Nilalaman

14 na Pananaw Tungkol sa Pangangaral Gamit Ang Laro

Pangangaral gamit ang laro? Posible ba ito? Dapat ba itong isaalang-alang ng mga Kristiyano sa panahong ito?

Nagtanong kami sa 14 na kilalang mga pastor, ebanghelista, ministro, at personalidad sa sosyal midya tungkol sa paksang ito.

Kilalanin sila at ang kanilang mga sagot sa tanong.

Ngunit bago iyon, talakayin muna natin ang mga isyu ng paglalaro kaugnay ng pag-eebanghelyo.

Ang Mga Isyung Pangkalusugan at Pang-espirituwal ng Paglalaro Kaugnay ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo

Itinuturing natin ang paglalaro bilang libangan o pampalipas-oras. Minsan pa nga, nagsisilbi itong dibersyon mula sa ating mga problema.

Ngunit batid din natin ang mga negatibong epekto nito.

Kapag naadik na tayo sa isang laro, di na natin namamalayan ang oras hanggang sa mapabayaan na ang ating mga responsibilidad.

Kapag nasobrahan tayo nito, maaari itong magdulot ng pagkabalisa, depresyon, labis na katabaan, mga problema sa pagtulog, kakulangan sa pagiging aktibo, istres, mga problema sa paningin, mga sakit sa balat, pangingisay, at atake sa utak, ayon sa World Health Organization (WHO).

Sa espirituwal na aspeto naman, itinuturing ng ilang Kristiyano ang paglalaro bilang gawain ng dyablo dahil ninanakaw nito ang ating oras mula sa pag-aaral ng Bibliya.

Pero depende iyan sa mga larong nilalaro natin.

Bagama’t ang karamihan sa mga laro ay nagdadala sa atin sa walang kabuluhang libangan, mayroong ilan tulad ng mga larong pangkaalaman sa Bibliyang nagdadala sa atin sa Diyos at sa pag-aaral ng Kanyang Salita.

Sa ganitong bagay, paano makatutulong ang paglalaro sa misyon ng simbahang ipalaganap ang ebanghelyo?

Mga Saloobin ng 14 na Kilalang Mga Kristyano

1) Darlene Joyce Zschech

Sino siya?

Heroes: Darlene Joyce Zschech
Karapatang-ari: Jesus Freak Hideout

Si Darlene ay isang kilalang mang-aawit, kompositor, at lider ng pagsambang kilala sa kanyang koneksyon sa Hillsong Church sa Australia sa loob ng maraming taon.

Bantog siya sa mga kantang gaya ng “Shout to the Lord,” “Kiss of Heaven,” “Change Your World,” “You Are Love,” “In Jesus’ Name,” “Revealing Jesus,” at “Here I Am, Send Me.”

Isa rin siyang nakatatandang pastor sa Hope Unlimited Church sa Australia kasama ng kanyang asawang si Mark.

Ang pagmamahal na ito sa musika at pangangaral ay nangingibabaw sa kanyang paglikha at pagsasanay ng mga pastor, pinuno, koponan, at manunulat.

Sa ganitong layunin, si Darlene ay nagsulat ng 5 libro. Ang mga ito ay ang “Extravagant Worship,” “The Kiss of Heaven,” “The Art of Mentoring,” “Revealing Jesus,” at “Worship Changes Everything.”

Ngunit sa likod ng kanyang katanyagan, siya ay isang simpleng babaeng buong pusong umiibig at naglilingkod kay Kristo sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanyang pamilya, paglilingkod sa simbahan, at pagtatanggol sa mga walang boses na ipaglaban ang kanilang mga sarili.

Bisitahin ang kanyang websayt para sa iba pang mga detalye ng kanyang buhay at paglilingkod.

Ano ang kanyang opinyon tungkol sa paglalaro bilang isang paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo?

Heroes: Pahayag ni Darlene Joyce Zschech

Kinikilala ni Pastor Darlene ang tagubilin ng Diyos sa ating ipangaral ang Kanyang ebanghelyo at mensahe ng pag-asa sa buong sanlibutan.

Ito ay nakasaad sa Mateo 28:19-20 (MBBTAG): “Humayo kayo, gawin ninyong alagad Ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos Ko sa inyo. Tandaan ninyo, Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

At bilang tayo’y nasa panahon ng maunlad na teknolohiya, batid ni Darlene na mas laganap na kaysa dati ang sosyal midya, mga larong online, at iba pa. Kaya naman, bakit hindi natin gamitin ang paglalaro bilang paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo?”

2) Allen Parr

Kilalanin muna natin siya nang personal.

Heroes: Allen Parr
Karapatang-ari: Vizion United, LLC

Si Allen ay isang mangangaral na blogger at content creator na may mahigit 874,000 suskritor sa YouTube.

Ngunit noong kanyang kabataan, hindi siya nasiyahan sa pagsamba. Hindi siya kailanman nanalangin ni nagbasa ng Bibliya. At wala siyang relasyon sa Diyos.

Hanggang sa isang lalaki ang nagturo sa kanyang mag-aral ng Bibliya habang nasa kolehiyo. Malaki ang impluwensya nito sa kanya kung kaya’t masigasig siyang nagbasa ng aklat at nakinig sa mga pangangaral sa teyp at CD.

Ang ganitong interes na makilala ang Diyos ay nag-udyok kay Allen na magturo rin ng Bibliya noong 1998 at magtapos ng digring paham sa Teolohiya noong 2004. Dahil dito, nagsimula na siyang maglingkod sa gawain ng Panginoon.

At noong 2015, nakilala niya si Jennifer, na naging asawa niya. Nagkaroon sila ng 2 anak.

Iba pang mga detalye ng kanyang buhay at ministeryo sa websayt na ito.

Sumasang-ayon ba siyang ang paglalaro ay isang mabisang kasangkapan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo?

Heroes: Pahayag ni Allen Parr

Naniniwala si Allen na gagamitin ng Diyos ang anumang kaparaanan ng teknolohiya upang tulungan ang mga taong maunawaan ang Salita ng Diyos.

Ikanga niya, halos lahat ng mga tao ay naglalaro. Sa katunayan, may humigit-kumulang 2.95 bilyong manlalaro sa buong mundo noong 2022, na umakyat sa 3.3 bilyon pagdating ng 2023, ayon sa Solitaired, isang websayt na naglalaman ng mga estatistika para sa mga laro.

Patungkol naman sa mga larong pangkaalaman sa Bibliya, nakikita ito ni Allen na kamangha-mangha at nakatutuwang paraan upang madagdagan ang iyong kaalaman sa Bibliya at mas mapalapit sa Diyos.

3) Kurt Owen

Ang kanyang personal na bakgrawnd

Heroes: Kurt Owen
Karapatang-ari: Spreaker

Kasalukuyang pastor si Kurt sa Real Life Church kasama ng kanyang asawang si Terry.

Sa loob ng mahigit 20 taon sa ministeryo, nakapaglakbay na siya sa mahigit 25 bansa upang magtayo ng mga bagong simbahan, suportahan ang mga pinuno ng simbahan, ipangaral ang Salita ng Diyos, at magturo ng pamumuno.

Upang palawakin ang kanyang ministeryo, itinatag niya ang Ministers of Victory (MOV), isang organisasyong ministeryal na nagsasanay, nanghihikayat, nagpapalakas, at nagtatalaga ng mga ministro para sa paglilingkod.

At para matulungan ang mga simbahang maging malusog, malakas, masigla, at aktibo, itinatag ni Pastor Kurt ang Kurt Owen Ministries.

Kilalanin pa siya sa pamamagitan ng pagbisita sa kanyang websayt.

Ano ang pananaw niya tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paglalaro?

Heroes: Pahayag ni Kurt Owen

Ayon kay Pastor Kurt, marami ang naglalaro upang makalimutan ang mga problema sa buhay.

Ang ilan sa kanila ay maaaring dumaranas ng mga personal na pagsubok, mga isyu sa pamilya, mga alitan sa trabaho, o anumang katulad. At ang paglalaro ang nagsisilbing pansamantalang libangan nila.

Ngunit ang paglalaro ay hindi lamang isang paraan ng libangan. Maaari rin itong gamitin upang magturo at magbigay-inspirasyon, tulad ng sa pag-eebanghelyo.

Bilang may mga laro sa Internet na hango sa Bibliya, nabanggit ni Kurt na dapat maging laging handa ang mga Kristiyanong ibahagi ang ebanghelyo kapag sila ay naglalaro.

4) Cliff Chapman

Sino siya?

Heroes: Cliff Chapman
Karapatang-ari: Pastor Evangelist Cliff Chapman Ministries Facebook page

Isang ministro ng ebanghelyo, si Cliff ang pangunahing pastor ng pandaigdigang network ng Grace Christian Church.

Siya ay lumabas na rin sa iba’t ibang Kristiyanong istasyon ng telebisyon at mga bidyo ng pagtuturo sa YouTube.

Siya rin ang nangunguna sa programa ng pagtuturong The Grace Show sa World Glorious Network Television at Lighthouse Radio ng Lancashire.

Upang mas makilala pa siya at ang kanyang ministeryo, bisitahin ang kanyang pahina sa Facebook.

Ano ang sagot niya sa tanong?

Heroes: Pahayag ni Cliff Chapman

Ang pangangaral ng ebanghelyo ay walang hangganan. Kaya naman ang payo ni Pastor Cliff ay ibahagi ang Salita ng Diyos sa anumang paraang posible.

Nangangahulugan ito ng paggamit ng anumang mga talento o kaparaanang mayroon tayo upang mangaral tungkol kay Hesus, kabilang na ang paglalaro. Sabi nga sa 1 Pedro 4:10 (MBBTAG), “Bilang mabubuting katiwala ng iba’t ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo.”

5) Caleb Simakando

Ano ang kanyang personal na bakgrawnd?

Heroes: Caleb Simakando
Karapatang-ari: Pastor Caleb Masiye Simakando Facebook page

Si Caleb ang pangulo at tagapagtatag ng Global Latter Rain Remnant Ministry. Ito ay isang organisasyong panrelihiyong tumutulong sa mga taong mapanagumpayan ang kasalanan sa pamamagitan ng panalangin at pagbabagong-buhay.

Noon, siya ay nagtatrabaho bilang direktor ng pananaliksik, tagapangasiwa ng pananalapi, pinuno ng pagnenegosyo, at akawntant.

Bisitahin ang kanyang pahina sa Facebook upang makilala pa sya.

Ang kanyang saloobin sa paglalaro bilang paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo

Heroes: Pahayag ni Caleb Simakando

Para kay Caleb, magandang ideya ang magkaroon ng mga larong hango sa Bibliya. Sa ganitong paraan, nagiging kaaliw-aliw ang pag-aaral ng Salita ng Diyos.

Sa pamamagitan nito, maibabahagi natin ang ating kaalaman at pananampalataya sa ibang tao bilang paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo.

6) Mark Harmon

Personal na pagkilala sa kanya

Heroes: Mark Harmon
Karapatang-ari: Mark Harmon Facebook page

Si Mark ay isang tagapangasiwa ng hindi bababa sa 2 grupo sa Facebook para sa mga ebanghelista at ministro.

Nagtrabaho siya noon sa hukbo at tanggapan ng koreo sa loob ng ilang taon. Ngunit dumating ang panahong kinailangan niyang unahin ang kanyang pamilya kung kaya’t siya ay nagretiro.

Nagbigay ito kay Mark ng mas maraming panahon para mag-aral ng Bibliya. Masigasig niya itong ginagawa kahit walang digri sa Teolohiya.

Dahil dito, siya ay naglilingkod sa pamamagitan ng pangangaral at pakikipag-ugnayan sa mga kapwa ministro at ebanghelista sa sosyal midya. Ito ang kanyang pangunahing paraan ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos.

Kung nais mong makinabang sa kanyang paglilingkod, huwag mag-atubiling sumali sa isa sa kanyang mga grupo sa Facebook, at pag-aralan at talakayin ang Bibliya kasama ng mga mangangaral mula sa iba’t ibang bansa.

Ano ang kanyang saloobin ukol sa tanong?

Heroes: Pahayag ni Mark Harmon

Sinipi ni Mark ang 1 Mga Taga-Corinto 9:22 (MBBTAG), na nagsasabing, “Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas Ako ng kahit ilan man lamang.”

Dahil dito, kung mayroon mang isang paraan upang iligtas ang ilan, ang paglalaro ay malaking tulong na.

Ngunit habang ang paglalaro ay isang mabisang paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ipinapayo niyang maging handa saan ka man dalhin ng Diyos. Maaari ka Niyang dalhin sa kaliwa, kanan, o gitna, saan ka man lubos na magiging kapaki-pakinabang ayon sa Kanyang kalooban.

7) Vernon Lyons

Kilalanin muna natin siya.

Heroes: Vernon Lyons
Karapatang-ari: Pastor Vernon C. Lyons—Pastor Preacher Theologian Facebook page

Ipinanganak sa Mississippi, si Pastor Vernon ay lumaking Lutheran ngunit ngayon ay isa nang Baptist.

Siya ay miyembro ng kawani sa unang Kristiyanong istasyon ng radyo sa Mississippi, ang WBMI. Siya rin ay madalas nasa telebisyon sa bawat lungsod ng US.

Sa pangangaral ng ebanghelyo mula 1941, 39 na bansa na ang kanyang napuntahan, kabilang ang Israel. Sa pamamagitan ng kanyang pangangaral, napasok niya ang kuta ng Islam sa Iran.

Siya rin ay pastor ng Ashburn Baptist Church sa Chicago mula pa noong 1951.

Upang makilala pa siya at ang kanyang ministeryo, bisitahin ang kanyang websayt.

Ang kanyang sagot sa tanong

Heroes: Pahayag ni Vernon Lyons

Para kay Pastor Vernon, ang mga video game ay magandang kasangkapan para sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Kristo.

Kahit na isa lamang ito sa maraming uri ng mga larong online, ito ay magandang representasyon pa rin ng kabuuan.

8) Nathan Noyes

Kaunting impormasyon tungkol sa kanya at sa kanyang mga organisasyon

Heroes: Nathan Noyes
Karapatang-ari: KJV 1611 Facebook page

Si Nathan Noyes ay isang ministro at dyakuno ng Gethsemane Church, at ang nagtatag ng KJV 1611.

Ang Gethsemane Church ay hindi kaanib ng anumang sekta ng relihiyon. Hangad lamang nitong tuklasin ang katotohanan mula sa Bibliya at tulungan ang mga naghahanap nito sa pamamagitan ng pakikinig at pagkakawanggawa sa kanila.

Ang KJV 1611 naman ay isang ministeryo sa Facebook na nakatuon sa pagtulong sa mga taong patatagin ang pananampalataya sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng King James Version, ang pinakaiginagalang na salin ng Bibliya.

Kilalanin pa si Nathan Noyes at ang mga nabanggit na organisasyon sa pamamagitan ng pagbisita sa websayt ng Gethsemane Church at pahina ng KJV 1611 sa Facebook.

Naniniwala ba siyang magagamit ang paglalaro sa pagpapalaganap ng ebanghelyo?

Heroes: Pahayag ni Nathan Noyes

Sinipi ni Nathan ang 2 Timoteo 4:1-2 (MBBTAG), na nagsasabing, “Sa harap ng Diyos at ni Kristo Hesus na hahatol sa mga buhay at sa mga patay, alang-alang sa Kanyang pagdating bilang hari, inaatasan kita: Ipangaral mo ang Salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.”

Sa talatang ito, ang “napapanahon” ay nangangahulugang ang ebanghelyo ay naaakmang ibahagi sa partikular na oras at lugar. Nagpapahiwatig naman ng kabaligtaran ang “hindi napapanahon.”

Sa usaping “hindi napapanahon,” naalala ni Nathan ang pagtatatag ng KJV 1611. Ang mga tao ay nag-aalinlangan tungkol dito noong una ngunit napatunayang ito ay isang epektibong ministeryo kinalaunan.

Dahil dito, naniniwala siyang maibabahagi natin ang ebanghelyo sa anumang oras at lugar.

Kaya naman, hindi ba’t isang napakaepektibong paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ang paglalaro, lalo na kung ang laro ay tungkol kay Hesus at sa Bibliya?

9) Aaron Magnuson

Sino siya at ano ang kanyang pinagkakaabalahan?

Heroes: Aaron Magnuson
Karapatang-ari: Aaron Magnuson Facebook page

Si Aaron ang direktor ng online media ng Shoreline City Church sa Dallas, Texas. Siya ay gumagawa ng mga istratehiyang online at namumuno ng isang koponan upang isakatuparan ang hangarin ng pangunahing pastor.

Kasabay nito, nagsisilbi siyang tagapayo para sa iba pang mga simbahan at libreng organisasyon. Tinutulungan niya silang bumuo rin ng mga istratehiyang online upang isakatuparan.

Bago ang mga ito, naglingkod siya sa The Grove Church, partikular sa paglikha ng komunidad nito sa Internet. Naging pastor din siya ng ONE&ALL Church sa loob ng 3 taon.

Siya rin ang nangunguna sa Social Media Church Podcast kasama ni Nils Smith, kung saan nakikipag-usap sila sa iba’t ibang pinuno ng iglesya sa sosyal midya.

Kilalanin pa siya sa pamamagitan ng pagbisita sa kanyang websayt at pahina sa Facebook.

Ano ang ideya niya tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paglalaro?

Heroes: Pahayag ni Aaron Magnuson

Naniniwala si Pastor Aaron na ang mundo ng paglalaro, tulad ng anumang industriya, ay kailangang maabot ng ebanghelyo.

Bukod sa napakalaki at napakatanyag ng larangang ito, ang pagkalulong dito ay maaaring makapinsala sa kalusugan, makasira ng pag-iisip, magsulong ng karahasan, at iba pa, kapag hindi ginamit nang tama.

Kaya naman, nangangailangan ito ng pisikal at espiritwal na kagalingan at pagpapanumbalik. At dahil sa malaking sakop nito, ang ebanghelyo ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa komunidad nito.

Sa katunayan, may kilalang mga streamer si Aaron na gumagamit ng mga larong online upang lumikha ng mga pagkakataon upang maikalat ang ebanghelyo.

10) Jorge Rampogna

Sino siya?

Heroes: Jorge Rampogna
Karapatang-ari: Adventistas.org

Naninirahan sa Brazil mula pa noong 2012, ikinasal si Pastor Jorge kay Lia Treves at nagkaroon ng 2 anak na babae.

Nag-aral siya ng Teolohiya sa Universidad Adventista del Plata sa Argentina kung saan siya nagsimula ng karera bilang pastor.

Nagtapos din siya ng digring postgradweyt sa Corporate Communications mula sa Centro Universitário Adventista de São Paulo (UNASP) sa Brazil.

Naglingkod din siya bilang pangalawang direktor ng Nuevo Tiempo de Comunicação Network para sa Timog Amerika.

Sa kasalukuyan, siya ang direktor ng komunikasyon sa isang simbahang Adventista sa Timog Amerika.

Upang makilala pa siya, hanapin siya sa websayt ng Nuevo Tiempo at sa kanyang tsanel sa YouTube.

Ano ang saloobin niya tungkol sa paglalaro bilang isang paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo?

Heroes: Pahayag ni Jorge Rampogna

Naniniwala si Pastor Jorge na ang pangangaral ng ebanghelyo sa buong mundo ay isang responsibilidad na ibinigay sa atin ni Kristo.

Sinipi niya ang Mateo 24:14 (ESV), na nagsasabing, “Ipangangaral sa buong mundo ang magandang balita tungkol sa paghahari ng Diyos upang malaman ito ng lahat ng tao, at saka darating ang katapusan.”

Dahil dito, ang mensahe ay dapat mapaabot sa bawat tribo, wika, at bansa, dagdag ni Jorge base sa tema ng Apocalipsis 10:11.

Sa pamamagitan nito, walang pag-aalinlangan siyang naniniwalang ang paglalarong online ay isang magandang pagkakataon upang maabot ang mga partikular na grupo ng mga taong nangangailangan din kay Hesus.

Dagdag pa niya, ang mga Kristiyanong gumagamit ng mga larong online upang makipag-ugnayan sa iba ay maaaring gamitin ng Banal na Espiritu upang ibahagi ang mabuting balita ni Kristo sa makabago at makapangyarihang paraan.

11) Vanesa Pizzuto

Ang kanyang personal na bakgrawnd

Heroes: Vanesa Pizzuto
Karapatang-ari: Vanesa Pizzuto

Si Vanesa ay isang Latino-Amerikanong may-akda, brodkaster, at mananalaysay.

Nagsimula siyang magsulat ng mga tula sa edad na 9. Sa kanyang paglaki, ang mga tulang ito ay naging mga kuwento, pagkatapos ay mga artikulo, hanggang sa naging mga libro.

Kahanga-hanga, hindi ba?

Ito marahil ang nag-udyok sa kanyang kunin ang Pamamayahag at Midya bilang kanyang batsilyer na digri sa Argentina.

Sa kanyang paglipat sa United Kingdom, dinagdagan niya ito ng paham na digri sa Pang-edukasyong Pamumuno at Pangangasiwa.

Gamit ang edukasyong ito, nagtrabaho siya bilang prodyuser ng Adventist Radio London at naging embahador ng Heroes sa General Conference of Seventh-day Adventists, bukod sa iba pa niyang mga naging trabaho.

Sa kasalukuyan, si Vanesa ang pangalawang direktor ng komunikasyon sa Trans-European Division ng Iglesia Adventista del Séptimo Día.

Upang makilala pa siya at malaman ang kanyang mga gawain, bsitahin ang kanyang websayt.

Nakikita ba niya ang paglalaro bilang kasangkapan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo?

Heroes: Pahayag ni Vanesa Pizzuto

Sa humigit-kumulang 3 bilyong taong (tinatayang isang-katlo ng populasyon ng mundo) naglalaro, naniniwala si Vanesa na ang paglalaro ay mas malaking industriya na ngayon kaysa sa pinagsama-samang mga pelikula at isport.

Sa katunayan, kinumpirma ng Finances Online na may 2.95 bilyong manlalaro sa buong mundo sa 2022. At ito ay tinatayang aakyat pa sa 3.07 bilyon sa 2023.

Ayon sa kanya, ang pagtanggi sa katotohanang ito sa anumang kadahilanan ay isang malaking pagkakamali.

Dahil dito, kinakailangan nating makilahok sa komunidad ng paglalaro na may layuning ibahagi ang ebanghelyo.

Salamat sa teknolohiya ng selpon dahil nasa mga kamay na natin ang oportunidad na magkaroon ng ambag sa misyong ito.

Kaya naman, ngayon na ang oras upang maging malikhain, makipag-ugnayan, at matuto mula sa mga manlalaro kung paano bumuo ng matatag na komunidad sa Internet na huhubog sa buhay ng mga miyembro nito.

12) Crescendo Ministries PH

Ano ang ministeryong ito?

Heroes: Crescendo Ministries PH
Karapatang-ari: Crescendo Ministries Philippines Facebook page

Ang Crescendo Ministries ay isang organisasyong panrelihiyon sa Pilipinas.

Inspirado ng kahusayan, pagpapatibay-loob, pagbibigay-liwanag, at panghihikayat, ang organisasyong ito ay may layuning sanayin ang bawat Pilipinong lider ng pagsamba sa katapatan, kahusayan, at pagtatalaga sa paglilingkod.

Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang kanilang websayt and pahina sa Facebook.

Pagsagot sa tanong

Heroes: Pahayag ng Crescendo Ministries PH

Ayon sa Crescendo Ministries, ang anumang bagay ay maaaring maging paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kabilang na ang mga larong online.

Sinipi nito ang Awit 24:1 (ASND), na nagsasabing, “Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.”

Ngunit dapat tayong maging maingat sa pakikipaglaro dahil tayo ang dapat na makaimpluwensya patungo sa kabutihan imbis na tayo ang madala sa kasamaan.

Dahil dito, ipinapayo ng organisasyong suriin din ang katangian ng isang larong online kung hindi ito labag sa anumang paniniwalang itinuro ng Diyos.

Ngunit higit sa lahat, naniniwala ang organisasyong anumang lugar ay maaaring maging sentro ng pagpapalaganap ng ebanghelyo.

13) Light of Jesus Pastoral Care

Kaunting impormasyon tungkol sa organisasyong ito

Heroes: Light of Jesus Pastoral Care
Karapatang-ari: Light of Jesus Pastoral Care Facebook page

Ang Light of Jesus Pastoral Care ay isang ministeryong itinatag ni Bo Sanchez, isang Pilipinong mangangaral at tagapayo, noong 1993.

Ang misyon nito ay alagaan at patibayin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng pastoral na pagkalinga. Sa mas partikular na paglalarawan, nagbibigay ito ng siko-espiritwal na suporta para sa mga taong nangangailangan ng tulong at panalangin. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtatawagan o pag-uusap sa sosyal midya.

Higit pa tungkol sa organisasyong ito sa pamamagitan ng pagbisita sa websayt na ito.

Ano ang palagay ng organisasyong ito sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paglalaro?

Heroes: Pahayag ng Light of Jesus Pastoral Care

Ukol sa paglalaro bilang paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, naniniwala ang Light of Jesus Pastoral Care na depende ito sa laro.

Tama, hindi maaaring gumamit ng anumang laro para sa pangangaral maliban sa mga hango sa Bibliya. Buti na lamang at sa dinami-rami ng mga Kristiyanong app ay may mga larong pangkaalaman sa Bibliya.

14) Famous Gospel Radio

Tungkol sa radyong ito

Heroes: Famous Gospel Radio
Karapatang-ari: Famous Gospel Radio Facebook page

Ang Famous Gospel Radio ay isang hip-hop gospel na istasyon ng radyong pinangungunahan nina Frank Willis, DJ Switch, DJ Pandamonium, DJ Black, DJ JustMat, DJ Get Right, Ken Jackson, at DJ CPT.

Kabilang sa mga programa nito ang FaceTime Radio, The 420 Show, at Splash Radio.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang kanilang pahina sa Facebook.

Nakikita ba ng radyong itong posibleng ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng paglalaro?

Heroes: Pahayag ng Famous Gospel Radio

Naniniwala ang Famous Gospel Radio na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ni Kristo ay kinakailangan sa panahong ito. At ito ay sa pamamagitan lamang ni Hesus mismo. Ngunit gumagamit ito ng maraming kaparaanan.

Ang paglalaro ay isa sa mga paraang ito. Dahil sa katanyagan nito lalo na sa mga kabataan, maaari itong magamit bilang kasangkapan ng ebanghelyo upang makapasok sa kanilang kultura.

Halimbawa, maaari nating ipakilala ang mga larong pangkaalaman sa Bibliya sa anumang paraang maeengganyo at masisiyahan ang mga manlalaro. Sa ganitong paraan, makukuha natin ang kanilang tiwala at makikilala nila ang Diyos.

Bilang panawagan ng radyong ito, gamitin natin ang paglalaro upang dalhin ang madla sa tamang daan, si Hesus.

Ano Ang Iyong Mga Saloobin?

Iyong nalaman ang pananaw ng 14 na Kristiyanong personalidad tungkol sa paglalaro bilang paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo.

Ikaw, ano naman ang iyong saloobin? Nais naming malaman ito sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *