Nilalaman

9 na Power Effects ng Heroes at Ang Kani-kanilang Gampanin

Anu-ano ang 9 na power effects ng Heroes? Paano gumagana ang mga ito sa laro?

Sa artikulong ito:

  • Alamin kung ano ang power effect at ang ginagawa nito
  • Isa-isahin ang 9 na power effects ng Heroes at tukuyin ang kani-kanilang gawain at biblikal na inspirasyon
  • Alamin kung paano kunin at paganahin ang mga ito

Ano Nga Ba Ang Power Effects?

Heroes: Lalaking nag-iisip habang nagseselpon
Karapatang-ari: Canva

Maikling pagpapakahulugan at pagpapaliwanag

Ang power effect, tinatawag ding power-up, ay isang tampok ng larong tumutulong pagbutihin ang iyong paglalaro sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang buhay, lakas, at iskor.

Iba-iba ang power effects depende sa uri ng laro at mga benepisyong alok ng mga ito. Upang makuha ang mga ito, kailangang dumaan sa mga kaakibat na hamon.

Anu-anong hamon? Magpatuloy sa pagbabasa.

Anu-ano ang mga halimbawa nito?

Sa video games, nakikipaglaban ka sa isang kaaway para makakuha ng higit na lakas at kapangyarihan para madaig ang higit pa sa kanila. Sa word games naman, lumulutas ka ng isang kumplikadong palaisipan upang bumukas ng higit pang palaisipan.

Sa Super Mario, halimbawa, pinalalaki ng pulang kabute ang katawan ni Mario habang ang berde naman ay nagbibigay ng karagdagang buhay. Gayundin, ang bituin naman ay ginagawa siyang makapangyarihan at matatag.

Heroes: Super Mario
Karapatang-ari: Game Rant

Gaano sila kahalaga sa isang laro?

Bawat laro marahil ay may power effects, maging ito man ay maze, paunahan, shooting game, platform game, labanan, o iba pa.

Kung wala ang mga ito, hindi magiging ganoon kasaya at kapana-panabik ang paglalaro. Bukod dito, mahirap makarating sa susunod na lebel. Sila ay nagsisilbing linya ng buhay upang iligtas ka kapag matatalo na sa laro.

Ang 9 na Power Effects ng Heroes: Mga Gampanin at Biblikal na Inspirasyon Nila

1) Abraham effect

Heroes: Abraham effect

Ano ang ginagawa nito?

Tulad ng isang pagsusulit na may pagpipilian ng sagot, binibigyan ka ng Heroes ng 4 na opsyon sa bawat tanong.

Ang ginagawa ng Abraham effect ay alisin ang dalawa sa mga ito para mas madali mong matukoy ang sagot.

Ang biblikal na bakgrawnd nito

Heroes: Si Abraham na hinahati ang mga hayop
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa Genesis 15:7-10, ang Diyos ay gumawa ng isang tipan para kay Abram, na kalaunang pinangalanang Abraham. Ipinangako sa kanya ang lupain ng Canaan.

Nang humingi ng katiyakan si Abram, inutusan siya ng Diyos na magdala ng partikular na mga hayop para ihandog. Hinati ni Abram ang mga ito, maliban sa mga ibon.

Sa paghahating ito nakuha ng Abraham effect ang ideya ng pagbabawas ng 4 na pagpipilian sa 2.

2) Daniel effect

Heroes: Daniel effect

Paano ito gumagana?

Minsan, hindi sapat ang kaalaman para malampasan ang isang tanong kaya mas mainam na sumangguni sa Bibliya.

Upang tulungan ka riyan, binibigay ng Daniel effect ang talata sa Bibliyang nagpapahiwatig ng tamang sagot.

Ano ang inspirasyon nito?

Heroes: Si Daniel na pinapaliwanag ang panaginip ni Nabucodonosor
Karapatang-ari: Free Bible Images

Si Daniel ay may kakayahang magpaliwanag ng mga panaginip at pangitain.

Nang si Haring Nabucodonosor ng Babilonya ay nanaginip na kanya namang nalimutan pagkagising (Daniel 2), nagboluntaryo si Daniel na bigyang-kahulugan ito.

Sa gabay ng Diyos, inihayag niya ang kahulugan ng panaginip: isang estatwang sumasagisag sa mga kaharian sa hinaharap at isang batong kumakatawan kay Hesus na wawasak sa kanilang lahat.

Isang katulad na pangyayari ang naganap sa panahon ng paghahari ni Haring Belsazar, kung saan binigyang-kahulugan ni Daniel ang mahiwagang sulat sa pader (Daniel 5), na nagpapahiwatig ng pagbagsak ng naturang kaharian.

Gaya nito, sa laro, ang Daniel effect ay naglalahad ng talata sa Bibliyang naglalaman ng sagot sa tanong.

3) Elijah effect

Heroes: Elijah effect

Paano ito nakatutulong?

Bawat laro ay nagpapakita ng iskor upang mabantayan mo ang iyong pag-usad sa laro.

Ang bumubuo ng isang marka ay ang tinatawag na experience points o XP. Sa Heroes, makukuha mo ang mga ito sa tuwing tama ang iyong sagot sa isang tanong.

Ang pagdodoble ng XP na ito ang gawain ng Elijah effect bilang tulong sa iyong paglalaro.

Saan ito hango?

Heroes: Si Elias sa kalesa ng apoy
Karapatang-ari: Pinterest

Sa 2 Mga Hari 2, tumanggi si Eliseong umalis sa tabi ni Elias habang sila ay naglalakbay mula Gilgal patungong Bethel, sunod sa Jerico, at huli sa Jordan.

Alam ni Eliseong malapit nang umalis si Elias ngunit nilihim niya ito. Nang magtanong si Elias kung may kahilingan si Eliseo, sinabi ng pangalawang nais niya ng dobleng halaga ng kapangyarihan ng nauna.

At tama ka! Dito hango ang gawain ng Elijah effect na pagdodoble ng iyong XP.

4) Friday effect

Heroes: Friday Effect

Ano ang gawain nito?

Karamihan sa mga laro ay humihiling na bumili ng power-ups upang iapgreyd ang iyong laro. Ganito rin ang Heroes. Ngunit sa halip na pera, mana ang ginagamit nito.

Ano ang mana? Malalaman mo maya-maya.

Sa ngayon, isipin ito bilang alternatibong barya upang makakuha ng higit pang effects na kakailanganin.

Ngayon, ang gawain ng Friday effect ay doblehin ang iyong mana sa tuwing makakasagot ka nang tama sa isang tanong.

Oo, may pagkakapareho ito sa gawain ng Elijah effect ngunit ang kaibahan ay mana, hindi XP, ang dinodoble.

Ano ang inspirasyon nito mula sa Bibliya?

Heroes: Msa Israelitang pumupulot ng mana
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa Exodo 16, ang mga Israelita, sa pangunguna ni Moises, ay nanirahan sa ilang ng Sin.

Nang dumaing sila dahil sa gutom, nangako ang Diyos na maglalaan ng pang-araw-araw na mana mula sa langit.

Binilinan silang kumuha ng sapat lamang bawat araw upang hindi ito mapanis. Ngunit sa ikaanim na araw, maaari silang kumuha ng doble nito dahil walang ibibigay na mana sa araw ng Sabado.

Bilang nabanggit ang ikaanim na araw, ang Biyernes, marahil alam mo na kung bakit tinawag na ganito ang Friday effect. Ang dobleng dami naman ng mana ay hango sa dobleng bahagi ng pagkaing ipinagkakaloob ng Diyos sa mga Israelita tuwing Biyernes.

5) Jonah effect

Heroes: Jonah effect

Ano ang gampanin nito?

May mga pagkakataong hindi mo talaga alam ang sagot sa isang tanong. Kahit na may Bibliya o selpon sa tabi mo para saliksikin, hindi pa rin mahanap ang sagot.

Kaya naman, ang ginagawa ng Jonah effect ay laktawan ang mahirap na tanong na iyon para makapagpatuloy ka sa susunod.

Paglaktaw sa mahirap na tanong? Hindi ba ito pandaraya? Tatalakayin natin maya-maya.

Anong biblikal na kwento ang basehan nito?

Heroes: Si Jonas na itinatapon sa karagatan
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa Jonas 1, inutusan ng Diyos si Jonas na mangaral sa Nineve dahil sa kasamaan nito. Ngunit si Jonas ay tumakas patungong Tarsis.

Sa kanyang paglalakbay sa dagat, bumagyo nang malakas. Nalagay sa panganib ang barko. Si Jonas ay nagising sa pagkataranta ng mga mandaragat.

Inamin niyang siya ay Hebreo at iminungkahing itapon siya sa dagat. Nag-aatubili man ngunit ginawa nila ito at tumahimik ang dagat. Sa kanilang pagkamangha, ang mga mandaragat ay sumamba sa Diyos.

Pagkatapos ay nilamon ng malaking isda si Jonas, kung saan nanalangin siya sa loob ng 3 araw (kabanata 2). Kinalaunan, iniluwa siya ng isda sa tuyong lupa. Pagkatapos ay sinunod niya ang utos ng Diyos at pumunta na sa Nineve (kabanata 3).

Pagtakas ni Jonas mula sa misyon ng Diyos ang inspirasyon ng Jonah effect sa paglaktaw ng mahihirap na tanong para sa iyo.

6) Joshua effect

Heroes: Joshua effect

Para saan ito?

Lagi ka bang nauubusan ng oras para tapusin ang 12 tanong sa bawat sesyon?

Di bale, Joshua effect ang magiging matalik mong kaibigan! Hinihinto nito ang oras sa loob ng 5 segundo para bigyan ka ng dagdag na sandali para mag-isip ng sagot.

Ihango natin sa Bibliya.

Heroes: Tanawin ng paglubog ng araw sa bundok
Karapatang-ari: Canva

Sa Joshua 10, 5 Amoreong hari ang nagkaisa laban kay Josue at sa mga Israelita.

Alinsunod sa pagtitiyak ng Diyos, pinangunahan ni Josue ang hukbo ng Israel mula sa Gilgal. Namagitan ang Diyos, na nagdulot ng kalituhan sa mga Amoreo at humantong sa kanilang pagkatalo sa Gibeon.

Ang mga nakaligtas ay lumikas patungong Azeka ngunit hinarap ang banal na kaparusahan sa pamamagitan ng mga nagniningas na bato. Sa bagay na ito, inilagay ng Diyos ang mga Amoreo sa mga kamay ng Israel.

Sa panahon ng labanan, pinatigil ni Josue ang araw at buwan upang humaba ang araw.

Ang milagrong ito ang nagbigay-inspirasyon sa Joshua effect upang itigil pansamantala ang oras.

7) Jesus effect

Heroes: Jesus effect

Ano ang alok nito?

Sa lahat ng power-ups, marahil Jesus effect ang pinakamainam gamitin.

Sa halip na magbigay lamang ng mga pahiwatig, magdagdag ng buhay, o magmanipula ng oras, binibigay nito ang mismong sagot sa tanong.

Saan ka pa?

Ngunit muli, malamang nagtatanong ka kung ito ay pandaraya. Puwes, pag-uusapan natin ‘yan sa ilang saglit na lamang. Magpatuloy sa pagbabasa.

Ano ang biblikal na inspirasyon nito?

Heroes: Juan 14:1-3 sa Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Sa Juan 14, pinayuhan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na huwag mabalisa kundi magtiwala sa Diyos at sa Kanya.

Nangako Siyang maghahanda ng isang lugar sa tahanan ng Kanyang Ama at tiniyak ang Kanyang pagbabalik upang dalhin sila roon.

Si Tomas ay nagpahayag ng kalituhan tungkol sa patutunguhan ni Hesus.

Sagot ni Jesus, “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko. Kung Ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang Aking Ama” (mga talata 6-7, MBBTAG).

Yamang nabanggit ang “Daan,” ipinakikita ng Jesus effect ang tamang landas, ang tamang sagot sa tanong.

8) Lazarus effect

Heroes: Lazarus effect

Ano ang iniaalok nito?

Naranasan mo na bang maging sobrang kumpyansa sa iyong sagot tapos mali pala ito?

Nakaiinis, ano?

Ngunit handang sumaklolo ang Lazarus effect sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangalawang pagkakataon upang itama ang iyong sagot.

Ayos ba?

Ang biblikal na kwento nito

Heroes: Si Lazarong binuhay
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa Juan 11, ipinagpaliban ni Hesus ang pagdalaw kay Lazaro, na may sakit, upang ihayag ang kaluwalhatian ng Diyos.

Sabi Niya sa Kanyang mga alagad, “Patay na si Lazaro; ngunit dahil sa inyo, Ako’y nagagalak na wala Ako roon nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa Akin” (mga talata 14-15, MBBTAG).

Gayunpaman, pumunta pa rin si Hesus sa libingan at binuhay si Lazaro.

Sa pagsabing “nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa Akin,” binigyan ni Hesus ang mga alagad ng pagkakataong magtiwala sa Kanya.

Ito ang inspirasyon ng Lazarus effect sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon kapag hindi mo alam ang sagot sa isang tanong.

9) Revelation effect

Heroes: Revelation Effect Icon 5

Paano ito gumagana?

Natatagalan ka bang tapusin ang 12 tanong sa bawat karakter ng Heroes? Gusto mo bang bawasan ang oras na parang natapos ka nang mas maaga kaysa sa aktwal?

Iyan mismo ang ginagawa ng Revelation effect. Kinakalahati nito ang nakatalang oras mo kung nasagot mo nang tama ang lahat ng 12 tanong.

Ideya mula sa Bibliya

Heroes: 3 1/2 sa aklat ng Apocalipsis
Karapatang-ari: Canva

Ang tatlo’t kalahating simbolikong panahon sa aklat ng Apocalipsis ay isa sa pinakamahahalagang hula.

Sinasabi sa bersikulo 9 ng kabanata 11 (MBBTAG), “Sa loob ng tatlo’t kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay pagmamasdan ng mga tao mula sa iba’t ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay.”

Sa bersikulo 14 naman ng kabanata 12 (MBBTAG) ay nasusulat, “Ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya aalagaan sa loob ng tatlo’t kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas.”

Ang kalahating bahaging iyon ang naging inspirasyon sa pagkakalahati ng Revelation effect ng iyong oras sa paglalaro.

Paano Kunin, Paganahin, at Gamitin Ang Power-ups na Ito?

1) Mangolekta ng mga mana at dagdagan ang iyong XP.

Heroes: Mana

Sa pagsisimula mo sa laro ng Heroes, sarado pa ang power effects. Upang buksan ang mga ito, kailangan mong mangalap ng mana at damihan ang iyong puntos sa pamamagitan ng pagsagot nang tama sa mga tanong.

Simulan ang laro kina Adan at Eba, ang mga unang bayani.

Ang bawat pagsusulit ay naglalaman ng 12 katanungan. Ngunit nag-iiba ang mga ito sa bawat sesyon. Kaya maaari kang umulit kahit ilang beses pa hanggang sa masiyahan ka sa iyong iskor at mana.

2) Gamitin ang iyong mana para magbukas ng power-ups.

Heroes: Nagbubukas ng power effects

Kung mayroon ka nang sapat na mana at puntos, maaari mong ipagpalit ang mga ito sa anumang power effects na gusto mo.

Paano?

Pumunta sa Effects. Pumili ng anumang power-ups na sa tingin mo ay makatutulong at magiging sulit para sa iyong mana. Para itong pamimili ng pinakamalulusog na prutas at gulay sa limitadong badyet.

3) Pumili ng 3 power-ups bago maglaro.

Heroes: Namimili ng power effects

Pagkaraang magbukas ng sapat na power-ups, handa ka nang maglaro. Ngunit 3 lamang kadasesyon ang maaari mong piliin.

Paano paganahin ang mga ito?

Sa ibabaw ng bawat power-up, may pindutang may tigkalahating puti at pulang bahagi. Pindutin ito hanggang sa tumaas ang pula at magkaroon ng berdeng ilaw sa ilalim.

Kung handa ka na, pindutin ang Play.

4) Maging wais sa paggamit ng mga ito.

Heroes: Ginagamit ang Joshua effect

Ang iyong mga napiling power-up ay makikitang nakalutang sa kanang bahagi ng iskrin habang naglalaro ka.

Depende sa pakiwari mo sa mga tanong, maaari mong gamitin ang alinmang power-up bilang tulong. Ngunit ireserba lamang ang mga ito sa pinakamahihirap na tanong upang hindi ka maubusan.

Hindi Ba Pandaraya Ang Paggamit ng Power-ups?

Kung tutuusin, bagama’t hindi ka gumastos ni isang sentimo upang magkaroon ng power effects, pinaghirapan mo naman ang mga ito sa pamamagitan ng pagkolekta ng mana at puntos.

Ayon kay Richard Machado, tagapangasiwa ng katiyakan ng kalidad ng Heroes, walang dapat ipag-alala. Hindi ito pandaraya. Pinaghirapan namang kunin ang mga ito.

Isa pa, ang paggamit ng mga ito ay nakatutulong iangat ang lebel ng iyong paglalaro, ani Moraya Truman, tagapamahala ng platapormang Discord ng Heroes.

Dagdag pa niya, maaari naman itong laruin tulad ng nakaugalian. Ngunit may 2 kang pagpipilian—laruin ito nang normal o mas padaliin ito gamit ang power-ups.

Kaya buti pang gamitin na lamang ang power effects.

Ano Ang Iyong Saloobin?

Kawili-wili at kapana-panabik bang gamitin ang power-ups na ito?

Alin sa kanila ang gusto mong unahin? Bakit?

Ibahagi ang iyong saloobin sa mga komento sa ibaba.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *