Nilalaman

Unang Kampeon ng Bible Heroes World Tournament: Sino Siya?

Sino ang kauna-unahang kampeon ng Bible Heroes World Tournament?

Sa artikulong ito, alamin natin ang kanyang:

  • Pangalan at personal na bakgrawnd
  • Buhay-kabataan
  • Pagtuklas sa Heroes: The Bible Trivia Game
  • Mga saloobin tungkol sa larong ito
  • Mga karanasan noong kompetisyon at pagkaraan nito
  • Payo sa mga kabataan

Ngunit bago ang lahat, tunghayan muna natin ang Heroes World Championship.

Ano Ang Heroes World Championship?

Isinagawa ng General Conference of Seventh-day Adventists ang Global Campmeeting noong Mayo 19–23, 2021.

Isa sa mga programa nito ang Heroes World Championship. Ang pagsala ng mga kalahok ay naganap mula ika-19 hanggang ika-22 at sa huling bahagi ng ika-23 araw.

Sa bawat lebel ng kompetisyon, ang 8 manlalarong may pinakamatataas na marka ay pumasok sa semi-final round. Ang mga semi-finalist na ito ay nakipaglaban din sa 7 iba pang manlalaro.

Grabe ang labanan, hindi ba?

Pagkaraan nito, ang mga nanalo sa araw-araw na laro ay naglaban-laban sa final round. Si Pastor Sam Neves, ang lumikha ng konsepto ng laro, ang nanguna sa sesyong ito.

Napakaenggrandeng kompetisyon!

Sino Ang Kauna-unahang Kampeon ng Bible Heroes World Tournament?

Heroes: Ian Segui

Siya si Ian Grey Antoni Segui, isang 14 na taong gulang na binata mula sa Pilipinas.

Napakabata pa, ano?

Lumaki si Ian sa Lopez, Quezon. Ang kanyang mga magulang ay sina Greyson at Shyrell Segui, at ang kanyang nakababatang kapatid ay si Ivy Shy.

Ngayon, dumako tayo sa kanyang edukasyon.

Sa panahong isinulat ang artikulong ito (Setyembre 2021), si Ian ay nasa ika-9 na baitang sa Lipa Adventist Academy sa Batangas.

Kumusta Ang Kanyang Kabataan?

Heroes: Batang nagbabasa ng Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Bawal ang gadyet sa bahay!

Mahirap bang paniwalaan? Pero totoo ito.

Ayon kay Ian, wala silang telebisyon ni kanya-kanyang gadyet sa bahay. At mayroon lamang silang iisang akawnt sa Facebook.

Ibang klase, ano?

Ngunit nakatulong ang ganitong uri ng disiplina upang makatuon siya sa kanyang pag-aaral at espiritwal na buhay. Iyan ang magandang naidulot ng paghihigpit na iyon.

Naimpluwensyahan siya ng kaniyang pamilyang mag-aral ng Bibliya.

Bata pa lamang si Ian, naturuan na siya tungkol sa Bibliya.

Namulat siya sa pagsubaybay sa Amazing Facts at iba pang mga programa at plataporma ng Iglesia Adventista del Séptimo Día. Sinamantala niya ito upang magtanong tungkol sa mga bagay na hindi niya lubos maunawaan.

Nagsesermon din sa iglesya ang kanyang ama, ina, at lolo. Ito ang nag-udyok sa kanyang mag-aral ng Bibliya.

Sa katunayan, ginugol niya ang karamihan ng kanyang oras sa pagbabasa ng banal na aklat na ito. Hindi iyon naging mahirap dahil nga wala siyang personal na gadyet na makagagambala sa kanya.

Ngunit hinikayat din siya ng kanyang mga magulang na basahin ang iba pang mga aklat ng simbahan, kabilang ang Spirit of Prophecy.

Ganito siya pinalaki at sinanay ng kanyang mga magulang, imbis na hayaan siyang mahumaling sa mga laro sa kompyuter.

Heroes: Pamilyang nagbabasa ng libro
Karapatang-ari: Canva

Aktibo siya sa mga lokal na paligsahan sa Bibliya.

Lumaki si Ian na lumalahok sa mga pagsusulit sa Bibliya sa kanyang lokal na simbahan, paaralan, at kumperensya.

Kabilang dito ang pagsusulit sa Bibliya at paligsahan sa biblikal na pagbabaybay na kanyang nilahukan noong elementarya.

At alam mo ba? Parehong napanalunan ni Ian ang mga ito!

Sa palagay mo ba, ang mga karanasan sa Bibliyang ito ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob sumali sa pandaigdigang Bible trivia tournament ng Heroes? Ipagpatuloy natin ang kwento.

Malaki ang naiambag ng edukasyong Adbentista sa kanyang paglago.

Ayon sa ina ni Ian, nahubog ng edukasyong Adbentista ang Kristiyanong pag-uugali at etika ng kanyang mga anak. Mahalaga rin daw na ang bawat itinuturo sa tahanan ay alinsunod sa mga natututuhan sa eskwelahan.

Ang edukasyong ito ay nakatulong kay Ian mula elementarya hanggang kayskul. Ito ang humubog ng kanyang kabataan.

Nakatulong din ito sa kanyang mapalapit sa Diyos. Ito marahil ang nag-udyok sa kanyang magpabautismo sa edad na 12.

Paano Niya Nadiskubre Ang Heroes?

Heroes: The Bible Trivia Game sa laptop

Tulad ng iyong natunghayan kanina, si Ian ay hindi lumaking mahilig maglaro. Ngunit may nakapukaw ng kanyang interes.

Isang araw, nabalitaan niyang ang Hope Channel ay lumikha ng larong pangkaalaman sa Bibliya. Ikinamangha niyang kaya ng iglesyang Adbentistang makagawa ng ganitong app.

Hindi lamang si Ian kundi pati na rin ang kanyang ama ay nagpapasalamat sa paglikha ng proyektong ito. Hanga siya sa mga debeloper nito.

Bukod pa riyan, nakitaan din ng kanyang ama ang larong ito ng kakayahang makapagpalaganap ng ebanghelyo.

Dahil dito, napagtanto niyang marami pang tao ang dapat mapaabutan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng platapormang ito. Ang larong ito ay magsisilbing paraan upang maibigay ang kanilang mga pangangailangan at maipakilala si Hesus.

Anu-ano Ang Mga Nagustuhan ni Ian sa Larong Ito?

Iskrin ng larong Heroes

Ang pinakanagustuhan ni Ian sa app na ito ay ang napakaraming nilalaman nito tulad ng power-ups at mga hamon.

Ang mga power-up, halimbawa, ay isang malaking tulong sa pagsagot ng mahihirap na tanong. Tumutulong din ang mga itong mapataas ang lebel ng iyong laro.

Pangalawang nagustuhan ni Ian sa app ang mga modernong grapiks at animasyon. Sa katunayan, mas mahusay ang pagkakagawa ng mga ito kaysa sa nasa ibang Bible trivia games.

Dahil dito, taos-puso ang paghanga at pagpapasalamat ni Ian sa mga dumisenyo ng larong ito.

Pangatlo niyang nagustuhan ang modyul ng malayang pag-aaral ng Bibliya dahil sinasagot nito ang pinakamalalaking katanungan tulad ng mga sumusunod:

  • Totoo ba ang Diyos?
  • Kung ang Diyos ay mabuti, bakit tayo nagdurusa?
  • Ano ang mangyayari kapag ika’y namatay?

Sa lahat ng ito, sulit ang pagtityaga ng mga taong nagtrabaho sa likod ng larong ito, ayon kay Ian.

Kumusta Ang Kanyang Karanasan sa Kompetisyon at Pagkaraan Nito?

Sumali si Ian sa paligsahan ng Heroes upang makipaglaro at makipag-ugnayan sa mga manlalaro mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. At alam mo bang sumali rin ang kanyang amang si Greyson?

Ngunit hindi nila hangaring manalo. Gusto lamang nilang magkaroon ng masayang karanasan. Nais lamang din nilang subukin ang kanilang kasanayan sa paglalaro at kaalaman sa Bibliya.

Ngunit alam mo ba? Sa tulong at biyaya ng Diyos, umabot sila sa Finals noong Mayo 23, 2021!

Nagsimula ang kontes sa lebel ng mga unyon kung saan nakipaglaban sila sa 14 mga kwalipikadong manlalaro mula sa mga bansang ito:

  • Pilipinas
  • Indonesiya
  • Beneswela
  • Nagkakaisang Arabong Emirato
  • Litwanya
  • Kanada
  • Irlanda
  • Mehiko
  • Brasil

Ngunit pagkaraan nito, si Ian lamang ang umabot sa huling laban kasama ng finalist mula sa Kanada na si David Jeffrey sa isang best-of-three series.

Agarang mga katanungan at sagot. Mabilis at limitadong oras. Alistong pag-iisip. Memorya ang puhunan. Di-birong kaba at presyon.

Grabe sigurong nerbyos ni Ian, ano?

Gayunpaman, nanalo siya sa una at ikatlong sesyon ng laro! At siya nga ang hinirang na kampeon.

Hindi niya ito inaasahan. Sa katunayan, kabado siya mula simula hanggang katapusan ng kompetisyon. Ngunit pagkatapos ng lahat, gumaan ang kanyang pakiramdam lalo na’t alam niyang nakagawa siya ng mabuting bagay para sa Diyos at kanyang sarili.

At kinilala ng maraming tao ang kanyang pagkapanalo. Lubos niya itong ikinatuwa.

Ano Ang Ating Matututuhan Mula sa Kanya?

Heroes: Pamilyang nagbabasa ng Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Para kay Ian, ang Heroes ay hindi lamang isang laro kundi isang kagamitan upang maabot ang milyun-milyong kabataan. Ito ay isang app na may mga nilalaman, plataporma, at layuning kunektado sa Bibliya.

Dahil dito, pinapayuhan niya tayong gumugol ng mas maraming oras sa pagdarasal at pagbabasa ng Bibliya. Ito ay makatutulong mapalago ang ating espiritwal na pamumuhay at pakikipagrelasyon kay Kristo.

Kaya, sa halip na maglaro ng ibang mga laro, inaanyayahan tayo ni Ian na maglaro ng Heroes. Hindi lamang ito nagbibigay-libangan kundi nagpapalago rin ng ating kaalaman sa Bibliya.

Ngunit nais lamang niyang paalalahanan ang lahat na walang papantay sa pag-aaral ng Bibliya upang makilala ang Diyos. Ano ang ibig sabihin niya rito?

Ang laro ay isa lamang kagamitan. Hindi ito kailanman maaaring humalili sa pagkakaroon ng relasyon sa Diyos at kapwa tao.

Bilang pangwakas, hinihikayat niya tayong gamitin ang midyang ito upang ipakilala si Hesus sa iba.

Nais Naming Malaman Ang Iyong Saloobin

Nasiyahan ka ba sa pagbabasa ng kwento ni Ian? Anu-anong aral ang iyong napulot?

Nais mo bang maging katulad niya balang-araw? Malay mo ikaw na ang susunod na kampeon ng palarong ito!

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *