “Lumapit kayo sa Diyos at lalapit Siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.”
Ang pagiging malapit ni Moises sa Diyos ay hindi lamang pisikal kundi espirituwal na bagay rin. Nagbigay-daan ito para sa isang malalim na relasyong nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pananatiling malapit sa Kanya sa araw-araw.
4) Manatiling nananampalataya sa Kanya.
Maraming pagsubok at hamon ang buhay ni Moises ngunit nanatili siyang tapat sa Diyos.
Tunay ngang “kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at Siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa Kanya” (Hebreo 11:6, ABTAG2001).
Sa bagay na iyan, ang matibay na pananampalataya ni Moises, lalo na sa mga oras ng pagsubok, ay nagsisilbing walang hanggang aral para tayo rin ay manatiling tapat sa mga utos ng Diyos.
5) Magtiwalang gagabayan at palalakasin Niya tayo.
Ang pagtitiwala ni Moises sa patnubay at lakas ng Diyos ay isang nakapagpapatibay na aral para sa atin.
Sabi nga sa Isaias 41:10 (ABTAG2001), “Huwag kang matakot, sapagkat Ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa, sapagkat Ako’y Diyos mo; Aking palalakasin ka, oo, ikaw ay Aking tutulungan; oo, ikaw ay Aking aalalayan ng kanang kamay ng Aking katuwiran.”
Kung paanong ginabayan ng Diyos si Moises sa pamumuno sa mga Israelita, makatitiyak tayong papatnubayan at palalakasin din Niya tayo sa ating paglalakbay.
Ibahagi Ang Iyong Mga Saloobin
Ano ang iyong mga saloobin sa artikulong ito?
Ibahagi ang mga ito sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.