Nilalaman

Pag-unawa sa Bibliya: Ang Kahalagahan at Mga Sikreto Nito

46% ng mga tumugon sa isang sarbey noong 2010 ang nagsabing mahirap maunawaan ang Bibliya dahil sa matalinghaga nitong wika at istilo.

Ngunit mahalaga sa buhay-Kristiyano ang pag-unawa sa Bibliya. Gaano nga ba ito kahalaga? Paano ito makakamit?

Sasagutin natin ang mga tanong na iyan sa artikulong ito. Ngunit alamin muna natin ang karaniwang mga dahilan kung bakit nahihirapan tayong maunawaan ang Bibliya.

4 Pinakakaraniwang Dahilan Kung Bakit Mahirap Maunawaan Ang Bibliya

1) Ang Bibliya ay isang pangkasaysayan at pangkulturang tala.

Heroes: Ang Bibliya sa mesa
Karapatang-ari: Canva

Ang pag-unawa sa Bibliya ay hindi madali dahil mahigpit itong nakabigkis sa kasaysayan at kultura.

Ang bawat teksto ay naiimpluwensyahan ng partikular na kultura ng panahong kinabibilangan nito. Dahil dito, ang pag-unawa sa mga mensahe nito ay nangangailangan ng paggalugad sa kasaysayan.

Halimbawa, sa Levitico 11:7, ang pagbabawal sa pagkain ng baboy ay nakabase sa mga pangkultura at panrelihiyong kaugalian ng sinaunang Israel.

Upang tunay na maunawaan ang kahalagahan ng kautusang ito, mahalagang tuklasin ang natatanging kasaysayan at kultura ng mga Israelita.

Ipinakikita ng ugnayang ito sa pagitan ng kasaysayan at kultura ang kahalagahan ng pag-alam ng konteksto sa pagbibigay-kahulugan sa Bibliya.

2) Mayaman ito sa simbolismo.

Heroes: Bibliyang nasisikatan ng liwanag
Karapatang-ari: Canva

Ang pag-unawa sa Bibliya ay mapanghamon dahil marami itong simbolismo. Madalas itong gumagamit ng matalinghagang pananalita sa pagpapahayag ng mga katotohanan.

Halimbawa, sa Apocalipsis 12:1, inilalarawan ang isang babaeng pinalamutian ng araw, buwan sa ilalim ng kanyang mga paa, at koronang may 12 bituing sumisimbolo sa realidad ng sansinukob.

Upang maunawaan ito, mahalagang galugarin ang mga simbolikong mensaheng nakapaloob sa makakultura at makapanitikang konteksto.

Ang pagtuklas sa mga mensaheng ito ay nangangailangan ng maingat na pag-unawa ng mga metaporikal na pahayag sa buong Bibliya. Nakadaragdag ito sa hamon ng pagpapakahulugan ng aklat na ito.

3) Nangangailangan ito ng pag-unawa sa konteksto.

Heroes: Bibliyang may puso
Karapatang-ari: Canva

Sa pag-unawa ng Bibliya, mahalaga ang matalinong paghinuha ng konteksto. Isinulat kasi ito ayon sa mga kasaysayan at kulturang humuhubog sa kanilang mga mensahe.

Halimbawa, ang pag-unawa sa mga talinghaga ni Hesus sa Mateo 13:3-23 ay nangangailangan ng kamalayan sa mga tradisyon ng agrikultura noong panahong iyon.

Katulad nito, ang pag-unawa sa mga liham ni Pablo, tulad ng sa aklat ng Mga Taga-Roma, ay nangangailangan ng kamalayan sa sosyal at relihiyosong pamumuhay sa Imperyo ng Roma.

Kapag hindi isinaalang-alang ang mga kontekstong ito, maaaring maiba ang pakahulugan ng mga mensahe. Ito ang kahalagahan ng wastong pag-unawa ng konteksto sa pag-aaral ng mga katuruan ng Bibliya.

4) Limitado ang pang-unawa ng tao.

Heroes: Komunikasyon sa pagitan ng dalawang tao
Karapatang-ari: Canva

Hindi madaling unawain ang Bibliya dahil limitado lamang ang pang-unawa ng tao.

Sa Isaias 55:8-9, binibigyang-diin ang katotohanang ang mga kaisipan ng Diyos ay higit sa kaisipan ninuman. Patunay itong may hangganan ang pananaw ng tao.

Tulad ng pinupunto ni Pablo sa 1 Mga Taga-Corinto 2:14, ang mga espirituwal na bagay ay nangangailangan ng espirituwal na pang-unawa. Isa rin itong patunay ng limitadong kakayahan ng tao sa paghinuha ng mga mensahe ng Bibliya.

4 Kahalagahan ng Pag-unawa sa Bibliya

1) Nagtataguyod ito ng espiritwal na pundasyon.

Ang pag-unawa sa Bibliya ay mahalaga sa pagtatatag ng isang malakas na pundasyong espirituwal.

Binibigyang-diin sa Mga Kawikaan 2:6 na ang tunay na karunungan at kaalaman ay nagmumula sa Diyos. Patunay ito ng kahalagahan ng pag-unawa ng Bibliya sa espiritwal na paglago.

Sa Mga Awit 119:105, inilalarawan ang Salita ng Diyos bilang ilawang nagpapaliwanag sa landas ng katwiran.

Sa Mateo 7:24-25, hinihimok ni Hesus ang pagbuo ng isang matatag na pundasyon, na nagpapakita ng pagkakatulad ng pagtatayo ng bahay sa bato at pamumuhay ayon sa mga aral ng Bibliya.

Samakatwid, ang malalim na pag-unawa sa Bibliya ay nagpapatibay ng iyong espiritwalidad.

2) Hinuhubog nito ang iyong mga moral at etikal na prinsipyo.

Heroes: Mayamang lalaking nagbigay ng limos sa isang matandang pulubi
Karapatang-ari: Canva

Ang pag-unawa sa Bibliya ay humuhubog sa iyong mga paniniwalang moral at etikal na gabay sa pag-uugali.

Binibigyang-diin sa Mga Kawikaan 2:6 na ang banal na karunungan ay tumutulong sa pagkilala ng tama mula sa mali, na nakatutulong sa pagdebelop ng matuwid na karakter.

Katulad nito, ang Sampung Utos, na matatagpuan sa Exodo 20, ay naglalaman ng mga etikal na prinsipyong humubog sa moral na balangkas ng iba’t ibang kultura.

Panghuli, ang mga turo ni Hesus, lalo na ang Sermon sa Bundok (Mateo 5–7), ay naglalarawan ng mga pamantayang etikal tulad ng pag-ibig, kapatawaran, at pakikiramay.

Tunay na ang malalim na pag-unawa sa Bibliya ay nagtataguyod ng moral na gabay na nakaugat sa banal na karunungan at panghabambuhay na katuruang etikal.

3) Pinaiigting nito ang iyong relasyon sa Diyos.

Heroes: Lalaking naglalakad kasama ni Hesus
Karapatang-ari: Canva

Ang pag-unawa sa Bibliya ay nagtataguyod ng mas malalim na relasyon sa Diyos, na nagsisilbing tulay upang makipag-ugnayan sa kabanalan.

Hinihikayat ng Santiago 4:8 ang mga mananampalatayang lumapit sa Kanya dahil siguradong tutugon Siya.

Sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, ang patnubay ng Diyos ay madarama sa anumang oras.

Tampok sa Juan 15:7 ang kahalagahan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos para sa isang malalim na koneksyon. Binibigyang-diin nito ang katotohanang ang pagtalima ng puso sa mga banal na katuruan ay nagpapaigting ng relasyon sa Kanya.

Samakatwid, ang lubos na pag-unawa sa Bibliya ay nagtataguyod ng makabuluhan at nakapagpapabagong relasyon sa Manlalalang.

4) Nakatutulong ito sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

Heroes: Lalaking yakap-yakap ang Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Ang pag-unawa sa Bibliya ay nagbibigay-gabay sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay.

Pinapayo ng Mga Kawikaan 3:5-6 na magtiwala sa Panginoon nang buong puso, umaasa hindi sa iyong sariling pang-unawa kundi sa Kanyang karunungan at gabay.

Bilang karagdagan, inilalarawan ng Mga Awit 119:105 ang Banal na Kasulatan bilang tanglaw sa iyong landas. Idinidiin nito ang kahalagahan ng Salita ng Diyos sa buhay.

Panghuli, hinihikayat ng Santiago 1:5 na magtamo ng banal na karunungan, na nagpapatibay sa katotohanang ang Bibliya ay nagsisilbing gabay sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Dahil sa taglay nitong karunungang walang hanggan, ang Bibliya ay nagsisilbing gabay at pahinga sa gitna ng kaguluhan.

5 Piling Sikreto sa Pag-unawa ng Bibliya

1) Gamitin ang Banal na Kasulatan nang may pagpapakumbaba at pagiging bukas.

Heroes: Lalaking nananalangin bago magbasa ng Bibliya
Karapatang-ari: Therapy for Christians

Ang paggamit ng Bibliya nang may pagpapakumbaba at pagiging bukas ay ang pangunahing sikreto sa pagtuklas ng mga katotohanan nito.

Sa Mateo 18:4, itinuturo ni Hesus ang kahalagahan ng pagpapakumbaba, na nagsasabing ang mga nagpapakumbaba sa kanilang sarili ay itataas.

Ang Mga Awit 25:9 naman ay nagbibigay-diing ang mapagpakumbabang Diyos ay ginagabayan ka nang may katwiran at tinuturo ang Kanyang landas.

Panghuli, inilalarawan sa Santiago 1:21 ang nakapagpapabagong kapangyarihan ng Salita ng Diyos kapag tinanggap ito nang may kaamuan. Mahalaga ito para sa makabuluhang pag-aaral nito.

2) Hingin ang karunungan at gabay ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Heroes: Mga kamay sa posisyon ng pananalangin sa isang bukas na Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Ang pagdarasal para humingi ng karunungan at gabay mula sa Diyos ay isang malaking tulong sa pag-unawa ng Bibliya.

“Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya’y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat” (Santiago 1:5, MBBTAG).”

“Sapagkat ang Panginoon ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa” (Mga Kawikaan 2:6, SND).”

Tunay na sa pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, naiaayon ang iyong puso sa Kanyang kalooban, na nagsusulong ng mas malalim na pag-unawa sa mga katuruan ng Bibliya.

3) Pag-aralan ito base sa konteksto.

Heroes: Salitang salvation sa diksyunaryo
Karapatang-ari: Canva

Ang pag-aaral ng Bibliya ayon sa konteksto ay mahalaga para sa paghinuha ng mga mensahe at katuruan nito.

Sa 2 Timoteo 2:15, pinayuhan ni Pablo si Timoteo tungkol sa tapat na pagtuturo ng katotohanan, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng tumpak na interpretasyon ng Bibliya.

Sa Lucas 24:27, si Hesus mismo, habang naglalakad kasama ang mga alagad sa daan patungong Emmaus, ay ipinaliwanag ang Banal na Kasulatan sa konteksto ng lahat ng isinulat tungkol sa Kanya.

Sumatutal, ang pag-unawa sa konteksto ay nagbibigay-daan sa pagkilala ng inilaang kahulugan ng Bibliya upang maiwasan ang maling interpretasyon.

4) Paghambing-hambingin ang mga kasulatan.

Heroes: Koleksyon ng mga Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Ang paghahambing-hambing ng mga kasulatan ay mahalagang diskarte para sa pag-unawa ng Bibliya.

Sa Isaias 28:10 (SND), ipinakikita sa prinsipyo ng “paisa-isang linya at paisa-isang aralin” ang pagkakaugnay-ugnay ng mga turo sa Bibliya.

Ang pagkakaugnay-ugnay na ito ay nagbibigay-daan sa cross-referencing sa pagitan ng mga sipi, na nagpapalawig ng pang-unawa.

Ganito ang eksena sa Mga Gawa 17:11, kung saan sinuri ng mga taga-Berea ang Banal na Kasulatan araw-araw upang mapatunayan ang mga turong kanilang natanggap.

Ang ganitong pamamaraan ay naggagarantiya ng holistikong pag-unawa sa pamamagitan ng pagtutugma-tugma ng iba’t ibang sipi upang magpahiwatig ng isang mensahe.

5) Matuto mula sa mga mapagkakatiwalaang iskolar at guro.

Heroes: Dalawang taong nag-aaral ng Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Ang matuto mula sa mga pinagkakatiwalaang iskolar at guro ay nakatutulong sa makabuluhang pag-unawa sa Bibliya.

Binibigyang-diin ng Mga Kawikaan 9:9 ang halaga ng paghahanap ng kaalaman mula sa matatalino. Sa konteksto ng pag-unawa sa Bibliya, mga maaasahang iskolar at guro ng Bibliya ang nagsisilbing gabay mo.

Sa pagkikita ni Filipos at ng lalaking taga-Etiopia sa Mga Gawa 8:30-31, naipapakita ang papel ng isang guro sa paggabay ng interpretasyon ng isang bagay.

Ang eksena sa Efeso 4:11-12 ay nagpapakita rin ng kahalagahan ng mga hinirang na guro ng Diyos para sa pagsasanay at pagtutuwid ng mga mananampalataya.

Tunay na sa pamamagitan ng pagkonsulta sa mga eksperto sa Bibliya, mabibigyang-kalinawan ang mga kumplikadong tema ng Banal na Kasulatan.

Nais Magbahagi ng Mga Opinyon at Natutuhan?

Anu-ano ang iyong natutuhan mula sa artikulong ito tungkol sa pag-unawa sa Bibliya?

Ibahagi ang iyong mga saloobin sa mga komento sa ibaba.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *