Mayroong 12 apostol sa Bibliya. Kilala mo ba sila? May isa sa kanilang tinaguriang “alagad na mahal ni Hesus?” Sino siya?
Marahil kilala mo siya at may kaunti kang alam tungkol sa kanya. Ngunit, narito ang 24 na mga bagay na maaaring hindi mo pa alam tungkol sa kanya. Masusurpresa ka!
Sino Nga ba Itong “Alagad na Mahal ni Hesus”?
Sa labindalawang alagad, si Juan ang kinilalang “alagad na mahal ni Hesus.” Totoo? Ibig sabihin ba nito ay siya lamang ang minahal ni Hesus?
Bago natin malaman ang kasagutan sa mga ito, kilalanin muna natin siya.
Ang kanyang pinagmulang pamilya
Si Juan ay isinilang sa Betsaida bandang 6 AD. Matatagpuan ito sa hilagang baybayin ng Dagat ng Galilea, bahagi ng Imperyong Romano1.
Binabanggit sa Lucas 5:10 (ASND), “Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo.” Gayundin, sinabi sa Marcos 3:17 (ABTAG2001), “si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago.”
Samantala, tatlong babae ang binabanggit sa Mateo 27:55-56 (ABTAG2001). Isa sa kanila ang “ina ng mga anak ni Zebedeo” na pinangalanang “Salome” sa Marcos 15:40 (ABTAG2001). Kasama niya sina Maria Magdalena at Mariang ina ng nakababatang Santiago at ni Jose.
Samakatuwid, ang “alagad na mahal ni Hesus” ay isa sa mga anak nina Zebedeo at Salome. Si Santiago naman ang kanyang nakatatandang kapatid. Makikitang siya ang pinakabata sa pamilya.
Kung susuriin ang salinlahi ni Juan, makikitang ang kanyang inang si Salome ay isa sa tatlong magkakapatid na Maria. Kaya naman kamag-anak niya ang kanyang mga kapwa alagad na sina Santiago, Simon, at Hudas. Kabilang din si Hesus sa kanyang angkan.
Ang kanyang hanapbuhay
Sinasabi sa Mateo 4:21 (ABTAG2001), “At sa Kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos ng lambat.”
Samakatuwid, ang “alagad na mahal ni Hesus” ay isang mangingisda kasama nina Pedro, Andres, at Santiago.
Bukod pa rito, sila ay nasa isang samahan mula sa mga ebanghelyo ni Lucas. Kailangan nilang mangisda upang may makain ang kanilang mga pamilya at mabayaran ang kolektor ng buwis2.
Sa kasamaang-palad, hindi pinapahintulutan ang mga mangingisda kainin ang kanilang mga huling isda gaya ng karpa at sardinas. Sa halip, kinakailangan nilang ibigay ito sa kolektor ng buwis bilang bahagi ng kanilang kontrata.
Sa halip, kinakailangan nilang ibigay ito sa kolektor ng buwis bilang bahagi ng kanilang kontrata. Bilang kapalit, sila ay binibigyan lamang ng mga isdang mababa ang uri at naproseso na upang iuwi sa kanilang mga pamilya.
Hindi makatarungan, ano? Paano kung ikaw ang nasa ganitong kalagayan?
Bilang alagad ni Hesus
Isang araw, si Hesus ay naglalakad sa tabi ng Dagat ng Galilea. Ang una Niyang nakita ay sina Pedro at Andres. Sinabi Niya sa kanila, “Sumunod kayo sa Akin at gagawin Ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19, ABTAG2001). Walang pag-aatubiling iniwan nila ang kanilang mga bangka at sumunod sa Kanya.
Sa pagpapatuloy ni Hesus ng paglalakad, nakita Niya sina Santiago at Juan na ibinanaba ang kanilang mga lambat. Inimbitahan Niya rin sila. Tulad nina Pedro at Andres, walang pag-aalinlangang sumunod din sila sa Kanya (mga talata 21-22).
Kung ikaw ang nasa kalagayan nila, ganito kadali ka rin bang magpapasiyang sundin si Hesus?
Mula noon, kasama na nila si Hesus sa Kanyang ministeryo ng pangangaral at pagpapagaling. Nasaksihan nila kung paano Siya makitungo sa mga tao at makibagay sa mga sitwasyon. Gayundin, natuto sila ng mga liksyon mula sa Kanyang mga turo.
Nais mo bang maging isa sa mga alagad ni Hesus?
Bilang apostol ni Kristo
Alam mo bang tatlo at kalahating taong kasama ni Hesus ang mga disipulo? Sa buong panahong ito, tinuruan at sinanay Niya sila para sa ministeryo. Bago bumalik sa langit, itinalaga Niya sila bilang “mga apostol.”
“Bilang mga kinatawan ni Kristo, ang mga alagad ay dapat gumawa ng tiyak na impresyon sa sanlibutan”3. Kailangan nilang ipagpatuloy ang Kanyang ministeryo ng pangangaral at pagpapagaling. Ibinigay Niya sa kanila ang Banal na Espiritu bilang kanilang Mang-aaliw.
Bilang isang apostol, ang alagad na mahal ni Hesus ay nagtagumpay. Nangaral siya nang may di-matatawarang sigasig at tagumpay. Siya’y may patotoo ng kapangyarihang hindi kayang salungatin ng kanyang mga kalaban ngunit nagbigay-inspirasyon sa mga nakikinig4.
May kilala ka bang may ganitong talento sa pagpapahayag sa iba’t ibang wika?
Malinaw at nakakukumbinsing inihayag ni Juan ang kanyang mga paniniwala. Sa tulong ng mga salita mula sa Diyos, hinangaan ng mga tagapakinig ang kaniyang karunungan at paraan ng pangangaral. Hindi siya kayang salungatin ng kanyang mga kaaway5.
Marahil ay nais mong makita nang harap-harapan kung paano mangaral si Juan. Tiyak na mamamangha ka rin gaya ng kanyang mga tagapakinig.
Bukod dito, ang alagad na mahal ni Hesus ay may mahalagang papel din sa simulain ng iglesyang Kristiyano.
Sumama siya kay Pedro sa pagpapasimula ng kilusang Kristiyano. Halimbawa, tumulong siya sa pagpapahayag ng mensahe ng Pentekostes, pagsisiyasat sa pagbabagong-buhay ng mga Samaritano, at iba pa.
Ang kanyang mga sinulat sa Bibliya
Anu-ano ang kanyang mga aklat?
1) Ebanghelyo ni Juan
Ang aklat na ito ay nagsasalaysay ng buhay ni Juan. Isinulat noong 80–98 AD, ito ang kanyang unang akda.
Tampok dito ang unang karanasan niya kasama ni Hesus sa Kanyang ministeryo sa lupa. Kaya naman, tinawag itong aklat ng Ebanghelyo, kasama ng mga aklat nina Mateo, Marcos, at Lucas.
Nagsimula ito sa paglalarawan kay Hesus bilang Salitang “nagkatawang-tao” at “namuhay na kasama natin” (Juan 1:1-18, ASND). Pagkatapos ay inilarawan ang mahahalagang pangyayari sa Kanyang buhay tulad ng Kanyang binyag, pagbabagong-anyo, pagpapagaling, pangangaral, at iba pa. At nagtapos ito sa Kanyang pagkapako sa krus, muling pagkabuhay, at pag-akyat sa langit.
Kung tutuusin, maraming bagay ang ginawa ni Hesus. Kaya naman napagtanto ni Juan na ang kanyang aklat ay hindi sapat upang mailahad ang lahat ng ito. At kung susulat naman siya ng napakaraming libro ukol dito, ito ay hindi kakasya sa buong mundo.
Akalain mo ‘yon! Ilang libro kaya ang mga ito?
2) 1 Juan
Hindi tulad ng kanyang Ebanghelyo, ang aklat na ito naman, na kanyang isinulat noong 90–95AD, ay may partikular na layunin.
Hindi binanggit ng Bibliya kung para kanino ang sulat na ito. Ngunit ayon sa mga iskolar, ito ay para sa isang kilalang grupo ng mga Kristiyano sa Efeso o Asya6.
Nagbigay si Juan ng isa pang patotoo ng mga bagay na kanyang narinig, nakita, at nahawakan. Layunin niyang hikayatin ang kanyang mga mambabasang maging kaisa ng Ama at Anak (1 Juan 1:3).
Bukod sa tema ng pag-ibig at pakikipag-ugnayan sa Diyos, nagsulat din si Juan tungkol sa mga pagsubok ng buhay-Kristiyano. Mababasa ito sa kapitulo 3.
Dito, binanggit niya ang mga tanda ng tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Tinalakay rin niya ang pamumuhay sa Kanyang katwiran bilang patunay ng espirituwal na pagbabagong-buhay.
3) 2 Juan
Ang aklat na ito ang pangalawang pinakamaikling aklat sa Bibliya. Naglalaman lamang ito ng isang kabanatang may 13 talata. Gayunman, malinaw na nailahad ang layunin nito.
Isinulat kasabay ng 1 Juan, ang sulating ito ay may tiyak ding layunin. Para ito sa “hinirang na ginang at sa kanyang mga anak” na iniibig ni Juan (2 Juan 1:1, ABTAG2001).
Sino ang babae at mga batang iyon? Literal ba sila o simbolikal?
Hindi pinangalanan ng Bibliya ang babaeng ito ni tinukoy kung sino ang kinakatawan nito. Ngunit ayon sa mga iskolar, maaaring ito ay ang buong simbahan at ang mga bata ay ang kongregasyon7.
Gayunman, pinaparating ng aklat na ito ang mensahe nito sa lahat ng mananampalataya. Pinaaalalahanan silang mahalin ang isa’t isa at sundin ang mga utos ng Diyos.
4) 3 Juan
Alam mo bang ang aklat na ito ang pinakamaikli sa Bibliya? Kahit na mas kaunti ang mga talata ng 2 Juan, mas maiikli naman ang 15 talata nitong 3 Juan.
Ngayon, ang unang dalawang sulat ay karaniwang pinupuntirya ang simbahan. Napapansin mo ba? Sa kabaligtaran, ang 3 Juan ay para sa isang partikular na tao. Ito ay para “kay Gayo na minamahal, na aking iniibig sa katotohanan” (3 Juan 1:1, ABTAG2001).
Inilahad ni Juan sa sulat na ito ang kanyang panalangin para sa kalusugan at pananampalataya ng taong ito. Isinulat niya, “Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak” (3 Juan 1:4, MBBTAG).
Nais mo rin bang makatanggap ng ganitong klase ng liham mula sa isang nagmamahal na kaibigan?
5) Apocalipsis
Marahil alam mong ang aklat na ito ang huling isinulat ni Juan. Isinulat niya ito noong 94–98 AD.
Iba sa kanyang Ebanghelyo at mga liham, ang aklat na ito ay naglalaman ng mga propesiya at pangyayari sa huling panahon. Kung ang naunang mga aklat ay tungkol sa nakaraan, ito naman ay tungkol sa mga banal na misteryo ng hinaharap. Kaya naman, ikinategorya ito ng mga iskolar bilang pahayag o rebelasyon.
Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe para sa pitong iglesya sa Romanong lalawigan ng Asya—ang Efeso, Smirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodisea.
Ang aklat na ito ay umiikot sa mga pangitaing ito:
- Paglalarawan kay Kristo (Apocalipsis 1:9–3:22)
- Silip sa mga kaganapan sa hinaharap (Apocalipsis 4:1–16:21)
- Pangitain tungkol sa kaparusahan sa Dakilang Patutot (Apocalipsis 17:1–21:8)
- Pangitain tungkol sa babaing ikakasal (Apocalipsis 21:9–22:5)
Paano siya nagsusulat?
1) Istruktura
Pansin mo bang may kaayusan ang mga sulat ni Juan? May tamang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari na madaling sundan.
Halimbawa, may apat na seksyon ang kanyang Ebanghelyo:
- Introduksyon – tunay na pagkakakilanlan ni Hesus
- Aklat ng mga Palatandaan – Kanyang ministeryo sa sanlibutan
- Aklat ng Kaluwalhatian – Kanyang pagbabalik sa langit
- Konklusyon – layunin ng Ebanghelyo
Sa 1 Juan, makikita mo rin ang mga bahaging ito:
- Introduksyon – Si Hesus bilang Salita ng Buhay
- Katawan – paglakad sa liwanag ni Kristo at pag-ibig sa isa’t isa
- Konklusyon – layunin ng sulat
Ang aklat ng Apocalipsis ay may maayos na istruktura rin. Nagsimula ito sa pangitain ni Kristong sinundan ng mga palatandaan ng Kanyang ikalawang pagparito.
Sa gitnang bahagi ng aklat, ipinakita ni Juan na si Hesus ang dakilang Kordero—ang tema at sentrong katuruan nito. Kanya naman itong winakasan sa pangako ng isang bagong langit at lupa.
2) Boses
Sa karamihan ng kaniyang mga sulatin, ang alagad na mahal ni Hesus ay nagsasalita sa unang panao. Napansin mo ba iyon? Si Juan madalas ang tagapagsalaysay. Inilalahad niya ang mga karakter at pangyayari ng kanyang kwento sa sariling pananaw.
Halimbawa, ang pagkasulat niya ng aklat ng Apocalipsis ay base sa kanyang pagkasaksi ng mga pangitain mula sa Diyos. Sa ganitong paraan, nabibigyan ang mambabasa ng biswal na imahinasyon ng mga kaganapan.
Si Juan ay naglalahad din base sa kanyang pananalig sa Diyos tulad ng isang tagapayong nagmamalasakit para sa iyong pananampalataya.
Sa kabilang banda, ang Ebanghelyo ni Juan, na ipinangalan sa kanya, ay nakasulat hindi sa una kundi sa ikatlong panao. Wala kang mababasang pangalan niya sa buong aklat na ito. Bakit gayon?
Ito ay dahil nais ni Juan na ituon ng mambabasa ang kanyang pansin kay Hesus, ang pangunahing tauhan ng kanyang Ebanghelyo. Ayaw niyang abusuhin ang kanyang karapatan bilang may-akda sa pamamagitan ng pagposisyon ng kanyang sarili bilang sentro ng kwento.
3) Paggamit ng mga kagamitang pampanitikan
Isa pang mahalagang katangiang makikita sa mga sulatin ni Juan ang paggamit niya ng mga kagamitang pampanitikan gaya ng mga sumusunod:
- Maramihang alusyon
Ang alagad na mahal ni Hesus ay gumagamit ng mga salitang nag-iiba ang kahulugan depende sa sitwasyon at gamit. Halimbawa, ang “sumusunod” sa Juan 1:38 ay nangangahulugan ng literal na paglakad kasunod ni Hesus. Sa mga sumunod na talata, ang tinutukoy na nito ay ang pagsunod sa Kanyang mga utos. - Balintuna
Gumagamit si Juan ng mga pananalitang salungat sa inaasahan ng mambabasa. Halimbawa, isinulat niya, “Siya ay nasa sanlibutan…ngunit hindi Siya kinilala ng sanlibutang ito. Pumunta Siya sa Kanyang bayan ngunit hindi Siya tinanggap ng sarili Niyang kababayan” (Juan 1:10-11, SND at MBBTAG). - Simbolismo
Gumagamit si Juan ng mga bagay mula sa kalikasan upang ilarawan ang katotohanan at paganahin ang imahinasyon at kritikal na pagsusuri ng mambabasa. Halimbawa, sinasabi sa Juan 7:38 (FSV), “Ang sumasampalataya sa Akin, tulad ng sinabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang ilog ng tubig ng buhay.” Ang tubig na buhay ay kumakatawan kay Hesus.
Bakit Tinawag ni Juan ang Kanyang Sariling “Alagad na Mahal ni Hesus”?
1) Ito ay paglalahad ng katotonan sa malumanay at eupemistikong paraan.
Sa unang basa, tila ipinagmamalaki ni Juan ang kanyang sarili bilang alagad na mahal ni Hesus. Para bang siya lamang ang paboritong disipulo. Ngunit hindi. May dahilan ang katawagang ito.
Itinuring itong badyang pampalubag-loob8 at magalang na paraan upang maiwasan ang pagtataas ng sarili9. Kaya kung iyong mapapansin, hindi kailanman binanggit ni Juan ang kanyang pangalan sa kanyang Ebanghelyo.
Tulad ni Mateo sa kanyang Ebanghelyo, hindi kailanman sumulat si Juan sa unang panao. Palagi niyang tinutukoy ang kanyang sarili sa ikatlong panao—pagpapakita ng pagpapakumbaba10. Ayaw niyang ibaling ang pokus sa kanyang sarili. Sa halip, gusto niyang ituon ng mambabasa ang pansin sa pag-ibig ni Hesus.
2) Isa siya sa pinakamalalapit na disipulo ni Hesus.
Si Juan ay kabilang sa tatlong matatalik na alagad ni Hesus. Ang dalawa pa ay sina Pedro at Santiago. Kasama Niya silang tatlo sa karamihan ng Kanyang makabuluhang paglalakbay.
Halimbawa, mababasa sa Lucas 9:28 na naroon sina Pedro, Santiago, at Juan sa pagbabagong-anyo ni Hesus. Sila rin ang kasama Niya sa bahay ng pinuno ng sinagoga (Marcos 5:37).
Sila rin ang mga alagad na sumama kay Hesus sa hardin ng Getsemani (Mateo 26:36-46). Gayon sila kahalaga para sa Kanya.
Samantala, alam mo bang sa kanilang tatlo, si Juan ang pinakamalapit kay Hesus? Lagi siyang nakaupong katabi ni Hesus at nakasandal sa Kanyang dibdib habang magkausap sa hapagkainan (Juan 13:23).
Ganito ka rin ba sa iyong pinakamatalik na kaibigan? Gaano kadalas kayong magkasama?
3) Siya ay humanga sa dakilang pag-ibig ni Hesus.
Bilang kasama ni Hesus sa karamihan ng Kanyang mga gawain, nasaksihan ni Juan ang Kanyang mapagmahal na karakter.
Halimbawa, nakita ni Juan ang pagmamahal at habag ni Hesus sa mga maysakit. Sinusundan Siya lagi ng malaking pulutong na Kanya namang pinagagaling (Mateo 14:14). Pinapakain din Niya ang mga nagugutom (Mateo 15:32). At namamagitan Siya para sa Kanyang mga alagad at sa simbahan (Juan 17:20-21).
Gusto mo rin bang masaksihan ito nang personal?
Higit sa lahat, sa pagkapako ni Hesus sa krus (Juan 3:16) nasaksihan ni Juan ang Kanyang lubos na pagmamahal. Iyon ang pinakanakababagbag-damdaming eksenang nagpalambot ng kanyang puso lalo pa’t nang malamang ang dugo Niya ang nagligtas sa buong sangkatauhan.
Bilang nasaksihan ang pag-ibig ni Hesus para sa sangkatauhan, tampok ito sa Ebanghelyo ni Juan. Isa ring patunay nito ang pagtukoy niya sa kanyang sarili bilang “alagad na mahal ni Hesus.”
Kung ikaw ang nasa kalagayan ni Juan, ano naman ang itatawag mo sa iyong sarili?
Ang katawagang iyon kay Juan ay hindi pagpapakita ng pagmamataas. Sa halip, ito ay pagpapahayag ng tapat na pagpapakumbaba at pagpapamamalas ng kahanga-hangang biyaya ng Diyos11.
Kaya naman, hindi ito nangangahulugang si Juan lamang ang alagad na mahal ni Hesus tulad ng maaaring inaakala mo. Sa katunayan, “walang kinikilingan ang Diyos” (Roma 2:11, MBBTAG). Pantay-pantay ang Kanyang pagmamahal sa lahat ng mga alagad.
Ano Ang Relasyon ni Juan na Mahal ni Hesus kay Juan Bautista?
Marahil, iniisip mo kung may kaugnayan sa pagitan ni Juan Bautista at ng alagad na mahal ni Hesus.
Bukod sa magkapangalan sila, maaaring napapaisip ka rin kung magkamag-anak sila. Nagmula ba sila sa iisang lahi? Nagkita na ba sila?
Ang kanilang pagkakaugnay base sa lahi
Una, alamin namin ang relasyon nina Hesus at Juan Bautista.
Sa Lucas 1:36 (ASND), ibinalita ni Maria kay Elizabet na siya’y manganganak ng isang sanggol na lalaki. “Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan,” wika ng anghel na nagpakita sa kanya.
Samakatuwid, sina Elizabet at Maria na ina ni Hesus ay magpinsan. Nangangahulugang sina Hesus at Juan Bautista ay magpangalawang pinsan.
Nauunawaan mo na ba?
“Si Hesus at si Juan ay magpinsan” ayon sa “mga pangyayaring nauukol sa pagkapanganak sa kanila”12.
Kaya naman, dahil magpinsan sina Hesus at Juan Bautista, masasabi nating magpangalawang pinsan naman ang dalawang Juan.
Ano sa tingin mo?
Ang kanilang pinagmulan
Si Juan ay may kahanga-hangang karisma sa pangangaral sa kanyang mga kapwa Hudyo13. Base rito, maaaring siya’y isang Hudyong propeta.
Ano naman si Juan na disipulo?
Nasusulat sa Mateo 15:24 (MBBTAG) na isinugo ng Ama si Hesus para sa “mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel.” Ito ang pokus ng Kanyang misyon sa lupa.
“Ang mga Hudyo ang piling bayan ng Diyos”14. “Sa kanila ay pinanukalang ang buong lahi ng tao ay pagpapalain.”
Ngayon, para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, sa tingin mo ba pipili si Hesus ng mga taong hindi Hudyo? Gugugol ba Siya ng tatlo at kalahating taon para magsanay ng mga maling tao?
Ayon sa Mga Gawa 10:28 (MBBTAG), “bawal sa isang Hudyo ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Hudyo.” Yamang ang mga alagad ay kasama ni Hesus sa pagsamba, siguradong sila’y mga Hudyo. Sa katunayan, walang mga Gentil ang nakapapasok sa mga sinagoga.
Kaya naman, bilang isa sa labindalawa, ang alagad na mahal ni Hesus ay isang Hudyo. Samakatwid, siya at si Juan Bautista ay magkalahi.
Ang kanilang pagkakaugnay sa lipunan
“Ang mga ito’y nangyari sa Betania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan” (Juan 1:28, MBBTAG). Hindi binanggit kung sinong Juan ito. Ngunit sa paglalarawang siya ay nagbibinyag, maaaring siya ay si Juan Bautista.
“Naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad” (talata 35, MBBTAG). “Ang isa sa dalawang alagad…ay si Andres,” na hinanap ang “kanyang kapatid na si Simon” (mga talata 40-41, MBBTAG). Samantala, hindi pa rin natin alam kung sino ang isa pang alagad.
Sa kanyang Ebanghelyo, may binanggit na dalawang pares ng magkapatid si Mateo. “Nakita Niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon…at ang kapatid niyang si Andres” (Mateo 4:18, MBBTAG). Gayundin, “nakita Niya ang magkapatid na [sina] Santiago at Juan” (talata 21, SND).
Base sa deskripsyong ito ni Mateo, sina Santiago at Juan ang ating mga suspek para sa disipulong hindi pinangalanan sa Juan 1:35. Sino nga ba sa kanilang dalawa ito?
Ang hindi pinangalanang disipulo sa talata 35 ay si Juan, ang sumulat ng ikaapat na Ebanghelyong ito15. Sa Ebanghelyong ito, hindi kailanman pinangalanan ng may-akda ang kanyang sarili. Sa halip, tinawag niya ang kaniyang sarili bilang “alagad na mahal ni Hesus”16.
Samakatwid, bilang pagkumpirma ng kanilang relasyong sosyal, si Juan na Minamahal ay isang tagasunod ni Juan Bautista.
24 na Natatanging Bagay Tungkol sa Alagad na Mahal ni Hesus
1) Ang pangalang Juan ay tumutukoy sa biyaya at regalo ng Diyos.
Ang Juan ay nagmula sa Hebreong pangalang Yohanan17 na nangangahulugang “napakabuti ng Diyos” o “napakabait ni Jehova.” Pagpapaikli rin ito ng ekspresyong “kaloob ng Diyos”18.
Ipinahihiwatig nitong si Juan ay isang pagpapala mula sa Diyos. Siya ay naging kaaliwan ng langit para kay Hesus sa panahon ng Kanyang pakikisama sa mga tao. Tulad ni Jonatan kay Dabid, naging mabuting kaibigan siya sa Kanya.
2) Siya ay pinsan ni Hesus.
Sa Bibliya, may tatlong magkakapatid na babaeng may iisang pangalan—Maria. Sinu-sino sila?
Isa sa kanila ay si Maria, ina ni Hesus (Mga Gawa 1:14). Ang pangalawa ay si Maria, ina nina Santiago at Jose (Mateo 27:56). At ang pangatlo ay si Maria Salome, ina nina Santiago at Juan (Marcos 15:40).
Base rito, magpinsan sina Hesus at Juan na Minamahal.
3) Dati siyang disipulo ni Juan Bautista.
Alam na nating si Juan ay isang disipulo ni Hesus. Ngunit maniniwala ka bang siya’y dati ring tagasunod ni Juan Bautista?
Si Juan Bautista ay isang propeta sa Hudea. Nangangaral siya tungkol sa pagdating ng Mesiyas at hinihimok ang mga taong magsisi. Pagkatapos ay binabautismuhan sila ng tubig.
Sa pamamagitan nito, inihanda niya ang daan para sa Panginoon (Marcos 1:3). Siya ang naging huyat ng pagdating ni Hesus.
Hindi nga lang natin mababasa sa Bibliyang si Juan na Minamahal ay naging tagasunod ni Juan Bautista. Gayunman, ang Juan 1:35 ay nagpapahiwatig na kasama ng tagapagbautismo ang kanyang dalawang alagad.
Ang isa ay si Andres na tinawag ang kanyang kapatid na si Simon. Gayunman, hindi pa rin natin alam ang pangalan ng isa pang disipulo. Ngunit may pahiwatig ang katotohanang sina Andres at Juan ang mga unang disipulo ni Hesus19.
Gayundin, palaging ipinapares ni Mateo si Andres kay Pedro at si Juan kay Santiago. “Nakita Niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon [Peter] at Andres” (Mateo 4:18, ASND). Nakita rin ni Hesus “ang magkapatid na sina Santiago at Juan” (talata 21, ASND).
Kaya naman, malamang si Juan ang tinutukoy na ikalawang tagasunod1516.
4) Siya ang pinakabatang disipulo ngunit ang pinakamatagal na nabuhay na apostol ni Hesus.
Itinalaga ni Hesus ang Kanyang labindalawang disipulo bilang mga apostol noong 27 AD. Alam mo ba kung ilang taon sila sa panahong ito? Narito20:
- Andres – 33
- Simon Pedro – 30
- Santiago Zebedeo – 30
- Juan – 24
- Felipe – 27
- Natanael – 25
- Mateo – 31
- Tomas – 29
- Santiago Alfeo – 26
- Hudas Alfeo – 26
- Simon na Zelote – 28
- Hudas Iscariote – 30
Base rito, ang alagad na mahal ni Hesus ang pinakabata. Ngunit bilang apostol, siya naman ang pinakamatagal nabuhay20.
Samantala, ang ibang mga apostol ay mas maagang pumanaw. Halimbawa, sina Pedro at Paul ay namatay noong 66 AD, at si Santiago naman noong 44 AD21.
5) Tinangka niyang magpatawag ng apoy mula sa langit.
Isang araw matapos ang Kanyang pagpapalit-anyo, si Hesus ay nagpasyang tumungo sa Herusalem kasama ang Kanyang mga alagad. Dumaan Siya sa kabundukan ng Samaria, ang daang tinahak Niya rin tungo sa balon ni Jakob kung saan nadatnan Niya ang Samaritanong babae.
Habang naglalakbay, nagpadala si Hesus ng ilang alagad upang maghanap ng makakain at matutuluyan sa Samaria. Ngunit ang mga taga-Samaria ay bastos at hindi magiliw.
Nang makarating si Hesus sa lugar, nakita Niyang galit na galit sina Santiago at Juan. “Panginoon, gusto ba Ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila’y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]?” (Lucas 9:54, MBBTAG).
Akalain mo ‘yon!
Akalain mo ‘yon! Malumanay silang sinaway ni Hesus: “Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo.” Pinaalalahanan Niya silang Siya ay “naparito hindi upang ipahamak kundi iligtas ang mga tao” (Lucas 9:55-56, MBBTAG).
Ano ang mararamdaman mo kung ikaw ang nasa kalagayan ng magkapatid na ito para marinig ang paalalang iyon ni Hesus? Nakahihiya ngunit nakapapanatag, hindi ba?
6) Isa siya sa “mga anak ng kulog.”
Dahil sila’y hindi mapagparaya at mainitin ang ulo, tinawag ni Hesus sina Juan at Santiago na “mga anak ng kulog.” Ang teknikal na termino para rito ay Boanerges (Marcos 3:17, MBBTAG).
Ang pag-uugali nilang ito ay masasaksihan sa Lucas 9 kung saan nagalit sila sa mga Samaritanong ayaw patuluyin si Hesus, na ating nabigyang-pansin kanina. Kitang-kita rito kung gaano sila katapang at kaprangkang magsalita. Talagang maikukumpara sila sa kulog.
May kilala ka bang ganito ang ugali? Paano mo siya pinakikitunguhan?
7) Nakahuli siya ng 153 isda.
Isang gabi makalipas ang pagkabuhay ni Hesus, pito sa Kanyang mga alagad ang nangisda. Sila ay sina Pedro, Tomas, Natanael, Santiago, Juan, at dalawa pang iba. Wala nga lang silang nahuling isda.
Pamilyar ka ba sa eksenang ito?
Kinabukasan, dumating si Hesus at tinanong sila kung may nahuli silang isda. Nang malamang wala, inutusan Niya silang ihagis ang kanilang lambat sa kanang bahagi ng kanilang bangka.
Himala, ang mga alagad ay nakahuli ng 153 isda (Juan 21:11)! Sa sobrang bigat ng kanilang lambat, tila hindi na nila ito maiangat.
Nakahuli ka na rin ba ng ganito karaming isda? O kahit man lamang nakasaksi ng ganitong pangyayari?
8) Nagsagawa siya ng isang himala ng pagpapagaling.
Isang araw, tumungo sina Pedro at Juan sa templo ng Herusalem. Sa pinto nito ay may lalaking lumpong nanlilimos sa lahat ng mga dumaraan.
Alam mo ba ang kuwentong ito?
Nang makita ni Pedro ang lalaki, sinabi niya sa kanya, “Wala akong pilak o ginto.” Ngunit pinagaan niya ang loob nito sa pagsasabing “ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo” (Mga Gawa 3:6, MBBTAG).
Sa pangalan ni Hesus, napatayo at napalakad nina Pedro at Juan ang lumpo. Nagkaroon ng lakas ang kanyang mga paa at bukung-bukong. Habang lumalakad, hindi niya mapigilang magtatalon at magpuri sa Diyos. At sumama siya sa kanila sa loob ng templo.
Kung ikaw ang lalaking ito, hindi ka ba magdiriwang at masasabik na ipaalam ito sa iba?
9) Siya ay kabilang sa tatlong matatalik na disipulo ni Hesus.
Tatlo sa labindalawang disipulo ni Hesus—sina Pedro, Santiago, at Juan—ay Kanyang matatalik na kaibigan hanggang sa sila’y maging mga apostol.
Sa kanilang tatlo, ang alagad na mahal ni Hesus ang pinakamatagal Niyang nakasama (Lucas 5:4-11). Nasaksihan niya ang Kanyang pagbabagong-anyo (Marcos 9:2-3) at ang pagbibigay-buhay sa anak ni Jairo (Lucas 8:49-56).
Bukod pa rito, naroon si Juan noong Siya ay nananalangin sa Hardin ng Getsemani (Marcos 14:32-33). Naroon siya mula sa paglilitis kay Hesus hanggang sa Kanyang kamatayan, kabilang sa iilang nagtiis ng paghihirap. Maging sa Kanyang muling pagkabuhay, kabilang ang binata sa mga unang nakasaksi.
Kung isa ka sa mga disipulo ni Hesus, nais mo rin bang mapabilang sa piling grupong ito?
10) Malapit siya kay Hesus.
Ang alagad na mahal ni Hesus ay nakaupong katabi Niya sa Huling Hapunan.
Kanina, nalaman nating isinasandal ni Juan ang kanyang ulo sa dibdib ni Hesus (Juan 13:23). At saka sila mag-uusap nang masinsinan (mga talata 24-26).
Masasabi nating matalik talagang magkaibigan sina Hesus at Juan.
11) Siya ang pinagkatiwalaang alagad ni Hesus upang mag-alaga sa Kanyang ina.
Ilang sandali bago Siya namatay sa krus, naalala ni Hesus ang Kanyang inang si Maria. Kailangan Niya ng isang tao mula sa Kanyang mga disipulo upang mag-aalaga sa kanya.
Malamang, ito ay alinman sa tatlong matatalik Niyang disipulo. Maaaring si Pedro ngunit siya ay matigas ang ulo. Maaari ring si Santiago. O hindi naman kaya si Juan ito?
Tama, pinili ni Hesus si Juan dahil siya ay mabait at mapagmahal. “Ginang, narito ang iyong anak” (Juan 19:26, MBBTAG). Kay Juan, Kanya namang idineklara, “Narito ang iyong ina” (talata 27, MBBTAG). Batid ni Juan kung ano ang Kanyang ibig sabihin. Kaya naman, walang pag-aalinlangang dinala niya si Maria sa kanyang tahanan.
Biruin mo ang tiwala ni Hesus kay Juan! Ano kaya ang pakiramdam kung ikaw ang pagkatiwalaan nang ganito? Paano mo pahahalagahan ang tiwalang iyon?
12) Nangangarap siyang magkaroon ng pwesto sa trono ni Hesus sa langit.
Isang araw, humiling sina Santiago at Juan kay Hesus, “Guro, nais naming gawin Mo sa amin ang anumang aming hingin sa Iyo” (Marcos 10:35, SND).
“Ipagkaloob Mo sa aming makaupo kami sa tabi Mo sa Iyong kaluwalhatian, ang isa ay sa kanan at ang isa ay sa kaliwa” (talata 37, SND). Nagulat si Hesus at sinabing hindi lubos na nauunawaan nina Santiago at Juan ang kanilang hinihiling.
Malamang, iniisip nina Santiago at Juan na nasa lupa lamang ang kaharian ng Diyos. Napagkamalan nila itong isang posisyon sa gobyernong madaling makuha.
Marahil, ganoon din ang iyong aakalain kung ikaw ang nasa lugar nila.
Ipinaliwanag ni Hesus na maaari silang uminom sa Kanyang kopa at magbinyag sa pamamagitan Niya. Ngunit “ang umupo sa Aking kanan at sa Aking kaliwa ay hindi Ako ang magkakaloob” (talata 40, SND). Sa halip, ito ay para sa mga pinagkalooban ng Diyos Ama.
13) Hindi siya namatay sa kumukulong langis.
Noong 81 AD, nagkaroon ng pag-uusig laban sa mga Kristiyano sa ilalim ni Emperador Domiciano22. Pangalawa ito sa isa pang pag-uusig sa ilalim ni Nero noong 67 AD, na kinasangkutan nina Pablo at Pedro.
Sa pangalawang ito, nagbigay si Domiciano ng iba’t ibang kaparusahan. Halimbawa, si Simeon, isang obispo ng Herusalem, ay ipinako sa krus. Si Flavia, anak ng isang Romanong senador, ay ipinatapon naman sa Pontus23.
Ang kay Juan naman ay kakaiba. Maniniwala ka bang inilagay siya sa kumukulong langis? Totoo! Pero alam niyo ba? Ngunit tila hindi siya natinag. Patuloy siyang nangaral mula sa loob ng palayok.
Akalain mo ‘yon!
14) Hindi nakasama sa kanya ang inuming lason.
Sa kabila ng pag-uusig, pinatunayan ni Juan ang kanyang katatagan sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Sa katunayan, maraming tao ang sumunod sa kanya. May ilan pa ngang lumuhod sa kanyang mga paa, humihiling ng kagalingan.
Dahil dito, nagalit si Aristodemo, pangulong pari ng Imperyong Romano. Tinanong siya ni Juan kung ano ang maaaring gawin upang mapawi ang kanyang galit. Ngunit hinamon siya nitong uminom ng lason. Bilang kundisyon, kung hindi siya malalason nito, maniniwala na ang pari sa Diyos24.
Kung ikaw si Juan, tatanggapin mo ba ang hamong ito alang-alang sa iyong paninindigan sa Diyos?
Himala, hindi nalason si Juan! Akalain mo nga naman! Naisakatuparan niya ang pangako ng Diyos na ang sinumang uminom ng anumang bagay na nakamamatay ay “hindi sila mapipinsala niyaon sa anumang paraan” (Marcos 16:18, SND).
15) Nakatanggap siya ng mahahalagang tagubilin.
Bilang apostol, nakatanggap si Juan ng mga tagubiling walang ibang apostol ang nakaaalam. Maging si Pablo ay walang ideya tungkol dito.
Mukhang napakaespesyal ng mga bagay na ito, ano? Ano kaya ang mga ito?
Sa panahon ng pagkakakulong ni Juan sa Patmos, ipinakita sa kanya ng Diyos ang mga pangitain tungkol sa “mga pangyayaring magaganap sa mga huling yugto ng kasaysayan ng lupa”25.
Gusto mo bang magkaroon ng pangitaing tulad nito?
Sa Patmos, mas nabigyang-pansin ni Juan na pagbulay-bulayan ang mga hiwaga ng Diyos26. Natuto siya tungkol sa gawain ng paglalang, at sa karunungan at kakayahan ng Diyos. Sa pamamagitan din ng kalikasan, kanya ring natutuhan ang mahahalagang liksyon tungkol sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos.
16) Isa siya sa mga nanguna at nagtatag ng iglesyang Kristiyano.
Bilang apostol matapos bumalik si Hesus sa langit, aktibo si Juan sa pangangaral at pagtatatag ng unang iglesyang Kristiyano.
Ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga turo ni Kristo ay naging mahalagang pundasyon sa pag-unlad nito. Sa katunayan, maging ang apostol na si Pablo ay sumangguni sa kanya (Galacia 2:8).
Isang karangalan ito para kay Juan.
Nang mamatay si Juan, binago ng simbahan ang ilang mga paniniwala27. Mabuti na lamang dahil ang kanyang mga sulat ay nagdulot ng pagkakaisa sa mga Kristiyano sa pag-unawa ng karapatan ni Hesus (Juan 1:1-4) at ng kanyang relasyon sa Ama (talata 16 ng kapitulo 3).
17) Itinago niya ang kanyang pangalan.
Hindi mo mababasa ang pangalan ni Juan sa kanyang Ebanghelyo. Palagi niyang tinutukoy ang kaniyang sarili bilang “alagad na mahal ni Hesus.”
Bakit?
Isa pa, sa kabuuan ng kanyang aklat, sumulat si Juan sa ikatlong panao. Halimbawa, sa Juan 21:24 (MBBTAG), isinulat niya, “siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito.”
Bakit nga kaya? Si Juan ba ay may mataas na posisyon sa Herusalem kaya nais niyang itago ang kanyang Kristiyanong pagkakakilanlan?
Sinasadyang itago ni Juan ang pagkakakilanlan ng minamahal na disipulo. Ito ay upang ang mga mambabasa ng kanyang Ebanghelyo ay higit na makikilala ang kaniyang kaugnayan kay Hesus28.
18) Siya ay may higit sa 5 pangalan o katawagan.
Ito ang mga katawagan ng Bibliya at iba pang mga kasulatan sa alagad na mahal ni Hesus:
- Juan ang Nakababatang Kapatid: sumunod kay Santiago sa kapanganakan
- Juan ang Mangingisda: lumaking pangingisda ang hanapbuhay kasama ng kanyang kapatid at ama
- Juan ang Alagad ni Juan Bautista: naging tagasunod ng tagapangaral na ito
- Juan ang Apostol: isa sa mga alagad na itinalaga ni Hesus bago bumalik sa langit
- Juan ang Manunulat: sumulat ng 5 aklat sa Bibliya
- Juan ang Ebanghelista: aktibong nangangaral at naglilingkod sa mga Kristiyano
- Juan ang Teologo: may kaalaman tungkol sa Diyos at sa Banal na Kasulatan
- Juan ng Patmos: ipinatapon sa isla ng Patmos bilang bahagi ng pag-uusig sa mga Kristiyano
- Juan ang Rebelador: sumulat tungkol sa mga pangyayari sa huling araw
Ang dami, ano? Kung ikaw si Juan bilang ebanghelista, ano kaya ang itatawag sa iyo?
19) Sumulat siya ng 5 aklat sa Bagong Tipan.
- Ebanghelyo ni Juan
– Ang aklat na ito ay ulat ng kapanganakan, buhay, ministeryo, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesus. Isinulat niya ito noong 80–98 AD. - 1 Juan
– Ito ay liham ni Juan para sa isang simbahan sa Efeso o Asya. Isinulat ito noong 90–95 AD. - 2 Juan
– Tulad ng 1 Juan, ang ikalawang liham na ito ay para sa naturang iglesya at kongregasyon nito. Binuo niya ito mula 90 hanggang 95 AD din. - 3 Juan
– Iba sa kanyang unang dalawang liham, ito ay para naman kay Gayo, isa sa kanyang mga minamahal na kaibigan. Sinulat niya ito kasabay ng naunang dalawang liham. - Apocalipsis
– Ang aklat na ito ay pahayag ng mga mangyayari bago ang ikalawang pagparito ni Hesus. Isinulat niya ito noong 94–98 AD.
20) 5 beses siyang binanggit ng Bibliya bilang alagad na mahal ni Hesus.
- Juan 13:23 (MBBTAG) – “Katabi noon ni Hesus ang alagad na minamahal Niya.”
- Juan 19:26 (MBBTAG) – “Nang makita ni Hesus ang Kanyang ina at ang minamahal Niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi Niya, ‘Ginang, narito ang iyong anak.'”
- Juan 20:2 (MBBTAG) – “Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, ‘Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya inilagay!’”
- Juan 21:7 (MBBTAG) – “Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, ‘Ang Panginoon iyon!’”
- Juan 21:20 (MBBTAG) – “Lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod ang alagad na minamahal ni Hesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Hesus.”
Kapansin-pansin, hindi ba?
21) Ginawa niyang makabuluhan ang numerong pito.
Una, nagbanggit si Juan ng pitong himalang nagpapatunay na si Hesus ang Anak ng Diyos:
- Tubig na naging alak sa isang kasal sa Cana (Juan 2:1-11)
- Pagpapagaling sa anak ng isang opisyal sa Capernaum (Juan 4:46-54)
- Pagpapagaling sa isang lalaking may kapansanan sa Betesda (Juan 5:1-18)
- Pagpapakain ng 5,000 tao (Juan 6:5-14)
- Paglalakad sa Dagat ng Galilea (Juan 6:16-21)
- Pagpapagaling sa isang bulag sa Herusalem (Juan 9:1-7)
- Pagkabuhay ni Lazarus sa Betania (Juan 11:1-45)
Ikalawa, 7 beses na binanggit ni Juan ang “Ako” sa kanyang Ebanghelyo, na nagpapakita kung sino si Hesus:
- “Ako ang Tinapay ng buhay” (Juan 6:35, SND)
- “Ako ang Ilaw ng sanlibutan” (8:12, SND)
- “Ako ang Pinto ng mga tupa” (10:7, SND)
- “Ako ang mabuting Pastol” (10:11, SND)
- “Ako ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay” (11:25, SND)
- “Ako ang Daan, at ang Katotohanan, at ang Buhay” (14:6, SND)
- “Ako ang Puno ng ubas” (15:1, SND)
Nagkataon lamang ba ang mga ito? Hindi.
22) Nakita niyang muli si Kristo sa pagkabuhay Nito.
Sa araw ng muling pagkabuhay ni Hesus, bumisita si Maria Magdalena sa libingan at napansing wala na ang batong takip. Pamilyar ka ba sa eksenang ito? Pagkatapos ay tinawag niya si Pedro at ang “alagad na mahal ni Hesus” (Juan 20:2, MBBTAG)?
Agad na nagpunta sina Pedro at Juan sa libingan. Yamang damit lamang na ibinalot sa bangkay ni Hesus ang kanilang natagpuan, naniwala silang Siya’y buhay na.
Kinagabihan, nasa isang silid ang mga alagad. Maya-maya, dumating si Hesus at humarap sa kanila. Sinabi Niya, “Sumainyo ang kapayapaan” (verse 19, MBBTAG). Hindi sila makapaniwala ngunit nang ipakita Niya ang Kanyang mga kamay at tagilirang may sugat, naniwala na sila.
Magdududa ka rin ba kung ikaw ang nasa kalagayan ng mga alagad na ito?
Nanatili si Hesus sa loob ng apatnapung araw bago Siya bumalik sa langit. Sa araw ng Kanyang pag-alis, ibinigay Niya sa mga alagad ang Kanyang mga huling habilin at itinalaga sila bilang mga apostol.
Ipinangako ni Hesus sa kanila, “Pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan Niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa Akin, mula rito sa Herusalem hanggang sa buong Hudea at Samaria, at hanggang sa buong mundo” (Mga Gawa 1:8-9, ASND).
Pagkabalik ni Hesus sa langit, nagpakita muli Siya kay Juan sa panahon ng pagkakatapon nito sa Patmos, kung saan nakatanggap siya ng mga pangitain tungkol sa mga mangyayari sa huling panahon.
23) Nakita niya ang langit at lupa sa mga huling araw at lampas pa.
Sa panahon ng kanyang pagkakatapon sa Patmos, nakatanggap ng mga pangitain mula sa Diyos ang alagad Niyang mahal. Partikular na nakita niya ang mga mangyayari sa langit at sanlibutan sa mga huling araw.
Gusto mo rin bang magkaroon ng ganitong pambihirang pagkakataon?
Magkakaroon ng taggutom na sinasagisagan ng isang mangangabayong nakasakay sa itim na kabayo (Apocalipsis 6:5). Magkakaroon din ng malalakas na kalamidad sa kalikasang sinisimbuluhan ng pitong mangkok (kabanata 16).
Pamilyar ka ba sa mga propesiyang ito?
Matapos ang mga ito, nakita ni Juan si Hesus na dumarating sa sanlibutan kasama ang Kanyang mga anghel sa alapaap, dala-dala patungong langit ang mga nalabing tapat sa Kanya. At mananatili sila roon sa loob ng sanlibong taon.
Pagkatapos nito, ibabalik ni Hesus ang langit at mundo sa orihinal na anyo ng mga ito. Hindi na magkakaroon ng sakit o kamatayan (mga talata 1-8 ng kabanata 21).
Gusto mo rin bang maranasan ito?
24) Siya lamang ang apostol na namatay nang hindi sinasadya.
Sa ganitong mga paraan namatay ang mga apostol29:
- Andres – ipinako sa krus sa Patrae sa Acaya
- Simon Pedro – ipinako sa krus sa Roma bandang 66 AD
- Santiago Zebedeo – pinatay ni Haring Herodes gamit ang espada noong 44 AD (Mga Gawa 12:1-2)
- Juan – namatay sa natural na dahilan sa Efeso sa Imperyo ng Roma noong 103 AD
- Felipe – ipinako sa krus sa Hierapolis matapos mangaral sa Frigia
- Natanael – namatay sa India
- Mateo – pinatay sa Lisimakia
- Tomas – namatay sa Malta
- Santiago Alfeo – binato hanggang sa mamatay 5 o higit pang taon mula noong kamatayan ni Hesus
- Hudas Alfeo – minartir sa Sirya habang naglalakbay kasama ni Simon na Zelote (ayon sa tradisyon)
- Simon na Zelote – namatay sa Aprika
- Hudas Iscariote – nagbigti sa Akeldama matapos mamatay si Hesus
Mapapansing si Juan lamang ang namatay sa natural na dahilan. Ang ibang mga apostol ay minartir at nagpakamatay.
Huling Mga Kaisipan
Pinakilala ni Juan ang kanyang sarili bilang “alagad na mahal ni Hesus.” Ngunit hindi ito nangangahulugang hindi mahal ni Hesus ang iba pang mga alagad.
Sa halip, ito ay isang titulo lamang ni Juan upang ilarawan ang kanyang sarili sa kanyang Ebanghelyo. Dama niyang may espesyal siyang lugar sa puso ni Hesus. Kaya naman ang katawagang ito ay pagpapakita ng walang kondisyon at nag-uumapaw na pag-ibig ni Hesus sa kanya.
Kung ikaw si Juan, sa ganitong paraan mo rin ba ipahahayag ang pag-ibig sa iyo ng Diyos?
Nalaman natin ang mga katotohanang iilan lamang ang nakaaalam tungkol sa relasyon ni Juan kina Hesus at Juan Bautista. Nasaksihan natin ang mga himalang ginawa niya. Natalakay natin ang kanyang kontribusyon bilang disipulo at apostol, kung saan nakita rin natin kung paano niya nakuha ang tiwala ni Hesus.
Bilang manunulat at ebanghelista, sumulat si Juan ng 5 aklat sa Bagong Tipan. Ang kanyang Ebanghelyo, mga liham, at pahayag ay magkakaiba ang estruktura at mga simbolo. Inilalahad ng mga ito ang buhay ni Hesus at ang Kanyang ebanghelyo.
Bilang pangwakas, ang kwento ni Juan ay nagtuturo sa atin ng mahalagang liksyon tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Sa pagdidiin nito sa kanyang mga sulat at Ebanghelyo, tayo ay binibigyan ng pag-asa.
Bilang mga makasalanang nilalang, kailangan nating lahat ang pag-ibig, biyaya, at awa ng Diyos. Gaano mo ninanais makamit ang Kanyang perpektong karakter? At paano ka magiging epektikong patunay ng Kanyang pag-ibig gaya ni Juan?
Upang makilala pa si Juan, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanyang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin siya sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.
- New World Encyclopedia [↩]
- Oakman, sa Deni Rene YouTube Channel, 2017 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 19.2 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 70.1 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 71.1 [↩]
- Francis Nichol, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 7 [↩]
- Joe, 2018 [↩]
- Köstenberger at Stout, 2008 [↩]
- Smith, 2018 [↩]
- Clough, 2017 [↩]
- Fong, sa Hope Channel, 2016 [↩]
- Ellen White, Bukal ng Buhay, 127.2 [↩]
- Ian Werrett, sa Bible Odyssey, 2019 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 283.1 [↩]
- White, 1998 [↩] [↩]
- Utley, 1999 [↩] [↩]
- Behind the Name, 2020 [↩]
- Rubia, 2017 [↩]
- Francis Nichol, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 5 [↩]
- Master Universe Almanac [↩] [↩]
- Ken Curtis, 2021 [↩]
- Wilson, 2020 [↩]
- Christian History Institute, 2021 [↩]
- Early Christian Writings, 2021 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 431.6 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 432.2 [↩]
- Nelson, 2019 [↩]
- Smith, 1991 [↩]
- Nelson, sa Overview Bible, 2019 [↩]