Naisip mo na ba kung ano ang buhay maging disipulo at apostol ni Hesus?
Sa artikulong ito, kilalanin ang 12 disipulo (na naging apostol kinalaunan) at ang kanilang:
- Pamumuhay bago nakilala si Hesus
- Mga karanasan kapiling Siya sa Kanyang ministeryo
- Pagbabagong-buhay mula sa pagiging mga disipulo tungo sa pagiging mga apostol ni Kristo
- Mga aral na kanilang natutunan
Sinu-sino Ang Labindalawang Lalaking Ito?
Nasa Mateo 10:2-4 ang kanilang mga pangalan:
- Simon Pedro
- Andres
- Santiago, ang anak ni Zebedeo
- Juan
- Felipe
- Bartolome
- Tomas
- Mateo
- Santiago, ang anak ni Alfeo
- Hudas, ang anak ni Alfeo
- Simon, ang Zelote
- Hudas Iscariote
Anong Buhay Mayroon Sila Bago Nakilala si Hesus?
1) Simon Pedro
Sa likod ng kanyang pangalan
Marahil kilala mo na siya bilang Simon, Pedro, o Simon Pedro. Ngunit alam mo bang tinawag din siya ni Hesus na Cefas (Juan 1:42)?
Bakit?
Ito’y dahil alam ni Hesus na magkakaroon siya ng mahalagang papel sa pagtatatag ng iglesyang Kristiyano1.
Ngayon, ang pangalang Simon Pedro ay nagmula sa Petros, isang salitang Griyegong nangangahulugang “bato” gaya ng Cefas2.
Saan siya nakatira?
Si Pedro ay nagmula sa Betsaida at Capernaum (Mateo 8:5-17; Juan 1:44).
Sinu-sino ang mga kapamilya niya?
Ang kanyang ama ay si Jonas at ang kanyang kapatid ay si Andres (Juan 1:40, 21:15).
Ano ang kanyang hanapbuhay?
Si Pedro ay isang mangingisda sa Capernaum kasama nina Andres, Santiago, at Juan (Mateo 4:18-21).
Sa kasamaang-palad, ang mga lalaking ito ay hindi nakakain ng kanilang sariwang huli dahil kailangan nilang ibigay ito sa maniningil ng buwis upang ibenta sa mayayamang mamimili. Bilang kapalit, ang nakukuha lamang nila ay mga naprosesong isda mula sa ibang lugar3.
Ano ang mararamdaman mo kung isa ka sa mga mangingisdang ito? Ipaglalaban mo ba ang iyong karapatan?
Bukod dito, alam mo bang si Pedro ay naging tagasunod ni Juan Bautista? Sinasabi sa Juan 1:35 na kasama ng mambabautismong ito ang dalawa sa kanyang mga disipulo—sina Pedro at Andres (mga talata 40-42).
2) Andres
Saan nagmula ang kanyang pangalan?
Ang pangalan ni Andres sa Griyego ay Andreas. Nagmula ito sa salitang-ugat na aner o Andros na nangangahulugang “lalaki.”
Sinu-sino ang kanyang mga kapamilya?
Si Jonas ang kanyang ama at si Pedro ang kanyang kapatid (Juan 21:15).
Saan siya lumaki?
Si Andres ay lumaki sa Betsaida at Capernaum (Mateo 8:5-17; Juan 1:44).
Ano ang kanyang ikinabubuhay?
Tulad ng kanyang kapatid na si Pedro, si Andres ay isang mangingisda sa Capernaum (Mateo 4:18-21).
3) Santiago (Zebedeo)
Sino siya sa pangalan at katungkulan?
Ang Santiagong ito ay iba kay Santiagong anak ni Alfeo.
Upang matukoy ang kaibahan niya sa ikalawang Santiago, ang mga manunulat ng Ebanghelyo ay tinatawag siyang Santiago, ang kapatid ni Hesus.
Ang kanyang pamilya
Ang Santiagong ito ay anak ni Zebedeo. Si Juan na Minamahal ang kanyang kapatid (Mateo 10:2-4, 17:1).
Alam mo ba ang kanyang hanapbuhay?
Tulad nina Pedro at Andres, si Santiago ay isa ring mangingisda sa Capernaum (Mateo 4:21). Nangingisda siya nang hikayatin ni Hesus maging disipulo4.
4) Juan
Saan nagmula ang kanyang pangalan? Ano ang ibig sabihin nito?
