Nilalaman

Ang Heroes ay Nagmula sa Isang Kakaibang Ideya—Ano Ito?

Nais mo bang malaman kung paano nilikha ang Heroes: The Bible Trivia Game? Maniniwala ka bang nagmula ito sa isang kakaibang ideya?

Sa artikulong ito, ating:

  • Kilalanin ang 2 matatalinong nakaisip ng kakaibang ideyang iyon
  • Alamin kung ano ang kakaibang ideyang ito at kung paano ito naging inspirasyon sa paglikha ng Heroes
  • Pumulot ng mga aral mula sa simulain ng proyektong ito

Sinu-sino Ang 2 Pasimuno ng Kakaibang Ideyang Ito?

Sam Neves

Heroes: Si Sam Neves

Sa kasalukuyan

Si Neves ang pangalawang direktor ng komunikasyon sa General Conference of Seventh-day Adventists. Pinangangasiwaan niya ang pagpapalaganap ng mga programa ng iglesya.

Sulyap sa kanyang nakaraan

Ipinanganak si Neves sa Brasil kung saan niya ginugol ang kanyang kabataan.

Sa kanyang paglaki, naging abala siya sa pagbuo ng mga bagong simbahan kasama ng kanyang mga magulang. Ito ang nagmulat sa kanya sa gawain ng iglesya sa murang edad.

Nagtapos siya ng isang batsilyer na digri sa pag-aaral ng teolohiya sa Centro Universitário Adventista de São Paulo (UNASP) noong 2004. Itong rin ang kanyang kinuhang paham na digri sa Newbold College noong 2006.

Pagkatapos nito ay naging abala siya sa gawain ng simbahan. Naglingkod siya sa Stanborough Park Church bilang pangalawang pastor para sa komunikasyon mula Hulyo 2005 hanggang Enero 2016.

Halos 11 taon din ito. Sa loob ng panahong ito, naglingkod siya sa mahigit 60 nasyonalidad hanggang sa lumipat siya sa Estados Unidos noong 2015.

Mula 2016, nanilbihan na siya bilang pangalawang direktor ng komunikasyon sa General Conference.

Nasaan ang Heroes sa kanyang buhay? At ano ang kakaibang ideyang tinutukoy kanina? Aalamin natin maya-maya lamang.

Sam Gungaloo

Ang Heroes ay Nagmula sa Isang Kakaibang Ideya—Ano Ito?

Si Gungaloo ay isa pang ministro ng ebanghelyo. At marahil ay napansin mong magkapareho sila ng unang pangalan ni Neves.

Ang kanyang kasalukuyang trabaho

Mula noong Enero 2020, si Gungaloo ay naglingkod sa Washington Conference of Seventh-Day Adventists. Tumutulong siya sa mga serbisyong pangkomunidad at panlipunan nito.

Ang kanyang nakaraan

Tulad ni Neves, kumuha rin si Gungaloo ng paham na digri sa teolohiya mula sa Newbold College.

2007 siya nagsimula sa paaralang ito, isang taon mula nang grumadweyt si Neves. Umalis siya noong 2012 at nagtapos noong 2013.

Nagkita at nagkakilala kaya sila sa eskwelahan noong mga panahong ito? Malay natin.

Sa pagpapatuloy, sinimulan ni Gungaloo ang kanyang ministeryo sa South England Conference noong Marso 2013. Naglingkod siya sa mga simbahan ng Stevenage, Welwyn Garden City, Watford Town, Weston-super-Mare, Taunton, Yeovil, at Holloway hanggang Disyembre 2018.

Ngayon, nasaan ang Heroes sa kanyang buhay? At ano nga ulit ang kakaibang ideya? Iyan ang susunod nating tatalakayin.

Ang Kakaibang Ideya

Ang inspirasyon

Ni Sam Neves

Heroes: Si Steve Jobs
Karapatang-ari: Wikipedia

Ang bantog na si Steve Jobs ang inspirasyon ni Pastor Sam. May natuklasan si Sam sa buhay ni Jobs na may kaugnayan sa ating kasalukuyang sitwasyon.

Inilarawan kasi ni Jobs ang kanyang kumpanya, ang Apple, bilang kumpanyang walang pagkakakilanlan. May 2,000 empleyado raw itong gumagawa ng mga kompyuter nang hindi alam ang dahilan at layunin.

Tulad nito, ang iglesyang Adventista, ayon kay Sam, ay bigo ring magpakilala ng malinaw na imahe nito sa mga bagong henerasyon. Samantala, ang Apple ngayon ay matagumpay at tila natagpuan na ang personalidad nito.

Paano nangyari iyon?

Naglunsad si Jobs ng proyektong nagbagong-bihis sa Apple mula sa kaloob-looban nito, dagdag ni Neves. Ito ang dahilan sa kung ano ito ngayon.

Buod ni Jobs, madali lamang daw matagpuan ang pagkakakilanlan. Kailangan mo lamang paalalahanan ang mga tao kung sinu-sino ang kanilang mga bayani.

Dahil dito, napagtanto ni Sam na itinadhana para sa kanya ang kanyang trabaho sa kumperensya. Dapat niyang paalalahanan ang kasalukuyang henerasyon kung sino ang tunay nilang mga bayani.

Ang mga bayaning ito ay hindi raw iyong nagmula sa mga pambatang kwentong ibinabahagi sa pambatang Sabbath School. Sa halip, galing sila sa mga kwento ng Bibliya mismo at lahat ng kanilang mga detalye.

Ni Sam Gungaloo

Heroes: Salitang 'unemployed' na naputol
Karapatang-ari: Canva

Si Gungaloo ay walang trabaho sa loob ng ilang buwan pagkagradweyt noong 2013.

Ani niya, nakapanghihina ito ng loob. Nag-aral siya sa loob ng 5 at 1/2 taon. Nagtapos ng batsilyer at paham na digri. Nagbabad sa iskrin, mga libro, silid-aklatan, at iba pa. Gumastos pa ng pera.

Ngunit pagkatapos ng lahat ng iyon, naging mahirap ang kapalaran, tipong umaasa na lamang siyang magiging maganda ang susunod na kabanata.

Kinalaunan, pinayuhan siya ng kanyang inang makipag-usap sa kanilang pastor sa Wimbledon International Seventh-Day Adventist Church. Iyon nga lang, ayaw niyang magtrabaho sa isang simbahan kasama ang ina.

Ang unang pagkikita

Heroes: Pagkakamayan
Karapatang-ari: Canva

Bagaman hindi gusto ni Gungaloo ang ideya ng kanyang ina noong una, tinawagan na rin niya ang pastor ng kanilang simbahan. At oo, si Pastor Sam Neves nga iyon!

Sa di-inaasahang pagkakataon, inanyayahan siya ni Pastor Neves para sa isang panayam. Kahit na nag-aalangan, sumipot siya dahil kailangan niya ng trabaho.

Sa kanilang pagkikita at pag-uusap, napansin ni Gungaloo na si Pastor Neves ay ambisyoso rin tulad niya. Inilarawan niya siya bilang isang taong may matibay na paniniwalang kaya niyang baguhin ang mundo.

Akala ni Gungaloo siya lamang ang taong ganoon. Nakagugulat daw na narito ang isa pang may kaparehong pag-iisip at pananaw sa buhay.

Dinala siya ni Neves sa isang mundo kung saan ang tanging hamon upang umunlad ay tahakin ang imposible. Ikanga, kalangitan lamang ang limitasyon.

Ngayon, ano ang kakaibang ideyang kanina pa nababanggit?

Ang kolaborasyon

Heroes: Kolaborasyon para sa isang proyekto
Karapatang-ari: Canva

Naghangad sina Neves at Gungaloo ng isang bagay kung saan ang mga tao ay uuwi ng tahanang may dalang inspirasyon upang gumawa ng pagbabago sa buhay.

Sa proseso ng kolaborasyon, natuklasan nilang pareho silang mahilig manood ng TED Talks. Gusto nila ang ideya ng pagbabahagi ng kaalaman ng isang taong bihasa sa isang tema o disiplina.

Ang bawat tagapagsalita ay may malalim na karanasan sa kanyang paksa. Dahil dito, nagkakaroon siya ng awtoridad, sinseridad, at pananabik sa pagbabahagi ng kanyang paksa.

Isa pa, ang bawat paksang tinatalakay ay talagang kapaki-pakinabang, napapanahon, at nakaeengganyo. Ang mensahe ay tumatagos sa kaibuturan ng konsyensya kung kaya’t nakahihikayat ng pagbabago ng pananaw.

Nais nina Neves at Gungaloo gamitin ang ideyang ito sa isang bagay na epektibong manghihikayat sa mga taong pag-aralan ang Bibliya. At iyon ang kakaibang ideya—kakaiba dahil paano mo nga naman magagamit ang paraang iyon upang kumbinsihin ang mga taong galugaring maigi ang Salita ng Diyos?

Ang Resulta

Paglalatag ng konsepto

Nagkasundo sina Neves at Gungaloo na ipokus ang kanilang proyekto sa mga karakter ng Bibliya.

Nilayon nilang bigyan sila ng nararapat na pagkakataong makilala base sa kani-kanilang kwento sa Bibliya. Ipapakita nila ang mga ito bilang mga kwentong lipas na ngunit kawiwilihan ng mga kabataan.

Heroes: Mga aklat ng mga kwento sa Bibliya
Karapatang-ari: Wikipedia

Ngunit ang pinakamahalagang layunin ay ang makita nila ang kanilang mga sarili sa mga karakter na iyon, iyong mapagtanto nilang ang mga bayani ng Bibliya ay nagkamali at nagkasala rin.

Bukod diyan, iyong malamang hindi kailangang magkaroon ng mga kapangyarihan dahil Diyos lamang ang mayroon nito. Ikaw ay tao lamang na may kapintasan ngunit maaaring gamitin ng Diyos para sa Kanyang kaharian, dagdag ni Vanesa Pizzuto sa punto ni Gungaloo.

Pagsasakatuparan ng kakaibang ideya

Ang Heroes ay Nagmula sa Isang Kakaibang Ideya—Ano Ito?
Karapatang-ari: Canva

Sina Neves at Gungaloo ay naglunsad ng isang serye ng ebanghelyo sa London. Ngunit napagtanto nilang hindi epektibo ang mga tradisyunal na pamamaraan ng pangangaral upang makapagpabago ng buhay ng mga tao.

Kaya naisip nilang isama ang mga konseptong napagkasunduan nila tungkol sa mga karakter ng Bibliya. Pinangalanan nila ang kanilang proyekto bilang “Heroes, the Series.”

Sa simula, ayon kay Gungaloo, hindi ito nagustuhan ng mga tao dahil kakaibang paraan ito ng pag-eebanghelyo. “Kakaibang ideya” ikanga.

Buti na lamang at may natagpuan si Neves na isang pintor upang gumuhit ng malaking larawan ni Dabid na 12–13 talampakan ang taas. Inilarawan nito si Dabid na may mga kalamnan, tabak, at kalasag.

Sa tulong ng biswalisasyong ito, kinalaunan ay naging mas interesado na ang mga tao sa pangangaral ng 2 pastor na ito.

Dahil dito, naging mas madali para sa mga mangangaral na itong mag-imbita ng mga tao upang dumalo sa krusada. Ito rin naman talaga ang layunin ng Heroes, ang maging daan sa pagbabagong-buhay ng mga tao.

Ganito nagsimula ang Heroes na hindi pa ganap na laro noong panahong ito.

Anu-anong Aral Ang Itinuturo ng Kolaborasyong Ito?

1) Alam ng Diyos ang pinakamainam.

Heroes: Si Hesus yakap ang isang lalaki
Karapatang-ari: Adobe Stock

Nais ni Gungaloo na magtrabaho agad bilang ministro ng ebanghelyo pagkagradweyt sa kolehiyo. Pormal na trabaho ang kanyang target.

Ayaw niya ng anumang proyektong hindi pasok sa gayong seting. Ngunit tulad ng natunghayan natin sa kanyang kwento, nakilala niya si Pastor Neves.

At dito nagsimula ang kanilang kolaborasyon para sa paglikha ng Heroes. Nagtugma ang kanilang mga kaalaman, kasanayan, at pagnanasang bumuo ng kakaibang ideya hanggang sa maisakatuparan ito.

Dahil dito, natutuhan ni Gungaloo maging mapagpakumbaba upang isantabi ang kanyang personal na plano at hayaang manguna ang Diyos na nakakaalam ng pinakamahusay para sa Kanyang mga manggagawa at ministeryo.

2) Suportahan natin ang isa’t isa.

Heroes: Inang pinagagaan ang loob ng anak
Karapatang-ari: Canva

Naharap sa hamon sina Neves at Gungaloo sa paglikha ng Heroes. Ngunit ang nagpatibay sa kanila, bukod sa pagmamahal sa kanilang ginagawa, ay ang suporta sa isa’t isa.

Kapag pinanghihinaan ng loob ang isa, pinalalakas siya ng isa, at kabaligtaran. May pagmamalaking binanggit ni Gungaloo na hindi sila tumigil sa pagpapalakas ng isa’t isa hanggang sa matupad ang kanilang pangarap.

Ito rin ang nais ng Diyos na ugaliin natin.

3) Ang ebanghelyo ay hindi lamang pisikal.

Heroes: Finifilm ang isang pagsamba
Karapatang-ari: Canva

Pagsisimba. Pag-aawitan nang magkakasama. Pananalanging magkakasama. Harap-harapang pangangaral at pakikinig. Banggitin mo nang lahat!

Ngunit salamat sa Internet dahil pwede nang gawin ang mga ito kahit hindi magkakasama. Maaari nang gamitin ang mga selpon, kompyuter, at iba pang mga gadyet upang pag-aralan at ipangaral ang Salita ng Diyos.

Lalo na sa panahong ito ng pandemya, mahalaga ang digital na pangangaral, ayon kay Gungaloo. Sa ganitong paraan, maipapangaral ang Diyos sa anumang paraang maaari Siyang mangusap.

May mga taong mas napaaabutan ng mensahe sa pamamagitan ng mga gadyet na deiskrin kaya mainam gamiting plataporma iyon upang akayin sila sa paanan ng krus.

Marami pang lugar ang hindi napaaabutan ng ebanghelyo. Ngunit ang magandang balita ay inako na iyon ng Diyos para sa atin. Ang dapat na lamang nating gawin ay abutin ang mga iyon gamit ang mga napapanahong pamamaraan ng pangangaral.

Sa bagay na ito, isa lamang ang Heroes sa napakaraming kagamitan para sa digital na pangangaral.

Ibahagi Ang Iyong Mga Ideya!

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Ano ang saloobin mo tungkol sa kakaibang ideyang naging daan sa kung ano ang Heroes ngayon? Gayundin, ano ang masasabi mo sa kolaborasyon nina Sam Neves at Sam Gungaloo?

Ipahayag ang mga ito sa mga komento sa ibaba.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *