Hindi madaling daigin ang tukso. Gaanuman natin ito gustong labanan, nangingibabaw pa rin ang makasalanang likas natin.
Magandang balita! Ang kuwento ni Jose sa Bibliya ay nagbibigay sa atin ng 9 na sikreto upang maging posible ito.
Ngunit bago iyan, alamin muna natin ang kwento ni Jose bilang bakgrawnd ng ating paksa.
Pagkilala Kay Jose at sa Kanyang Kuwento
Ang pinagmulan at kahulugan ng kanyang pangalan
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 22 Heroes: Jose sa Bibliya](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Joseph-In-the-Bible-1024x576.jpg)
Ang pangalang Jose ay hango sa Yôseph, isang Hebreong salitang nangangahulugang “maidagdag nawa niya.” Nagmula ito sa salitang-ugat na yasaph, na nangangahulugang “idagdag”1.
Yamang nabanggit natin ang “dagdagan,” ang ina ni Jose, pagkasilang sa kanya, ay nagsabing, “Nawaʼy bigyan ako ng Panginoon ng isa pang anak” (Genesis 30:24, ASND).
Ngunit ang pangalan ni Jose ay nagpapahiwatig din ng “pag-alis” na base sa kahulugan ng salitang-ugat na asaph1.
Nabanggit ito ng ina ni Jose sa isa pang pahayag: “Inalis ng Diyos ang aking kahihiyan” (Genesis 30:23, ASND).
Kahihiyan? Bakit? Ipagpatuloy ang pagbasa.
Ang kanyang kapanganakan
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 23 Heroes: Sanggol na karga ng ina](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/New-Born-Baby-1024x576.jpg)
Sa Genesis 30, makikilala natin si Raquel, ang asawa ni Jakob.
Sa mahabang panahon, hindi niya mabigyan ng anak ang kanyang asawa. Dahil dito, nainggit siya sa kanyang kapatid na si Lea.
Kinalaunan, ibinigay ni Raquel kay Jakob ang kanyang aliping si Bilha habang si Lea ay nag-alok din ng kanyang alilang si Zilpa at ng kanyang sarili. At si Jakob ay nagkaroon ng maraming anak sa kanila.
Ngunit sa wakas, “nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin” (talata 22, MBBTAG). Tama, ang sanggol na ito ay si Jose.
Mailalarawan mo ba kung gaano nawalan ng pag-asa si Raquel noon? Akala niya’y hindi na siya magkakaroon ng anak ngunit sa wakas ay sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin.
Kaalaman tungkol sa kanyang pamilya
Gaya ng iyong naunawaan sa naunang seksyon, si Jose ay anak nina Jakob at Raquel.
Kay Raquel, si Benjamin lamang ang kapatid ni Jose. Ang iba ay mga kapatid sa mga inang sina Lea, Bilha, at Zilpa. Ito ang kanilang mga pangalan:
- Simeon
- Levi
- Zebulun
- Isacar
- Dan
- Gad
- Asher
- Neftali
- Ruben
- Huda
Ang kanyang kwento
Kasama ang kanyang pamilya sa Canaan
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 24 Heroes: Jose sa kanyang makulay na damit](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Joseph-and-the-Coat-1024x576.png)
Lumaki si Jose bilang paboritong anak ng kanyang ama. Bilang pagpapamalas nito, ginawan niya siya ng isang makulay na damit na gawa sa mahal na kasuotang isinusuot ng mga maharlikang kabataan noon1.
Dahil dito, nainggit ang kanyang mga kapatid, lalo pa nang ikwento niya sa kanila ang kanyang mga panaginip.
Sa unang panaginip, ang mga bigkis ng butil ng kanyang mga kapatid ay pumalibot sa kanyang bigkis at yumukod dito (Genesis 37:7). Sa ikalawa naman, ang araw, buwan, at 11 bituing kumakatawan sa kanyang pamilya ay yumukod din sa kanya (talata 9).
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 25 Heroes: Unang panaginip ni Jose](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Joseph-grain-dream-1024x576.png)
Ipinahihiwatig nito na balang-araw ay maghahari si Jose sa kanyang pamilya.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 26 Heroes: Joseng itinapon sa balong walang tubig](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Joseph-thrown-at-the-empty-pit-1024x576.png)
Nagalit ang kanyang mga kapatid kung kaya’t itinapon nila siya sa isang balong walang tubig (mga talata 19-20). Maya-maya, ibinenta nila siya sa mga dumaraang mangangalakal na patungong Ehipto.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 27 Heroes: Joseng ibinenta sa Ehipto](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Joseph-with-the-egyptian-merchants-1024x576.png)
Sa kanilang pag-uwi, hindi nila sinabi sa kanilang ama ang totoong nangyari. Sa halip, ipinakita nila sa kanya ang damit ni Jose na pinahiran nila ng dugo ng kambing upang ipalagay na nilamon siya ng hayop (mga talata 32-33).
Grabeng pagkakanulo at kasinungalingan!
Dahil dito, pinunit ni Jakob ang kanyang damit, nagsuot ng telang sako, at nagdalamhati sa kanyang anak nang sumunod na mga araw. Kahit na inaaliw siya ng kanyang mga anak, iginigiit niya, “Hayaan nyo na lang ako! Mamamatay akong nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng anak ko” (talata 35, ASND).
Kawawang ama! Hindi dapat siya nagdurusa nang ganito.
Ang tukso sa Ehipto
Marahil lubos na nanibago si Jose sa bago niyang buhay at mga kasama sa Ehipto.
Nagsimula siya bilang isang karaniwang alipin. Ngunit nang mapansin ang kanyang husay sa lahat ng kanyang ginagawa gayong kasama niya ang Diyos, ipinagkatiwala sa kanya ni Potifar ang pangangasiwa ng kanyang sambahayan, bukod sa iba pa niyang mga responsibilidad (Genesis 39:1-4).
Isang araw, inanyayahan siya ng asawa ng kanyang among matulog kasama niya. Ngunit tumanggi si Jose at nagsabing hindi niya maipagkakanulo ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng masama (mga talata 7-9).
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 28 Heroes: Jose nang tuksuhin ng asawa ni Potifar](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Joseph-tempted-by-potiphars-Wife-1024x576.png)
Gayunpaman, ang asawa ni Potifar ay nagpursigeng akitin siya araw-araw ngunit tumanggi pa rin si Jose.
Hanggang isang araw, hinawakan siya nito sa kanyang balabal at iginiit ang kanyang hiling. Ngunit tumakas si Jose at iniwan sa kanya ang kanyang balabal (mga talata 10-12).
Pagkakuha niya nito, tinawag niya ang kanyang mga alipin upang magreport, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo rito ng asawa ko ng isang Hebreo para hamakin tayo. Sukat ba namang pasukin ako sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan! Mabuti na lamang at ako’y nakasigaw. Pagsigaw ko’y kumaripas siya ng takbo at naiwan sa akin ang kanyang damit” (mga talata 14-15, ASND at MBBTAG).
Napakamapagsamantala at napakasinungaling!
Biruin mo, itinakwil na nga si Jose ng sarili niyang mga kapatid, pinagtaksilan pa siya ng asawa ng kanyang amo.
Ano ang mararamdaman mo kung ikaw ang nasa kalagayan ng inosenteng binatang ito? Hindi makatarungan, ano? Marahil tatanungin mo pa ang Diyos, “Ano’ng nagawa ko para maranasan ang lahat ng ito?”
Si Jose bilang pagpapala sa Ehipto
Ang akusasyon ng asawa ni Potifar laban kay Jose ay nagresulta sa kanyang pagkabilanggo sa kabila ng kanyang kawalang-kasalanan (Genesis 39:20).
Gayunpaman, kasama niya ang Diyos sa bilangguan. Dahil dito, nagkaroon siya ng pabor sa mata ng gwardya, dahilan upang italaga siya bilang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo.
Naging pagpapala pa nga siya sa dalawa sa kanila—ang punong katiwala ng saro at ang panadero ng hari—sa pamamagitan ng pagbibigay-kahulugan sa kanilang mga panaginip (kapitulo 40).
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 29 Heroes: Ang katiwala at ang panadero](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Cupbearer-and-the-Baker-1024x576.png)
Nanaginip ang katiwala ng isang baging na may 3 sanga. Kinuha niya ang mga ubas na bunga nito, piniga ang mga ito sa saro ng paraon, at ibinigay sa kanya (mga talata 9-11).
Ang panadero naman ay nanaginip na sa kanyang ulo ay may 3 basket ng keyk para sa paraon. Ngunit kinain ng mga ibon ang mga ito (mga talata 16-17).