Ang Juan ay nagmula sa Hebreong pangalang Yohanan. Nangangahulugan itong “ang Diyos ay mabuti”12.
Sa ibang salin, ito ay nagpapahiwatig na “napakabuti ng Diyos” o “napakabait ni Jehova”5. Tumutukoy rin ito sa “kaloob ng Diyos”6.
Sinu-sino ang bumubuo ng kanyang pamilya?
Ang ama ni Juan ay si Zebedeo at ang kanyang kapatid ay si Santiago (Mateo 10:2-4; Marcos 3:16-19).
Ano ang kanyang hanapbuhay?
Tulad ng nabanggit kanina, si Juan ay mangingisda rin gaya ng kapatid niyang si Santiago (Mateo 4:21).
Kasama rin niya sina Pedro at Andres sa hanapbuhay na ito. Ito ang pamumuhay niya hanggang sa tawagin siya ni Hesus maging Kanyang alagad (Lucas 5:1-11).
5) Felipe
Ano ang kahulugan ng kanyang pangalan?
Nagmula ang pangalang Felipe sa Philippos, salitang Griyegong nangangahulugang “mahilig sa mga kabayo.”
Maaaring iniisip mong siya si Felipe, ang ebanghelistang binanggit sa Mga Gawa 8:5-6 at 21:8. Hindi! Ang Felipeng ito ay isang disipulo at apostol.
Saan siya nanggaling?
Si Felipe ay nagmula sa Betsaida (Juan 1:44), ang bayan din nina Pedro at Andres.
Mangingisda rin ba siya?
Si Felipe ay isang mangingisda tulad ng karamihan sa ibang mga disipulo (Juan 1:43-51).
6) Natanael (Bartolome)
Pag-aralan natin ang kanyang pangalan.
Ang pangalan ni Natanael ay nagmula sa salitang Griyegong bartholomaios na nangangahulugang “anak ni Talmai.” Si Talmai ang hari ng Geshur noong panahong ito (2 Samuel 3:3).
Saan siya nagmula?
Si Natanael ay nagmula sa Cana sa Galilea, kung saan tinawag ni Hesus ang Kanyang unang mga disipulo (Juan 1:43-51).
7) Tomas
Ang Tomas ay nagmula sa parehong pangalan sa Griyego at sa Arameong salitang te’oma, na pawang nangangahulugang “kambal”2.
Kaya naman, madalas na tinutukoy ng mga manunulat ng Ebanghelyo si Tomas bilang “Didimo” o “Kambal” (Juan 11:16, 20:24, 21:2, MBBTAG).
8) Levi Mateo
Ang kanyang pamilya
Ayon sa Marcos 2:14, si Levi Mateo ay isa sa mga anak ni Alfeo. Maliban dito, walang gaanong binabanggit ang Bibliya tungkol sa kanyang pamilya.
Ano ang naging papel niya sa lipunan?
Marahil alam mo nang si Mateo ay isang maniningil ng buwis. Tama! Sa katunayan, sa ganitong hanapbuhay siya nadatnan ni Hesus nang anyayahan siyang maging Kanyang disipulo (Mateo 9:9-13).
9) Santiago (Alfeo)
Alamin kung ano ang nasa likod ng kanyang pangalan.
Isa pang Santiago! Hindi, iba ito kay Santiagong anak ni Zebedeo. Ito ay isa pang anak ni Alfeo (Marcos 3:16-19).
Ang kanyang pangalan ay nagmula sa salitang Griyegong mikros na nangangahulugang “mas kaunti” o “maliit.” Dahil dito, ang tawag sa kanya ng mga manunulat ng Bagong Tipan ay “Mas Mababa,” “Mababa,” “Maliit,” o “Mas Bata.”
Saan siya tumira?
Siya ay isinilang at lumaki sa Galilea7.
10) Hudas (Alfeo)
Tuklasin ang mga katotohanan tungkol sa kanyang pangalan.
Isa na namang pangalang may kapareha! Huwag malito. Ang Hudas na ito ay hindi si Hudas Iscariote (Juan 14:22).
Siya ay anak ni Alfeo at kapatid ni Santiagong Mas Mababa (Mga Gawa 1:13).
Bukod sa Hudas Alfeo, siya rin ay pinangalanang Hudas Tadeo at Lebeo (Mateo 10:2-4; Marcos 3:16-19).
Kamag-anak siya nino?
Binabanggit sa Judas 1:1 (ABTAG2001) ang ganito: “Si Hudas, na alipin ni Hesu Kristo at kapatid ni Santiago.”
