Nilalaman

Ilang Kabuuang Oras Lamang Dapat sa Iskrin Ang Mga Tinedyer?

Bilang magulang, marahil alam mong nakasasama sa iyong tinedyer ang pagbababad sa iskrin. Kaya naman, ilang kabuuang oras nga ba ang ipinapayo para sa kanya?

Sa artikulong ito, nangalap kami ng mga impormasyon mula sa mga nangungunang pag-aaral upang masagot ang tanong na iyan, kabilang ang mga sumusunod:

  • Ilang kabuuang oras sa iskrin ang kadalasang ginugugol ng mga tinedyer?
  • Aling kasarian ang kumukonsumo ng mas maraming oras?
  • Anu-ano ang 4 na nangungunang aktibidad na pinaggugugulan nila ng oras sa iskrin?
  • Aling gadyet ang pinakamadalas nilang gamitin?
  • Anu-anong benepisyo ang naibibigay sa kanila ng paggugol ng oras sa iskrin?
  • Anu-anong panganib naman ang naidudulot ng kalabisan nito sa kanila?
  • Bilang magulang, paano mo malilimitahan ang oras ng iyong anak sa iskrin?

Ilang Kabuuang Oras sa Iskrin Ang Madalas Ginugugol ng Mga Tinedyer?

1) Noong panahon ng pandemya, ang mga nakababatang tinedyer sa iba’t ibang bansa, lalo na ang EU, ay gumugol ng 7.7 oras kadaaraw sa iskrin.

Heroes: Gumugugol ng 7.7 kabuuang oras sa iskrin araw-araw
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: CNN Philippines, JAMA Pediatrics, at Soocial

  • Ang 5,412 kabataan, karamihan sa Estados Unidos, na nasa pagitan ng mga edad 10 at 14 na taon ay gumugol ng 7.7 kabuuang oras sa iskrin kadaaraw noong panahon ng pandemya.
  • Bago ang pandemya, ang kanilang kabuuang oras sa iskrin ay 3.8 lamang kadaaraw.
  • Ayon sa mga mananaliksik, pandemya ang dapat sisihin dahil ang pananatili sa tahanan ay nagbigay sa mga tinedyer ng mas maraming oras sa mga gadyet.
  • Hindi nga lang kasama rito ang oras na ginugol ng mga tinedyer para sa mga gawaing pang-eskwelahan. Sakop lamang nito ang oras sa panonood o pag-iistrim ng mga bidyo, paglalaro, at panonood ng telebisyon.

2) Ang mga tinedyer sa EU ay gumugugol ng 2.73 hanggang mahigit 4 na kabuuang oras sa iskrin kadaaraw.

Heroes: Tinedyer na gumugugol ng 2.73 hanggang mahigit 4 na kabuuang oras sa iskrin
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Pew Research Center (1), Statista (1), at Statista (2)

  • Ayon sa 62% ng mga magulang ng mga kabataang nasa edad 14 hanggang 17 taon sa EU, ang kanilang mga anak ay karaniwang gumugugol ng higit 4 na oras sa iskrin kadaaraw.
  • Ang mga nasa edad 13 hanggang 18 taon ay gumugugol ng 3 oras at 16 na minuto sa panonood ng telebisyon o mga bidyo sa Internet at 20 minuto sa pakikipagvideo chat.
  • Sa 5 oras at 44 na minutong ginugugol ng mga tinedyer sa EU para sa pang-araw-araw na paglilibang, 3 oras at 3 minuto rito ang para sa mga aktibidad sa iskrin.
  • Kung iisa-isahin, 2 oras at 44 na minuto ang ginugugol nila sa isang karaniwang araw ng linggo habang 3 oras at 53 minuto naman sa katapusan ng linggo.

3) Ang mga tinedyer sa mga sambahayang mababa ang kinikita sa EU ay gumugugol ng mas maraming oras (mga 9.2 kadaaraw) sa iskrin.

Heroes: Tinedyer na gumugugol ng 9.2 kabuuang oras sa iskrin araw-araw
Karapatang-ari: Canva

Sanggunian: Statista (3)

  • Ang mga tinedyer sa EU na nasa edad na hanggang 13 taong naninirahan sa mga sambahayang may taunang kitang mas mababa sa EU$35,000 ay gumugugol ng 7.32 kabuuang oras sa iskrin kadaaraw.
  • Sa hanay ng mga edad na ito, ang mga nagmula sa mga sambahayang may taunang kitang higit EU$100,000 ay gumugugol ng 4.21 kabuuang oras sa iskrin kadaaraw.
  • Ang mga tinedyer na nasa edad 14 hanggang 18 taong naninirahan sa mga sambahayang may taunang kitang mas mababa sa EU$35,000 ay gumugugol ng 9.2 kabuuang oras sa iskrin kadaaraw.
  • Sa hanay ng mga edad na ito, ang mga nagmula sa mga sambahayang may taunang kitang higit EU$100,000 ay gumugugol ng 7.16 kabuuang oras sa iskrin kadaaraw.

4) Ang kabuuang oras sa iskrin ng mga kabataan sa Pransya ay 1.52 hanggang 3.33 oras kadaaraw at 17.8 oras kadalinggo.

Heroes: Gumugugol ng 1.52 hanggang 3.33 oras araw-araw at 17.8 oras lingguhan sa telepono at laptop
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: International Central Institute for Youth and Educational Television at Statista (4)

  • Ang mga nasa edad 11 hanggang 14 na taon ay gumugugol ng 91 hanggang 159 na minuto (1.52 hanggang 2.65 oras) kadaaraw.
  • Ang mga nasa edad 15 hanggang 16 na taon ay gumugugol ng 200 minuto (3.33 oras) kadaaraw.
  • Sa isang linggo, 17.8 oras ang kanilang nagugugol.

Aling Kasarian Ang Kumukonsumo ng Higit na Oras sa Iskrin?

1) Walang kasarian ang nakalalamang ng oras sa iskrin dahil pareho nilang nadadaig ang isa’t isa sa magkakaibang aktibidad.

Heroes: Mga tinedyer na naglalaro sa kanilang mga selpon
Karapatang-ari: Canva

Sanggunian: Common Sense Media

  • Ang mga kabataang lalaki ay gumugugol ng humigit-kumulang 56 na minuto sa paglalaro ng video games kadaaraw habang ang mga kabataang babae ay gumugugol lamang ng 7 minuto.
  • Nalalamangan ng mga kabataang babae ang mga kabataang lalaki nang 40 minuto sa pagbisita ng sosyal midya.

2) Ganito rin ang kaso ng mga Suwisong tinedyer na nasa edad 12 hanggang 19 na taon.

Heroes: Mga tinedyer na gumagamit ng tablet at laptop
Karapatang-ari: Canva

Sanggunian: International Central Institute for Youth and Educational Television

  • Mas maraming babae (99%) ang gumugugol ng oras sa pagbisita ng Internet kaysa sa mga lalaki (96%).
  • Mas maraming babae (94%) ang gumugugol ng oras sa sosyal midya kaysa sa mga lalaki (89%).
  • Mas maraming lalaki (94%) ang nanonood ng mga bidyo sa Internet kaysa sa mga babae (76%).
  • Mas maraming lalaki (68%) ang gumugugol ng oras sa paglalaro ng video games kaysa sa mga babae (11%).
  • Mas maraming babae (67%) ang gumugugol ng oras sa pagkuha ng mga digital na larawan kaysa sa mga lalaki (42%).
  • Mas maraming babae (64%) ang gumugugol ng oras sa panonood ng telebisyon kaysa sa mga lalaki (63%).
  • Mas maraming lalaki (33%) ang gumugugol ng oras sa mga tableta kaysa sa mga babae (27%).
  • Mas maraming babae (30%) ang gumugugol ng oras sa pagrerekord ng mga digital na bidyo kaysa sa mga lalaki (18%).

Anu-ano Ang 4 na Nangungunang Gawain ng Mga Tinedyer sa Kanilang Oras sa Iskrin?

1) Nangunguna sa listahan ang pakikilahok sa sosyal midya, na pinatutunayan ng hanggang 97% ng mga tinedyer na gumugugol ng hanggang 26.72% ng kanilang oras sa iskrin para rito.

Heroes: Tinedyer na nakikipagvideo call
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Common Sense Media, High Speed Internet, International Central Institute for Youth and Educational Television, National Library of Medicine, at OECD iLibrary

  • Sa Estados Unidos, 50% hanggang 97% ng mga tinedyer na nasa edad 13 hanggang 17 taon ang aktibo sa hindi bababa sa isang plataporma ng sosyal midya. Hindi bababa sa 26% ng kanilang kabuuang oras sa iskrin ang nagugugol sa pagbisita sa plataporma at pakikipagvideo call.
  • Sa Bangladesh, ang sosyal midya ay kumukonsumo ng hindi bababa sa 26.72% ng kabuuang oras ng mga tinedyer sa iskrin.
  • Sa Denmark, 21% ng mga kabataang nasa edad 15 hanggang 18 taon ang gumagamit ng sosyal midya.
  • Sa Australya, 93% ng mga tinedyer na nasa edad 12 hanggang 17 taon ang gumagamit ng sosyal midya upang makipag-online chat, 72% upang makipagvideo call, isa pang 72% upang tumugon sa mga komento ng ibang mga tao, at 68% upang magbahagi ng mga larawan at bidyo.
  • Sa Amerikang Latino, 68.81% ng mga nakababatang tinedyer na nasa edad 11 hanggang 12 taon, 82.79% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 13 hanggang 14 na taon, at 89.85% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 15 hanggang 17 taon ang gumagamit ng hindi bababa sa isang plataporma ng sosyal midya.
  • Sa naturang rehiyon, 60.81% ng mga nakababatang tinedyer na nasa edad 11 hanggang 12 taon, 75.13% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 13 hanggang 14 na taon, at 83.02% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 15 hanggang 17 taon ang nakikipag-usap sa kanilang mga kapamilya at mga kaibigan sa sosyal midya.
  • 9% ng mga nasuring kabataang nasa edad 13 hanggang 18 taon sa hindi partikular na bansa o kontinente ang nakikipagvideo call din sa kanilang mga kapamilya at kaibigan. Ang 24% ng mga ito ay bumibisita sa mga plataporma ng sosyal midya.
  • Facebook ang pinakapopular na plataporma ng sosyal midya para sa mga 12 hanggang 15 taong gulang na kabataan, na sinundan naman ng Instagram.

2) Pumapangalawa ang panonood o pag-iistrim ng mga bidyo, pelikula, at palabas sa telebisyon, na pinatutunayan ng hanggang 93% ng mga tinedyer na gumugugol ng hanggang 39% ng kanilang oras sa iskrin para rito.

Heroes: Mga babaeng kumakain ng popcorn habang nanonood ng telebisyon
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Common Sense Media, High Speed Internet, International Central Institute for Youth and Educational Television, at National Library of Medicine

  • Sa Denmark, 10% hanggang 25% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 15 hanggang 18 taon ang nanonood ng mga palabas sa telebisyon, mga pelikula, at maiikling bidyo.
  • Sa Australya, 93% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 12 hanggang 17 taon ang nanonood ng mga bidyo, pelikula, at palabas sa telebisyon.
  • Sa Amerikang Latino, 78.03% ng mga nakababatang kabataang nasa edad 11 hanggang 12 taon, 86.42% ng mga nakatatandang kabataang nasa edad 13 hanggang 14 na taon, at 86.45% ng mga nakatatandang kabataang nasa edad 15 hanggang 17 taon ang nanonood ng mga bidyo sa mga platapormang gaya ng YouTube, TikTok, at Instagram.
  • Sa Estados Unidos, 51% hanggang 62% ng mga kabataan ang nanonood ng telebisyon. Kasabay ng pag-iistrim ng mga bidyo at pelikula, ang aktibidad na ito ay kumukonsumo ng 39% ng kanilang kabuuang oras sa iskrin.
  • Sa Bangladesh, 39.02% ng kabuuang oras ng mga kabataan sa iskrin ay nagugugol sa panonood ng mga kartun at pelikula.
  • 39% ng mga nasuring kabataang nasa edad 13 hanggang 18 taon sa hindi partikular na bansa o kontinente ang gumugugol ng malaking porsyento ng kanilang oras sa panonood ng telebisyon.

3) Pumapangatlo ang paglalaro ng mga laro sa Internet, ayon sa hanggang 77% ng mga tinedyer na gumugugol ng 25% ng kanilang oras sa iskrin para rito.

Heroes: Mga lalaking naglalaro ng online computer games
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Common Sense Media, High Speed Internet, International Central Institute for Youth and Educational Television, National Library of Medicine, at OECD iLibrary

  • Sa mga 15 taong gulang na kabataang lalaki sa mga bansang kabilang sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), 75% ang naglalaro ng mga laro sa Internet habang ang 70% ay naglalaro ng mga kolaboratibo at pangmaramihang laro.
  • Sa Estados Unidos, ang paglalaro sa Internet ay kumukonsumo ng 25% ng kabuuang oras ng mga kabataan sa iskrin.
  • Sa Denmark, 9% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 15 hanggang 18 taon ang naglalaro sa Internet.
  • Sa Australya, 77% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 12 hanggang 17 taon ang naglalaro ng mga laro sa Internet kasama ng kanilang mga kaibigan.
  • Sa Amerikang Latino, 73.94% ng mga nakababatang tinedyer na nasa edad 11 hanggang 12 taon, 70.24% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 13 hanggang 14 taon, at 63.54% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 15 hanggang 17 taon ang naglalaro ng anumang uri ng laro sa Internet.
  • 22% ng mga nasuring kabataang nasa edad 13 hanggang 18 taon sa hindi partikular na bansa o kontinente ang gumugugol ng malaking porsyente ng kanilang oras sa paglalaro.

4) Pumapang-apat ang pagbabasa ng balita sa Internet yamang hanggang 62% lamang ng mga kabataan ang gumugugol ng oras sa iskrin para rito.

Heroes: Lalaking nagbabasa ng online news
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: High Speed Internet at International Central Institute for Youth and Educational Television

  • Sa Amerikang Latino, 35.31% ng mga nakababatang tinedyer na nasa edad 11 hanggang 12 taon, 44.09% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 13 hanggang 14 na taon, at 52.61% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 15 hanggang 17 taon ang nagbabasa ng mga balita sa Internet.
  • Sa Australya, 62% ng mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 taon ang gumagamit ng kanilang oras sa iskrin para tumingin at magbasa ng mga balita sa Internet.
  • Sa Denmark, 4% ng mga nakatatandang tinedyer na nasa edad 15 hanggang 18 taon ang nagbabasa ng balita sa Internet.
  • 9% ng mga nasuring kabataang nasa edad 13 hanggang 18 taon sa hindi partikular na bansa o kontinente ang isinasama ang mga balita sa kanilang mga binabasa sa Internet.

Aling Gadyet Ang Pinakamadalas Gamitin ng Mga Tinedyer Sa Kanilang Oras sa Iskrin?

Heroes: May hawak na smartphone
Karapatang-ari: Canva

1) Selpon ang pinakamadalas gamitin ng hanggang 81% ng mga nasuring tinedyer sa Austria.

Sanggunian: International Central Institute for Youth and Educational Television

  • Sa mga Awstriyanong tinedyer na nasa edad 11 hanggang 18 taon, 77% ng mga kalalakihan at 81% ng mga kababaihan ang hindi kayang mabuhay nang walang selpon. Kung pagsasamahin, bumubuo sila ng 80% ng populasyong gumagamit ng naturang aparato kadaaraw.
  • 44% ng mga kalalakihan at 38% ng mga kababaihan ang hindi kayang mabuhay nang walang desktop at/o laptop na kompyuter. Sumatutal, sila ay 41% ng populasyong gumagamit ng naturang aparato kadaaraw.
  • 35% ng mga kalalakihan at 25% ng mga kababaihan ang hindi kayang mabuhay nang walang telebisyon. Kapag pinagsama, sakop nila ang 32% ng populasyong gumagamit ng naturang aparato kadaaraw.
  • 12% ng mga kalalakihan at 13% ng mga kababaihan ang hindi magawang palipasin ang araw nang hindi gumagamit ng tableta. Sumatutal, sila ay bumubuo ng 13% ng populasyong gumagamit ng naturang aparato kadaaraw.
  • 14% ng mga kalalakihan at 5% ng mga kababaihan ang hindi makatiis nang hindi gumagamit ng gaming console. Kung susumahin, 9% ang sakop nila sa populasyong gumagamit ng naturang aparato kadaaraw.

2) Ganito rin ang kaso ng hanggang 67.11% ng mga nasuring kabataan sa Bangladesh.

Sanggunian: National Library of Medicine

  • 1,210 (67.11%) sa 1,803 kabataang taga-Bangladesh ang gumagamit ng selpon araw-araw.
  • 170 (9.43%) sa kanila ang gumagamit ng tableta araw-araw.
  • 131 (7.27%) sa kanila ang gumagamit ng desktop at/o laptop na kompyuter araw-araw.
  • 64 (3.55%) sa kanila ang gumagamit ng iba pang mga aparato araw-araw.

3) Ganito rin ang kaso ng hanggang 65% ng mga nasuring kabataan sa Pransya.

Sanggunian: International Central Institute for Youth and Educational Television

  • Sa mga kabataang nasa edad 9 hanggang 16 na taon, 65% ang gumagamit ng selpon araw-araw.
  • 47% sa kanila ang nanonood ng telebisyon araw-araw.
  • 41% sa kanila ang gumagamit ng desktop at/o laptop na kompyuter araw-araw.
  • 31% sa kanila ang gumagamit ng mga tableta araw-araw.
  • 26% sa kanila ang gumagamit ng game consoles araw-araw.

4) Selpon ang gumugugol ng hanggang 46% ng kabuuang oras sa iskrin ng mga nasuring tinedyer sa EU.

Sanggunian: Common Sense Media

  • Ang selpon ay gumugugol ng 41% ng oras sa iskrin ng mga nakababatang tinedyer sa EU.
  • Kumukonsumo rin ito ng 46% ng oras sa iskrin ng mga nakatatandang tinedyer sa naturang bansa.

Anu-anong Benepisyo Ang Nakukuha ng Mga Tinedyer Mula sa Paggugol ng Oras sa Iskrin?

1) Nakasasagap sila ng mga balita, payong pangkalusugan, at iba pang impormasyon.

Heroes: Balita sa selpon
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Act for Youth, Pew Research Center (2), at Pew Research Center (3)

  • Ayon sa 87% ng mga kabataang nasa edad 14 hanggang 17 taon sa iba’t ibang bansa, ang paggugol ng oras sa iskrin ay nakapagbibigay ng mga payo at impormasyong pangkalusugan, partikular sa kaangkupan ng pangangatawan, nutrisyon, istres, pagkabalisa, at depresyon.
  • Ganito rin ang sitwasyon ng 28% ng mga kabataan sa EU.
  • Ayon sa 16% hanggang 77% sa kanila, ang paggugol ng oras sa iskrin ay naghahatid sa kanila ng mga balita at kasalukuyang kaganapan.

2) Nakauugnay sila sa ibang mga tao.

Heroes: __
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Pew Research Center (2), Pew Research Center (3), at True List

  • Ayon sa 68% ng mga nasuring kabataan, karamihan sa EU, napadadali ng mga aparatong deiskrin ang pakikipag-ugnayan sa ibang mga tao.
  • 55% sa kanila ang nakagagamit ng mga plataporma ng sosyal midya tulad ng Facebook gamit ang mga naturang gadyet.
  • Ayon sa 40% hanggang 67.4% sa kanila, nakatutulong ang naturang teknolohiya sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapamilya at kaibigan kahit nasa magkakaibang lugar.
  • 18% sa kanila ang nakabibisita sa mga chat room.
  • 15% sa kanila ang nakatatagpo ng mga taong may kaparehong interes.

3) Nakapagtatransak sila sa Internet.

Heroes: Namimili sa Internet
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Pew Research Center (2) at Pew Research Center (3)

  • Ayon sa 55% ng mga nasuring tinedyer, karamihan sa EU, ang mga gadyet na deiskrin ay nagagamit sa pagsisiyasat sa mga paaralang nais nilang isaalang-alang.
  • 38% sa kanila ay nakabibili ng mga libro, damit, at musika mula sa Internet.

4) Nalilibang sila.

Heroes: Mga lalaking nanonood sa laptop
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Pew Research Center (2) at Pew Research Center (3)

  • 81% ng mga nasuring tinedyer, karamihan sa EU, ang nakikinig ng musika at nanonood ng mga pelikula, palabas sa telebisyon, at isports sa kanilang oras sa iskrin.
  • 57% sa kanila ang nanonood ng mga bidyo sa YouTube, TikTok, at iba pang mga plataporma kung saan maaaring magbahagi ng mga bidyo.
  • 49% sa kanila ang naglalaro sa Internet ng mga larong pangkompyuter at pangconsole.
  • 19% sa kanila ang nakanonood at nakadadownload ng mga podkast.
  • 9% sa kanila ang nagsasabing nakapagbibigay-aliw sa kanila ang paggugol ng oras sa iskrin.

Ano Ang Masasamang Epekto sa Kanila ng Paggugol ng Sobrang Daming Oras sa Iskrin?

1) Nakagagambala at nakaaadik ito.

Heroes: Tinedyer na abala sa pagseselpon habang gumagawa ng takdang-aralin
Karapatang-ari: Pexels

Mga sanggunian: Pew Research Center (2), Science Direct, at Smart Social

  • Ayon sa 57% ng mga nasuring tinedyer sa iba’t ibang bansa, nakagagambala sa kanilang paggawa ng mga takdang-aralin ang paggugol ng oras sa iskrin.
  • Ang 54% sa kanila ay sumasang-ayong ang gayong aktibidad ay nakagagambala sa kanilang oras para sa ibang mga tao.
  • Ayon sa 67% ng mga nasuring guro sa Reino Unido, nakaiistorbo sa pag-aaral ng mga estudyante ang selpon.
  • Ayon sa 47% ng mga nasuring magulang sa naturang bansa, ang kanilang mga anak ay may pagkagumon sa smartfon.
  • Sa mga sinuring tinedyer na nasa edad 11 hanggang 13 taon sa EU, humigit-kumulang 27% ng mga gumugugol ng 2 kabuuang oras sa iskrin ang madalas hindi natatapos ang kanilang mga gawain dahil nagagambala ng oras sa iskrin.
  • Ganito rin ang kaso ng humigit-kumulang 32% ng mga gumugugol ng 4 na oras, 42% ng mga gumugugol ng 6 na oras, at 44% hanggang 45% ng mga gumugugol ng higit 7 kabuuang oras sa iskrin.
  • Sa mga sinuring tinedyer na nasa edad 14 hanggang 17 taon sa EU, humigit-kumulang 19% ng mga gumugugol ng 2 kabuuang oras sa iskrin ang may kaparehong problema.
  • Ganito rin ang kaso ng humigit-kumulang 28% ng mga gumugugol ng 4 na oras, 36% hanggang 37% ng mga gumugugol ng 6 na oras, at 42% hanggang 43% ng mga gumugugol ng higit 7 kabuuang oras sa iskrin.

2) Nagkakaroon sila ng mga pisikal na problema.

Heroes: Tinedyer na pagod na sa iskrin
Karapatang-ari: Pexels

Mga sanggunian: Pew Research Center (2), Royal College of Paediatrics and Child Health, True List, at Wiley Online Library

  • Ayon sa 88% ng mga nasuring tinedyer na nasa edad 11 hanggang 18 taon sa buong RU, ang sobrang oras sa iskrin ay negatibong nakaaapekto sa kanilang pagtulog.
  • 50% hanggang 53% ng mga nasuring tinedyer, karamihan sa EU at Bangladesh, ang nakararanas ng pagkagambala sa pagtulog.
  • 47% hanggang 48% sa kanila ang nakararanas ng sakit sa likod.
  • Halos 45% sa kanila ang sumasakit ang ulo.
  • 40% sa kanila ang sumasakit ang mga binti.

3) Nakararanas sila ng mga problema sa kalusugang mental at sikolohikal.

Heroes: Tinedyer na nababalisa
Karapatang-ari: Pexels

Mga sanggunian: Pew Research Center (2), Royal College of Paediatrics and Child Health, Science Direct, at Wiley Online Library

  • 70% ng nasuring tinedyer, karamihan sa US, ang nasa panganib ng pagpapakamatay dahil sa pag-iisa, pagkabalisa, at depresyong dulot ng sobrang pagkababad sa iskrin.
  • 52% sa kanila, karamihang nasa Bangladesh, ang nakararanas ng depresyon.
  • 35% ng mga nasuring tinedyer na nasa edad 11 hanggang 18 taon sa RU ang nagsasabing nagbibigay ng masamang dulot sa kanilang kundisyon at kalusugang mental ang sobrang oras sa iskrin.
  • Sa mga nasuring tinedyer na nasa edad 11 hanggang 13 taon sa EU, humigit-kumulang 12% ng mga gumugugol ng 2 kabuuang oras sa iskrin ang hindi interesadong matuto ng mga bagong bagay.
  • Ganito rin ang kaso ng humigit-kumulang 14% ng mga gumugugol ng 4 na oras, 20% ng mga gumugugol ng 6 na oras, at 23% ng mga gumugugol ng higit 7 kabuuang oras sa iskrin.
  • Ayon sa mga nasuring tinedyer na nasa edad 14 hanggang 17 taon sa EU, humigit-kumulang 12% ng mga gumugugol ng 2 kabuuang oras sa iskrin ang may kaparehong problema.
  • Ganito rin ang kaso ng humigit-kumulang 18% ng mga gumugugol ng 4 na oras, 24% ng mga gumugugol ng 6 na oras, at 27% hanggang 28% ng mga gumugugol ng higit 7 kabuuang oras sa iskrin.
  • Ayon sa mga nasuring tinedyer na nasa edad 11 hanggang 13 taon sa EU, 2% hanggang 7.7% ng mga gumugugol ng 2 kabuuang oras sa iskrin ang napatunayang nakararanas ng pag-aalala at depresyon.
  • Ganito rin ang kaso ng 3.9% hanggang 8.7% ng mga gumugugol ng 4 na oras, 5.5% hanggang 11.3% ng mga gumugugol ng 6 na oras, at 7.3% hanggang 12.1% ng mga gumugugol ng higit 7 kabuuang oras sa iskrin.
  • Sa mga nasuring tinedyer na nasa edad 14 hanggang 17 taon sa EU, 5.3% hanggang 8.4% ng mga gumugugol ng 2 kabuuang oras sa iskrin ang may kaparehong problema.
  • Ganito rin ang kaso ng 8.6% hanggang 12.2% ng mga gumugugol ng 4 na oras, 11.7% hanggang 17.7% ng mga gumugol ng 6 na oras, at 12.8% hanggang 18.05% ng mga gumugugol ng higit 7 kabuuang oras sa iskrin.

4) Nakararanas sila ng mga problemang sosyal at emosyonal.

Heroes: Mga tinedyer na abala sa selpon at hindi nag-uusap
Karapatang-ari: Pexels

Mga sanggunian: Pew Research Center (2), Slick Text, Smart Social, True List, at Wiley Online Library

  • 89% ng mga nasuring tinedyer, karamihan sa EU, ang tila napag-iiwanan o nagkakaroon ng sariling mundo dahil sa paggugol ng mas maraming oras sa birtwal na midya kaysa pisikal.
  • Naniniwala ang 68% ng mga magulang na ang sobrang dami ng oras sa iskrin, na kadalasang ginugugol sa sosyal midya, ay negatibong nakaaapekto sa kakayahan ng kanilang mga tinedyer na makihalubilo nang normal.
  • 54% hanggang 56% sa kanila ang masama ang loob sa kanilang mga sarili at tinatanggal pa ang kanilang mga post sa sosyal midya kapag kaunti o walang reaksyon at komentong natatanggap.
  • 33% ng mga tinedyer sa iba’t ibang bansa ang gumugugol ng mas maraming oras sa pakikisalamuha sa kanilang malalapit na kaibigan sa Internet kaysa sa personal. Ngunit kahit na kasama nila sila nang personal, 52% sa kanila ang nakakayanang tumagal nang hindi masyadong nakikipag-usap dahil tutok na tutok sa kanilang mga selpon.

5) Nalalagay sila sa panganib ng cyberbullying.

Heroes: Tinedyer na nacyberbully
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Pew Research Center (2), Smart Social, at True List

  • 70% ng mga nasuring tinedyer ang umaming nang-api ng ibang tao sa Internet.
  • Sa kabilang banda, 33% hanggang 50% sa kanila ang nagreport na sila ay nacyberbully.
  • 15% hanggang 27% sa kanila ang nabiktima ng maling akala dahil sa mga kumakalat na tsismis sa sosyal midya.

6) Nababawasan ang kanilang bisa at husay sa trabaho at pag-aaral.

Heroes: Tinedyer na tinatamad mag-aral
Karapatang-ari: Pexels

Mga sanggunian: Research Gate, Soocial, at True List

  • 55.9% ng mga nasuring tinedyer na nasa edad 13 hanggang 18 taon ang nakadaramang ang kanilang husay sa trabaho ay bumababa habang dumarami ang oras na ginugugol sa iskrin.
  • 49% sa kanila ang nagsabing apektado ang kanilang pagganap sa eskwelahan.
  • 75% ng mga guro ang sumasang-ayon dito. Ayon sa kanila, nababawasan ang kakayahan ng kanilang mga tinedyer na estudyanteng tumuon sa mga gawaing pang-eskwelahan.

Gaano Karaming Oras sa Iskrin Ang Inirerekomenda Para sa Kanila?

Heroes: 2 oras
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Interview Area, Meet Circle, Online Degrees, OSF Healthcare, Soocial, at Tech Advisor

Kung iyong nabasa ang aming artikulo tungkol sa ipinapayong haba ng oras sa iskrin para sa mga bata, maaaring napansin mong iba-iba ang rekomendasyon sa bawat hanay ng edad.

Iba ang kaso para sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 18 taon. Sa katunayan, wala tayo masyadong kailangang pag-usapan tungkol dito dahil 2 kabuuang oras sa iskrin lamang ang ipinapayo ng mga eskperto para sa mga tinedyer.

Ngunit tandaang saklaw lamang nito ang kanilang mga gawaing panlibangan sa iskrin. Maliban sa mga ito, libre silang magbabad sa iskrin para sa takdang-aralin at iba pang mga gawaing pang-eskwelahan kung kinakailangan basta’t may tamang kontrol.

Bilang Magulang, Paano Mo Makokontrol at Malilimitahan Ang Oras ng Iyong Tinedyer sa Iskrin?

1) Gumawa ng iskedyul ng oras sa iskrin.

Heroes: Listahan
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: American Academy of Child and Adolescent Psychiatry, Best Writing, Online Degrees, Tech Advisor, Verywell Family, at Verywell Mind

Gumawa ng iskedyul ng mga aktibidad ng iyong tinedyer sa iskrin.

Itakda ang mga ito sa mga bakanteng oras upang hindi makagambala sa trabaho, pag-aaral, pagtitipon ng pamilya, at iba pang mahahalagang aktibidad.

Kasabay nito, gumawa rin ng mga naaangkop na panuntunan at pag-iingat na pangkalusugan tulad ng pagkakaroon ng 30 minutong pahinga mula sa iskrin bago maghilamos o maligo.

2) Subaybayan ang mga gawain ng iyong tinedyer sa iskrin.

Heroes: Mga magulang na binabantayan ang pagseselpon ng anak
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: American Academy of Child and Adolescent Psychiatry, Best Writing, High Speed Internet, at The Sweet Bits

Maaaring iniisip mong ang iyong tinedyer ay hindi na bata upang mahigpit na subaybayan ngunit kailangan pa rin niyang gabayan.

Bilang siya’y lumalaki, nagiging mausisa at matuklasin siya tungkol sa mga bagay sa paligid.

Gayundin, malakas ang impluwensya ng kanyang mga kapwa-tinedyer sa yugtong ito. Kung ano ang nakikita niya sa kanyang mga kaibigan, sinusubukan niyang gayahin upang mapabilang at makasabay sa uso.

Halimbawa, kung ang kanyang mga kaibigan ay naglalaro ng mga bayolenteng laro, nanonood ng mga pornograpikong bidyo, nagkakalat ng maling impormasyon sa sosyal midya, at iba pa, malamang gagawin niya rin ito.

Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan pa rin ang patnubay ng magulang.

Suriin ang bawat programang kanyang pinanonood, ibinabahagi, pinopost, nilalaro, at iba pa. Imonitor din ang dami ng oras na kanyang ginugugol araw-araw.

3) Ipagbawal ang paggamit ng mga gadyet na deiskrin kung kinakailangan.

Heroes: Bawal ang selpon
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: American Academy of Child and Adolescent Psychiatry at Verywell Mind

Ang oras ng pagkain, paglilibang, at mga kaugnay na pagtitipon ng pamilya ay mahahalagang oras ng pagpapaigting ng samahan. Walang maaaring sumira sa mga sandaling ito.

Kaya hangga’t maaari, hayaang isantabi ng iyong tinedyer ang kanyang mga gadyet maliban na lamang kung gagamitin ang mga ito upang kumuha ng mga litrato, subaybayan ang ulat ng panahon, at iba pang mga bagay na kapaki-pakinabang para sa inyong aktibidad.

Panghuli, sa oras ng pagtulog, patayin at ilayo ang lahat ng mga aparatong deiskrin upang hindi makagambala sa pagpapahinga at maiwasan ang pinsala sa utak na dulot ng pagkakalantad sa elektromagnetikong radyasyon.

Kaugnay nito, ang American Academy of Pediatrics ay nagpapaalala sa ating ang oras sa iskrin ay hindi dapat kumuha ng oras mula sa pagtulog.

4) Himukin ang iyong tinedyer na lumahok din sa mga gawaing hindi gumagamit ng mga gadyet na deiskrin.

Heroes: Mga lalaking tumutugtog ng mga instrumentong pangmusika
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: Online Degrees, Tech Advisor, Verywell Family, at Verywell Mind

Ang buhay ay hindi lamang puro paglalaro ng mga larong digital, pakikilahok sa sosyal midya, panonood ng telebisyon, at iba pang mga gawain sa iskrin.

Kaya naman, hikayatin ang iyong tinedyer na mag-ehersisyo, maglaro ng mga isport, tumugtog ng mga instrumentong pangmusika, sumayaw, sumali sa mga kamp at ekskursyon, at iba pang mga pisikal at sosyal na aktibidad.

Sa alinman sa mga aktibidad na ito, hindi lamang niya maiiwasang magkaroon ng mga problemang pangkalusugang nauugnay sa masyadong pagbababad sa iskrin kundi magkakaroon din siya ng praktikal na kasanayan.

5) Maging mabuting huwaran.

Heroes: Inang pinagbabawalang magselpon ang kanyang anak habang kumakain
Karapatang-ari: Canva

Mga sanggunian: American Academy of Child and Adolescent Psychiatry, JAMA Pediatrics, Online Degrees, at Verywell Mind

Ayon sa mga doktor na sina Henry Radesky at Megan Morenota sa isang artikulo para sa JAMA Pediatrics, inoobserbahan at ginagaya ng mga kabataan ang kanilang mga magulang kaya natututo rin silang gumamit ng smartfon nang hindi namamalayan ng mga nakatatanda.

Dahil dito, iwasan ang mga pag-uugaling hindi mo nais tularan ng iyong mga anak gaya ng pagtingin sa iyong selpon habang nagmamaneho, paglathala ng di magagandang post, o masyadong pagbababad sa iskrin kung kaya’t di na halos mapansin ang kasama.

Tunay na mas natututo ang mga bata sa pamamagitan ng halimbawa kaysa sa pagtuturo. Kaya, sikaping isakabuhayan ang iyong ipinangangaral.

Ibuod Natin!

1) Ang pangkalahatang tagal ng mga tinedyer sa iskrin ay hanggang 9.19 na oras kadaaraw at hanggang 17.8 oras kadalinggo, gaya ng ipinahihiwatig ng mga sumusunod na estatistika:

  • Sa panahon ng pandemya, ang mga nakababatang kabataan sa iba’t ibang bansa, lalo na sa EU, ay gumugugol ng 7.7 kabuuang oras sa iskrin kadaaraw.
  • Ang mga kabataan sa EU pa lamang ay gumugugol na ng 2.73 hanggang mahigit 4 na kabuuang oras sa iskrin kadaaraw.
  • Ang mga kabataan mula sa mga sambahayang may mababang kita sa EU ay gumugugol ng mas maraming oras (mga 9.2 oras bawat araw) sa iskrin.
  • Ang pangkalahatang tagal sa iskrin ng mga kabataan sa Pransya ay 1.52 hanggang 3.33 oras kadaaraw at 17.8 oras kadalinggo.

2) Walang kasarian ang nakalalamang ng oras sa iskrin dahil pareho silang nangunguna sa iba-ibang aktibidad, gaya ng kinukumpirma ng mga sumusunod:

  • Mas maraming kabataang babae ang gumugugol ng oras sa pananaliksik sa Internet, pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng sosyal midya, panonood ng telebisyon, pagkuha ng mga digital na larawan, at pagrerekord ng mga digital na bidyo kaysa sa mga kabataang lalaki.
  • Sa kabilang banda naman, mas maraming kabataang lalaki ang gumugugol ng oras sa panonood ng mga bidyo sa Internet, paglalaro ng video games, at paggamit ng mga tableta kaysa sa mga kabataang babae.

3) Ito ang 4 na nangungunang aktibidad ng mga kabataan sa kanilang oras sa iskrin:

  • Pakikilahok sa sosyal midya, na napatunayan ng hanggang 97% ng mga tinedyer na gumugugol ng hanggang 26.72% ng kanilang oras sa iskrin para rito
  • Panonood o pag-iistrim ng mga bidyo, pelikula, at palabas sa telebisyon, gayong laganap ito sa hanggang 93% ng mga tinedyer na gumugugol ng hanggang 39% ng kanilang oras sa iskrin para rito
  • Paglalaro ng mga laro sa Internet, kung isasaalang-alang ang hanggang 77% ng mga tinedyer na gumugugol ng 25% ng kanilang oras sa iskrin para rito
  • Pagbabasa ng mga balita sa Internet, na ginagawa ng hanggang 62% ng mga kabataan

4) Selpon ang pinakamadalas nilang gamitin sa kanilang oras sa iskrin dahil sa mga sumusunod na porsyento ng mga gumagamit:

  • Hanggang 81% ng mga nasuring tinedyer sa Austria
  • Hanggang 67.11% ng mga nasuring tinedyer sa Bangladesh
  • Hanggang 65% ng mga nasuring tinedyer sa Pransya
  • Hanggang 46% ng kabuuang oras sa iskrin ng mga nasuring tinedyer sa EU

5) Ito ang mga pakinabang ng oras sa iskrin:

  • Pagsagap ng mga balita sa Internet, payong pangkalusugan, at iba pang impormasyon
  • Mga plataporma para makipag-usap sa ibang mga tao
  • Mga programa upang makagawa ng transakyong digital
  • Libangan

6) Ito naman ang mga panganib ng sobrang pagbababad sa iskrin:

  • Distraksyon at adiksyon
  • Mga problema sa kalusugang pisikal
  • Mga problema sa kalusugang mental at sikolohikal
  • Mga problemang sosyal at emosyonal
  • Pang-aapi sa Internet
  • Kawalan ng bisa at husay sa trabaho at pag-aaral

7) 2 oras ang ipinapayong tagal ng pamamalagi sa iskrin para sa mga kabataan.

  • Sinasaklaw lamang nito ang kanilang paglilibang sa iskrin.
  • Maliban dito, libre nilang gamitin ang kanilang mga gadyet para sa mga gawaing pang-edukasyon basta’t may tamang kontrol.

8) Upang limitahan ang tagal nila sa iskrin, ipinapayo ng mga eksperto ang mga sumusunod:

  • Paggawa ng iskedyul ng oras sa iskrin
  • Pagsubaybay sa kanilang mga gawain dito
  • Paghihigpit sa paggamit ng naturang kagamitan kung kinakailangan
  • Panghihikayat sa kanilang lumahok sa mga aktibidad na hindi gumagamit ng iskrin
  • Pagiging mabuting huwaran

Nais Naming Malaman Ang Iyong Opinyon

Ang iyong tinedyer ba ay gumugugol ng masyadong maraming oras sa iskrin?

Ano ang natutuhan mo sa artikulong itong posibleng makatulong sa paglutas ng problemang ito?

Ibahagi ito sa amin sa mga komento sa ibaba.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *