Bilang magulang, marahil alam mong nakasasama sa iyong anak ang pagbababad sa iskrin. Ngunit alam mo rin ba kung ilang oras sa iskrin ang nararapat para sa kanya?
Sa artikulong ito, nangalap kami ng mga impormasyon mula sa mga nangungunang pag-aaral upang masagot ang tanong na iyan, kabilang ang mga sumusunod:
- Gaano karaming oras sa iskrin ang kadalasang ginugugol ng mga bata?
- Anong gawain ang gumugugol ng pinakamaraming oras nila?
- Anong aparato ang ginagamit ng karamihan sa kanila?
- Anu-anong benepisyo ang nakukuha nila sa pagbababad sa iskrin?
- Anu-anong panganib naman ang naidudulot ng kalabisan nito sa kanila?
- Bilang magulang, paano mo malilimitahan ang oras ng iyong anak sa iskrin?
Gaano Karaming Oras sa Iskrin Ang Madalas Ginugugol ng Mga Bata?
1) Ang mga batang Amerikanong nasa edad 0 hanggang 8 taon ay gumugugol ng humigit-kumulang 1.5 hanggang 4.6 na oras sa iksrin kadaaraw.
Mga sanggunian: Albany at Time
- 29% ng mga Amerikanong sanggol na wala pang 1 taon ang nanonood ng telebisyon sa loob ng humigit-kumulang 90 minuto (1.5 oras).
- 64% ng mga Amerikanong sanggol na nasa pagitan ng edad 1 at 2 ang nanonood ng telebisyon sa loob ng mahigit 2 oras.
- Ang mga batang Amerikanong nasa pagitan ng edad 2 at 5 ay gumugugol ng 2.2 hanggang 4.6 na oras sa iskrin kadaaraw.
- Ang mga batang nasa edad 7 hanggang 8 taon sa New York ay gumugugol lamang ng 1.5 oras sa iskrin kadaaraw dahil abala sila sa kanilang mga gawain sa eskwelahan.
2) Ang mga batang nasa edad 8 hanggang 12 taon ay gumugugol ng 4 hanggang 9 na oras sa iskrin kadaaraw.
Mga sanggunian: American Academy of Child and Adolescent Psychiatry, Centers for Disease Control and Prevention, at Time
- Ang mga batang nasa edad 8 hanggang 12 taon sa United States ay gumugugol ng 4 hanggang 6 na oras sa iskrin kadaaraw.
- Ang mga batang nasa edad 8 taon pataas sa iba’t ibang bansa ay kumukonsumo ng 4.5 oras sa panonood ng telebisyon at 7.5 oras sa paggamit ng iba pang aparato bilang libangan.
- Ang mga batang nasa edad 10 taon pataas sa iba’t ibang bansa ay gumugugol ng hanggang 9 na oras sa iskrin kadaaraw.
3) Ang tagal ng mga bata sa iskrin kadaaraw ay umabot nang mahigit 7 oras noong panahon ng pandemya.
Mga sanggunian: Comparitech, Morgan Stanley, at Soocial
- Mula sa 3.8 oras kadaaraw bago ang pandemya, nadoble ang oras sa iskrin ng mga 12 taong gulang na bata sa Estados Unidos. Umabot ito sa 7.7 oras kadaaraw noong Mayo 2020 para sa mga gawaing walang kinalaman sa eskwelahan.
- Mula sa wala pang 1 oras kadaaraw noong simula ng pandemya sa taong 2019, ang karamihan ng mga bata sa iba’t ibang bansa ay nagsimulang gumugol ng 1 hanggang 3 oras (o higit pa) sa paglalaro sa iskrin noong 2020.
4) Noong pandemya, dumami rin ang bilang ng mga batang gumugugol ng 4 o higit pang oras sa iskrin kadaaraw.
Mga sanggunian: Elite Content Marketer at Morgan Stanley
- Mula sa 13% bago ang pandemya, ang porsyento ng mga batang nasa edad 0 hanggang 4 na taong gumugugol ng higit 4 na oras sa iskrin kadaaraw ay umakyat sa 26% sa panahon ng pandemya.
- Mula sa 17% bago ang pandemya, ang porsyento ng mga batang nasa edad 5 hanggang 10 taong gumugugol ng parehong haba ng oras sa iskrin kadaaraw ay umakyat sa 44% sa panahon ng pandemya.
- Mula sa 23% bago ang pandemya, ang porsyento ng mga batang nasa edad 11 hanggang 13 taong gumugugol ng parehong haba ng oras sa iskrin kadaaraw ay umakyat sa 47% sa panahon ng pandemya.
- Mula sa 20% bago ang pandemya, ang porsyento ng mga batang nanonood ng mga bidyo sa loob ng 4 o higit pang oras kadaaraw ay umabot sa 40% noong Mayo 2020.
Anong Aktibidad Ang Kumukonsumo ng Pinakamaraming Oras ng Mga Bata sa Iskrin?
1) Panonood ng telebisyon, na gumugugol ng 4 hanggang 9 na kabuuang oras sa iskrin kadaaraw, ang nangungunang aktibidad ng mga bata.
Sanggunian: High Speed Internet
- 39% hanggang 53% ng mga oras na iyon ang nagugugol sa panonood ng telebisyon.
- 22% hanggang 33% niyon ang nakokonsumo sa paglalaro.
- 11% hanggang 24% ang nagagamit sa pagbisita sa mga websayt at sosyal midya.
- 6% hanggang 9% ang napupunta sa paglikha ng iba’t ibang programa, pag-uusap sa bidyo, at pagbabasa sa Internet.
2) Sa lingguhang siklo, panonood ng telebisyon din ang gumugugol ng pinakamaraming oras ng mga bata sa iskrin.
Sanggunian: Internet Matters
- 96% sa kanila ang nanonood ng telebisyon sa loob ng 15 oras.
- 53% ang gumagawa ng iba’t ibang aktibidad sa Internet sa loob ng 8 oras.
- 40% ang naglalaro sa iskrin sa loob ng 6 na oras.
- 48% ang nanonood ng mga bidyo sa YouTube sa hindi partikular na haba ng oras.
Anong Aparato Ang Ginagamit ng Karamihan ng Mga Bata sa Kanilang Panahon sa Iskrin?
1) Kinumpirma ng mga magulang sa Estados Unidos na telebisyon ang aparatong ginagamit ng 74% ng mga batang nasa edad 0 hanggang 2 taon.
Sanggunian: Pew Research Center
Ang sunod sa ranggo ay ang mga sumusunod:
- 49% gumagamit ng mga smartfon
- 35% gumagamit ng mga tabletang kompyuter
- 12% gumagamit ng mga desktop o laptop na kompyuter
- 9% gumagamit ng mga aparatong panlaro
2) Telebisyon din ang gamit ng 90% ng mga batang nasa edad 3 hanggang 4 na taon.
Sanggunian: Pew Research Center
Ang sunod sa ranggo ay ang mga sumusunod:
- 64% gumagamit ng mga tabletang kompyuter
- 62% gumagamit ng mga smartfon
- 25% gumagamit ng mga aparatong panlaro
- 21% gumagamit ng mga desktop o laptop na kompyuter
3) Ganito rin ang sitwasyon ng 93% ng mga batang nasa edad 5 hanggang 8 taon.
Sanggunian: Pew Research Center
Ang sunod sa ranggo ay ang mga sumusunod:
- 81% gumagamit ng mga tabletang kompyuter
- 59% gumagamit ng mga smartfon
- 58% gumagamit ng mga aparatong panlaro
- 54% gumagamit ng mga desktop o laptop na kompyuter
4) Ganito rin ang sitwasyon ng 91% ng mga batang nasa edad 9 hanggang 11 taon.
Sanggunian: Pew Research Center
Ang sunod sa ranggo ay ang mga sumusunod:
- 78% gumagamit ng mga tabletang kompyuter
- 73% gumagamit ng mga desktop o laptop na kompyuter
- 68% gumagamit ng mga aparatong panlaro
- 67% gumagamit ng mga smartfon
Anu-anong Benepisyo Ang Nakukuha ng Mga Bata sa Paggugol ng Oras sa Kanilang Mga Aparatong Deiskrin?
1) Napaiigi ng mga aparatong deiskrin ang pagkatuto.
Mga sanggunian: Internet Matters, New Scientist, OECD iLibrary, Pew Research Center, Raising Children, Secure List, at Verywell Mind
- 88% ng mga nasarbey na bata sa mga bansang miyembro ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) ang sumasang-ayong ang Internet ay isang epektibong pinagkukunan ng impormasyon gamit ang kompyuter, selpon, at iba pang kagamitang deiskrin.
- 30% hanggang 53% ng mas nakababatang mga kabataan sa United States ang natututo ng mga bagong bagay sa pamamagitan ng pananaliksik sa Internet, paglalaro, at iba pa gamit ang kanilang mga kagamitang deiskrin.
- Kinumpirma ng 29% ng mga magulang na may mga anak na nasa edad 0 hanggang 4 na taon sa United States na ang kanilang mga anak ay gumugugol ng oras sa iskrin upang makakuha ng impormasyon mula sa Internet. Ganito rin ang kaso sa 78% ng mga magulang na may 5 hanggang 11 taong gulang na mga anak.
- Kaugnay ng 40% ng mga batang nasa edad 8 taon pababa sa United States na nagmamay-ari ng mga tableta, sinabi ni Rosie Flewitt, isang propesor ng Early Childhood Communication, na ang mga kagamitang touchscreen ay nakatutulong sa mga batang nahihirapang matuto mula sa mga libro.
- Mahigit 1,000 magulang na may mga anak na nasa edad 3 hanggang 5 taon, kasama ang kanilang mga guro, ang sumusuporta sa ideyang ang mga tableta ay nakatutulong sa pagkatuto. Mas nasisiyahan ang mga bata sa pagbabasa kung ang mga aklat ay sinasamahan ng paggamit ng mga kagamitang touchscreen kumpara sa paggawa nito gamit lamang ang mga aklat.
2) Dahil sa mga kagamitang ito, nagiging posibleng mag-aral at magtransak sa Internet.
Mga sanggunian: Internet Matters, Pew Research Center, at Secure List
- 24.48% ng mga nasarbey na kabataang mag-aaral sa Bangladesh ang gumamit ng mga elektronikong kagamitan para dumalo sa mga klaseng online noong pandemya.
- Ayon sa 40% ng mga nasarbey na magulang na may mga anak na 11 taong gulang pababa sa United States, ang mga bata ay gumugugol ng oras sa iskrin para gawin ang kanilang mga takdang-aralin.
- 47% ng mga bata ang gumagamit din ng kanilang mga aparatong deiskrin upang gumawa ng mga petisyon sa Internet.
- Sila rin ay namimili at iba pang nauugnay sa e-commerce, na kumukonsumo ng 11.25% ng kabuuang oras nila sa Internet ayon sa ulat ng Kaspersky Safe Kids.
3) Ang oras sa iskrin ay nagbibigay-daan para sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng sosyal midya.
Mga sanggunian: Internet Matters, OECD iLibrary, Pew Research Center, at Secure List
- Ayon sa 84% hanggang 85% ng mga nasarbey na nakatatanda sa Estados Unidos, ang kanilang mga anak ay gumagamit ng mga aparatong deiskrin upang makipag-ugnayan sa kanilang mga magulang kapag hindi nila kasama.
- 37% hanggang 47% ng mas nakababatang mga kabataan sa Estados Unidos ang gumagamit ng selpon upang makipag-ugnayan sa mga miyembro ng kani-kanilang pamilya, kaibigan, at iba pa.
- 47% ng mga bata ang gumagamit ng kanilang mga gadyet na deiskrin upang suportahan ang kanilang mga kaibigan sa pamamagitan ng paglike, pagbabahagi, at/o pagkomento sa kanilang mga post.
- 73% ng mga nasarbey na bata sa mga bansang miyembro ng OECD ang nakikilahok sa sosyal midya araw-araw.
- 61% sa kanila ang nakikipagkwentuhan sa pamamagitan ng Internet araw-araw.
- Ang paggamit ng komunikasyong midya ay 24.16% ng kabuuang oras ng mga bata sa Internet batay sa report ng Kaspersky Safe Kids.
4) Ang oras na ito ay nakapagbibigay-aliw.
Mga sanggunian: Internet Matters, National Library of Medicine, Pew Research Center, at Secure List
- Ayon sa 59% ng mga nasarbey na nakatatanda sa Estados Unidos, ang kanilang mga anak ay gumugugol ng oras sa iskrin para maglibang.
- 34% hanggang 57% ng mga nasarbey na nakababatang kabataan sa Estados Unidos ang gumagamit ng kanilang mga selpon upang magpalipas ng oras sa Internet, sosyal midya, mga laro, at iba pa.
- Pakikinig ng musika, pakikinig ng mga biro, at paglalaro ang ginagawa ng mga batang nasa edad 0 hanggang 4 na taon sa kanilang oras sa iskrin ayon sa 16% hanggang 79% ng mga nasarbey na magulang sa Estados Unidos.
- Ganito rin ang kaso ng 5 hanggang 11 taong gulang na mga bata ayon sa 34% hanggang 83% ng mga nasarbey na magulang.
- Ang paglalaro ay kumukonsumo ng 15.98% ng kabuuang oras ng mga bata sa Internet ayon sa ulat ng Kaspersky Safe Kids.
Anu-anong Panganib Ang Kalakip ng Sobrang Pagbababad ng Mga Bata sa Iskrin?
1) Ang tagal at pagkalantad ng mga bata sa iskrin ay may kinalaman sa ilang problema sa paningin.
Mga sanggunian: Best Writing at Physician’s Weekly
- Ayon sa mga nasarbey na magulang, 49% ng mga problema sa paningin ng mga bata ay may kinalaman sa dami ng oras na ginugugol nila sa mga iskrin kadaaraw.
- 40% ng mga iyon ay dahil sa kanilang distansya mula sa iskrin.
- 37% ay sanhi ng radyasyon ng ilaw mula sa iskrin.
2) Wala pa sa kalahati ng mga batang gumugugol ng napakaraming oras sa iskrin ang nakapagpapanatili ng hindi bababa sa 60 minuto ng pisikal na aktibidad kadaaraw.
Mga sanggunian: National Library of Medicine at News Medical Life Sciences
- Sa mga nasarbey na batang Amerikanong nasa edad 4 hanggang 11 taon, 65% ang gumugugol ng oras sa mga iskrin habang 37% lamang ang gumugugol ng oras sa pisikal na paglalaro.
- Sa mga nasarbey na batang Amerikanong nasa edad 6 hanggang 11, wala pang 40% ang nakapagpapanatili ng sapat na dami ng pisikal na aktibidad at oras sa iskrin.
- 195 (19.5%) lamang sa 1,000 bata ang nakapagpapanatili ng 60 minuto ng pisikal na aktibidad kadaaraw.
3) Ang mga batang nasa edad 2 taon pataas na gumugugol ng hindi lalampas sa 1 oras sa iskrin ngunit mas kaunting pisikal na aktibidad kadaaraw ay nanganganib magkaroon ng sobrang timbang o katabaan.
Mga sanggunian: News Medical Life Sciences at The Journalist’s Resource
- Ang mga batang preschool sa Australyang nasa edad 2 hanggang 6 na taong gumugugol ng mas maraming oras sa panonood ng telebisyon at mas kaunti sa mga pisikal na aktibidad ay may mas mataas na body mass index (BMI).
- Ang mga batang gumugugol ng 1 oras sa panonood ng telebisyon kadaaraw ay 50% mas malamang magkaroon ng sobrang timbang kaysa sa mga nanonood sa loob ng mas maikling oras.
- Sa mga batang nasa edad 6 na taon pataas, ang mga gumugugol ng mas maraming oras sa iskrin at mas kaunti sa mga pisikal na aktibidad ay 2 beses mas malamang magkaroon ng sobrang timbang.
- Sa mga mag-aaral sa ikatlo at ikalimang baitang sa paaralang Iowa, mas maraming oras sa iskrin ang ginugugol ng mga sobra sa timbang at katabaan kaysa sa mga normal ang timbang.
4) Ang mahigit 3 oras sa iskrin ay nauugnay sa pagkakaroon ng ikalawang klase ng dyabetis.
Mga sanggunian: Meet Circle, National Library of Medicine, at Time
- Kumpara sa mga batang gumugugol ng 1 oras o mas mababa sa iskrin kadaaraw, ang mga gumugugol ng higit 3 oras ay nilalabanan ang insulin, dahilan upang magkaroon ng ikalawang klase ng dyabetis.
- Ang mga batang nasa edad 2 hanggang 4 na taon ay kumukonsumo ng 167 higit na kaloriya sa bawat oras ng panonood ng telebisyon kadaaraw.
5) Ang pagbababad sa iskrin ng mga batang nasa edad 12 taon pababa ay nagdudulot ng diperensya at kakulangan sa pagtulog.
Mga sanggunian: The Journalist’s Resource at Time
- Para sa mga batang wala pang 3 taong gulang, ang oras sa iskrin ay nagdudulot sa kanila ng hindi regular na pagtulog.
- Para sa mga nasa edad 6 hanggang 12 taon naman, ang tagal sa iskrin ay nagdudulot ng pagkagambala sa pagtulog.
- Ayon sa 90% ng mga pag-aaral kaugnay ng oras sa iskrin at hirap sa pagtulog ng mga bata, pagkahumaling sa paggamit ng mga kagamitang deiskrin ang dahilan ng kanilang pagkapuyat at kakulangan sa tulog.
6) Ang 1 hanggang mahigit 5 oras sa iskrin ay lumilikha ng mga problema sa pag-uugali ng halos kalahati ng mga bata.
Mga sanggunian: Discover Magazine, Meet Circle, News Medical Life Sciences, Screen-free Parenting, SlickText, Tech Advisor, The Journalist’s Resource, at UNICEF
- Ang mga batang nanonood ng telebisyon at naglalaro sa kompyuter at selpon nang higit 2 oras kadaaraw ay nagkakaroon ng mas maraming problema sa pag-uugali (hal: pagkabalisa at depresyon) kumpara sa mga gumagawa nito nang wala pang 20 minuto.
- Sa 1,000 batang sinuri, 143 (14.3%) ang nakumpirma o kaya’y tinatangkang balisa, 110 (11%) ang may depresyon, 160 (16%) ang may attention deficit hyperactivity disorder (ADHD), at 116 (11.6%) ang may hindi matukoy na problema sa pag-uugali.
- Ang mga batang nasa edad 5 taon pababang gumugugol ng 2 o higit pang oras sa iskrin kadaaraw ay 8 beses mas malamang makumpirmang may ADHD.
- Sa bawat oras sa iskrin kadaaraw, ang mga batang nasa edad 3 taon pababa ay nagkakaroon ng 10% panganib na magkaroon ng mga problema sa atensyon kapag pumasok sa eskwelahan.
- Ang mga batang gumugugol ng 5 o higit pang oras sa iskrin kadaaraw ay 71% mas malamang magpakita ng mga senyales ng pagpapakamatay.
- Ganito rin ang kaso ng 29% ng mga gumagamit ng kanilang mga aparato sa loob ng 1 oras lamang kadaaraw.
- Sa mga batang gumagamit ng mga aparatong deiskrin nang higit 5 oras kadaaraw, 48% ang nagpapahiwatig ng hindi bababa sa 1 senyales ng pagpapakamatay.
7) Ang pagbabad sa iskrin sa loob ng hindi bababa sa 30 minuto kadaaraw ay nagdudulot ng pagkaantala sa pagkatuto ng lenggwahe at pakikipag-usap.
Mga sanggunian: Soocial at The Journalist’s Resource
- Sa bawat 30 minutong ginugugol sa panonood ng telebisyon, ang mga bata ay nagkakaroon ng 50% mas mataas na tyansang magkaroon ng pagkaantala sa pagkatuto ng lenggwahe.
- 6.6% ng mga magulang ang nagsasabing ang mga sanggol na gumagamit ng selpon araw-araw ay mas malamang dumebelop ng pagkaantala sa pagsasalita.
- Ang 30 minutong dagdag-oras sa iskrin kadaaraw ay nauugnay sa 2.3 beses na paglala ng pagkaantala sa pagsasalita.
- Ang paglaganap ng iba pang mga problema sa komunikasyon, tulad ng kakulangan ng pagkilos ng katawan at pagtitig sa mata, ay 8.8%.
8) Dahil sa napakaraming oras na ginugugol sa iskrin, ang mga bata at nakababatang kabataan ay hindi na halos nakikisalamuha sa iba.
Mga sanggunian: Pew Research Center at SlickText
- 11% hanggang 43% ng mga nakababatang kabataan ang nagsasabing madalas silang bumabaling sa selpon upang umiwas mula sa pisikal na pakikipag-usap sa mga tao, lalo na sa panahon ng pandemya.
- 33% sa kanila ang gumugugol ng mas maraming oras sa pakikipag-usap sa kanilang mga kaibigan sa sosyal midya.
- 52% sa kanila, kahit na kasama ang kanilang mga kaibigan, ang nakatatagal sa mahabang oras na hindi man lamang nakikipag-usap.
Ilang Oras sa Iskrin Ang Ipinapayo Para sa Mga Bata?
1) Wala ni katiting na oras kung sila ay 0 hanggang 18 buwan (0 hanggang 1.5 taon) pa lamang
Mga sanggunian: All About Vision, Also, Screen Time Labs, at UNICEF
Ang mga sanggol ay hindi dapat pinapagamit ng smartfon, tableta, telebisyon, at iba pang mga aparatong deiskrin. Ang biswal na kumplikasyon ng mga kagamitang ito ay nagdudulot ng istres sa kanilang mga mata.
Isa pa, hindi pa nila kayang tumugon nang mabuti sa mga elementong pumupukaw ng pandama.
Panghuli, aakalin nilang tunay ang lahat ng nakikita sa iskrin kahit na kathang-isip lamang ang marami rito.
Ngunit sa kabila ng mga pagbabawal, ang mahahalagang aktibidad sa iskrin, tulad ng pakikipag-usap sa iyong sanggol sa bidyo kapag hindi kayo magkasama, ay mapapatawad.
2) Ilang minuto lamang kadaaraw kung sila ay 18 buwan (1.5 taon) hanggang 2 taong gulang
Mga sanggunian: All About Vision, Also, Screen Time Labs, at UNICEF
Kahit na umabot sila sa edad 1 taon at 6 na buwan, pinakamainam pa ring hindi malantad sa iskrin ang mga sanggol.
Ngunit ayon sa mga sikologo para sa mga bata, ang ilang minutong oras sa iskrin ay hindi masyadong makakasama sa kanila basta’t may tamang gabay ng magulang.
Sa bagay na ito, mahalagang isaalang-alang ang tagal ng oras sa iskrin at uri ng programang sinusubaybayan ng iyong anak.
Dahil dito, ipinapayong gabayan siya sa lahat ng kanyang ginagawa sa gadyet. Huwag itong iwan sa kanya nang walang bantay. Sa ganitong paraan, maiiwasang masira ang aparato at makapanood siya ng mga programang hindi angkop sa kanyang edad.
Hinggil sa pag-iwas sa mga programang hindi angkop sa kanya, mahalagang ilimita ang kanyang panonood sa mga de-kalidad na programang pang-edukasyon tulad ng mga larong pang-alpabeto at pangnumero.
3) Hanggang 15 minuto kadaaraw kung sila ay 2 hanggang 4 na taong gulang
Mga sanggunian: All About Vision, Also, Screen Time Labs, at UNICEF
Ang inirerekomendang haba ng oras sa iskrin para sa mga batang nasa edad 2 hanggang 4 na taon ay 15 minuto lamang kadaaraw.
Sa bagay na ito, ipinapayo ng mga sikologong kailangan pa rin ng patnubay ng magulang. At ang mga sinusubaybayan ay dapat ding ilimita sa mga programang pang-edukasyon.
Dagdag pa, mainam ding gumamit ng mas malaking aparato sa halip na maliit. Sa malaking iskrin, mas makikita nila nang malinaw ang mga programa kung kaya’t hindi mahihirapan ang kanilang paningin.
4) 30 minuto ngunit hindi araw-araw kung sila ay 4 hanggang 6 na taong gulang na
Mga sanggunian: All About Vision, Also, Screen Time Labs, at UNICEF
Sa edad 4 hanggang 6 na taon, ang mga preschooler ay maaari nang makinig ng musika, manood ng mga pelikula, at maglaro ng madadaling laro. Kaya na nilang humawak ng mga aparatong deiskrin.
Kaya naman, maaari kang magdagdag ng 15 pang minuto sa ipinapayo para sa mga batang basa edad 2 hanggang 4. Sumatutal, ito ay 30 minutong oras sa iksrin ngunit hindi araw-araw.
Samantala, kailangan pa rin ang gabay ng magulang dahil dinedebelop pa lamang ang kanilang kasanayan sa pagbasa at pagsulat.
5) 1 oras kadaaraw kung sila ay 6 hanggang 10 taong gulang
Mga sanggunian: All About Vision, Also, Screen Time Labs, at UNICEF
Para sa mga batang nasa elementaryang may edad 6 hanggang 10 taon, 1 oras ang inirerekomenda ng mga eksperto para sa malayang oras sa iskrin.
Malayang oras sa iskrin? Oo. Ang tinutukoy natin ay oras sa iskring ginugugol para sa libangan, hindi para sa mga aktibidad pang-eskwelahan.
Gayunpaman, sa malayang oras na ito, kinakailangan pa rin ang patnubay ng magulang para sa malusog na panonood ng mga bata, tulad ng ipinapayo sa mga preschooler.
Hinggil sa makabuluhang paggugol ng oras sa iskrin, ang Heroes: The Bible Trivia Game ay isang magandang pagkukunan ng edukasyon at libangan. Ito ay nagbibigay-kaalaman tungkol sa mga karakter ng Bibliya sa pamamagitan ng nakaeengganyong pagsusulit.
6) 90 minuto (1.5 oras) kadaaraw kung sila ay 10 hanggang 12 taong gulang
Mga sanggunian: All About Vision, Also, Screen Time Labs, at UNICEF
Para sa mga batang nasa edad 10 hanggang 12 taon, inirerekomenda ng mga ekspertong magdagdag lamang ng 30 minuto sa 60 minutong ipinapayo sa mga mas nakababata. Sumatutal, ito ay 1.5 oras kadaaraw o 10.5 oras kadalinggo.
Dahil ang mga bata sa edad na ito ay patungong kabataan, nagsisimula na silang tumuklas ng mga bagay-bagay.
Kaya naman, mas mahigpit na patnubay ng magulang ang kinakailangan upang matiyak na ang kanilang mga ginagawa sa iskrin ay angkop sa kanilang edad at hindi sila lumalampas sa inirekomendang haba ng oras dito.
7) 2 oras kadaaraw (14 na oras kadalinggo) kung sila ay 12 taong gulang pataas
Mga sanggunian: All About Vision, Also, Screen Time Labs, at UNICEF
Sa edad 12 taon pataas, ang mga bata ay marunong nang humawak ng mga aparatong deiskrin.
Maaari na silang gumugol ng higit 1 ngunit hindi lalampas sa 2 oras sa iskrin kadaaraw. Ito ay 14 na oras kadalinggo.
Ngunit dahil likas sa mga kabataan ang maging mausisa at matuklasin, mas kailangan silang gabayan ng mga magulang sa kanilang mga gawain sa iskrin.
Huwag lamang kalimutang bigyan sila ng kalayaan kung ang mga kahihinatnan ay hindi naman makaaapekto sa kanilang pagtanda.
Bilang Magulang, Ano Ang Iyong Magagawa Para Limitahan Ang Oras ng Iyong Anak sa Iskrin?
1) Gumawa ng iskedyul ng oras sa iskrin.
Mga sanggunian: American Academy of Child and Adolescent Psychiatry, Best Writing, Kids Health, at National Library of Medicine
Depende sa edad, pagkahusto ng gulang, at pag-uugali ng iyong anak, at batay sa mga alituntuning ating tinalakay kanina, magpasya kung ilang oras ang iyong ibibigay sa kanya araw-araw at linggu-linggo.
Pagkatapos, maghanap ng bakanteng panahon kung saan ang oras sa iskrin ay hindi makasasagabal sa mahahalagang gawain tulad ng pagkain at pagtulog.
Base rito, lumikha ng pang-araw-araw na iskedyul ng oras sa iskrin upang sundin ng iyong anak.
2) Samahan ang iyong anak, at subaybayan ang kanyang mga gawain sa iskrin at haba ng oras na ginugugol dito.
Sanggunian: National Library of Medicine
Sumama sa iyong anak sa kanyang oras sa iskrin. Makinood at makipag-usap sa kanya.
Sa pamamagitan nito, masusuri mo ang mga programang kanyang sinusubaybayan at makokontrol ang dami ng oras na kanyang ginugugol. Isa pa, pinaiigting nito ang inyong relasyon.
Ngunit paano kung abala ka sa trabaho, mga gawaing-bahay, at iba pa?
Base sa mga natalakay natin kaninang haba ng oras sa iskrin depende sa edad, 2 oras ang pinakamahaba.
Hindi naman siguro malaking abala iyon, ano?
3) Alisin o patayin ang lahat ng mga aparatong deiskrin kung kinakailangan.
Mga sanggunian: American Academy of Child and Adolescent Psychiatry, Kids Health, National Library of Medicine, at PR Newswire
Ang oras ng pagkain ay isang mahalagang pagtitipon ng pamilya. Ito ay isang pagkakataon upang makibalita sa buhay ng isa’t isa habang nilalasap ang masasarap na pagkain.
Sa oras na ito, hindi maaaring makasagabal ang anumang aparatong deiskrin. Kaya isantabi muna ang mga ito.
Ganito rin sa oras ng pagtulog. Ito kasi ay isang mahalagang pagkakataon para makapagpahinga mula sa kapaguran buong maghapon at magkaroon ng bagong lakas kinabukasan.
Isa pa, ang mga mata ay nangangailangan ng pahinga mula sa radyasyong maaaring makagambala sa iyong pagtulog.
Sa oras na ito ng pahinga, kailangang patayin ang lahat ng mga aparatong deiskrin. At gaya ng payo ng mga eksperto, panatilihin silang 2 hanggang 3 talampakan ang layo sa iyong katawan, lalo na sa ulo.
4) Yayain ang iyong anak na sumali sa mga aktibidad na hindi gumagamit ng mga gadyet na deiskrin.
Mga sanggunian: American Academy of Child and Adolescent Psychiatry, Kids Health, National Library of Medicine, at Online Degrees
Hindi lahat ng pagkatuto at paglilibang ay natatamasa sa iskrin.
Ang mga bata ay dapat ding tangkilikin ang pagbabasa ng mga libro, pag-awit, pagtugtog ng mga instrumento, pagsasayaw, paglalaro ng mga isport, paggawa ng obra, o iba pang mga libangan sa labas ng iskrin.
Ang mga gawaing ito ay makatutulong upang alisin sa pagkakakulong sa iskrin ang iyong anak at mahikayat siyang maging aktibo, matuklasin, at malikhain.
5) Maging mabuting halimbawa.
Sanggunian: American Academy of Child at Adolescent Psychiatry
Hindi sapat na gumawa ka lamang ng mga patakaran upang sundin ng iyong anak.
Gaanuman kasistematiko, kaepektibo, at kamakatotohanan ang iyong plano para sa paggugol ng oras sa iskrin, at gaanuman kahusay itong ipinatutupad, walang silbi ito kung ikaw mismo ay hindi ito sinusunod.
Mas tinutularan ng iyong anak ang iyong ginagawa kaysa sa iyong sinasabi. Kaya naman, maging mabuting huwaran.
Ibuod Natin!
1) Sumatutal, ang mga bata ay gumugugol ng 1.5 hanggang 9 na oras sa iskrin kadaaraw at hanggang 18.6 na oras kadalinggo batay sa mga estatistikang ito:
- Ang mga batang Amerikanong nasa edad 0 hanggang 8 taon ay gumugugol ng humigit-kumulang 1.5 hanggang 4.6 na oras sa iksrin kadaaraw.
- Ang mga batang nasa edad 8 hanggang 12 taon ay gumugugol ng 4 hanggang 9 na oras sa iskrin kadaaraw.
- Ang tagal ng mga bata sa iskrin kadaaraw ay umabot nang mahigit 7 oras noong panahon ng pandemya.
- Noong pandemya, dumami rin ang bilang ng mga batang gumugugol ng 4 o higit pang oras sa iskrin kadaaraw.
2) Panonood ng telebisyon ang kumukonsumo ng pinakamaraming oras ng mga bata sa iskrin base sa mga impormasyong ito:
- Panonood ng telebisyon, na gumugugol ng 4 hanggang 9 na kabuuang oras sa iskrin kadaaraw, ang nangungunang aktibidad ng mga bata.
- Sa lingguhang siklo, panonood ng telebisyon din ang gumugugol ng pinakamaraming oras ng mga bata sa iskrin.
3) Telebisyon ang ginagamit ng karamihan sa mga bata sa kanilang oras sa iskrin, gaya ng napatunayan ng mga sumusunod:
- Kinumpirma ng mga magulang sa Estados Unidos na telebisyon ang aparatong ginagamit ng karamihan sa mga batang nasa edad 0 hanggang 2 taon.
- Telebisyon din ang gamit ng karamihan sa mga batang nasa edad 3 hanggang 4 na taon.
- Ganito rin ang sitwasyon ng karamihan sa mga batang nasa edad 5 hanggang 8 taon.
- Ganito rin ang sitwasyon ng karamihan sa mga batang nasa edad 9 hanggang 11 taon.
4) Ang oras sa iskrin ay nakabubuti sa mga bata sa ganitong mga kaparaanan:
- Pinahuhusay nito ang pagkatuto.
- Ginagawa nitong posible ang mag-aral at magtransak sa Internet.
- Pinahihintulutan nito ang komunikasyon at pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng sosyal midya.
- Nagsisilbi itong libangan.
5) Sa kasamaang-palad, ang sobrang pagbabad sa iskrin ay nagdudulot ng mga sumusunod na panganib:
- Mga problema sa paningin
- Kakulangan sa pagiging aktibo
- Labis na timbang at katabaan
- Ikalawang klase ng dyabetis
- Diperensya at kakulangan sa pagtulog
- Mga problema sa pag-uugali
- Pagkaantala sa pagkatuto ng lenggwahe at pakikipag-usap
- Kakulangan sa sosyalisasyon
6) Ang sapat na tagal ng mga bata sa iskrin ay ang mga sumusunod:
- Wala ni katiting na oras kung sila ay 0 hanggang 18 buwan (0 hanggang 1.5 taon) pa lamang
- Ilang minuto lamang kadaaraw kung sila ay 18 buwan (1.5 taon) hanggang 2 taong gulang
- Hanggang 15 minuto kadaaraw kung sila ay 2 hanggang 4 na taong gulang
- 30 minuto ngunit hindi araw-araw kung sila ay 4 hanggang 6 na taong gulang na
- 1 oras kadaaraw kung sila ay 6 hanggang 10 taong gulang
- 90 minuto (1.5 oras) kadaaraw kung sila ay 10 hanggang 12 taong gulang
- 2 oras kadaaraw (14 na oras kadalinggo) kung sila ay 12 taong gulang pataas
7) Upang malimitahang maigi ang oras ng iyong anak sa iskrin:
- Gumawa ng iskedyul ng oras na gugugulin dito.
- Samahan siya upang mamonitor ang kanyang mga gawain sa iskrin at haba ng oras sa paggawa ng mga ito.
- Isantabi o patayin ang lahat ng mga kagamitang deiskrin kung kinakailangan.
- Hikayatin ang iyong anak na makilahok sa mga aktibidad na hindi gumagamit ng mga aparatong deiskrin.
- Maging mabuting huwaran.
Ihayag Ang Iyong Saloobin
Masyado bang maraming oras ang ginugugol ng iyong anak sa iskrin?
Ano ang natutuhan mo sa artikulong itong maaaring makatulong sa paglutas ng problemang iyon?
Ibahagi ito sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.