Nilalaman

7 Liksyon Mula sa Pinakamalakas na Tao sa Bibliya

Si Samson ang pinakamalakas na tao sa Bibliya. Pero alam mo bang mayroon din siyang 5 kahinaan?

Sa artikulong ito, tuklasin natin:

  • Ang mga patunay na siya ang pinakamalakas na tao sa Bibliya
  • Ang kanyang 5 kahinaan
  • Ang 7 liksyong matututuhan mula sa kanyang mga karanasan

Ngunit bago ang mga ito, kilalanin muna natin si Samson at alamin ang kanyang kwento.

Sino si Samson at Ano Ang Kanyang Kwento?

Heroes: Samson

Ang kahulugan ng kanyang pangalan

Ang pangalang Samson ay nagmula sa 4 na magkakaibang salita1.

Ang isa ay ang salitang Hebreong Shimshôn na nangangahulugang “hindi tiyak.” Ang isa pa ay shemesh na isinasalin bilang “araw” o “maliit na araw.”

Ang pangatlong termino ay shamam na nangangahulugang “pumuksa” at nagpapahiwatig na si Samson ay isang “maninira.”

Ang huli ay shamem na halos kapareho ang baybay sa nauna. Nangangahulugan naman itong “mataba” o “makisig” at nagpapahiwatig na si Samson ang tanging “malakas.”

Ngayon, ang kanyang kapanganakan at pamilya

Heroes: Magkasintahang magkahawak-kamay
Karapatang-ari: Canva

Si Samson ay isinilang kay Manoa at sa kanyang asawang ang pangalan ay hindi binanggit sa Bibliya (Mga Hukom 13:2).

Hindi pa siya nagkakaanak. Ngunit sinabi sa kanya ng isang anghel ng Diyos, “Hindi magtatagal, magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki” (mga talata 2-3, ASND).

Kung ikaw ang nasa kalagayan niya, ano ang mararamdaman mo? Hindi ba napakalaking pribilehiyo nito?

Ngunit may kaakibat itong mga responsibilidad (mga talata 4-7).

Anu-ano iyon?

Ang kanyang panatang Nazareo

Heroes: Panatang Nazareo
Karapatang-ari: Canva

“Huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain.” Gayundin, “huwag mo siyang puputulan ng buhok,” bilin ng anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa (Mga Hukom 13:4-5, MBBTAG).

Bakit?

“Sapagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay ilalaan na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.”

Nazareo? Ano ang ibig sabihin nito?

Ito ang pangalang ginamit ng mga Hebreo upang tumukoy sa isang debotong may sagradong panata.

Kasama sa panatang ito ang binanggit natin kanina. Ngunit bilang karagdagan, “kailangang hindi siya kakain ng kahit anong galing sa ubas, kahit na buto o balat nito.” Gayundin, “hindi siya dapat lumapit sa patay” (Mga Bilang 6:4, 6, SND).

Ang higpit, ano?

Paano ito nakaapekto sa buhay ni Samson? Tunghayan natin.

5 mahahalagang kaganapan sa kanyang buhay

1) Siya ay umibig sa isang babaeng Filisteo at nagpakasal dito.

Heroes: Babaeng nakabelo
Karapatang-ari: Canva

Sa Timna, nakita ni Samson ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo (Mga Hukom 14:1).

Sinabi niya sa kanyang mga magulang na gusto niyang maging asawa ang dalaga. Ngunit hindi nila ito gusto para sa kanya gayong nagmula ito sa mga Filisteong hindi tuli (mga talata 2-3).

Ngunit iginiit ni Samson, “Siya’y kaakit-akit sa akin.”

Bandang huli, pumayag din ang kanyang mga magulang na siya’y sumama sa kanya sa Timna.

Doon, inibig at pinakasalan niya ang babae (mga talata 5 at 7).

Bilang pagdiriwang, naghanda si Samson ng isang piging para sa dalaga at sa iba pang mga Filisteo (talata 10).

Ngunit sa pagdating nila, binigyan sila ni Samson ng bugtong upang sagutin sa loob ng pitong araw ng kapistahan (talata 12).

Pagkaraan ng tatlong araw, hindi nila ito malutas. Kaya hiniling nila sa babaeng akitin si Samson na ibunyag ang sagot sa palaisipan.

Noong ikapitong araw, inireport na sa kanya ng mga Filisteo ang kanilang sagot: “May tatamis pa ba sa pulut-pukyutan? At may lalakas pa ba sa leon?” (talata 18, MBBTAG).

Ngunit pinagdudahan ni Samson ang kanilang katapatan. Alam niyang hinikayat nila ang kanyang asawang sabihin sa kanila ang sagot.

2) Determinado siyang muling maghiganti laban sa mga Filisteo.

Heroes: Lalaki sa kweba
Karapatang-ari: Canva

Bilang paghihiganti, sinunog niya ang ilang bukid ng mga Filisteo at mga taniman ng olibo1.

Samantala, marahil nagtataka ka kung ano ang bugtong na iyon. Malalaman mo maya-maya.

Isang araw, nanatili si Samson sa yungib ng Etam (Mga Hukom 15:8).

Samantala, kinubkob ng mga Filisteo ang Huda at sinalakay ang bayan ng Lehi upang makaganti kay Samson (mga talata 9-10).

Kinalaunan, tatlong libong lalaki ng Huda ang bumaba sa yungib kung saan naroon si Samson.

Sinabi nila sa kanya, “Hindi mo ba alam na tayo’y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami’y nadadamay!” (talata 11, MBBTAG).

Sumagot si Samson, “Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin.”

Pagkatapos, iginapos nila siya upang dalhin sa mga Filisteo. Ngunit hiniling ni Samson sa kanilang huwag siyang patayin.

Tinupad iyon ng mga lalaki. “Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila” (talata 13, MBBTAG).

At ginapos nila siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato.

Ano ang sumunod na nangyari?

3) Bumisita siya sa isang patutot at halos malagay sa kamay ng kanyang mga kaaway.

Heroes: Babae sa dilim
Karapatang-ari: Canva

Isang araw, pumunta si Samson sa Gaza. Doon, nakakita siya ng isang babaeng patutot at nagpalipas ng gabi kasama niya (Mga Hukom 16:1).

Nang malaman ng mga taong naroon siya, pinalibutan nila siya at naghintay buong gabi sa tarangkahan ng lungsod. Hindi niya alam na pinaplano nila siyang patayin kinabukasan (talata 2).

Buti na lamang at nagising si Samson noong hatinggabi. Alam mo ba? Tinanggal niya ang mga pangharang, poste, at tarangka ng pintuang-bayan.

At maniniwala ka bang pinasan niya ang mga ito sa kanyang balikat at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron? (talata 3).

4) Nakilala niya si Dalila at umibig dito, na nagdala sa kanya sa kamay ng mga Filisteo.

Heroes: Babaeng nakabelo
Karapatang-ari: Canva

Pumunta si Samson sa Libis ng Sorek (Mga Hukom 16:4).

At nadaig na naman nga siya ng kanyang mapanlinlang na pagnanasa1.

Bakit at paano?

Umibig si Samson kay Dalila, isang babaeng Filisteo mula sa lugar na iyon.

Nakita ito ng iba pang mga Filisteo bilang pagkakataon upang dayain siya.

Ang plano upang matuklasan ang katotohanan tungkol sa lakas ni Samson

Humingi ng pabor kay Dalila ang mga Filisteo (Mga Hukom 16:5, MBBTAG): “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya.”

Bilang gantimpala para sa kanya, bawat isa sa kanila ay magbibigay ng 1,100 pirasong pilak.

Kung ikaw si Dalila, tatanggapin mo ba ang alok na ito?

Ang unang pagtatangka

Tinanong ni Dalila si Samson kung paano siya magagapos (Mga Hukom 16:6).

Sumagot siya, “Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako’y magiging gaya ng sinumang tao” (talata 7, ABTAG2001).

Heroes: Tirador at tali
Karapatang-ari: Canva

Ginawa ng mga Filisteo ang bilin ni Samson kay Dalila. Ngunit nagawa niyang putulin ang mga yantok na para lamang nasusunog na sinulid (talata 9).

Nadismaya si Dalila sa panloloko at pagsisinungaling sa kanya ni Samson.

Ang ikalawang pagtatangka

Muli, tinanong ni Dalila si Samson kung paano siya magagapos (Mga Hukom 16:10).

“Kapag ako’y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao,” tugon ni Samson (talata 11, MBBTAG).

Heroes: Mga tali
Karapatang-ari: Canva

Gaya ng sa nauna, ginawa ni Dalila at ng mga Filisteo ang itinuro ni Samson. Ngunit nagawa pa rin niyang putulin ang mga lubid na para lamang sinulid (talata 12).

Na naman? Ang lakas ni Samson, ano?

Ang ikatlong pagtatangka

Nabigo sa pangalawang pagkakataon, tinanong pa rin ni Dalila si Samson ng parehong tanong.

Tugon niya, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao” (Mga Hukom 16:13, MBBBTAG).

Ano sa tingin mo ang mangyayari? Mas matalino na nga kaya si Dalila sa pagkakataong ito?

Pinatulog na ng dalaga si Samson at ginawa ang kanyang ipinayo. Ngunit nang magising siya, dali-dali niyang kinalas ang kanyang buhok mula sa tulos (talata 14).

Akalain mo ‘yon!

Ang ikaapat na pagtatangka

Sa pagkakataong ito, nakorner ni Dalila si Samson sa isang mapagbantang tanong.

Tanong niya, “[Paano mo nasasabing], ‘Iniibig kita,’ gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin? Pinaglaruan mo ako nang tatlong ulit, at hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas” (Mga Hukom 16:15, ABTAG2001).

Alam mo ba? Sumuko na si Samson.

Sinabi niya, “Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit isang beses lang. Sapagkat mula pa sa kapanganakan ko, itinalaga na ako sa Diyos bilang isang Nazareo.” Kaya, “kapag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao” (talata 17, ASND at MBBTAG).

Grabeng pag-amin ng sikreto!

Ipinaalam ni Dalila sa mga Filisteo na sa wakas ay natuklasan na niya ang lihim ni Samson. Pagdating nila, dala na nila ang perang ipinako para sa kanyang gantimpala.

Ngunit pinatulog muna ni Dalila si Samson sa kanyang hita. Pagkatapos, tumawag siya ng isang tao para gupitin ang pitong tirintas ng buhok ng binata (talata 19).

Nang magising si Samson, hindi na siya makapalag.

Ang lungkot naman!

Sa puntong ito, nagtagumpay ang kanyang mga kalaban. Ang mas masaklap pa ay iniwan na siya ng Panginoon (talata 20).

Heroes: Paang nakaposas
Karapatang-ari: Canva

Binihag na siya ng mga Filisteo at dinukit ang kaniyang mga mata. Pagkatapos ay dinala nila siya sa Gaza, ginapos, at ikinulong sa bilangguan (talata 21).

Sa kabutihang-palad, kahit na ang kanyang buhok ay pinutol, nagsimula itong tumubo kinalaunan.

5) Nagpasiya siyang bumawi sa mga Filisteo para sa ikatatahimik ng lahat.

Ang mga pinunong Filisteo ay nagtipon sa templo ng Gaza upang ipagdiwang at handugan ng alay si Dagon, ang kanilang diyos (Mga Hukom 16:23-24).

Maya-maya, tinawag nila si Samson mula sa bilangguan at pinusisyon sa gitna ng dalawang haligi ng templo (talata 25).

Puno ng mga tao ang templo. May higit pa ngang 3,000 sa bubong1.

Sa puntong ito, marahil kinakabahan at natatakot si Samson gayong bulag at mahina na ang kanyang katawan.

Mabuti na lang at pamilyar pa siya sa istruktura ng templo dahil nakapunta na siya rito noon.

Ngunit nanawagan pa rin siya sa Diyos, “O Panginoong Diyos, alalahanin Nyo po ako. Kung maaari, ibalik Nyo po ang lakas ko kahit minsan pa” (Mga Hukom 16:28, SND).

Sa pamamagitan nito, nais niyang maghiganti laban sa mga Filisteo para sa pagdukit sa kanyang mga mata.

Ngunit hindi lang iyon. Paghihiganti rin ito para sa mga kahihiyang dinanas niya sa kanilang mga kamay1.

Paano niya ito nagawa? Malalaman mo maya-maya.

Bakit Siya Ang Pinakamalakas na Tao sa Bibliya?

“Sa pangangatawan, si Samson ang naging pinakamalakas na tao sa sanlibutan”2.

Narito ang 5 patunay:

1) Pumatay siya ng isang leon gamit lamang ang kanyang mga kamay.

Heroes: Si Samson na nakikipaglaban sa leon
Karapatang-ari: Canva

Kung natatandan mo mula sa kwento kanina, binigyan ni Samson ng bugtong ang mga Filisteo. May kinalaman ito sa isang leon.

Ano? Paano?

Patungo si Samson at ang kanyang mga magulang sa Timna upang makita ang babaeng Filisteong nais niyang maging asawa.

Sa pagdaan nila sa ubasan ng naturang lugar, isang batang leon ang umuungal na lumapit sa binata (Mga Hukom 14:5).

Kung ikaw si Samson, susubukan mo bang makipaglaban sa leon? O tatakbo ka para tumakas at sumigaw ng tulong?

Pero alam mo ba kung ano?

Pinalakas siya ng Espiritu ng Panginoon. At bagaman walang sandata si Samson, nagawa niyang pira-pirasuhin ang leong para isang batang kambing lamang (talata 6).

Biruin mo ‘yon!

Lumipas ang mga araw.

Matapos makipagkita sa babaeng Filisteo, bumalik si Samson upang tingnan ang bangkay ng leon. Mayroon nang isang pulutong ng mga bubuyog at pulot-pukyutan sa loob nito (talata 8).

Maniniwala ka bang sinuyod niya ito ng kanyang mga kamay at kinain ito habang naglalakad (talata 9)?

Pagkabalik sa kanyang mga magulang, binigyan pa niya sila ng pulot. Ngunit hindi niya sinabing galing ito sa bangkay ng leon.

Sa Ingles, carcass ang ginamit na termino sa bagay na ito.

Ayon sa diksyunaryo ni Merriam-Webster, ito ay isang patay na katawan, lalo na ng isang karneng hayop. Maihahambing ito sa isang bangkay ng tao.

2) Natalo niya ang mahigit 30 Filisteo.

Lubos na ikinagalit ni Samson ang malaman ng mga Filisteo ang sagot sa bugtong ni Samson mula sa kanyang asawa.

Tumungo siya sa Ashkelon at pumatay ng 30 kalalakihan. Kinuha niya ang magagarang kasuotan ng mga ito at ibinigay sa mga nakasagot ng kanyang bugtong (Mga Hukom 14:19).

3) Humuli siya ng 150 pares ng mga soro.

Heroes: Mga lobo
Karapatang-ari: Canva

Dala ang isang batang kambing, dinalaw ni Samson ang kanyang asawa (Mga Hukom 15:1).

Ngunit ayaw ng ama ng babaeng papasukin si Samson sa silid nito dahil alam niyang kinasusuklaman ito ng binata. Kaya naman, ibinigay niya ang kaniyang anak sa kasama ni Samson at inialok naman sa binata ang kapatid na babae ng dalaga (talata 2).

Sumagot si Samson, “Sa ginawa ninyong iyan, hindi ninyo ako maaaring sisihin sa gagawin ko sa inyong mga Filisteo” (talata 3, MBBTAG).

Ano ang kanyang ginawa?

Humuli si Samson ng 300 asong-gubat. Pinagtatali niya sa buntot ang mga ito nang dala-dalawa at kinabitan ng sulo (talaga 4).

Pagkatapos ay sinindihan niya ang sulo at pinakawalan ang mga asong-gubat sa triguhan. Dahil dito, nasunog lahat ang mga trigo, hindi lamang ang mga naani na kundi pati iyong aanihin pa lamang. Ginawa niya rin ito sa taniman ng olibo (talata 5).

4) Pumatay siya ng 1,000 lalaki gamit ang panga ng isang asno.

Heroes: Buto ng panga
Karapatang-ari: Canva

Tinalian ng mga lalaki ng Huda si Samson ng dalawang lubid at dinala siya sa mga Filisteo (Mga Hukom 15:13).

Nang salubungin siya ng mga Filisteo sa Lehi, ang Espiritu ng Panginoon ay sumakanya upang palakasin siya. At ang mga lubid sa kanyang mga braso ay naging parang sunog na lino at ang mga tali sa kanyang mga kamay ay natunaw (talata 14).

Ang galing, ano?

Maya-maya, nakakita si Samson ng sariwang panga ng asno. Ginamit niya ito upang kumitil ng sanlibong Filisteo (mga talata 15-16).

Matapos silang patayin, itinapon niya ang buto ng panga at tinawag ang lugar na iyon bilang “Ramat-lehi” (talata 17, ABTAG2001).

5) Winasak niya ang templo ni Dagon at pumatay ng 3,000 katao.

Kanina, napag-alaman nating gustong maghiganti ni Samson laban sa mga Filisteo sa huling pagkakataon.

Magpatuloy tayo sa eksenang ito.

Pagkatapos manalangin sa Diyos, humawak na si Samson sa dalawang gitnang haligi ng templo, ang kanyang kanang kamay sa isa at ang kanyang kaliwa naman sa kabila (Mga Hukom 16:29).

Sa ganitong posisyon, sumigaw siya, “Hayaan Mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo” (talata 30, ABTAG2001). At itinulak na niya ang mga haligi nang buong lakas.

Bumagsak na nga ang mga haligi ng templo sa mga pinuno at lahat ng mga taong nasa loob. Sa ganitong paraan, mas marami ang namatay kaysa pinatay ni Samson noong siya’y buhay pa.

Kalunus-lunos na kamatayan!

Dahil dito, sa palagay mo ba ay pinatawad na ng Panginoon si Samson?

Ano Ang Kanyang 4 na Kahinaan?

1) Mawawala ang kanyang lakas kung gugupitin ang kanyang buhok.

Heroes: Paggupit ng buhok
Karapatang-ari: Canva

Gaya ng nabanggit sa kanyang kwento, si Samson ay napakalakas na lalaki.

Biniyayaan siya ng Diyos ng natatanging kakayahang ito, na ang simbolo ay ang kanyang buhok. Para rito, ang kanyang pamilya ay pinayuhang huwag itong gupitan (Mga Hukom 13:5).

Ibig sabihin, ang buhok ding ito ang magiging kahinaan ni Samson kapag pinutol.

2) Hindi niya makontrol ang kanyang mahalay na pagnanasa.

Heroes: Lalaki sa bintana
Karapatang-ari: Canva

Gaya ng ating natalakay kanina, sa pisikal na aspeto, si Samson ang “naging pinakamalakas na tao sa sanlibutan.” Subalit “sa pagpipigil sa sarili, katapatan, at katatagan, isa siya sa naging [pinakamahihinang] lalaki”2.

Maaari niyang piliin ang tama o mali ayon sa kanyang kagustuhan. Ngunit sa halip na manalig sa Diyos, pinahintulutan niyang madaig siya ng kanyang mapusok na pagnanasa3.

Halimbawa, nilayon ng Diyos na iligtas ni Samson ang Israel mula sa mga Filisteo, ang kanilang kaaway (Mga Hukom 13:5).

Para rito, lubos na pag-iingat ang kinailangan mula pa sa kanyang kapanganakan upang mabigyan siya ng nararapat na pag-aalaga ng kanyang pisikal na lakas, sigla ng pag-iisip, at kadalisayan ng pag-uugali3.

Ngunit sa paglaki ni Samson, umibig siya sa tatlong babaeng Filisteo at pinakasalan ang ilan sa kanila (Mga Hukom 14–16). Hindi niya napigilan ang tukso.

Gayundin, bilang bahagi ng kanyang panatang Nazareo, “hindi siya dapat lumapit sa patay” (Mga Bilang 6:6, MBBTAG).

Ngunit lumapit siya sa bangkay ng leong kanyang pinatay. Sinaid at kinain pa niya ang pulot mula rito (Mga Hukom 14:8-9).

3) Mainitin ang kanyang ulo.

Heroes: Galit na kamao
Karapatang-ari: Canva

Mula sa ating pagsilip sa buhay ni Samson, nakita mo kung gaano niya kinamumuhian ang mga Filisteo.

Noong ipahayag na nila ang kanilang sagot sa bugtong, hindi naniwala si Samson na sila mismo ang nakahula nito dahil alam niyang ibinunyag ito sa kanila ng kanyang asawa. Bilang paghihiganti, pinatay niya ang 30 sa kanilang mga tauhan (Mga Hukom 14:19).

4) Napilitan siyang isiwalat ang pinagmumulan ng kanyang lakas.

Kinumbinsi ni Dalila si Samson na isiwalat sa kanya ang sikreto ng kanyang kakaibang lakas—hindi lamang isa o dalawang beses kundi tatlo. Ngunit bigo ang lahat ng mga pagtatangkang ito dahil hindi sinabi ng binata ang totoo.

Ngunit sa ikaapat na pagtatangka, sumuko na si Samson. Inamin niyang mawawalan siya ng lakas kung gugupitin ang kanyang buhok (Mga Hukom 16:17).

7 Bagay na Matututuhan Mula sa Mga Kahinaan at Pagkakamali ni Samson

1) Ang kasalanan ay may kaakibat na mga kahihinatnan.

Heroes: Lalaking nananalangin
Karapatang-ari: Canva

Nagkasala si Samson nang aminin niya sa mga Filisteo ang pinagmulan ng kanyang lakas. Nilabag niya ang panatang Nazareo (Bilang 6:5).

Dahil dito, nahulog si Samson sa kamay ng kanyang mga kaaway.

Tulad ng iyong natunghayan sa kanyang kwento, hinuli nila siya at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos ay dinala siya sa Gaza at ikinulong (Mga Hukom 16:21).

Ano ang implikasyon nito?

Ang bawat aksyon ay may kahihinatnan. Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin (Galacia 6:7). Isa pa, “kamatayan ang kabayaran ng kasalanan” (Mga Taga-Roma 6:23, MBBTAG).

2) Bantayan ang timpla ng iyong damdamin.

“Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling bumagsak gaya ng isang [bayang] walang pader” (Mga Kawikaan 25:28, SND).

Kaya naman, ang kawalan ng pagpipigil ni Samson ay nagtuturo sa atin ng kahalagahan ng pagpapasensya.

“Higit na mabuti ang taong mapagpasensya kaysa sa taong makapangyarihan. Higit na mabuti ang taong nakakapagpigil sa sarili kaysa sa taong nakakasakop ng isang lungsod” (talata 32 ng kapitulo 16, SND).

3) Humingi ng kapatawaran sa Diyos at talikuran ang kasalanan.

Heroes: Lalaking nananalangin
Karapatang-ari: Canva

“Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao” (1 Mga Taga-Corinto 10:13, SND). Sa madaling salita, normal ang matukso.

At bilang mga tao, lahat tayo ay may hilig sa kasalanan. “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Mga Taga-Roma 3:23, SND).

Ngunit may mahalagang liksyong itinuturo sa atin si Samson.

Sa kahirapan at pangungutya, “higit [niyang nabatid] ang kanyang kahinaan kaysa dati; at ang kanyang paghihirap ay naging sanhi ng kanyang pagsisisi”4.

“Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan,” ang Diyos ay “tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan” (1 Juan 1:9, ABTAG2001 at SND).

“Magsisi nga kayo at magbalik-loob para sa pagpawi ng inyong mga kasalanan” (Mga Gawa 3:19, SND).

Ngunit hindi mo kailangang gawin ito nang mag-isa. Tutulungan ka ng Diyos na mapanagumpayan ito (1 Mga Taga-Corinto 10:13).

4) Huwag abusuhin ang Kanyang mga kaloob sa iyo.

Anong talento ang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos?

Maaaring ito ay talento sa pangangaral. O marahil magaling kang kumanta o tumugtog ng mga instrumento. O maaaring ito ay kaloob ng karunungan at katalinuhan.

Anuman ito, paano mo ito ginagamit?

Sa kaso ni Samson, ang kaloob ng Diyos ay ang kakaibang lakas (Mga Hukom 1). Ngunit inabuso niya ito at ginamit upang magmalaki sa halip na magbigay-kaluwalhatian sa Kanya (mga kapitulo 14–16).

Ano ang matututuhan mo mula rito?

“Huwag mong pabayaan ang kaloob na sa iyo’y ibinigay sa pamamagitan ng propesiya” (1 Timoteo 4:14, ABTAG2001). Bilang “[mabuting] katiwala” ng Diyos, gamitin ito “sa kapakinabangan ng lahat” (1 Pedro 4:10, MBBTAG).

5) Nilikha ka Niyang may layunin sa buhay.

May panahon ba sa buhay mo kung saan pakiramdam mo ay wala kang silbi? Walang direksyon. Hindi malaman ang iyong layunin. Nagtataka kung bakit ka pa nilikha ng Diyos.

Nawa’y magsilbing inspirasyon ang kwento ni Samson.

Bago pa man siya ipanganak, may plano na ang Diyos para sa kanya—ang iligtas ang Israel mula sa mga Filisteo (Mga Hukom 13:5).

Tulad ni Samson, ikaw rin ay may silbi.

“‘Sapagkat nalalaman Ko ang Aking mga panukala para sa [iyo],’ sabi ng Panginoon, ‘mga panukala para sa [iyong] ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan [ka] ng kinabukasan at ng pag-asa'” (Jeremias 29:11, ABTAG2001).

6) Ginagamit ka ng Diyos para sa Kanyang misyon kahit na sa tingin mo ay hindi ka karapat-dapat.

Heroes: Lalaking pumupuri sa Diyos
Karapatang-ari: Canva

Minsan ba ay pakiramdam mo hindi ka karapat-dapat sumaksi para sa Panginoon dahil sa iyong mga kahinaan? Iniisip ding mabigat ang iyong kasalanan para paglingkuran at luwalhatiin Siya?

Marahil ganito rin ang iyong mararamdaman kung ikaw si Samson na walang pagpipigil sa sarili at nagkasala nang ilang beses.

Ngunit laging may pag-asa.

Madapa ka man, hindi ka mabubuwal sapagkat inaalalayan ka ng Diyos (Mga Awit 37:24).

Kalimutan na ang mga bagay na nakalipas. Harapin ang mga bagay na paparating (Filipos 3:13).

7) Kailangan mo ng Kanyang lakas upang malampasan ang mga hamong dumarating.

Ang paglalakad kasama ng Diyos ay hindi nangangahulugang magiging perpekto ang buhay.

“Yaong mga pinapanukala ng Diyos na magamit bilang Kanyang mga kasangkapan para sa isang natatanging gawain ay ginagamitan ni Satanas ng pinakamatindi niyang kapangyarihan upang mailigaw”5.

“Kanya tayong pinatatamaan sa ating mga kahinaan, gumagawa sa pamamagitan ng mahihinang bahagi ng ating pagkatao upang mapangasiwaan ang [ating buong katauhan]; at alam [niyang] kung ang mga kahinaang ito ay iibigin, siya ay magtatagumpay.”

Tunay na bilang mga tao, wala tayong kakayahang mapanagumpayan ang mga tukso sa sarili nating lakas. Ngunit “ang tulong ay malapit at ibinibigay sa bawat [kaluluwang] tunay na nagnanais [nito].”

Bilang pangwakas, magagawa natin ang lahat sa pamamagitan ni Kristong nagpapalakas sa atin dahil walang imposible sa Kanya (Filipos 4:13; Lucas 1:37).

Ano Ang Iyong Natutuhan?

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Ano ang iyong mga natutuhan mula sa kwento ni Samson?

Mayroon ka bang mga karanasan tulad nito?

Ibahagi ang iyong saloobin.

Upang makilala pa si Samson, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanyang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin siya sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.

  1. Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 974-75 [] [] [] [] []
  2. Ellen White, Ang Kasaysayan ng Mga Patriarka at Mga Propeta, 670.3 [] []
  3. Ellen White, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 2, 1007.1 [] []
  4. Ellen White, Ang Kasaysayan ng Mga Patriarka at Mga Propeta, 669.2 []
  5. Ellen White, Ang Kasaysayan ng Mga Patriarka at Mga Propeta, 671.1 []
IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *