Napaisip ka na ba kung gaano kadali o kahirap ang paggawa ng musika para sa laro, lalo na sa Heroes: The Bible Trivia Game?
Iyan ang ating tatalakayin sa artikulong ito.
Ngunit bago iyon, kilalanin at alamin muna natin ang mga sumusunod:
- Mga tao sa likod ng produksyon ng musika
- Pagkakaiba sa pagitan ng paglikha at pagsasaayos ng musika
- Inspirasyon sa likod ng temang awiting “The Great Battle”
- Relasyon sa pagitan ng temang awiting ito at mga tunog sa laro
Ang Mga Tauhan sa Likod ng Produksyon ng Musika ng Heroes
1) Produksyon
- Williams Costa, Jr. – pangunahing prodyuser; konduktor ng FILMharmonic Orchestra
- Clayton Nunes – pangalawang prodyuser; kompositor at tagapagsaayos ng temang musika
- Peter Pycha – pangalawang prodyuser; tagapangasiwa ng FILMharmonic Orchestra
2) Musika
- Laura Morena – mang-aawit
- FILMharmonic Orchestra (Czech Republic) – orkestra
- Jeremy Medkiff – gitarista
- Matt Pierce – manunugtog ng electric bass na gitara
- Garth Justice – perkusyonista
- Mga pangalawang boses
3) Pag-iinhinyero
- Oldrich Slezak at Cenda Kotzmann – mga inhinyero para sa orkestra
- Joey Turner – inhinyero para sa mga pangalawang boses
- Isaac Breslau – inhinyero para sa mang-aawit
- Dave Goodermuth – inhinyero ng audio mixing
- Andy Baldwin – inhinyero ng huling pag-aayos
Paglikha at Pagsasaayos ng Musika: Ano Ang Pagkakaiba?
Paglikha ang unang hakbang sa paggawa ng musika.
Ayon kay Clayton, ito ay pag-iisip at pagbuo ng melodiya at harmoniya para sa isang awitin, solo man o pangkatan, bokal o instrumental.
Pagkatapos nito, oras na para sa pagsasaayos.
Tinukoy niya ito bilang paglalatag ng pormat na paglalapatan ng mga nalikhang elemento ng musika.
Halimbawa, sa isang koro, ang paglalapatan ay binubuo ng mga boses na soprano, alto, tenor, at bass. Sa orkestra naman, ito ay binubuo ng mga bahagi para sa mga instrumentong de-kwerdas, hinihipan, at pinapalo.
Dito inilalagay ang mga nota, pahinga, daynamiks, artikulasyon, at iba pang elementong magpapaganda ng musika.
Ang Temang Awitin
Ang teksto
There’s a battle going on for my heart
The Source of Light against the fallen star
Schemes and strategies to form a plot
To disprove the truth about God’s love
Through the ages, heroes fought this fight
Defeating darkness with the greater light
Today is time for us to rise and shine
To be heroes in the world with our lives
Koro:
And I wanna be a hero
Shining for the glory of the Lord
’Cause I can go from sinner to winner
When my faith is grounded in His Word
Oh! Oh! Oh! Oh! Oh! Oh!
Oh! Oh! Oh!
Though the villain seemed to win on that day
When the Hero on the cross was slain
He died to prove that love was always right
His sacrifice has won the war; no more lies
(Ulitin ang Koro)
Koda:
Even when I lose my strength
There is power in His name
(Ulitin ang Koro)
Ano ang naging inspirasyon nito?
Ang sagot ay nasa pamagat na mismo ng awitin, “The Great Battle,” na binabanggit din sa unang linya nito, “There’s a battle going on…”
Tama, ito ang dakilang tunggalian sa pagitan ng mabuti at masamang ating kinakaharap sa huling panahong ito.
Sa pamamagitan nito, pinapaalala sa atin ng awitin si Hesus, ang ating dakilang Bayaning namatay sa krus para sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Kanyang mapanubos na pag-ibig, pinatawad at binigyan tayo ng Diyos ng kakayahang madaig ang kasamaan.
Dahil dito, tayo ay itinuturing na mga wagi, na ang pananampalataya ay nakaangkla sa Kanyang Salita. Tayo ang liwanag ng mundo at mga saksi para kay Kristo. Kaya naman, binabanggit ng awiting tayo ay mga bayaning nagniningning para sa kaluwalhatian ng Diyos.
Saliw na Musika at Mga Tunog Kaugnay ng Temang Awitin
Sa paglalaro ng Heroes, maririnig mo ang bahagi ng musikang may mga de-kwerdas na instrumento at silopono habang nagsasagot ng mga tanong. Ito ay nakatutulong makapokus ang utak sa pag-iisip.
Mayroon ding mala-militar na musika sa bahagi ng mga setting at opsyon ng laro. Mailalarawan ang mga sundalong may armas na nagtitipun-tipon.
Mayroon ding tunog na parang bituin kapag nakuha mo ang tamang sagot. At kapag naman mali ang iyong sagot, may tutunog na parang busina ng bus.
Ang mga musika at tunog na ito ay umaayon sa temang awitin. Ang tensyong likha ng mga dram, biyulin, byola, at trumpeta ay sumasalamin sa mala-giyera ngunit masayang karakter ng awitin.
Gaya ng idinidiin ni Clayton, mahalagang magtugma ang tema ng musika at mga tunog ng isang laro. Nakatutulong itong maitaguyod ang pagkakakilanlan nito.
Kamusta Ang Proseso ng Paggawa ng Musika?
Bago ang produksyon
Nagsimula ang lahat sa paglikha ng musika.
Isinulat at isinaayos ito ni Clayton sa isang papel na kanyang ipinakita kay Sam Neves, ang lumikha ng konsepto ng laro. Nagustuhan naman niya ito.
Pagkatapos nito, ang mga prodyuser ay nakipag-ugnayan sa isang kontraktor upang umarkila ng mga manunugtog mula sa Prague.
Ang mga musikerong ito ay hindi basta-basta. Nagmula sila sa hindi bababa sa 4 na pinakakilalang orkestra sa lungsod.
Binigyan na sila ng kopya ng musika para sa indibidwal na pag-eensayo. Hindi nagtagal, iniskedyul na ang kanilang pagkikita-kita sa Praga at Nashville para sa pagrerekord.
Pagrerekord
Nagsimula ang pagrerekord ng mga pangunahing instrumento, kabilang ang mga gitara, tambol, at kibord ng piyano.
Kasunod na inilapat ang mga pangalawang boses, orkestra, at mang-aawit.
Ayon kay Williams, hindi madali para sa mga naimbitang musikero ang magsama-sama sa unang pagkakataon. Ngunit nabigyang-hustisya nila ang proyekto.
Mga propesyunal naman sila kaya alam nila ang kanilang ginagawa.
Mailalarawang nagpapalitan sila ng mga ideya para sa pinakamagandang interpretasyon ng musika.
Pero para kay Laura Morena, medyo mahirap ang naging karanasan. Siya ay halos 9 na buwan nang buntis sa panahon ng pagrerekord.
Marami na raw siyang nailabas na album ngunit dahil sa kanyang kalagayan, hindi naging madali ang pagrerekord na ito para sa Heroes.
Nahirapan siyang huminga. Kung mahirap nang magsalita, mas mahirap pang umawit.
Salamat na lamang sa tulong ni Clayton at ng mga miyembro ng teknikal na grupo! Binigyan nila siya ng mga payo, pagwawasto, at puna para mapaigi ang pag-awit.
Ayon kay Laura, mahalagang magkaroon ng mga taong tumutulong kapag ikaw ay nagrerekord.
Dahil dito, mabilis siyang natapos. Sa loob lamang ng 4 oras, nakumpleto niya ang awitin sa 2 lenggwahe, Ingles and Portuges.
Pagkaraan ng produksyon
Tulad ng sa anumang produksyon, mas mahirap ang proseso pagkatapos ng produksyon ng musika ng Heroes.
Sinusuri ang bawat nirekord upang piliin ang pinakamaaayos para sa paghahalu-halo at pagmamaster ng mga trak.
Pagkatapos ay kailangan ding itama ang mga mali mula sa pinakapansin hanggang sa pinakamaliit na detalye. Kailangan pang balansehin ang lahat ng mga bahagi.
Salamat na lamang sa audio editing softwares na nakapagpadali at nakapagpabilis ng kanilang trabaho, ayon kay Williams. Gayundin, ang regular na pulsong ginamit sa pagrerekord ay nakatulong upang mapagsabay-sabay ang mga trak sa parehong ritmo at tempo.
Sa lahat ng ito, napakahusay ng kanilang mga tauhan, ayon kay Laura.
Anu-anong Aral Ang Makukuha Mula Rito?
1) Simulan ang lahat sa panalangin at humingi ng patnubay mula sa Diyos.
Ayon kay Clayton, nagsimula ang lahat sa panalangin bago pa ang produksyon.
Wala siyang inaakong anumang porsyento ng tagumpay para sa kanyang sarili dahil hindi raw niya ito makakamit kung walang tulong mula sa langit.
Gaanuman tayo kahusay, hindi tayo magtatagumpay sa ating ginagawa kapag walang patnubay ng Diyos. Kaya mahalagang simulan ang bawat gawain sa isang panalanging humihingi ng Kanyang karunungan.
2) Alamin ang kalooban ng Diyos para sa iyong buhay.
Payo ni Williams, mangarap at huwag sumuko, lalo na habang bata ka pa.
Marami ka pang magagawa sa buhay. Payo ni Laura, huwag maghintay ng tagumpay. Gawin lamang ang dapat gawin.
Ngunit sa paggawa nito, alamin ang kalooban ng Diyos para sa iyong buhay. Ang Kanyang plano ay mas mahalaga kaysa sa iyong mga pangarap, idiniin ni Clayton.
3) Paunlarin ang iyong talento para sa kaluwalhatian ng Diyos.
Bawat tao ay pinagkalooban ng Diyos ng talento. Bilang payo nina Clayton at Williams, paunlarin ito sa pamamagitan ng pagsasanay at pag-eensayo.
Ngunit sa halip na gawin ito para sa iyong sarili, gawin ito upang paglingkuran at luwalhatiin ang Diyos. Sa pamamagitan ng iyong talento, maging daluyan ng Kanyang pagpapala sa ibang tao, dagdag ni Laura.
Maaari ba Naming Malaman Ang Iyong Saloobin?
Nagustuhan mo ba ang artikulong ito? Ano ang masasabi mo sa produksyon ng musika ng Heroes?
Nais naming malaman ang iyong saloobin!
Para sa iba pang detalye, panoorin ang mga bidyong ito ng panayam kina Clayton, Williams, at Laura mismo.