Paano si Dabid, isang hamak na pastol, nakapagpatumba ng isang higante?
Sa artikulong ito, tuklasin ang 5 kahanga-hangang katangian ni Dabid sa Bibliya, na nakatulong sa kanyang tagumpay.
Ngunit kilalanin muna natin siya at alamin ang kanyang kwento.
Pagkilala Kay Dabid
Sino nga ba siya?
Si Dabid ang bunsong anak na lalaki ni Jesse (1 Samuel 16:10-13, 17:12-14).
Isang mamula-mula at gwapong batang lalaking may magagandang mata, naatasan siyang pangalagaan ang mga tupa ng pamilya (talata 28 ng kapitulo 17).
Ang pangalang Dabid ay hango sa Dawid, isang pangalang Hebreong nangangahulugang “minamahal.” Nag-ugat din ito mula sa dwdh at dawidum, na isinasalin namang “puno” o “komander”1.
Yamang nabanggit ang kumander, si Dabid ang ikalawang hari ng Israel. Naglingkod siya mula 1011 hanggang 971 BC. Sa kanyang angkan nagmula si Hesus.
Ano ang kanyang kwento ng pagiging mandirigma?
Bilang pinili ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Samuel, si Dabid na isang ordinaryong pastol ay hinirang na hari ng Israel (1 Samuel 16:1-13).
Isang malaking pagsubok sa kanyang buhay ang magboluntaryong makipaglaban sa higanteng Filisteong si Goliat gamit lamang ang 1 tirador at 5 makikinis na bato (1 Samuel 17:32-37).
Sa pamamagitan ng isang batong nakapokus sa target, napatumba ni Dabid ang higante at nagkamit ng tagumpay (1 Samuel 17:48-51). Ang tagumpay na ito ay nagdulot sa kanya ng pambansang katanyagan at nagpabago ng kanyang buhay.
5 Kahanga-hangang Katangian ni Dabid na Nakatulong sa Kanya sa Pakikipaglaban kay Goliat
1) Si Dabid ay mapagpakumbaba.
Kahit hinirang na hari ng Israel sa hinaharap, si Dabid ay nanatiling mapagpakumbaba. Tinanggap niya ang kanyang mga pagkakamali nang paalalahanan ng propetang si Natan (2 Samuel 12:13).
Naipakita rin niya ang pagpapakumbaba sa pagharap kay Goliat, kung saan nanindigan siya sa lakas mula sa Diyos. Wika niya, “Kay Yahweh ang labanang ito” (1 Samuel 17:47, MBBTAG).
Dahil sa pagpapakumbabang ito, namumukud-tangi si Dabid sa mga batikang mandirigma. Ito rin ang nakatulong sa kanyang harapin ang mga hamon ng buhay nang may pagtitiwala sa gabay ng Diyos.
Ang kanyang kakayahang tumanggap ng mga pagkakamali, humingi ng kapatawaran, at ibalik ang lahat ng papuri sa Diyos ay nagpakita ng pagpapakumbabang nagpabago at naglapit sa kanya sa Diyos at mga tao.
2) Nanampalataya siya sa Diyos.
Walang palyang ipinamalas ni Dabid ang kanyang pananampalataya sa Diyos, lalo na nang ideklara niya kay Goliat, “Kay Yahweh ang labanang ito” (1 Samuel 17:47, MBBTAG).
Naipahihiwatig din ng kanyang mga awit, tulad na lamang ng Mga Awit 23, ang kanyang malalim na relasyon sa Diyos, na sumasalamin sa isang pusong nakatuon sa Maykapal.
Samakatwid, pananampalataya ang naging kanyang gabay sa mga pagsubok, tagumpay, at pagsisisi sa bawat pagkakamali. Pinagtibay nito ang kanyang reputasyon bilang lalaking kinalulugdan ng Diyos (Mga Gawa 13:22).
3) Siya ay matapang.
Sa pagharap kay Goliat, nanaig ang katapangan ni Dabid sa pagdeklarang, “Kay Yahweh ang labanang ito” (1 Samuel 17:47, MBBTAG).
Ang kanyang katapangan ay hindi nagmula sa kanyang sariling lakas kundi sa pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos.
Gaanuman katakut-takot, matapang na hinarap ni Dabid si Goliat gamit lamang ang 1 tirador at 5 makikinis na bato. Pinatunayan nito ang kanyang di-matatawarang pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na gumawa ng tila imposibleng bagay.
4) Siya ay maparaan.
Sa pagharap kay Goliat, naipakita niya ang pagkamaparaan sa pamamagitan ng pagpili ng ilang bato bilang mga bala para sa kanyang tirador (1 Samuel 17:40).
Sa paggamit ng anumang mayroon siya sa halip na umasa sa tradisyunal na kagamitan, naipakita niya ang kanyang praktikal at makabagong diskarte.
5) Siya ay madiskarte.
Tinarget ni Dabid hindi ang anumang bahagi ng katawan ni Goliat kundi ang isang mahinang parte, ang noo nito (1 Samuel 17:49).
Sa intensyonal at taktikal na diskarteng ito, makikita ang kaalaman ni Dabid tungkol sa katawan ng tao at estratehiya sa pakikipaglaban. Ang ordinaryong pastol nga ay naging isang matalinong mandirigma.
Ano Ang Iyong Natutuhan?
Ano ang iyong saloobin tungkol sa paksang ito?
Ibahagi ito sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.
Upang lubos pang makilala si Dabid, basahin ang kanyang kwento rito at panoorin ang bidyo sa ibaba.
- Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 272-75 [↩]