Bakit nga ba si Hesus ang pinakadakilang Bayani ng lahat?
Sa artikulong ito, tuklasin ang 8 dahilan kung bakit karapat-dapat Siya sa titulong iyon.
Ngunit bago iyon, kilalanin muna natin si Hesus.
Sino si Hesus?
Ang pangalang Hesus ay nagmula sa Griyegong pangalang Iēsous, Hebreong pangalang Yeshûa‘ o Yehôshûa‘, na nangangahulugang “si Yahweh ang kaligtasan.” Ang Ingles na pangalang “Jesus” ay nagmula naman sa Latin1.
Dahil dito, si Hesus ang pangunahing imahe ng Kristiyanismong pinaniniwalaan bilang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sangkatauhan (Mateo 16:16; Juan 3:16).
Ipinanganak sa Betlehem, ang Kanyang mahimalang pagkasilang ay tumupad ng propesiya ni Isaias, na nagbibigay-diin sa Kanyang banal na pinagmulan (Isaias 7:14; Mateo 1:23).
Ang Kanyang ministeryo ay nakatuon sa pagpapahayag ng kaharian ng Diyos at paghimok ng pagsisisi (Marcos 1:15; Lucas 4:43).
Sa buong buhay Niya, si Hesus ay gumawa ng mga himala, bagay na nagpapakita ng Kanyang banal na kapangyarihan at kahabagan, kabilang ang pagpapagaling ng mga maysakit at pagbibigay-buhay sa mga patay (Mateo 4:23; Juan 11:43-44).
Panghuli, ang Kanyang pagkapako sa krus ay isang mahalagang kaganapang sumasagisag sa Kanyang sakripisyong kamatayan para sa pagtubos ng mga kasalanan ng sangkatauhan (Juan 14:6; 1 Pedro 2:24).
8 Dahilan Kung Paano at Bakit si Hesus Ang Pinakadakilang Bayani
1) Nagsagawa Siya ng mga mahimalang pagpapagaling nang walang anumang gamot.
Si Hesus ay may kakaibang kakayahang magpagaling ng mga tao. At hindi lang iyon. Ginawa pa Niya ito nang walang anumang gamot!
Ipinakikita sa mga kuwento sa Mateo 4:24, Marcos 5:34, at Lucas 6:19 kung paanong ang simpleng paghipo o pagbigkas Niya ng mga salita ay nagdulot ng agarang paggaling. Tunay na bayani, hindi ba?
2) Lumakad siya sa tubig.
Lumakad si Hesus sa Dagat ng Galilea kung saan naipakita Niya ang Kanyang kapangyarihan sa mga elemento ng kalikasan (Mateo 14:25; Marcos 6:48; Juan 6:19).
Ang himalang ito ay nakapagpamangha sa Kanyang mga disipulo at nagpatibay ng kanilang paniniwala sa Kanyang banal na kapangyarihan at pagkakakilanlan.
3) Pinakalma Niya ang bagyo sa isang utos lamang.
Ilarawan ang isang malakas na bagyong kayang magpataob ng bangka ngunit sinabihan lamang ni Hesus na huminahon.
Sa Mateo 8:26, Marcos 4:39, at Lucas 8:24, iyong mababasa kung paano Niya pinakalma ang malalakas na hangin at mga alon, bagay na nagpapakita ng Kanyang kontrol sa kalikasan.
Maging ang mga disipulo ay sobrang namangha. Napagtanto nilang hindi pangkaraniwang tao ang kanilang kasama (Mateo 8:27; Marcos 4:41). Tunay ngang bayani si Hesus!
4) Libu-libo ang Kanyang napakain sa pamamagitan lamang ng kakarampot na pagkain.
Sa pamamagitan lamang ng 5 tinapay at 2 isda, nagawa ni Hesus na pakainin ang napakaraming tao. Akalain mo ‘yon!
Basahin ang Mateo 14:19-21, Marcos 6:41-44, at Juan 6:11-13 upang makita kung paano Siya nakagawa ng isang piging mula sa kakaunting pagkain.
Ang mga talatang ito ay nagpapatunay na kapag si Hesus ang kumilos, hindi tayo kailanman magkukulang. Ganyan ang isang bayani!
5) Nagpalayas siya ng mga demonyo.
Pinalaya ni Hesus ang mga sinasapian ng demonyo, bagay na nagpapakita ng Kanyang awtoridad sa mga puwersang espirituwal (Mateo 8:16; Marcos 1:34; Lucas 8:29).
Kinilala pa nga Siya ng mga demonyo bilang Anak ng Diyos na kataas-taasan (Marcos 3:11; Lucas 4:41).
6) Binuhay Niya ang mga patay.
Isa si Lazaro sa mga taong ibinangon ni Hesus mula sa kamatayan, bagay na naglalarawan ng Kanyang kapangyarihan sa buhay at kamatayan (Lucas 7:11-17; Juan 11:43-44).
Ang himalang ito ay hindi lamang nagpapamalas ng kahabagan kundi sumasalamin din sa tagumpay ni Hesus laban sa kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.
7) Nagtagumpay siya laban sa kamatayan.
Sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay muli, nagtagumpay si Hesus laban sa kamatayan. Sa pamamagitan nito, Kanyang inangking Siya ang muling pagkabuhay at ang buhay (Mateo 28:6; Juan 11:25-26; 1 Corinto 15:20).
Ang mahalagang sandaling ito ay nagpatibay sa Kanyang malabayaning kakayahan upang madaig ang kalaban.
8) Siya ay babalik balang-araw bilang nag-iisang matagumpay na Hari.
Ang pangako ng pagbabalik ni Hesus ay nahulaan na ng Bibliya kung saan Siya ay inaasahang darating bilang matagumpay na Haring magtatatag ng walang hanggang kaharian ng Diyos (Zacarias 14:9; Mateo 24:30; Apocalipsis 19:11).
Ang kaganapang ito sa hinaharap ay nagpapatunay ng Kanyang malabayaning tungkulin bilang pinakadakila at soberanong Pinuno ng lahat.
Ibahagi Ang Iyong Mga Ideya
Ano ang iyong natutuhan mula sa artikulong ito tungkol kay Hesus na ating pinakadakilang Bayani?
Ibahagi ang iyong mga ideya sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.
- Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 584-94 [↩]