Kahanga-hanga ang mga batang kabisadung-kabisado ang mga teksto sa Bibliya, hindi ba? Ngunit hindi ito laging kasindali ng pagbibilang ng 1-2-3.
Sa artikulong ito, tuklasin ang 8 paraan upang matulungan ang iyong mga anak makamit ang madali at mabilis na pagsasaulo ng mga teksto sa Bibliya.
1) Simulan Ito Habang Bata pa Sila
Ang mga bata ay may matalas na memorya. Kumpara sa mga nakatatanda, mas madali at mas mabilis silang nakakakabisa ng mga bagay. Ito ay dahil ang utak ng matatanda ay dinisenyo upang magsagawa habang ang sa mga bata naman ay ginawa upang matuto.
Ayon sa International Bible Society, 83% ng mga Kristiyano ang nagtalaga kay Hesus sa pagitan ng mga edad 4 at 14. Karamihan sa mga ito ay mga misyonero1.
Sumasang-ayon ang pag-aaral na ito sa sinasabi ng Bibliya sa Mga Kawikaan 22:6 (MBBTAG). Iyon ay, “ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran.” At “hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan.”
Dahil dito, hindi dapat balewalain ang maagang pagsasanay-espiritwal ng mga bata. Sa katunayan, sinabi ni Hesus, “Hayaan ninyong lumapit sa Akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit” (Mateo 19:14, MBBTAG).
2) Bigyan Sila ng Motibasyon
Hindi madaling hikayating magkabisa ng mga teksto sa Bibliya ang mga bata.
Isang dahilan ang pagkakaroon nila ng maikling atensyon. Marami ring umaagaw ng kanilang oras. Kabilang na rito ang sosyal midya.
Kaya naman, bilang magulang, paano mo sila hihikayatin?
Gantimpalaan ang kanilang pagsasaulo ng alinman sa mga ito:
- Mga bituing puntos, sertipiko, tatak, regalo, o mga katulad
- Karagdagang oras para maglaro
- Meryenda
- Paglalakbay sa pinapangarap na lugar
- Pagpapahalaga at pagpapatunay
Paalala lamang.
Mas ganadong magsagawa ng mga bagay ang mga bata kapag may gantimpala o parusa. Tinatawag namin itong extrinsic motivation.
Pabor ito sa parehong partido.
Ang mga bata ay nagkakaroon ng kasanayan sa pagsasaulo, lumalalim ang kaalaman tungkol sa Bibliya, at natututong sumunod.
Ikaw naman, bilang magulang, ay nakadarama ng tagumpay sa paghikayat sa kanilang gawin ang nararapat.
Ngunit tandaang ang kalabisan sa lahat ng bagay ay masama.
Kapag nasanay ang mga bata sa paggawa ng mga bagay nang may kapalit, hahanap-hanapin na nila ito hangang sa malimutan ang tunay na layunin ng pag-aaral ng Bibliya.
Turuan ang iyong mga anak na kabisaduhin ang mga talata ng Bibliya dahil makabubuti ito sa kanila, hindi dahil may gantimpala. May gantimpala man o wala, dapat nilang gawin nang taos-puso kung ano ang nararapat.
3) Subukin Ang 10 Paraang Ito
Ang mga bata ay may iba’t ibang paraan ng pagkatuto. Kailangan mo lamang matukoy kung alin ang pinakamainam.
Narito ang 10 paraang maaari mong isagawa:
a. Isulat ito.
Ayon sa mga eksperto, mas tumatatak sa utak ng mga bata ang mga impormasyon kapag isinusulat.
Sa ganitong paraan, kanilang nasusuri ang mga impormasyong natatanggap nila. Tumatatak sa kanilang isipan ang mga ideya nito, na nakatutulong mahasa ang kanilang memorya.
b. Ipaskil ito.
Mahilig ka bang magpaskil ng mga paalala sa iyong pridyeder?
Gamot na kailangan mong inumin kinaumagahan. Pagkaing kailangang lutuin para sa tanghalian. O ang iyong iskedyul sa dentista kinagabihan.
Mas madaling tandaan ang mga bagay kapag nakikita at nababasa, hindi ba?
Kaya naman, bakit hindi subukang ipaskil ang mga talatang sauluhin ng iyong mga anak para sa araw na ito?
Ngunit, siyempre, hindi lamang sa pridyeder maaaring magpaskil. Pwede rin sa dingding ng iyong silid-tulugan, pintuan, o saanmang madaling mapansin ng iyong mga anak ngunit hindi magmumukhang magulo sa paningin.
Maaari mo ring dekorasyunan ito ng mga origami, kwadro, palugit, at iba pa. Pagkamalikhain lamang ang sikreto.
c. Markahan ito.
Ang pagmarka ng mga talata sa Bibliya ay nagbibigay-daan sa paglikha ng mga mapa ng kaisipan sa utak, na nakatutulong sa pagsasaulo.
Maaari kang magtalaga ng iba’t ibang kulay para sa iba’t ibang kategoryang gaya ng mga sumusunod:
- Berde – mga pangako ng Diyos
- Pula – mga paalala Niya
- Bughaw – mga panalangin
- Dilaw – mga katotohanan
Ano pa ang naiisip mo?
d. Bigkasin ito.
Ang pagbigkas ng mga talata sa Bibliya ay nakapagpapatibay ng pagkakatatag ng impormasyon sa utak.
Ayon sa mga eksperto, mas nagkakaroon ng pagkakakilanlan ang isang impormasyon kapag naririnig mo itong bigkasin.
Sa bagay na ito, gumagamit ang utak ng kakaibang sangkap upang iproseso ang impormasyong kailangang gamitin.
Eksperimentuhin ito sa iyong mga anak. Alamin kung eepekto ito sa kanila tulad ng ating natalakay.
e. Kantahin ito.
Kapag may bagong kanta kang inaaral, hindi ba’t mas madali mo itong makabisa kapag kinakanta pati ang mga titik? Ganito rin sa pagbigkas ng mga talatang sauluhin sa Bibliya.
Ayon sa agham, napasisigla ng mga gawaing pangmusika ang dorsal medial prefrontal cortex. Ang bahaging ito ng utak ay nauugnay sa mga awtobyograpikal na alaala at emosyon2.
Para sa mga taong may sakit na Alzheimer, ang cortex na ito ang naiiwang matibay.
Samakatwid, ang pag-awit ay nakatutulong sa iyong mga anak na makabisa nang mas mabilis ang mga talata sa Bibliya.
f. Gumawa ng iskrapbuk.
Ang paggawa ng iskrapbuk ay hindi lamang napaiigting ang pagkamalikhain ng iyong mga anak kundi nahahasa rin ang kanilang memorya.
Nananatiling matalas ang utak sa pag-eehersisyo nito. Kaya naman, ang paggawa ng iskrapbuk ay isa sa mga gawaing makatutulong sa iyong mga anak na maalaalang mabuti ang mga pangalan at ugnayan3.
g. Isadula ito.
Ang pag-arte ay nakapagpapalawig ng pagkamalikhain at imahinasyon ng iyong mga anak.
Ayon sa mga eksperto ng edukasyon, mas naaalala ng mga bata ang mga bagay kapag naranasan at naiugnay nila ang mga ito sa kanilang mga damdamin.
Bilang halimbawa, magtalaga ng isang kilos ng kamay para sa bawat salita ng talatang kakabisahin ng iyong mga anak. Sa ganitong paraan, mas madali nila itong matatandaan.
h. Iguhit ito.
Ayon sa pag-aaral, ang pagguhit ay higit kaysa mga aktibidad tulad ng pagbabasa at pagsusulat4.
Ito ay dahil napoproseso ang impormasyon sa iba-ibang paraan—biswal, kinestetiko, at semantiko.
Ayon din sa mga eksperimento, ang pagguhit ay dobleng nakapagpapatibay ng pag-alaala. Kaya naman, nakapagpapatalas ito ng memorya ng iyong mga anak.
i. Turuan ang ibang mga bata.
Sa pagtuturo ng kanilang kaalaman sa ibang mga bata, lumalalim ang pagkaunawa ng iyong mga anak sa isang partikular na impormasyon.
Kumpara sa mababaw na pag-aaral at pagbabalik-tanaw, ang pagbabahagi ng kaalaman ay mas nakapagpapanatili ng impormasyon sa utak.
j. Maglaro.
Sa pamamagitan ng paglalaro, lumalalim ang konsentrasyon ng mga bata.
Nadedebelop ang kanilang atensyon sa mga detalye, na humahantong sa mas mabilis na pagsasaulo ng mga bagay. Ang maganda pa rito ay nakalilibang at nakaeengganyo itong gawin.
4) Isakabuhayan Ang Iyong Ipinangangaral
Ang mga bata ay sumasalamin sa mga itinuturo at ipinakikita nating mga magulang.
Kung ang ating mga itinuturo ay hindi nakikita sa ating mga gawa, malilito sila. Mawawalan tayo ng kredibilidad na impluwensyahan silang gumawa ng tama.
Dahil dito, kailangan nating maging mabuting halimbawa. Sa madaling salita, ipamuhay ang ipinangangaral. Oo, gasgas na ito ngunit mahalagang paalala pa rin ito sa atin.
Sa kaso ng pagsasaulo ng mga talata sa Bibliya, ang pagsasakabuhayan ng mga ipinangangaral ay nangangahulugang pagpapakita ng mga katuruan ng Bibliya sa pamamagitan ng iyong mga salita at kilos.
Sa pamamagitan nito, ang iyong mga anak ay hindi lamang nasasaulo ang bawat salita ng mga talata sa Bibliya kundi nauunawaan din ang kahulugan at diwa nito.
5) Subukin Ang Iyong Anak
Ang pinakaepektibong sukatan ng pagkatuto ng iyong mga anak ay ang subukin kung ano ang kanilang nakabisa. Pwede ito sa paraang pabigkas o di kaya sa isang pampamilyang pagsusulit.
Anumang sukatan ang iyong gamitin, tiyaking magkaroon ng isang malinaw na layunin sa huli.
Narito ang ilang ideya:
Paraan | Layunin |
---|---|
Simpleng pag-alaala (sa paraang pasalita) | Upang masanay sa pagbigkas ng mga talata sa Bibliya |
Biblikal na laro | Upang makipagkasiyahan sa mga miyembro ng pamilya habang natututo ng mga talatang iyon |
Pagpuno sa mga patlang | Upang kabisaduhin ang mga salita ng mga talatang iyon, kasama ng kanilang tamang baybay, kapitalisasyon, pagbabantas, at iba pa |
Pagsasadula ng mga tumatak na pahayag ng mga karakter sa Bibliya | Upang hasain ang pang-unawa at pagkamalikhain habang nagkakabisa ng mga talata |
Matapos magsuri, subukin ang kakayahan ng iyong mga anak. Bigyan sila ng konstruktibong pagpuna. Tukuyin kung saan sila mahusay at saan dapat magpakahusay pa.
Ngunit mag-ingat. Iwasang pagkumpara-kumparahin sila, na maaaring magresulta sa inggitan bunsod ng pagtatangi. Sa halip, hikayatin silang tulungan ang isa’t isa.
6) Ibahagi Ito at Matuto Mula sa Ibang Mga Magulang
Oo, hindi madali ang maging magulang. May ginhawa at kasiyahan ngunit may hirap at kalungkutan din.
Ngunit hindi ka nag-iisa sa paglalakbay na ito! Ikanga sa Ingles, “no man is an island.“
Kaya lumabas na at humanap ng mga kapwa magulang na maaari mong kaibiganin.
Magsimula sa iyong mga kamag-anak. Pagkatapos ay maghanap mula sa iyong mga kapitbahay, paaralan, trabaho, o simbahan.
Ibahagi sa kanila ang iyong mga payo para sa mabilis na pagsasaulo ng mga bata ng mga talata sa Bibliya. At siguradong may matututuhan ka rin mula sa kanila.
Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ka ng suporta. Nakatatagpo ka ng mga bagong kaibigan at nakaririnig ng mga kwentong maaaring may kaugnayan din sa iyong mga karanasan.
Sa pagbabahagi ng mga karanasan, napagtatanto mong marami ka pang dapat matutuhan. Anuman ang iyong edad, laging may pagkakataong lumago sa buhay.
7) Subuking Muli Ang Iyong Mga Diskarte
Matapos matuto mula sa mga kapwa magulang, oras na para umupo at uriin ang mga bagay-bagay.
Suriin ang iyong mga nakaugalian at ihambing ang mga ito sa iyong bagong natutuhan. Maaaring may mga bagay na kailangang baguhin, pagbutihin, o panatilihin.
Ngunit tandaang hindi lahat ng ginagawa ng ibang mga magulang ay tutugma rin sa iyong sitwasyon. May mga kasanayang maaaring sa kanila lamang gumana dahil magkakaiba kayo ng mga anak.
Malalaman mo na lang ang lahat kapag naisagawa na ang mga ito sa iyong mga anak. Kung gumana man ang kanilang mga payo, mabuti. Kung hindi naman, bumalik na lamang sa mga subok mo nang pamamaraan.
8) Huwag Tumigil
Ngayong nagawa mo na ang lahat, magtuluy-tuloy ka lamang.
Kung nasimulan mo na ang pagsasanay ng iyong mga anak na gumising nang maaga para sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, siguraduhing gawin ito araw-araw.
Kung kayo naman ay nananalangin bago magmemorya ng mga talata sa Bibliya, sikaping hindi pumalya rito.
Anuman ang napagpasyahan mong simulan, ipagpatuloy ito.
Nais Naming Malaman Ang Iyong Saloobin
Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?
Ano ang iyong natutuhan mula sa 8 sikreto sa mabilis na pagsasaulo ng mga talata sa Bibliya para sa mga bata? Ano pang mga paraan ang naiisip mong makatutulong sa ganitong layunin?
Ibahagi ang iyong opinyon sa ibaba.