Nilalaman

Kapangyarihan ng Pagkukwento at 2 Paraan Upang Makamit Ito

Lumaki tayong nakakapakinig ng iba’t ibang uri ng kwento. At nagugustuhan natin kapag ang isang kwento ay hindi lamang maganda kundi maayos ding naihatid, hindi ba?

Ano nga ba ang sikreto ng epektibong pagkukwento?

Sa artikulong ito, ating:

  • Tuklasin ang lihim na kapangyarihan ng pagkukwento
  • Alamin ang 2 natatanging paraan upang mapahusay ang iyong pagkukwento

Ano Ang Lihim na Kapangyarihan ng Pagkukwento?

Galugarin natin ang sikolohiya.

Ang lihim na kapangyarihan ng pagkukwento ay nakasalalay sa pagpapalabas ng oxytocin.

Kilala bilang hormon ng pag-ibig, ang oxytocin ay isang neurotransmitter sa utak na responsable sa pagkahumaling at pag-aalaga. Kinokontrol din nito ang mahahalagang aspeto ng panganganak at paggagatas1.

Ngayon, paano gumagana ang hormong ito kapag tayo ay nagbabasa o nakikinig ng kwento?

Sa pagbabasa o pakikinig ng isang nakaeengganyong kwento, ang ating utak ay naglalabas ng oxytocin. Nag-uudyok ito sa ating magmalasakit sa mga tauhan ng kwento. Ito ay nagpapahayag ng empatya at koneksyon.

Ang hindi pangkaraniwang bagay na itong itinampok ni Dr. Heather Thompson-Day, isang dalubhasa sa pagkukwento, ay sumasalamin sa biblikal na prinsipyo ng pagmamahal at empatya.

Ang prinsipyong ito ay pagmamahal sa isa’t isa (1 Pedro 4:8). Kinasasangkutan din ito ng pakikiramay sa iba tulad ng tugon ng pakikiramay buhat sa mga makapangyarihang kwento.

Dumako naman tayo sa pinakadakilang Mananalaysay.

Heroes: Si Hesus na nangangaral
Karapatang-ari: Christian Publishing House Blog

Ang dakilang Mananalaysay na ito ay walang iba kundi ang Diyos.

Sa pamamagitan ng Kanyang akda, ang Bibliya ay naglalaman ng maraming kwentong nagpabago sa sangkatauhan. Mula kina Adan at Eba hanggang kay Hesus, naghatid Siya ng mga banal na mensahe sa pamamagitan ng pagkukwento sa tulong ng mga may-akda ng Bibliya.

Si Hesus, halimbawa, ay gumamit ng mga parabula upang ihatid ang mga katotohanan ng Bibliya sa Kanyang mga tagasunod (Mateo 13, 18, 20, 21, 22, 24, 25; Marcos 4, 7, 12; Lucas 5, 6, 8, 10, 12, 13, 14, 15, 16, 18, 19, 20).

Ang mga kwentong ito ay patuloy na humuhubog sa ating pag-unawa sa pananampalataya at moralidad. Ang pagkaunawang ito ay umaayon sa konsepto ng Bibliyang ang Salita ng Diyos ay isang lampara sa ating mga paa at isang liwanag sa ating landas (Mga Awit 119:105).

Sagutin na natin ang tanong.

Heroes: Pagkukwento sa mga bata
Karapatang-ari: Canva

Ang lihim na kapangyarihan ng pagkukwento ay nag-uugat sa natatanging kakayahan nitong makaimpluwensya nang malalim sa mga indibidwal at lipunan.

Sa Bibliya, ang mga kwento ng mga bayaning may kapintasan ngunit natatangi, tulad ni Dabid, ay nakapagpabago ng maraming buhay. Itinuturo sa atin ng mga kwentong itong kahit na sa ating mga pagkakamali at kakulangan, makatatagpo tayo ng pagtubos at layunin.

Katulad nito, ang bawat indibidwal ay may natatanging kwento ng buhay. Sa pamamagitan ng pananampalataya at katatagan, ang mga kwentong ito ay makaaantig at makapagbibigay-inspirasyon sa iba, tulad ng nagawa ng mga kwento sa Bibliya mula pa noong simula.

Naaayon ito sa prinsipyo ng Bibliyang ang bawat buhay ay may layunin at kwentong dapat ikwento. Sa pamamagitan ng pananampalataya, ang ating mga kwento ay maaaring makaimpluwensya sa iba sa mga paraang hindi natin inaakala (Hebreo 11:1).

Samakatwid, ang lihim na kapangyarihan ng pagkukwento ay nakasalalay sa kapasidad nitong pumukaw ng malalim na emosyon, hamunin ang ating mga pananaw, at hayaan tayong kumonekta sa mga karanasan ng iba. Ito ay sumasalamin sa mga tema ng pag-ibig, pakikiramay, at pagbabagong makikita sa buong Bibliya.

2 Natatanging Paraan Upang Paghusayin Ang Iyong Pagkukwento

1) Ibahagi ang iyong mga karanasan sa buhay.

Heroes: Babaeng nagbabahagi ng kwento ng kanyang buhay
Karapatang-ari: Canva

Ang pagbabahagi ng iyong mga karanasan sa buhay ay isang makapangyarihang paraan upang mapahusay ang iyong pagkukwento.

Kung paanong ang Bibliya ay puno ng mga kwento ng mga taong humarap sa mga hamon ng buhay at paghahanap ng pagtubos, ang iyong sariling kwento rin naman ay maaaring makatulong sa ibang tao.

Sa pamamagitan ng pagbabahagi kung paano nakaapekto sa iyo ang mga partikular na kaganapan at kung gaano kahalaga ang mga ito, makauugnay ka nang personal sa iyong mga tagapakinig.

Ang pamamaraang ito ay sumasalamin sa mga patotoo ng Bibliya, kung saan ibinabahagi ng mga indibidwal ang kanilang mga personal na engkwentro sa Diyos at kung paano nabago ang kanilang buhay.

Ito ay isang paraan upang gawing nakaeengganyo at tumatatak ang iyong mga kwento, katulad ng mga patotoo ng mga karakter sa Bibliya tulad ni Pablo sa Bagong Tipan (Mga Gawa 9:1-19).

2) Makipag-usap at kumonekta sa iba.

Heroes: Lalaking nagbibigay ng seminar
Karapatang-ari: Canva

Ang mabisang pagkukwento ay hindi lamang tungkol sa pagsasalita. May kinalaman din ito sa pagpapatibay ng komunikasyon at pakikipag-ugnayan sa mga tao.

Kung paanong ang Bibliya ay nagsisilbing ugnayan natin sa Diyos, ang iyong mga kwento ay maaari ring maging tulay upang kumonekta sa iyong mga tagapakinig.

Ang mga kwento ay nagsisilbing epilogo ng pelikula ng iyong buhay. Ang mga ito ay mahahalagang bahagi ng ugnayang pantao.

Sa pamamagitan ng pagbubukas at pagbabahagi ng iyong mga kwento, inaanyayahan mo ang ibang taong makipag-ugnayan sa iyo, tulad ng kung paanong gumamit si Hesus ng mga talinghaga upang hikayatin ang Kanyang mga tagapakinig sa makabuluhang pag-uusap (Mateo 13:10-17).

Samakatwid, sa pagiging bukas sa komunikasyon, makatitiyak kang ang iyong mga kwento ay hindi mga monologo kundi mga instrumento para sa pakikipag-ugnayan at pag-unawa.

Ang Liksyon

Ang pagkukwento ay hindi lamang isang libangan. Isa rin itong mabisang kagamitan para sa pagpukaw ng empatya, pagbibigay-inspirasyon para sa pagbabago, at pagbuo ng mga relasyon.

Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong sariling mga karanasan sa buhay at pagiging bukas sa komunikasyon, matatamasa mo ang tunay na potensyal ng pagkukwento. Sinasalamin nito ang kapangyarihan ng mga kwento at patotoo sa Bibliya.

Kaya, mahalin ang mananalaysay sa iyong sarili. Ang iyong natatanging patotoo ay may kapangyarihang magbago ng maraming buhay at mag-iwan ng pangmatagalang impluwensya sa kanila.

Nais Naming Malaman Ang Iyong Saloobin

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito? Ano ang iyong natutuhan?

At bilang pagsasanay sa pagkukwento, nais mo bang magbahagi ng personal na testimonya? Huwag mag-atubiling ibahagi ito sa mga komento sa ibaba.

  1. Alexandra Owens, 2021, Psycom []
IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *