Nilalaman

4 na Katotohanan at 4 na Aral Mula sa Bugtong ni Samson

Gaano ka kapamilyar sa bugtong ni Samson?

Sa artikulong ito, tuklasin ang mga sumusunod:

  • 4 na kawili-wiling katotohanan tungkol dito
  • 4 na espiritwal na liksyon mula rito

Ngunit kilalanin muna natin si Samson at tunghayan ang kanyang kwento.

Buod ng Kwento ni Samson

Ang kanyang kapanganakan at bakgrawnd ng pamilya

Heroes: Ang Sanggol na si Samson at ang kanyang mga magulang
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa Mga Hukom 13, makikilala natin si Manoa at ang kanyang asawa.

Hindi nagkaanak ang kanyang asawa hanggang isang araw, ibinalita sa kanya ng isang anghel na siya ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki (mga talata 2-3). At tama ka. Ang batang ito ay si Samson nga (talata 24).

Ngunit ang pagpapalaki kay Samson ay may kaakibat na banal na pananagutan at matinding pag-iingat, na ating tatalakayin sa susunod sa bahagi.

Ang panatang Nazareo

Heroes: Panatang Nazareo
Karapatang-ari: Canva

Panata? Oo, tulad ng isang panghabambuhay na pangako o kasunduan.

Nazareo? Ito naman ay isang pangalang ginagamit ng mga Hebreo upang tumukoy sa isang debotong sumusunod sa isang banal na panata1.

Ngayon, anu-ano ang mga hinihingi at ipinagbabawal ng panatang ito?

“Huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain.” At “huwag mo siyang puputulan ng buhok” (Mga Hukom 13:4-5, MBBTAG).”

“Huwag din siyang titikim ng anumang galing sa punong ubas kahit balat o buto ng ubas.” Isa pa, “hindi siya dapat lumapit sa patay” (Mga Bilang 6:4-6, MBBTAG).”

Ang higpit, ano? Bakit kailangang sundin ang mga ito?

Bilang isinilang na Nazareo, si Samson ay nakatakdang iligtas ang Israel mula sa kamay ng mga Filisteo, ang kanilang mga kaaway (Mga Hukom 13:5).

Nag-asawa ng babaeng Filisteo

Heroes: Si Samson at ang kanyang kasintahan Filisteo
Karapatang-ari: Free Bible Images

Nalove at first sight ka na ba? Kumusta ang iyong karanasan?

Ito ang nadama ni Samson nang makita ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo sa Timna (Mga Hukom 14:1).

Nagustuhan niya ang babae kung kaya’t gusto niya itong mapang-asawa. Hindi ito nagustuhan ng kanyang mga magulang noong una dahil nagmula siya sa mga Filisteong hindi tuli. Ngunit humantong pa rin ang lahat sa kasalan (mga talata 2-8).

Upang ipagdiwang ang kanilang kasal, nagdaos si Samson ng isang piging para sa kanya at sa ibang mga Filisteo (talata 10). Ngunit nang dumating sila, binigyan niya sila ng isang bugtong na dapat nilang lutasin sa loob ng isang linggo (talata 12).

Ano ang bugtong na ito at ang sagot nito? Nahulaan ba ito ng mga Filisteo?

Tatalakayin natin ang mga detalye ng bugtong ni Samson maya-maya. Ngayon, magpatuloy muna tayo sa iba pang bahagi ng kwento.

Paghihiganti laban sa mga Filisteo

Heroes: Nasusunog na taniman
Karapatang-ari: Canva

Nalaman din ng mga Filisteo ang sagot sa bugtong ni Samson ngunit sa mapandayang paraan. At kahit nilihim nila ito, napagtanto ito ni Samson.

Anong mapandayang gawain ito? Tatalakayin natin ito maya-maya.

Sa pagpapatuloy ng kwento, ang galit ni Samson ay nag-udyok sa kanyang maghiganti laban sa mga Filisteo. Sinunog niya ang ilan sa kanilang mga bukid at taniman ng olibo (Mga Hukom 15:5).

Sinubukan niyang iligtas ang kanyang asawa at ama nito ngunit sinunog din sila ng mga Filisteo (mga talata 6-7).

Matapos paslangin ang ilan sa kanila, si Samson ay nagtago at nanatili sa Etam (talata 8).

Kinalaunan, ang mga natitirang Filisteo ay sumunod sa kanya at nagkampo sa Huda. Upang makita si Samson, hiniling nila sa mga tao ng bayang dalhin siya sa kanila (mga talata 9-13).

Nang makatagpo ni Samson ang mga Filisteo sa Lehi, sumakanya ang Espiritu ng Diyos at natunaw ang mga lubid sa kanyang mga braso (talata 14).

Pagkatapos ay nakakita siya ng sariwang panga ng asno. Ginamit niya ito upang kumitil ng isang libo sa mga lalaking iyon (mga talata 15-16).

Dahil dito, ang lugar ay pinangalanang Ramat Lehi, na nangangahulugang “burol ng panga” (talata 17, MBBTAG).

Halos ilagay ang sarili sa panganib

Heroes: Si Samson buhat-buhat ang dalawang tarangkahan
Karapatang-ari: Free Bible Images

Mailalarawan mo ba ang naramdaman ni Samson nang mawala ang kanyang unang kasintahan? Siguradong napakasakit nito.

Samantala, lumipas ang panahon.

Tumungo si Samson sa Gaza, kung saan nakilala niya ang isang patutot at sumiping sa kanya (Mga Hukom 16:1).

Nang malaman ng mga taong naroon siya, buong gabi silang naghintay at nagplanong patayin siya kinaumagahan (talata 2).

Ngunit bumangon si Samson noong hatinggabi. Binunot niya ang mga pintuan ng tarangkahan ng lungsod at ang dalawang poste nito kasama ng kandado at haligi, at dinala ang mga ito sa isang bundok sa tapat ng Hebron (talata 3).

Muntik na! Buti na lamang at nakaiwas siya sa pakana ng kanyang mga kaaway.

Napamahal kay Dalila at humarap sa panibagong pagbabanta

Heroes: Sina Samson at Dalila
Karapatang-ari: Learn Religions

Tumungo si Samson sa libis ng Sorek (Mga Hukom 16:4). Doon, umibig siya sa isa na namang Filisteong babaeng nagngangalang Dalila.

Isa na naman itong pagkakataon para sa ibang mga Filisteo upang linlangin siya.

Nakumbinsi nila si Dalila na tuklasin ang pinagmumulan ng kakaibang lakas ni Samson sa pamamagitan ng pang-aakit sa kanya. Kung magtagumpay siya, gagantimpalaan nila siya ng 1,100 piraso ng pilak (talata 5).

Ngunit matalino si Samson upang ibunyag basta-basta ang kanyang lihim.

Sa unang pagtatangka, nagsinungaling siya kay Dalila. Sinabi niyang hihina ang kanyang katawan kung siya ay ginapos ng 7 sariwang yantok (talata 7).

Sinunod ito ng mga Filisteo. Ngunit nang magising si Samson, nagawa niyang kalasin ang mga taling para bang sinulid lamang (mga talata 8-9).

Sa ikalawang pagkakataon, ipinaliwanag ni Samson kay Dalila na siya ay manghihina kapag ginapos gamit ang mga bagong lubid na hindi pa nagagamit (talata 11).

Ngunit, tulad ng sa unang pagtatangka, nagawa niyang tanggalin ang mga lubid (talata 12).

Sa ikatlong pagkakataon, hiniling ni Samson kay Dalila na payuhan ang mga Filisteong ipulupot ang 7 tirintas ng kanyang buhok sa isang habihan at higpitan ito ng pang-ipit (talata 13).

Umaasa si Dalila na nagsasabi na ng totoo si Samson. Ngunit nang bumangon ito, nagawa niyang sirain ang tela at pang-ipit (talata 14).

Napakapilyo! Siguradong tuwang-tuwa si Samson sa mga kalokohan niyang ito.

Ang kanyang pagkatalo

Heroes: Si Samson nang hulihin
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa ikaapat na pagtatangka, tinapat na ni Dalila si Samson, “[Paano mo nasasabing], ‘Iniibig kita,’ gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin?” (Mga Hukom 16:15, ABTAG2001).

Sa wakas, sumuko na si Samson at inamin ang sikretong kung gugupitin ang kanyang buhok, mawawala ang lahat ng kanyang lakas (mga talata 17-19).

Gaya ng inaasahan, nagising siyang ahit na ang buhok at hindi makapalag. At nagtagumpay nga ang kanyang mga kaaway. Sa kasamaang-palad, humiwalay na rin sa kanya ang Diyos (talata 20).

Ang mas malala pa, dinukot ng mga Filisteo ang kanyang mga mata at dinala siya sa Gaza upang igapos at ikulong (talata 21).

Grabe, ano?

Ang kanyang kamatayan

Heroes: Si Samson na tinutulak ang mga poste ng templo
Karapatang-ari: Free Bible Images

Ang mga pinunong Filisteo ay nagtipun-tipon sa templo ng Gaza upang ipagdiwang at alayan ng handog ang kanilang diyos na si Dagon (Mga Hukom 16:23-24).

Maya-maya, tinawag na nila si Samson mula sa bilangguan at ipinusisyon sa pagitan ng dalawang haligi ng templo (talata 25).

Sandali lamang. Hindi ba’t bulag at mahina na si Samson? Paano niya wawasakin ang templo?

Buti na lamang at nakapunta na siya noon sa Gaza kaya pamilyar na siya sa istruktura ng templo2.

Gayunpaman, humingi pa rin siya ng lakas mula sa Diyos. Nanalangin siya, “Oh Panginoong Diyos, idinadalangin ko sa [Iyong] alalahanin Mo ako, at idinadalangin ko sa Iyong palakasin Mo ako” (Mga Hukom 16:28, ABTAG1978).

At, sa tulong ng Diyos, nagawa niyang wasakin ang buong templo, dahilan upang mamatay ang lahat ng mga tao roon (mga talata 29-30).

Hindi ba’t isa itong bagay na dapat ipagdiwang? Sa wakas ay natupad na ni Samson ang plano ng Diyos na ipaghiganti ang Israel mula sa mga Filisteo (talata 5 ng kapitulo 13).

Ngunit nangangahulugan din ito ng kanyang pagkamatay. Hindi siya liban sa epekto ng pagkawasak ng templo, lalo na’t siya rin mismo ang humiling na, “Mamatay nawa akong kasama ng mga Filisteo” (talata 30 ng kapitulo 16, ABTAG1978).

Ano Ang Kanyang Bugtong?

“Mula sa nangangain, lumabas ang pagkain, at mula sa malakas, matamis ay lumabas” (Mga Hukom 14:14, SND).

Matalinghaga, ano? Ano ang ibig sabihin nito?

4 na Katotohanang Hindi Mo Dapat Palampasin Tungkol sa Bugtong ni Samson

1) Ibinigay ito sa panahon ng kasal sa Timna.

Heroes: Kasalang salu-salo sa Timna
Karapatang-ari: Free Bible Images

Nakilala natin sa kwento ni Samson ang unang babaeng Filisteong minahal at pinakasalan niya.

Sa panahon ng kapistahan, binigyan niya ang mga Filisteo ng isang bugtong, na ating natuklasan kanina, upang lutasin (Mga Hukom 14:10-12).

Ipinangako niya sa kanila, “Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit” (talata 12, MBBTAG).

Kung hindi, sila naman ang magbibigay kay Samson ng parehong gantimpala (talata 13).

Ngayon, pag-isipan mo ito.

Hindi naman nakasisira ng kasiyahan ng kasal ang isang bugtong. Sa katunayan, ibinigay ito ni Samson upang aliwin ang mga Filisteo3.

Ngunit ang gamitin ito para sa isang seryosong kasunduan, hindi ba mukhang may lihim na motibo si Samson?

Ang katotohanan ay naghahanap si Samson ng pagkakataong makipag-away sa mga Filisteo sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa kanila—isang kakaibang pamamaraan.

At tiniyak niyang mahirap itong lutasin, na kahit matapos ang 7 araw ay walang makahuhula ng sagot nito. Kung tutuusin, sino nga kaya ang makakukuha nito kung ito ay hango sa isang sitwasyong si Samson lamang ang nakaengkwentro?

2) Ito ay may kinalaman sa isang leon, isang kuyog ng mga bubuyog, at pulot.

Heroes: Si Samson na may kinukuha sa isang patay na leon
Karapatang-ari: Free Bible Images

Bago ang kanilang kasal, pumunta si Samson kasama ng kanyang mga magulang sa mga ubasan ng Timna isang araw (Mga Hukom 14:5).

Maya-maya, habang ang kanyang mga magulang ay nasa kalsada, si Samson ay nag-iba ng ruta, marahil upang kumain ng ubas3.

Ilang saglit lamang, tumambad ang isang batang leong umuungal. Kabilang ito sa pinakamababangis na uri. Umuungal ito para sa kanyang biktima at nakatuon ang mga mata kay Samson.

Kung ikaw si Samson na nag-iisa, tatakas ka ba o lalaban?

Sa kabutihang-palad, sumakanya ang Espiritu ng Diyos. Bagama’t wala siyang armas, nagawa niyang punit-punitin ang katawan ng leon (Mga Hukom 14:6).

Akalain mo ‘yon!

Pagkaraan nito, tumungo si Samson sa kinaroroonan ng babaeng Filisteo at nakipag-usap sa kanya. Determinado na siyang pakasalan ang dalaga (talata 7).

Pagbalik sa lugar makalipas ang ilang araw, nakita niya ang bangkay ng leon. Ngayon, mayroon nang isang pulutong ng mga bubuyog at pulut-pukyutan sa loob nito (talata 8).

At alam mo ba ang kanyang ginawa? Kinuha niya ang pulot at kinain ito. Nagbahagi pa siya sa kanyang mga magulang. Ngunit hindi niya sinabi sa kanilang nanggaling ito sa bangkay ng leon.

Napakapilyong anak!

3) Nalaman ng mga Filisteo ang sagot sa pamamagitan ng isang lihim at mapandayang gawain.

Heroes: Mga Filisteong may hinihiling kay Dalila
Karapatang-ari: Free Bible Images

3 araw mula nang ibigay sa kanila ni Samson ang bugtong, hindi pa rin ito malutas ng mga Filisteo (Mga Hukom 14:14).

Sa katunayan, tiwala si Samson na walang makahuhula nito hanggang sa katapusan ng kanyang 7 araw na palugit.

Ngunit lingid sa kanyang kaalamang lihim na nakipagkasundo ang mga Filisteo sa asawa ni Samson: “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya” (talata 15, MBBTAG).

Kung ikaw ang babaeng ito, makatatanggi ka ba sa ganitong kahilingan kung pamilya at tahanan mo ang nakasalalay?

At ginawa na nga ng babae ang hiniling sa kanya.

Hinarap niya si Samson, “Hindi mo pala ako mahal. Nagpahula ka ng bugtong sa mga kababayan ko pero hindi mo sinabi sa akin ang sagot” (talatang 16, SND).

Napakagaling umarte!

Kung tutuusin, alam niyang ayaw ni Samson nang kinukwestyon ang kanyang pagmamahal. Marahil hindi niya sinasadyang gawin iyon ngunit iyon lamang ang naisip niyang paraan upang lumambot ang kanyang puso.

Ngunit tumanggi si Samson na sabihin sa kanya ang bugtong. Gayunpaman, umiyak ang babae at pinilit ang asawa hanggang sa ibunyag na niya ito sa ikapitong araw. Pagkatapos ay ibinahagi na niya ito sa kanyang mga kababayan (talata 17).

Grabeng pagkakanulo!

Ngunit ano nga ba ang magagawa ni Samson? Hindi naman mapatutunayan sa isang linggo lamang ng kapistahan ang pagtatalaga at katapatan ng isang asawa.

At bagaman siya ay kanyang asawa, di hamak na mas pinahahalagahan pa rin niya ang mga kababayang Filisteong sa kasamaang-palad ay mga kaaway ni Samson.

4) Nagbunga ito ng pakikipaglaban sa mga Filisteo.

Heroes: Samson na buhat-buhat ang isang Filisteo
Karapatang-ari: Free Bible Images

Noong ika-7 araw, ang mga Filisteo ay bumalik kay Samson na may sagot sa bugtong: “May tatamis pa ba sa pulut-pukyutan? At may lalakas pa ba sa leon?” (Mga Hukom 14:18, MBBTAG).

Bagama’t hindi niya ito nahuli sa akto, natitiyak ni Samson na ang kanyang asawa ang nagbunyag ng sagot sa mga Filisteo. Sinabi niya sa kanila, “Kung ang aking asawa’y di ninyo tinakot, hindi sana nalaman ang tamang sagot.”

Dahil dito, walang nagawa si Samson kundi ibigay sa kanila ang ipinangakong gantimpala ng mga damit.

Ngunit ito ay may kaakibat na paghihiganti. Kinuha niya ang mga damit na iyon sa pamamagitan ng pagpatay sa 30 lalaking Filisteo sa bayan (talata 19).

4 na Espirituwal na Implikasyon ng Bugtong

Base sa engkwentro ni Samson sa leon, mahihinuhang ang “mangangain” at ang “malakas” sa bugtong ay tumutukoy sa mabangis na hayop na iyon. At malamang ang “matamis” ay ang pulot na gawa ng mga bubuyog.

At kahit tila hindi malinaw kung alin sa bugtong ang tumutukoy sa kuyog ng mga bubuyog na lumikha ng isang pugad sa loob ng bangkay, hindi natin ito babalewalain sa diskusyon.

Talakayin natin kung ano ang ibig sabihin ng bawat karakter sa bugtong.

1) Ang “mangangain” (leon) ay sumisimbolo sa diyablo.

Heroes: Leong sumisimbolo sa diyablo
Karapatang-ari: Adobe Stock; Soundcloud

Sa 1 Pedro 5:8 (MBBTAG), si Satanas ay inihahalintulad sa isang “leong umuungal.”

Sinasabi rito, “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa.”

Tulad ng isang leon, ang ating kaaway ay nagsusumikap na ilayo ang nababagabag na kaluluwa mula sa Diyos4.

Dahil dito, dapat tayong maging mapagmasid, maingat na nagbabantay at baka may silong hindi mo namamalayan. Mag-ingat ang mga pabaya at walang malasakit na baka ang araw ng Panginoon ay dumating sa kanilang parang magnanakaw sa gabi5.

Sa bagay na ito, habang ginagamit din ang leon bilang metapora para kay Hesus tulad ng sa Apocalipsis 5:5-6, masasabi nating ang leong nakatagpo ni Samson sa ubasan at ginamit sa kanyang bugtong ay larawan ng diyablo.

Kung paano siya inatake ng leon, tinukso siya ng diyablo upang umibig sa mga babaeng Filisteo, isa lamang sa maraming pagkakataong nagbunsod sa kanyang labagin ang panata ng Nazareo at magkasala laban sa Diyos.

2) Ang “mga bubuyog” ay kumakatawan sa mga Filisteo.

Heroes: Mga bubuyog na kumakatawan sa mga Filisteo
Karapatang-ari: Pest World Kids; Playground AI

Sa Deuteronomio 1:44 (ABTAG2001), mababasa natin, “ang mga Amoreo…ay lumabas laban sa inyo, at kayo’y hinabol na gaya ng ginagawa ng mga pukyutan, at kayo’y tinalo sa Seir hanggang sa Horma.”

Sa Mga Awit 118:10-12 (ABTAG2001), sinabi ni Dabid, “Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa; sa pangalan ng Panginoon, tiyak na pupuksain ko sila…Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan…”

Sa Isaias 7:18 (ABTAG2001) naman, “susutsutan ng Panginoon ang langaw na nasa kahuli-hulihang bahagi ng mga ilog ng Ehipto, at ang pukyutang nasa lupain ng Asiria.”

Sa talata 20 (ABTAG2001), “aahitan ng Panginoon ng pang-ahit na inupahan sa kabila ng Ilog—kasama ang hari ng Asiria—ang ulo at ang balahibo ng mga paa, gayundin ang balbas.”

Kung iyong mapapansin, ang mga Amoreo at Asiryano ay kabilang sa mga mortal na kaaway ng mga Israelita. At ang mga bubuyog ay ginamit bilang metapora para sa kanila.

Dahil dito, masasabi nating ang mga bubuyog sa bugtong ni Samson ay kumakatawan sa mga Filisteo, na nagkataong mga kaaway rin ng Israel. Kaya naman, pinili ng Diyos si Samson upang maging kanilang tagapagligtas (Mga Hukom 13:5).

3) Ang “matamis” (pulot) ay tumutukoy sa tagumpay ni Samson mula sa kasamaan.

Heroes: Pulot na sumisimbolo sa tagumpay ni Samson
Karapatang-ari: Canva; JW.org

Sa Apocalipsis 10, tampok ang isang anghel at isang maliit na balumbon.

Isang tinig mula sa langit ang nagsalita, “Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa” (talata 8, ABTAG2001).

Sinabi ng anghel, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong bibig ay kasingtamis ng pulut-pukyutan” (talata 9, MBBTAG).

Ganito rin ang inilalarawan sa Ezekiel 3.

“Anak ng tao, kainin mo ang aklat na ito, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at magsalita ka sa kanila” (talata 1, SND). “Sige, kainin mo iyan at magpakabusog ka.” At “matamis ang lasa nito gaya ng pulot” (talata 3, SND).

Ang mga talatang ito ay pawang pumapatungkol sa balumbon, ang Mga Kasulatan o Salita ng Diyos. At pareho nilang binabanggit ang pariralang “matamis…gaya ng pulot.”

Sa unang tingin, ang pulot ay tila isang metapora para sa Mga Kasulatan. Ngunit kung susuriin ang mga talata, ito ay nagpapahiwatig ng isang kasiya-siyang karanasan sa pagbabasa ng mga ito.

Sumatutal, kung ikukumpara ito sa pulut-pukyutang nagmula sa bangkay ng leon kung saan nanirahan ang mga bubuyog sa karanasan ni Samson, ipinahihiwatig nitong sa kabila ng pagsuway ni Samson sa Diyos ay may pagpapala pa rin.

Iyon ay ang magawang iligtas ang Israel mula sa mga Filisteo gaya ng itinalagang misyon sa kanya ng Diyos (Mga Hukom 13:5).

Naisakatuparan pa rin ang plano ng Diyos sa kabila ng mga pagkakasala ni Samson.

4) Ang tagumpay ni Samson laban sa leon ay sumasalamin sa tagumpay ng Diyos laban kay Satanas.

Heroes: Tagumpay ni Samson na sumasalamin sa tagumpay ni Hesus
Karapatang-ari: X

Sa tulong ng Panginoon, nagawang patayin ni Samson ang leon (Mga Hukom 14:6). Gaya nito, si Hesus ay nagtagumpay rin laban kay Satanas nang Siya ay namatay para sa ating mga kasalanan at muling nabuhay.

Nakipaglaban si Hesus sa umuungal na leon at nilupig ito sa pasimula ng Kanyang ministeryo. Winasak Niya ang mga pamunuan at kapangyarihan, at nagtagumpay. At Siya ay dinakila sa Kanyang sariling lakas3.

Samakatwid, ang tagumpay ni Samson ay sumasalamin sa tagumpay ni Kristo sa krus ng Kalbaryo.

At tulad ni Samson, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, maaari rin tayong magwagi laban sa mga panlilinlang ng diyablo sa ating buhay.

Ikaw Naman Ang Magbahagi!

Ano ang natutuhan mo sa artikulong ito?

Ibahagi ang mga ito sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.

Para matuto pa tungkol kay Samson, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanyang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin siya sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.

  1. Bible Study Tools []
  2. Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 974-75 []
  3. Matthew Henry’s Complete Bible Commentary, 226.6 [] [] []
  4. Ellen White, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 2, 1008.4 []
  5. Ellen White, Maranatha, 90.2 []
IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *