Itinuturing nating “maganda sa loob at labas” ang mga kababaihang kaakit-akit ang panlabas na kaanyuan at kaaya-aya ang pag-uugali. Sa Bibliya, si Ester ay isa sa kanila.
Sa artikulong ito:
- Tuklasin ang 7 katangiang nagpapatunay na si Ester ay maganda sa loob at labas
- Tukuyin ang mahahalagang aral mula sa kanyang kwento
Ngunit bago iyan, alamin muna natin ang kanyang pagkatao at kwento.
Sino si Ester sa Bibliya?
Ang pinagmulan at kahulugan ng kanyang pangalan
Ang pangalang Ester ay hango sa stāra, isang lumang salitang Persyanong nangangahulugang “bituin.”
Gusto mo bang magkaroon ng ganitong pangalan?
Pero alam mo bang Hadasa ang tunay na pangalan ni Ester sa Hebreo?
Ito ay nangangahulugang “mirto”1. Nagpapahiwatig din ito ng isang bituin dahil ang mirto ay isang berdeng palumpong na may mga bulaklak na hugis bituin.
Napakagandang pangalan!
Ang kanyang pamilya at tirahan
Si Ester ay anak ni Abihail at inampong anak ng kanyang pinsang si Mardokeo na tagapayo ni Haring Ahasuerus1.
Sina Ester at Mardokeo ay nagmula sa henerasyon ng mga Hebreong binihag at dinala ni Nabucodonosor sa Babilonya mahigit 100 taon ang nakalipas.
At sa kabila ng panawagan sa kanilang bumalik sa Huda (Isaias 48:20; Jeremias 50:8), sila lamang sa mga Israelita ang nanatili sa Persya.
Kaya pareho silang nanirahan sa Susa (Shushan), isa sa mga kabiserang lungsod ng Persya sa silangan ng Babilonya (Ester 2:5).
Ang kanyang kwento
Ang patimpalak ng kagandahan
Nakasali ka na ba sa isang patimpalak ng kagandahan sa iyong lokalidad o sa pambansa at pandaigdigang lebel? Kung oo, napakalaking karangalan nito. Ngunit ang mga hamon ay hindi biro.
Paano naman kung ikaw ay napili lamang bilang isa sa mga kandidato? Hindi na kailangang mag-awdisyon o ano pa man.
Ganito ang karanasan ni Ester.
Si Haring Ahasuerus ay naghahanap ng babaeng papalit kay Reyna Vasti, na sumuway sa kanya sa pamamagitan ng hindi pagdalo sa kanyang piging (Ester 1–2).
Isa si Ester sa mga kababaihang dinala sa palasyo ng hari. Doon, sila ay sinanay at inalagaan ni Hegai, ang bating ng hari, bago sila humarap sa hari (mga talata 8-14 ng kapitulo 2).
Napili bilang bagong reyna
Noong ika-10 buwan, dinala na si Ester sa hari.
“Lubos na nabighani ang hari [sa kanya] at inibig niya ito nang higit sa ibang babae” (Ester 2:17, MBBTAG). Tunay na siya’y maganda sa loob at labas.
At oo, si Ester nga ang kinoronahang reyna. Nagbunga ang lahat ng kanyang paghahanda.
Bilang pagdiriwang, nagdaos ng isang piging ang hari. Idineklara niya ang araw na iyon bilang bakasyon sa buong lalawigan. Binigyan din niya siya ng mga maharlikang regalo (talata 18).
Ang planong lipulin ang mga Hudyo
5 taon matapos ang koronasyon, si Aman ay itinalaga bilang punong tagapayo ng hari (Ester 3).
Masamang balita ito para kay Mardokeo dahil si Aman ay galit sa kanya sa hindi niya pagluhod o pagbibigay-pugay sa kanya (mga talata 2-4).
Dahil dito, nais ni Aman na patayin si Mardokeo. Ngunit nang malamang ang kanyang mga kababayan ay mismong mga Hudyo, humanap siya ng paraan para lipulin silang lahat (mga talata 5-6).
Sinabi niya sa hari, “May mga taong nakakalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian. Ang kanilang kautusan ay kaiba sa bawat ibang bayan at hindi nila sinusunod ang mga kautusan ng hari; kaya’t walang pakinabang ang hari na sila’y pabayaang magpatuloy” (talata 8, ABTAG2001).
Nakumbinsi ni Aman ang haring lagdaan ang utos na lipulin ang lahat ng mga Hudyo (mga talata 9-11). Lingid sa kanilang kaalamang kabilang si Ester sa mga ito.
Kung gayon, ano sa tingin mo ang mangyayari kay Ester?
Ang pangangailangang mamagitan para sa mga Hudyo
Hiniling ni Mardokeo kay Ester na mamagitan siya para sa mga Hudyo (Ester 4). Ngunit ang problema ay walang sinuman sa palasyo ang nakaaalam na siya ay isang Hudyo dahil ito ay lihim.
Isa pa, ayon sa isang tuntunin ng palasyo, ang sinumang makipagkita sa hari nang hindi inaanyayahan ay papatayin maliban kung iabot niya ang kanyang gintong setro sa kanya (talata 11). At sa katunayan, isang buwan na siyang hindi pinapatawag ni Haring Ahasuerus.
Ngunit pinaalalahanan ni Mardokeo si Ester, “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Hudyo” (talata 13, MBBTAG).
Ipinagpatuloy niya, “Sapagkat kahit na manahimik ka sa panahong ito, may ibang tutulong at magliligtas sa mga Hudyo, pero ikaw at ang mga kamag-anak mo ay mamamatay. Baka nga kaya ka ginawang reyna ay para mailigtas mo ang kapwa mo mga Hudyo” (talaga 14, ASND).
Bagamat mangangahulugan ito ng panganib sa kanyang buhay, tinanggap ni Ester ang hamon.
Sinabi niya kay Mardokeo, “Tipunin mo ang lahat ng Hudyo rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito’y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay” (talata 16, MBBTAG).
Napakatapang ni Ester, ano?
Pagpapatupad ng plano
Dumating na ang araw na pinakahihintay. Wala nang atrasan.
Nag-ayuno at nanalangin si Ester upang maghanda para sa araw na itong babago ng kasaysayan. Nag-ayos siya at sinigurong maganda ang kasuotan at gayak.
Pumasok na siya sa palasyo ng hari. Nakapagtatakang ang hari ay nasiyahan sa kanyang biglaang pagdalaw at iniabot sa kanya ang kanyang setro.
Tinanong niya, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian” (Ester 5:3, MBBTAG).
Ngunit sa halip na ibunyag kaagad ang kanyang lihim, pinairal ni Ester ang kanyang katalinuhan at isinantabi muna ang kanyang petisyon.
Inanyayahan niya siya at ang kanyang tagapayong dumalo sa isang piging na inihanda niya. Pinaunlakan naman nila ito.
Sa unang piging, pinagaan muna ni Ester ang loob ng hari upang makuha ang kanyang tiwala. Gayunpaman, napagpasyahan niyang hindi pa oras para ibunyag ang lahat.
Inanyayahan niya sila sa isa pang piging kinabukasan. Sa pagkakataong ito, ipinasaDiyos na niya ang lahat (mga talata 7-8).
Sa ikalawang salu-salong ito, ibinunyag na ni Ester sa hari, “Kung kalulugdan ng hari, ipagkaloob sa akin ang aking buhay ayon sa aking pakiusap at ang aking mga kababayan ayon sa aking kahilingan” (talata 3 ng kapitulo 7, ABTAG2001).
Ipinagpatuloy niya, “Sapagkat kami ay ipinagbili, ako at ang aking bayan upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin. Kung kami ay ipinagbili lamang bilang mga aliping lalaki at babae, ako’y tumahimik na sana, sapagkat ang aming kapighatian ay hindi dapat ihambing sa mawawala sa hari” (talata 4, ABTAG2001).
Sa wakas, isiniwalat na ni Ester na si Aman ang may-akda ng masamang balak laban sa mga Hudyo. Labis itong ikinagalit ng hari at ikinatakot ni Aman.
Ang masayang pagwawakas
Iniutos ng haring ibayubay si Aman sa mismong tulos na ginawa niya para kay Mardokeo (Ester 7:9-10).
Di nagtagal, si Mardokeo ay itinalagang kapalit ni Aman bilang punong tagapayo. Pagkatapos, gumawa sila ni Ester ng bagong kautusang hindi lamang magliligtas sa mga Hudyo kundi mag-iingat din sa kanila laban sa mga kaaway (mga talata 8 at 11 ng kapitulo 8).
At sa ikadalawampu’t tatlong araw ng ikatlong buwan, ang kautusan ay nilagdaan at ipinatupad sa lahat ng 127 probinsya mula India hanggang Etiopia. Idineklara rin ito sa Susa (mga talata 9 at 14).
Isa itong panahon ng kaligayahan, kagalakan, at karangalan para sa mga Hudyo.
7 Patunay na si Ester ay Maganda sa Loob at Labas
1) Siya ay napakaganda at kaaya-aya.
Si Ester ay isang napakagandang dalaga1.
Tulad ng natunghayan natin sa kuwento kanina, si Haring Ahasuerus ay naakit sa kanya “higit kaysa lahat ng mga babae” (Ester 2:17, ABTAG2001).
Bukod sa pisikal na kagandahan, si Ester ay kahanga-hanga at magiliw ring kasama—tunay siyang maganda sa loob at labas.
Hindi kataka-takang nagustuhan siya ng bating ng hari. Nakuha niya ang kanyang tiwala upang mabigyan ng espesyal na mga pagkain at tulungan sa paghahanda sa patimpalak (talata 9).
Gayundin, ang kahusayang makitungo at kagandahang-loob ni Ester ay nagdulot sa kanya ng pagkamit ng maharlikang pabor at pagkareyna kapalit ng dating reynang si Vasti1.
2) Siya ay mapagpakumbaba at magalang.
Sa pag-anyaya sa hari at sa kanyang tagapayong dumalo sa piging, kinakitaan si Ester ng pagkamagalang.
Sinabi niya, “Kung mamarapatin ng mahal na hari, pumaroon [siya] at si Aman [sa araw na ito] sa [piging] na aking inihanda sa kanya” (Ester 5:4, MBBTAG at ABTAG1978).
Gayundin, kung hindi dahil sa paggiit ni Mardokeo, malamang hindi siya tutungo sa hari nang walang pahintulot gayong ipinagbabawal ito ng palasyo (talata 11 ng kapitulo 4).
At kahit nakuha na niya ang tiwala ng hari upang isiwalat ang kanyang lihim, nagpakumbaba pa rin siya at naging magalang sa kanyang kahilingan.
Sinabi niya, “Kung kalulugdan ng hari, ipagkaloob sa akin ang aking buhay ayon sa aking pakiusap at ang aking mga kababayan ayon sa aking kahilingan” (talata 3 ng kapitulo 7, ABTAG2001).
Kahanga-hangang dalaga!
3) Siya ay wais.
Bumalik tayo sa eksena ng unang piging (Ester 5).
Sa pribadong oras na ito kasama ang hari at ang kanyang tagapayo, maaaring ibunyag sa kanila ni Ester ang kanyang kahilingan. Ngunit, tulad ng iyong natunghayan sa kuwento kanina, hindi muna niya isiniwalat ang sikreto.
Sa halip, ginamit niya itong pagkakataon upang makuha muna ang loob ng hari kaya napilitan itong bigyan siya ng pabor kapalit ng imbitasyon sa piging (kapitulo 7).
4) Siya ay masunurin at nagpapasakop.
Gaya ng iyong nabasa kanina, sina Ester at Mardokeo ay nagmula sa lahi ng mga Hebreong binihag at dinala sa Babilonya noong panahon ni Nabucodonosor1.
Dahil dito, pinayuhan niya ang dalagang huwag ihayag sa palasyo ang kanyang pagkakakilanlan at pinagmulan ng pamilya bilang isang Hudyo. Kapag ginawa niya ito, malalagay sa panganib ang kanyang buhay.
Tinupad ito ng dalaga (Ester 2:10).
Isa pang halimbawa ng pagsunod ni Ester ay ang hindi niya pagpapakita sa hari kapag hindi inaanyayahan, malibang ituro sa kanya ng hari ang kanyang setro.
Ginawa niya lamang ito dahil iminungkahi ito ni Mardokeo para sa isang mabuting layunin—ang iligtas ang mga Hudyo mula sa pakana ni Aman (mga talata 13-14 ng kapitulo 4).
5) May malasakit siya sa mga tao sa kanyang paligid.
Maaaring gamitin ni Ester ang kanyang kapangyarihan at awtoridad para sa katanyagan at karangyaan. Madali ring magpakasasa sa mga pakinabang at pribilehiyo ng maharlikang pamumuhay.
Ngunit hindi niya kinalimutan ang kanyang mga kapwa-Hudyo. Ginamit niya ang kanyang posisyon upang iligtas sila mula sa pakana ni Aman (Ester 5–7).
Kahanga-hangang tunay ang kanyang ginintuang puso at malasakit sa kanyang bayan.
6) Handa siyang makipagsapalaran.
Noong una, nag-alinlangan si Ester na tanggapin ang payo ni Mardokeo na humingi ng petisyon sa hari para sa mga Hudyo. Ayaw rin naman niyang labagin ang patakaran ng palasyong nagbabawal sa sinumang magpakita sa hari kapag walang imbitasyon.
Ngunit nagbago ang kanyang isip at buong tapang na tinanggap ang hamon gaanuman ito kamapanganib.
Wika niya, “Tipunin mo ang lahat ng Hudyo rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito’y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay” (Ester 4:16, MBBTAG).
Ganitong tapang din ang kanyang ipinamalas nang lumapit siya sa hari at inihain ang kanyang petisyon (kapitulo 5).
7) Nanatili siyang tapat sa Diyos.
Gayong nasa mga kamay ni Ester ang kapalaran ng mga Hudyo, marahil pakiramdam niya ay sa kanya umiikot ang mundo. Anuman ang mapagpasyahan niyang gawin ay magdudulot ng isang permanenteng pagbabago sa kasaysayan.
Ang krisis na kinaharap ni Ester ay nangangailangan ng agaran at sinserong pagkilos; ngunit napagtanto nila ni Mardokeo na malibang Diyos ang kumilos sa kanilang kalagitnaan, ang kanilang sariling mga pagsisikap ay hindi magiging kapaki-pakinabang2.
Isinuko niya ang lahat sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin kasama ni Mardokeo at ng iba pang mga Hudyo.
Sa panahong tila walang kapangyarihan ang makapagliligtas sa kanila, si Ester at ang mga babaeng kasama niya, sa pamamagitan ng pag-aayuno, pananalangin, at agarang pagkilos, ay natugunan ang isyu, at nagdala ng kaligtasan sa kanilang bayan3.
Ibahagi Ang Iyong Saloobin
Ano ang iyong mga natutuhan mula sa kwentong ito?
Ibahagi sa amin ang iyong saloobin sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.
Upang makilala pa si Ester, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanyang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin siya sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.