Ngayon, iniuugnay ng Galacia 1:19 (ABTAG2001) si Santiago kay Hesus. Sinasabi nito, “Ngunit wala akong nakita sa mga ibang apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.”
Samakatwid, si Hudas ay maaaring isa sa mga kapatid ni Hesus.
11) Simon (Zelote)
Sinu-sino ang mga kapamilya niya?
Binanggit sa Mateo 13:55 (SND), “Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang Kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang Kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas?”
Samakatwid, maaaring isa rin si Simon sa mga kapatid ni Hesus.
Saan siya tumira?
Si Simon ay nanirahan sa Galilea7.
Ano ang kanyang pinagkaabalahan?
Si Simon ay isang mangangalakal at miyembro ng Hudyong sektang tinatawag na Zelote. Ang mga lalaking ito ay nasa rebolusyon kung saan hinahanap nila ang Mesiyas na magpapabagsak sa Roma8.
12) Hudas Iscariote
Tuklasin ang kasaysayan ng kanyang pangalan.
Ang pangalang Hudas Iscariote ay nanggaling sa Hebreong terminong Ish Keriot na nangangahulugang “isang lalaki mula sa Keriot.”
Sa katunayan, siya ay nagmula sa Keriot, timog ng Huda (Josue 15:25).
Sino ang kanyang ama?
Si Simon Iscariote ang ama ni Hudas (Juan 6:71).
Kamusta Naman Sila Kasama ni Hesus sa Kanyang Paglilingkod?
1) Simon Pedro
Ang kanyang buhay bilang alagad
Nalaman mo kaninang si Pedro ay naging disipulo ni Juan Bautista. Ngunit sa pamamagitan ng pangangaral nito, nagpasiya siyang sumunod kay Hesus4.
Bilang tagasunod ni Hesus, si Pedro ay kabilang sa Kanyang pinakamatatalik na kaibigan kasama nina Santiago at Juan. Sa pamamagitan nito, nakita niya ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng kanyang Guro.
Naroon siya sa pagbabagong-anyo ni Hesus (Lucas 9:28). Nakita rin niya Siyang manalangin sa hardin ng Getsemani (Mateo 26:36-46).
Nais mo rin bang masaksihan ang mga ito nang personal?
Ngunit si Pedro ay may mga kapintasan at hamon ding pinagdaanan.
Halimbawa, dahil sa pagmamataas at takot, halos malunod siya habang naglalakad sa tubig kasama si Hesus (Mateo 14:28-33). Itinakwil din niya ang kanyang Guro nang makilala siya ng isang babae bilang Kanyang disipulo (Lucas 22:54-62).
Sa kabila nito, si Pedro ay binago ng pag-ibig ni Hesus. Siya ay naging isang tapat na alagad at mangangaral.
Ang kanyang buhay naman bilang apostol
Si Pedro ay nagmisyon para sa mga Hudyo (Mga Gawa 10:9-48, 11:19-30). Kasama niya si Pablo na naglingkod naman sa mga Hentil9.
Sila ay pawang magpapatotoo para kay Kristo sa sanlibutan. Magdadanak sila ng dugo upang maging binhi ng napakaraming ani ng mga santo at martir.
Si Pedro ay hinatulan at ipinako sa krus ngunit hindi sa paraan tulad ng ginawa kay Hesus dahil pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat. Sa halip, nagpapako siya nang patiwarik10.
Akalain mo iyon? Isang malaking sakripisyo!
2) Andres
Tulad ni Pedro, si Andres ay naging disipulo rin ni Juan Bautista (Juan 1:40-42).
Sa pamamagitan ng pangangaral ni Juan Bautista, nagpasiya si Andres na sumunod kay Hesus. Inanyayahan pa niya si Pedro, at sila ay naging Kanyang unang dalawang disipulo.
Bilang kasama ni Hesus, nakita ni Andres ang karamihan sa Kanyang mga himala. Ang isa ay noong pinakain Niya ang limanlibong lalaki sa pamamagitan lamang ng “limang tinapay at dalawang isda” (mga talata 1-14 ng kapitulo 6, ASND).
3) Santiago (Zebedeo)
Si Santiago ay kabilang sa pinakamatatalik na alagad ni Hesus kasama nina Pedro at Juan. Dahil dito, nasaksihan niya ang karamihan sa Kanyang mga paglilingkod at pansariling mga gawain (Mateo 26:36-46; Lucas 9:28).
Gayunman, tulad ni Pedro, mayroon din siyang mga kapintasan at pagsubok sa buhay. Halimbawa, ang kanyang init ng ulo ay nag-udyok sa kanyang tumawag ng apoy mula sa langit nang ang isang nayon sa Samaria ay tumangging bigyan si Hesus ng isang lugar na matutuluyan (Lucas 9:54).
4) Juan
Ano ang kanyang mga karanasan bilang alagad?
Tulad nina Pedro at Santiago, si Juan ay kabilang sa tatlong pinakamatatalik na kaibigan ni Hesus. Nasaksihan niya ang Kanyang pagbabagong-anyo, pagpapagaling, at iba pang mahahalagang gawain (Mateo 17:1-13; Marcos 5:35-43; 1 Mga Taga-Corinto 9:5).
Kung isa ka sa mga disipulo ni Hesus, gusto mo rin bang maging bahagi ng grupong ito?
Bukod dito, malapit si Juan kay Hesus. Siya ay laging umuupong nakahilig sa dibdib ng kanyang Guro sa hapagkainan (Juan 13:23). At nag-uusap sila tungkol sa kahit anong bagay hangga’t gusto nila. Sila nga’y matalik na magkaibigan.
Gayunman, si Juan ay nagkaroon din ng mga hamon sa ministeryo ni Hesus. Gaya ng nabanggit kanina, sinubukan ni Santiago na tumawag ng apoy mula sa langit upang sunugin ang masasamang Samaritano. Naroon din si Juan at tulad ng kanyang kapatid, galit na galit din siya (Lucas 9:54).
Gayunpaman, binago ng pag-ibig ni Hesus si Juan. Siya ay naging isang mapagmahal, mapagmalasakit, at responsableng alagad at kaibigan. Halimbawa, tinanggap niya ang bilin ni Hesus na alagaan ang inang si Maria nang Siya ay mamatay (Juan 19:26-27).
Ano naman ang buhay niya bilang apostol?
Si Juan ay isang aktibong ebanghelista.
Dahil dito, humarap siya sa isang pag-uusig sa ilalim ng Imperyo ng Roma. Hinamon siya ng emperador na maligo sa kumukulong langis at uminom ng lason1112.
Paano kung mangyari rin sa iyo ang pag-uusig na ito?
Sa kabila nito, patuloy na ipinangaral ni Juan ang doktrina ni Kristo nang may sigasig at tagumpay13.
Dahil dito, kinundena siya ng emperador ng Roma dahil sa “Salita ng Diyos” at sa Kanyang patotoo (Apocalipsis 1:9)14.
At niutos na ng Romanong emperador ang kanyang pagpapatapon sa pulo ng Patmos.
Nag-iisa man sa Patmos, masaya si Juan sa mga oras na kasama niya ang Diyos doon. Nakita niya sa mga pangitain ang mga pangyayaring magaganap sa hinaharap. Malalaking digmaan, lindol, malulubhang karamdaman, at marami pang iba—nakita niya ito lahat15.
5) Felipe
Tinawag ni Hesus si Felipe sa tabi ng Dagat ng Galilea. Inanyayahan din ni Felipe ang kanyang kaibigang si Natanael (Juan 1:43-51).
Ang isa sa mahahalagang kontribusyon ni Felipe sa ministeryo ni Hesus ay ang paghahanap ng pagkain para sa limanlibong tao (mga talata 1-14 ng kapitulo 6).
Pamilyar ka ba sa kwentong ito?
Bukod dito, nakiisa rin siya sa pagtitipon ng mga apostol sa Herusalem upang manalangin matapos umakyat ni Hesus sa langit (Mga Gawa 1:13).
6) Natanael (Bartolome)
Walang masyadong binabanggit ang Bibliya tungkol kay Natanael bilang isang disipulo.
Ngunit kasama siya ni Hesus sa marami sa Kanyang mga gawain at ministeryo. Halimbawa, lahat ng labindalawang disipulo ay naroon sa Huling Hapunan (Mateo 26:17-29).
Bilang apostol naman, si Natanael ay naging misyonero sa Armenya sa loob ng maraming taon. Ang kanyang simbolo ay may tatlong magkakapantay na kutsilyo7.
7) Tomas
Walang gaanong impormasyon ang Bibliya tungkol kay Tomas.
Ngunit mayroong siyang isang katangian at karakter na alam na alam ng karamihan sa atin—ang kanyang pagiging mapagduda.
Halimbawa, hindi siya agad naniwalang nabuhay na si Hesus hanggang sa nakita niya Siya pagkaraan ng isang linggo (Juan 20:24-29).
8) Levi Mateo
Si Mateo ay isang maniningil ng buwis. Siya’y nasa ganitong gawain nang imbitahan siya ni Hesus na sumama sa Kanya. At nanatili siya sa hanapbuhay na ito bilang alagad Niya (Mateo 9:9-13).
9) Santiago (Alfeo)
Si Santiago ang unang nakasaksi sa muling pagkabuhay na Kristo (1 Mga Taga-Corinto 15:7).
Naroon din siya sa pulong ng mga apostol sa Herusalem nang dumating ang Banal na Espiritu sa anyo ng mga dilang apoy (Mga Gawa 2:1-13).
10) Hudas (Alfeo)
Wala tayong masyadong alam tungkol kay Hudas Tadeo bilang isang disipulo dahil wala gaanong binanggit ang Bibliya tungkol sa kanya.
Ngunit bilang apostol, siya ay isang aktibong misyonero. Nangaral siya sa Mesopotamya, Hudea, Samarya, Sirya, at Libya8.
11) Simon (Zelote)
Wala masyadong impormasyon ang Bibliya tungkol kay Simon bilang disipulo.
Ngunit kasama siya ni Hesus sa Kanyang pagpapagaling, pangangaral, at iba pang ministeryo. Siguradong naroon din siya sa Huling Hapunan dahil kumpleto ang labindalawang disipulo roon (Mateo 26:17-29).
12) Hudas Iscariote
Si Hudas Iscariote ay malapit kay Hesus. Nakita niya ang karamihan sa Kanyang mga himala at narinig ang Kanyang mga turo. Ngunit nakalulungkot na nadaig siya ng tuksong pagtaksilan si Hesus.
Ipinagbili niya Siya sa halagang 30 pirasong pilak. At bago ang paglilitis, binigyan niya Siya ng isang nakaiinsultong halik (Mateo 26:15, 49)
Gayunpaman, nakaramdam si Hudas ng pagsisisi sa kanyang ginawa.
Nang mabalitaan niya ang pagkapako kay Kristo sa krus, tinangka niyang ibalik ang perang natanggap niya para sa pagtataksil sa Kanya. At siya’y nagbigti (mga talata 3-10 ng kapitulo 27).
Ano Ang Mga Natutuhan Nila Kay Hesus?
1) Ang pagiging tagasunod ni Hesus ay panghabambuhay na pagtatalaga.
Noong Siya ay nasa lupa, tinawag ni Hesus ang Kanyang 12 alagad na “mga disipulo,” na nangangahulugang mga estudyante. Nang Siya ay umakyat sa langit, tinawag Niya silang “mga apostol,” na nangangahulugan namang mga mensahero.
Kung iyong mapapansin, may proseso ang pagsunod kay Hesus. Una, mag-aaral at matututo ka sa Kanyang mga katuruan at prinsipyo. Pagkatapos ay hahayo ka upang mangaral.
Ngunit hindi ito nagtatapos dito. Ang pagsunod kay Hesus ay panghabambuhay na pagtatalagang kinasasangkutan ng pagkatuto, paglago, at pagpapatotoo tungkol kay Cristo.
Handa ka bang sumunod kay Hesus ngayon?
2) Manatiling mapagpakumbaba anuman ang mangyari.
Sa panahong kasama Niya ang mga disipulo, nagturo at nagpakita si Hesus ang pagpapakumbaba.
Siya ay Diyos. Ngunit Siya ay nagkatawang-tao, dinanas ang kahinaan ng tao, at kinilala ang pangangailangan sa Diyos Ama. Palagi Siyang nananalangin para sa patnubay, proteksyon, at karunungan mula sa langit.
Gayundin, naglingkod si Hesus sa mga tao. Pinagaling Niya ang mga maysakit, nag-alok ng kapatawaran sa mga nangangailangan nito, at hinugasan pa ang mga paa ng Kanyang mga disipulo tulad ng isang alipin.
Gaya ng sinasabi sa Filipos 2:3-5 (MBBTAG-DC), “Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang.” Sa halip, “ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong saril.”
3) Kontrolin ang iyong simbuyo.
Ang galit nina Santiago at Juan sa mga Samaritano ay maaaring magdulot din ng galit ni Hesus. Gayundin, ang pagkakanulo nina Hudas at Pedro sa Kanya ay maaaring maging dahilan upang tanggihan din Niya sila.
Ngunit hindi hinayaan ni Hesus na madaig Siya ng Kanyang emosyon. Sa halip, pinagsabihan Niya ang mga nagtaksil sa Kanya nang may pagmamahal, pagkamahinahon, at pagtitiis. Tunay na marunong Siyang magpigil.
Kaya naman ika’y mag-ingat kapag ikaw ay galit. Pag-aralan muna ang iyong damdamin at timpla ng ulo bago tumugon.
Sabi nga sa Mga Kawikaan 15:1 (MBBTAG): “Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit, ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit.”
Kaya mo ba itong gawin? Syempre hindi. Ngunit sa tulong ng Diyos, makakaya mo rin.
4) Isabuhay ang iyong mga sinasabi.
Makikinig ka ba sa taong nagpapayo tungkol sa isang bagay na hindi pa niya naranasan? Susundin mo ba ang kanyang payo?
Tingnan mo si Hesus. Hindi lamang Siya nangaral kundi ipinamuhay din Niya ang Kanyang mga turo.
Palagi Siyang nagtuturo tungkol sa kahalagahan ng pananalangin. Totoo nga, palagi Siyang nakikita ng mga alagad na nakaluhod at isinusuko ang lahat sa Diyos Ama.
Gayundin, ipinangaral Niya ang tungkol sa bunga ng Espiritu (Galacia 5:22-23). At oo, naipamalas Niya ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili sa buong buhay Niya.
Bilang liksyon, isakabuhayan ang iyong pinangangaral. Ikanga, “ang gawa ay higit na mas maimpluwensya kaysa sa salita.”
5) Ang iyong halaga ay higit kaysa sa nakikita sa panlabas na kaanyuan.
Hindi kailanman minaliit ni Hesus ang sinumang makasalanan.
Gaanuman katigas ang ulo ng karamihan sa Kanyang mga disipulo maging ng ibang mga taong nakasalamuha Niya, sa kanilang puso tumingin si Hesus. Hindi Siya nabulag ng kanilang panlabas na pagpapamalas upang makita ang kanilang kakayahang magbago.
Balikan natin ang ilan sa mga alagad.
Sino ang mag-aakalang ang mapagmataas at walang pananampalatayang si Pedro ay naging mapagpakumbaba at tapat na apostol? Gayundin, biruin mong ang masungit na si Juan ay naging matiyaga at mapagmahal na ebanghelista!
Gayundin naman, sa kabila ng hindi mabubuting ipinamamalas mo sa panlabas, nakikita ng Diyos ang kabutihan ng iyong puso at kakayahang magbago kung iyong gugustuhin.
6) Magtiwala sa Diyos nang walang pag-aalinlangan.
Maraming beses na nabigo si Pedro sa pagsubok na ito.
Gayundin, madalas na pinagdudahan ni Tomas si Hesus kahit may mga patunay na.
At noong mabagyong gabi ng kanilang pamamangka, ipinagpalagay ng mga alagad na pinabayaan na sila ni Hesus.
Lahat sila ay pinanghinaan ng pananampalataya. Ngunit hindi sila kailanman binigo ni Hesus.
Kung gayon, magagawa ka rin ba Niyang iwan?
Kaya naman, “magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan” (Mga Kawikaan 3:5, ASND).
Ano sa Palagay Mo?
Ano ang masasabi mo sa artikulong ito?
Nasiyahan ka bang tunghayan ang kanya-kanyang buhay ng labindalawang disipulo hanggang sila’y italagang mga apostol? Gusto mo rin bang maging kagaya nila?
Kanino sa mga apostol mo nakikita ang iyong sarili? Sa paanong paraan? Ano ang iyong natutuhan mula sa kanya?
Upang alamin pa ang buhay ng mga disipulo at apostol ni Hesus, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kani-kanilang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin sila sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.
- Behind the Name, 2020 [↩] [↩]
- Christian, 2020 [↩] [↩] [↩]
- Oakman, sa Deni Rene YouTube Channel, 2017 [↩]
- Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 584-94 [↩] [↩]
- She Knows, 2021 [↩]
- Rubia, 2017 [↩]
- Bible Info [↩] [↩] [↩]
- Overview Bible [↩] [↩]
- Ellen White, The Story of Redemption, 315 [↩]
- Ellen White, The Story of Redemption, 316.1 [↩]
- Wilson, 2020 [↩]
- Early Christian Writings, 2021 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 70.1 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 431.5 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 432.2 [↩]