Bilang interpretasyon, ipinaliwanag ni Jose na ibabalik ng paraon ang katiwala ng kopa sa kanyang posisyon ngunit ang panadero ay kanya namang bibitayin. At nangyari nga ito.
Pagkaraan ng 2 taon, nanaginip ang paraon ng 7 payat na bakang kumakain ng 7 malulusog na baka (mga talata 1-3 ng kapitulo 41) at 7 payat na uhay ng butil na lumalamon ng 7 malulusog na uhay (mga talata 5-7).
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 30 Heroes: Mga panaginip ni Paraon](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Pharaoh-Dream-1024x576.png)
Walang sinuman sa mga salamangkero ng paraon ang makapagpaliwanag nito kaya nang maalala ng katiwala ng kopa si Jose, inirekomenda niya ito, dahilan upang mapalaya na ito mula sa kulungan.
Ayon sa ipinahayag sa kanya ng Diyos, sinabi ni Jose sa haring magkakaroon ng 7 taon ng kasaganaan sa buong Ehipto. Ngunit kasunod nito ay 7 taon naman ng taggutom.
Dahil dito, pinayuhan niya ang haring mag-imbak ng butil bilang paghahanda sa taggutom. Bilang paghanga sa kanyang mungkahi, ginawa niya siyang gobernador ng Ehipto (mga talata 41-45).
Si Jose bilang pagpapala sa kanyang pamilya
Sa panahon ng taggutom, ang Ehipto ay dinumog ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa upang bumili ng pagkain. Kabilang sa mga ito ay ang mga kapatid ni Jose.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 31 Heroes: Si Jose nang makita ang kanyang mga kapatid sa Ehipto](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/brothers-of-joseph-Buying-Food-1024x576.jpg)
Namukhaan sila ni Jose ngunit siya ay hindi nila nakilala. Sinamantala ni Jose ang pagkakataong kilatisin ang kanilang pinagbago (Genesis 42).
Inakusahan niya sila bilang mga espiya ngunit pinatunayan nilang sila ay mararangal sa pamamagitan ng pagkukwento ng kasaysayan ng kanilang pamilya. Dahil dito, hiniling ni Jose na bumalik sila kasama ang kanilang bunsong kapatid na si Benjamin. Upang makasigurong babalik nga sila, ang isa sa kanila ay pinaiwan sa palasyo.
Pagbalik kasama si Benjamin, sinubok pa sila ni Jose sa pamamagitan ng pagtatago ng pilak na kopa sa sako ng bunso nilang kapatid, na natagpuan ng katiwala habang sila ay naglalakbay pauwi (kapitulo 44).
Pagbalik sa Ehipto upang ipaliwanag ang kanilang mga sarili kay Jose, sinabi nila sa kanyang hindi nila ito ninakaw at iginiit na sila ay mga tapat na tao.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 32 Heroes: Mga kapatid ni Jose na nakayuko sa kanya](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/brothers-of-joseph-Bowing-down-1024x576.jpg)
Nang magpasya si Jose na palayain sila maliban kay Benjamin, nagprisinta si Huda na pumalit sa kanya. “Sapagkat paano ako [makakabalik] sa aking ama kung ang bata’y hindi kasama? [Hindi ko makakayanan] ang matinding dagok na darating sa aming ama kung iyon ang mangyayari” (talata 34, ABTAG2001 at MBBTAG).
Sa pagpapatunay ng kanilang katapatan at mabuting pagbabago, hindi na mapigilan ni Jose na maluha at isiwalat kung sino talaga siya. Hindi makapaniwala ang kanyang mga kapatid na siya nga ang kanilang matagal na nawawalang kapatid.
Nang mapatawad sila, hiniling ni Jose sa kanilang dalhin ang kanilang ama. At bumalik silang kasama ang buong lahi nito.
Nang makita ang isa’t isa sa wakas, niyakap ni Jose ang kanyang ama at naiyak. Wika naman ni Jakob sa kanya, “Ngayo’y handa na akong mamatay sapagkat nakita na kitang buhay” (talata 30 ng kapitulo 46, MBBTAG).
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 33 Heroes: Si Jose nang makita muli si Jakob](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Joseph-Reunited-With-Jacob-1024x576.jpg)
Napakaemosyonal na pagkikitang-muli!
Mula noon, ang pamilya ni Jose ay nanirahang kasama niya sa Ehipto at pinagpala sila ng Diyos.
9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso
1) Kilalanin ang tukso.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 34 Heroes: Pagnanakaw ng walet](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Dropped-Wallet-1024x576.jpg)
Upang madaig ang tukso, kilalanin muna ang presensya at likas nito.
Ngunit mahalagang malamang magkaiba ang pagkatukso lamang at pagsang-ayon dito. Alamin kung nasaan ka rito.
Ang tukso ay hindi kasalanan dahil ang kasalanan ay ang pagsuko rito2. Sa madaling salita, ang tukso ay nagiging kasalanan lamang sa sandaling magpakasasa ka rito at hayaang kontrolin ka nito.
Sa kuwento ni Jose, kinilala niyang siya ay natukso ng kagandahan, mapang-akit na pananalita, at di-makatarungang pagmamahal ng asawa ni Potifar3. Kaya naman upang makaiwas sa kasalanan, lumayo siya.
2) Huwag magpalinlang sa diyablo.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 35 Heroes: Lito sa pagitan ng mabuti at masama](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/temptation-1-1024x576.jpg)
Ang panunukso ni Satanas ay hindi laging sa paraang madaling mahalata.
Kadalasan, ikinukubli niya ang kanyang mga panlilinlang sa takip ng liwanag gaya noong lapitan niya si Kristo sa ilang. Tulad nito, kaya rin niya tayong tuksuhin bilang isang makalangit na panauhin4.
Ayaw mo namang matukso ng diyablo, hindi ba?
Sa panahong itong malapit na ang pagwawakas ng sanlibutan, si Satanas ay nagsisikap makamit ang kanyang tagumpay5.
Alam niyang kung mangingibabaw ang pagnanasa ng tao, ang kanyang kalusugan ng katawan at lakas ng pag-iisip ay mauuwi sa pagbibigay-kaluguran sa kanyang sarili at malaking pinsala6.
Sa pagsuko sa mga tukso, madaling naaabot ni Satanas ang mga taong inaalipin ng pagnanasa. Sa kawalan ng pagpipigil, naisasakripisyo nila ang kalahati o dalawang-katlo ng kanilang pisikal, mental, at moral na kapangyarihan upang maging libangan ng kaaway7.
Ngunit kung umiiral sa kanila ang lubos na katalinuhan, alam ni Satanas na maliit lamang ang posibilidad na magtagumpay siya sa kanyang panlilinlang.
Bilang halimbawa sa kwento ni Jose, hindi siya naakay ng asawa ni Potifar sa pagkakasala. Kaya noong sandaling iyon, bigo si Satanas8.
3) Tanggaping ika’y makasalanan.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 36 Heroes: Lalaking nakaluhod sa harapan ni Hesus](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/kneeling.jpg)
Bilang mga anak nina Adan at Eva, minana natin ang kanilang makasalanang likas. “Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23, MBBTAG).
Kaya naman, mahirap daigin ang tukso. Ngunit ito ay kung umaasa lamang tayo sa ating sariling pagsisikap.
Kayang magtiis ng tao sa hirap ng mga pagsubok sa buhay ngunit may hangganan ito. Bilang mga nilalang na may limitasyon, sukat lamang din ang ating kakayahan9.
4) Alalahanin ang mga ginawa sa iyo ng Diyos.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 37 Heroes: Pagkapako ni Hesus sa krus](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/02/crucifixion-1-1024x576.jpg)
Si Kristo ay naparito sa mundo upang bigyan ang sangkatauhan ng moral na kapangyarihang madaig ang tukso sa pagnanasa at mawala sa pagkaalipin ng pagpapakasasa sa masamang gana nang sa gayon ay magtagumpay siya sa kasalanan10.
Sa pagdaig ng tukso, nagtagumpay si Hesus sa subukan ng karakter. Nagbigay ito ng daan upang ating panghawakan ang kabanalang Kanyang ibinalot sa sangkatauhan at madaig ang mga tukso sa paligid11.
Sa Kanyang walang-kapintasang pamumuhay, ipinakita ni Hesus na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay posible para sa sangkatauhang daigin ang tukso ni Satanas12.
5) Pakatandaang nakikita ng Diyos ang lahat ng iyong ginagawa.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 38 Heroes: Si Hesus na hawak ang kamay ng isang babae](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/Jesus-1024x576.jpg)
Nang matukso, ang unang inisip ni Jose ay ang Diyos; malinaw sa kanya ang katotohanang siya ay nakikita Niya—bagay na nakaimpluwensya sa motibo ng kanyang bawat kilos13.
Dagdag pa rito, itinuring niya ang Diyos hindi bilang isang malupit na tagapagbantay ng kanyang mga kilos upang hatulan at parusahan siya kundi bilang isang magiliw at mapagmahal na kaibigang kumakalinga sa kanya. Hindi siya madadala ng mga panghihikayat o pagbabantang ililihis siya mula sa landas ng integridad. Hindi rin niya lalabagin ang utos ng Diyos.
6) Manalangin.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 39 Heroes: Lalaking nakaluhod habang nananalangin](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/01/kneeling-in-prayer-1024x576.jpg)
Gaya ng payo ni Hesus sa Kanyang mga alagad, manalangin sa Diyos na “huwag…hayaang matukso, kundi iligtas…sa masama” (Mateo 6:13, MBBTAG).
Dapat tayong “magbantay…at manalangin” upang “huwag…madaig ng tukso. Ang espiritu ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina” (Marcos 14:38, SND at MBBTAG).
“Nanalangin si Jose, at siya’y naingatan mula sa pagkakasala sa gitna ng mga impluwensyang sinadya upang akitin siya palayo sa Diyos”14.
7) Angkinin ang mga pangako ni Hesus.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 40 Heroes: Kamay ni Hesus](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/01/jesus-Hand-1024x576.jpg)
Sa pamamagitan ni Hesus, ang bawat nakikibaka at tinutuksong anak ng Diyos ay makatatagpo ng banal na kaliwanagan upang hindi siya mabuwal sa pakikipaglaban sa mga kapangyarihan ng kadiliman, kundi magtagumpay sa bawat pagsubok15.
Ngunit hindi natin ito magagawa sa sarili nating lakas dahil sa ating mga sarili, hindi natin kayang tumalima sa kautusan ng Diyos. Dapat tayong tulungan ng Banal na Espiritu16.
At hindi ka dapat mag-alala dahil “nagtagumpay” si Kristo “laban sa kapangyarihan ng mundo” (Juan 16:33, ASND). Maaari mo ring makamit ang ganitong tagumpay.
Ipinapangako rin ng Diyos na “hindi ka [Niya] pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan [ka Niya] ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito” (1 Mga Taga-Corinto 10:13, ASND at MBBTAG).
Gayundin, si Kristo ay handang magpatawad sa lahat ng lumalapit sa Kanyang nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Ang bawat nahihirapang kaluluwa ay pinaaalalahanang manghawak sa Kanyang lakas upang magtamo ng kapayapaan sa Kanya17.
Sa pagpapatuloy, ang ating Mataas na Saserdote ay nalulungkot para sa ating mga pagkukulang sapagka’t Siya ay tinukso rin sa lahat ng mga aspeto gaya ng ating nararanasan.
Ilan lamang ito sa mga pangako ng Diyos na maaari nating panghawakan upang madaig ang tukso.
Yamang nabanggit ang mga pangako, nakita natin mula sa mga panaginip ni Jose na ipinangako ng Diyos na balang-araw ay yuyukod sa kanya ang kanyang pamilya.
Totoo nga. Nang siya ay naging gobernador ng Ehipto, pinamunuan niya ang kanyang pamilya at sila ay nagpasakop sa kanya.
8) Pag-aralan at sundin ang Salita ng Diyos.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 41 Heroes: Bukas na Bibliya](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/open-Bible-1024x576.jpg)
Ating basahin ang Bibliya at sundin ang Salita ng Diyos. Manindigan tayo sa ating posisyon ng banal na pagtitiwala at turuan ang ibang mapanagumpayan ang pagnanasa at labanan ang kaaway upang siya ay lumayo sa atin18.
Ang pagsunod sa Diyos ay hindi kabawasan sa ating kaligayahan. Sa halip, nakapagpapadalisay ito ng ating mga karakter. Ang araw-araw na pag-aaral ng mahahalagang salita ng buhay na matatagpuan sa Bibliya ay nakapagpapatibay ng katalinuhan at nagbibigay-kaalaman tungkol sa dakila at maluwalhating mga gawa ng Diyos sa kalikasan19.
Sa pagpapatuloy, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Banal na Kasulatan, nagkakaroon tayo ng tamang kaalaman sa pagtamasa ng tunay na kaligayahan. Ang mag-aaral ng Bibliya ay pinupuno ng mga katuruan ng Kasulatan upang matugunan ang mga pagdududa ng mga di-sumasampalataya at maalis ang mga ito sa pamamagitan ng liwanag ng katotohanan.
Sa pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng kalikasan at pag-aaral ng Kanyang Salita, si Jose ay nagkamit ng lakas ng pag-iisip at katatagan ng prinsipyo20.
Nang dalhin siya sa Ehipto, naalaala niya ang Diyos ng kanyang ama at ang mga aral mula sa kanyang kabataan. At lumigaya ang kanyang kaluluwa sa pagpapasiyang patunayan ang kanyang sarili21.
9) Maging mapagbantay.
![9 na Sikreto Upang Daigin Ang Tukso Batay sa Kwento ni Jose 42 Heroes: Proteksyon ni Hesus](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/05/temptation-1024x576.jpg)
Ang tanging makapagliligtas ng mga kabataan ay ang walang humpay na pagmamasid at mapagpakumbabang pananalangin. Hindi sila dapat malinlang ng kaisipang maaari silang maging mga Kristiyano kahit wala ang mga ito4.
Mula sa pagkabagsak ni Satanas, may 2 partido na sa sanlibutan, ang makasalanan at ang matuwid. Dapat tayong umanib sa mga naglilingkod sa Diyos5.
Sa pagiging madasalin at mapagbantay, nagtagumpay si Jose sa kanyang mga pakikibaka kasama ng Diyos.
Sa kanyang buhay at pagkatao ay makikita ang mga bagay na kaibig-ibig, dalisay, at marangal. Sa pagdala ng kanyang mga kalungkutan sa ilalim ng pagsubok at pakikipaglaban sa mga tukso, si Jose ay naging kaisa ni Kristo22.
Ano Ang Iyong Natutuhan?
Nakatulong ba sa iyo ang artikulong ito?
Ano ang natutuhan mo mula sa kuwento ni Jose tungkol sa pananagumpay laban sa tukso?
Ibahagi ang iyong mga saloobin sa seksyon ng mga komento sa ibaba.
Ngunit bago kami magpaalam, iiwan namin sa iyo ang paalalang ito: Tularan ang karakter ni Jose; maging malakas laban sa mga tukso gaya niya. Magtatagumpay ang iyong mga pagsisikap kung gagawin mo ang mga ito sa tulong ng Diyos23.
Upang makilala pa si Jose, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanyang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin siya sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.
- Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 618-21 [↩] [↩] [↩]
- Ellen White, Christ Triumphant, 218.6 [↩]
- Ellen White, From the Heart, 265.5 [↩]
- Ellen White, Testimonies for the Church, 1872, bolyum 3, 374.1 [↩] [↩]
- Ellen White, Letters and Manuscripts, 1910, bolyum 25, talata 5 [↩] [↩]
- Ellen White, Confrontation, 58.1 [↩]
- Ellen White, Confrontation, 57.1 [↩]
- Ellen White, From the Heart, 265.3 [↩]
- Ellen White, God’s Amazing Grace, 168.4 [↩]
- Ellen White, Temperance, 264.3 [↩]
- Ellen White, Letters and Manuscripts, 1907, talata 22 [↩]
- Ellen White, The Review and Herald, 1903, talata 6 [↩]
- Ellen White, The Signs of the Times, 1880, artikulo A, talata 5 [↩]
- Ellen White, Ang Aking Buhay Ngayon, 20.3 [↩]
- Ellen White, Sons and Daughters of God, 369.3 [↩]
- Ellen White, The Review and Herald, 1892, talata 5 [↩]
- Ellen White, The Signs of the Times, 1902, talata 9 [↩]
- Ellen White, Letters and Manuscripts, 1907, talata 34 [↩]
- Ellen White, Testimonies for the Church, 1872, bolyum 3, 374.2 [↩]
- Ellen White, Education, 52.2 [↩]
- Ellen White, Education, 52.3 [↩]
- Ellen White, From the Heart, 266.5 [↩]
- Ellen White, Christ Triumphant, 97.5 [↩]