Nilalaman

Sinu-sino Ang “Mga Bayani” sa Pagdebelop ng Larong Heroes?

Kilala mo na ba ang mga tao sa likod ng pagdebelop ng larong Heroes? Marahil matagal mo na itong nilalaro ngunit di mo pa kilala ang mga lumikha nito.

Sa artikulong ito:

  • Tuklasin ang mga inspirasyon sa paglikha ng larong ito
  • Kilalanin ang “mga bayani” sa likod ng pagdebelop nito
  • Silipin ang proseso ng kanilang pagtatrabaho
  • Pumulot ng mga liksyon mula sa kanila at mga karanasan nila

3 Inspirasyon sa Paglikha ng Heroes

1) Konsepto ng pagkakakilanlan ni Steve Jobs

Heroes: Si Steve Jobs
Karapatang-ari: The Verge

Sa pagbalik ni Steve sa Apple, inilarawan niya ito bilang isang kumpanyang walang tiyak na pagkakakilanlan. 2,000 man ang bilang ng mga empleyado nito, hindi malinaw ang layunin ng paglikha nila ng mga kompyuter.

Ganitong problema rin ang napansin ni Sam, ang lumikha ng Heroes, sa iglesyang Adventista. Bigo rin daw kasi itong ipahayag ang tunay nitong imahe sa mga bagong henerasyon.

Ngunit kinalaunan, naglunsad si Steve ng kampanyang nagpabagong-bihis sa Apple. Dito ay napagtanto niyang madali lamang masumpungan ang pagkakakilanlan. Kailangan lamang paalalahanan ang mga tao kung sino ang kanilang mga huwaran.

Dahil dito, naging malinaw kay Sam kung ano ang kanyang layunin. Ito ay ang paalalahanan ang kasalukuyang henerasyong kung sino ang mga tunay na bayani.

Hindi raw ito iyong nagmula sa mga pambatang kwentong ibinabahagi sa Sabbath School ng mga bata. Sa halip, mga kwento ito mula mismo sa Bibliya kasama ng lahat ng kanilang mga detalye, dagdag ni Sam ayon sa Adventist Review.

2) Ang komisyon ng ebanghelyo

Heroes: Mangangaral sa simbahan
Karapatang-ari: Canva

Inspirasyon ni Sam ang atas ng ebanghelyo ng Diyos sa Marcos 16:15 (MBBTAG). Sinasabi sa talata, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao.”

Dinugtungan ito ni Apostol Pablo sa 1 Mga Taga-Corinto 9:22-23 (MBBTAG). Saad niya, “Sa piling ng mahihina, ako’y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang. Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito.”

Ang “lahat ng tao” ay tumutukoy sa ating lahat, kabilang ang mga manlalaro, paglilinaw ni Sam.

3) Pagyabong ng industriya ng paglalaro

Heroes: Naglalaro ng soccer video game
Karapatang-ari: Canva

Sa loob ng maraming taon, naging bilyun-bilyong dolyar na negosyo ang paglalaro ng video games, ayon sa Statista, isang websayt ng mga estatistika.

Nakita ito ni Sam bilang magandang pagkakataon upang ipakilala ang pinakadakilang Bayani ng lahat. Ilalahad ito sa wikang mauunawaan ng mga manlalaro.

Dagdag pa niya, naengganyo siyang gumawa ng laro dahil lahat halos ay mahilig maglaro. Kaya naman, magandang gawan ng laro ang ebanghelyo upang mailapit ang mga tao sa Bibliya.

Ang “Mga Bayani” sa Likod ng Pagdebelop ng Larong Heroes

1) Sam Neves

Heroes: Si Sam Neves

Ating napag-alamang si Sam nga ang may-akda ng Heroes: The Bible Trivia Game. Mas kilalanin pa natin siya.

Ipinanganak sa Brasil, namulat siya sa paglilingkod sa simbahan. Naging inspirasyon niya ito upang kumuha ng kursong teolohiya bilang batsilyer at paham na digri.

Pagkatapos ay nagpastor siya sa Stanborough Park Church mula 2005 hanggang 2016.

Saka naman siya nadestino sa General Conference of Seventh-day Adventists bilang pangalawang direktor ng komunikasyon. Pinangangasiwaan niya ang pagpapalaganap ng mga programa nito.

2) Arnaldo Oliveira

Heroes: Si Arnaldo Oliveira

Ang kanyang pagkakakilanlan at propesyon

Si Arnaldo ay isang negosyante, tagapangasiwa ng isang proyekto, kasangguni, at tagapamahala ng pananalapi mula sa Brasil.

Mula 2012 hanggang 2019, nagtrabaho siya bilang katulong at tagapangasiwa ng pananalapi at tagaplano ng proyekto para sa mga kumpanyang gaya ng MovinPixel Limited.

Naging kasangguni rin siya ng administrasyon at pinansiyal na pagtatala para sa SoftMagic Limited mula 2018 hanggang sa kasalukuyan.

Sa mga panahong ito hanggang sa kasalukuyan, naging isa siya sa mga tagapangasiwa ng mga proyekto ng departamento ng komunikasyon sa General Conference.

Kasabay nito, pinamahalaan din niya ang Center for Online Evangelism ng naturang institusyon.

Ang kanyang tungkulin sa Heroes

Si Arnaldo ang unang tagapamahala ng Heroes bago humalili sa kanya si Jefferson Nascimento noong 2020.

Pinangungunahan ni Arnaldo ang mga operasyon at pagpapaunlad ng proyektong ito. Siya ang nangangasiwa at nakikipag-ugnayan sa mga taong nagtatrabaho. Sinusuri at inaaprubahan niya ang bawat sulatin, grapiks, bidyo, at iba pa.

Tumutulong din siya sa paggawa ng mga tanong at pagsasalin ng mga ito sa iba’t ibang wika.

Ang lahat ng ito ay sinisiguro niyang natatapos sa takdang oras at inilaang salapi. Bukod pa rito, pinamumunuan din niya ang paglutas ng anumang suliraning maaaring umusbong.

3) Julio Flores and Jader Feijo

Ang kani-kanilang propesyon

Nakatira sa Denmark, si Julio ay isang software engineer na may karanasan sa industriya ng computer software.

Heroes: Si Julio Flores

Si Jader naman, na isinilang sa Brasil ngunit naninirahan sa London, ay nagsimulang magprogramming sa edad na 12. Sa pamamagitan nito, nakagawa siya ng programang namamahala ng pananalapi para sa kumpanya ng kanyang ama gamit ang Visual Basic.

Heroes: Si Jader Feijo

Natuto rin siya at nakakuha ng karanasan sa mahigit 14 na lenggwahe at plataporma ng pagpoprograma.

Bukod pa riyan, nagpakadalubhasa rin siya sa mga plataporma ng Apple upang bumuo ng mga programa para sa iOS at Mac gamit ang Objective-C at ang Cocoa.

Mula noong 2005, nakapagtrabaho siya sa mga kumpanya tulad ng Clicbusiness Software S.A., MovinPixel Limited, at Mobile and Connected Experiences.

Ang kani-kanilang ambag sa Heroes

Si Julio ang naging pangunahing debeloper na responsable sa pagkocode ng mga biswal na elemento at pagpoprograma ng mga nilalaman ng laro.

Ngunit hindi magiging kumpleto ang kanyang trabaho kung wala ang bahagi ni Jader—solutions architecture.

Pinangangasiwaan ni Jader ang lahat ng teknolohiya sa pagdebelop ng laro. Inaalam niya kung aling mga teknolohiya ang dapat gamitin upang paganahin at bigyang-buhay ito.

4) F4D Media

Ang F4D Media ay isang kumpanya ng digital na pagdidisenyo ng malilikhaing proyekto. Nakabase ito sa London.

Isa itong samahan ng mahuhusay na pintor, tagadisenyo, at tagaprogramang nakatrabaho na ng maraming internasyonal na kliyente sa loob ng maraming taon.

Isa ang Heroes sa mga kliyenteng ito. Ang mga grapiks at animasyong nakikita mo sa laro ay unang dinisenyo ng F4D.

Sulyap sa Pagdebelop ng Larong Heroes

Pagdebelop ng unang edisyon nito

Tulad ng ating nalaman kanina, ang Heroes ay nilikha dahil marami ang naglalaro. Isa pa, kailangang magkaroon ng laro para sa ebanghelyo upang turuan ang mga tao tungkol sa Bibliya.

Sa pamamagitan nito, nais ng grupong lumikha ng isang larong makabayani, dagdag ni Sam.

Para rito, nangangailangan ng debeloper, tagapangasiwa, pintor, at marami pang iba. Sa katunayan, napakasalimuot gumawa ng laro, pag-amin ni Sam. Maraming tao ang kailangang hikayating maglaan ng oras at lakas para rito.

Ang mga unang miyembro ng grupo ay nagtipun-tipon sa London upang bumalangkas ng mga tanong para sa laro. Dahil kakaunti lamang sila, hindi naging madaling hatiin ang kanilang mga oras para sa Heroes at mga personal na trabaho.

Halimbawa, ang tagapamahalang si Arnaldo ay nag-aaral para sa kanyang paham na digri noong panahong ito. Gayunpaman, kailangan niyang pamahalaan ang koponan, tinitiyak na ang lahat ng bagay ay nagagawa nang mahusay at natatapos sa takdang oras. Kinailangan pa niyang tumulong sa pag-iisip ng mga tanong.

Ngunit sa pagdating ng marami pang boluntaryo mula sa iba’t ibang bansa, matagumpay na nailathala ang unang edisyon ng Heroes. Napakalaking pagsubok nito, ayon kay Sam.

Nagresulta ito ng humigit-kumulang 10 milyong minuto ng interaksyon sa mga kwento ng Bibliya noong 2013.

Napagtanto ni Arnaldo na kapaki-pakinabang at napapanahon ang proyektong ito. Masaya rin siyang makita ang pagmamahal at dedikasyon ng mga miyembro ng organisasyon.

Tinawag pa niyang “himala” ang karanasan sa pagbuo ng larong ito dahil sa hirap ng pagtitipon ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar. Higit pa rito, isa itong proyektong hindi pa kailanman nagawa ngunit naging posible na.

Pagdebelop ng ikalawang edisyon

Inspirado ng unang bersyon

Tagumpay ang Heroes: The Game. Bilang unang larong nailathala sa larangan nito, ito ang naging inspirasyon ng pag-usbong ng iba pang mga larong Adventista.

Ngunit nagkaroon ng pambihirang oportunidad noong 2017.

Ayon sa pananaliksik, may 250,000 Google searches sa buong mundo para sa mga terminong “Bible trivia,” “Bible games,” at “Bible quizzes” kada-30 araw. Sa mga terminong ito, “Bible trivia” ang pinakamadalas saliksikin.

Nag-udyok ito sa grupong lumikha ng mas pinahusay na edisyon ng Heroes: The Game. Pero hindi lamang basta mas pinahusay na bersyon. Bagkus, nais ni Sam na gawin itong pinakamahusay na larong pangkaalaman sa Bibliya.

Pagtitipun-tipon upang magsimulang muli

Nagsimula nang magtrabaho para sa Heroes 2 ang grupo. Sa imahinasyon ni Sam, para itong pagtitipun-tipong muli ng mga miyembro ng Avengers.

Nais niyang ulitin mula simula ang trabaho. Ngunit dahil alam niyang hindi bayad ang proyektong ito, nag-alinlangan siyang tawagin muli si Arnaldo. Ngunit laking gulat niya nang pumayag ito at sabik pa ngang magsimula.

Tinawag din ni Sam si Jader at ang F4D Media na pareho ring nagpaunlak ng imbitasyon.

Kailangan din ng isang debeloper na maglalaan ng buong oras para sa proyekto. Ngunit dahil alam ni Sam na may trabaho rin sa Disney si Julio, paano niya siya mahihikayat na ibigay ang buong oras sa gawain ng Diyos?

Ngunit himala, tulad ni Arnaldo at ng iba pang tinawagan at pumayag, sabik na idineklara ni Julio na iyon mismo ang kanyang plano.

Hindi makapaniwala si Sam sa tugon ng mga taong ito. Inuna nila ang Diyos at pangalawa lamang ang kani-kanilang karera alang-alang sa pagdebelop ng larong ito.

Pagpaparami ng mga tauhan

Mula sa 4, ang grupo ng mga debeloper na ito ay umabot nang daan-daan. Sila ay naatasang lumikha, magsulat, magsalin, magcode, mag-animate, sumuri, maglathala, at marami pang iba.

Sa kabila ng kakulangan ng mga kagamitan noong una, nairaos pa rin nila ang pagdebelop ng larong ito. Napuri ni Sam si Arnaldo sa mahusay na pamumuno at pagsasaayos ng lahat.

Ang paglagong ito ay nagresulta sa ganitong estruktura:

1) Departamento ng Sining

Heroes: Nagdidisenyo ng laro
Karapatang-ari: Canva

Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ang departamentong ito ang nagsilbing gabay sa aspetong sining ng proyekto.

Mayroon itong 3D modeler na gumugol nang humigit-kumulang 2 linggo sa pagdisenyo ng bawat isa sa 12 karakter ng Bibliyang tampok sa laro.

Mayroon ding tagaguhit at tagapinta ng mga karakter upang gawan sila ng mga buto, kalamnan, at hugis upang makagalaw.

May isa pang tauhan para magbigay-buhay sa mga karakter na ito.

At marami pang ibang gawain gaya ng paggawa ng mga iskrin at pindutan.

Gaya ng ating natunghayan kanina, malaki ang naiambag ng F4D Media sa bagay na ito.

Naiisip mo ba kung gaano karaming oras at lakas ang ginugol para gawing posible ang lahat ng ito?

2) Departamento ng Pag-iinhinyero

Heroes: Pag-iinhinyero ng isang laro
Karapatang-ari: Canva

Ang pangkat namang ito ang nagpapagana ng mga dinisensyo ng naunang grupo.

May debeloper na gumagawa ng codes upang patakbuhin ang laro. Sa prosesong ito, inaalam niya kung paano ipoposisyon ang mga datos.

Ang iba pang mga miyembro ng pangkat na ito ay responsable sa paglikha at pagdaragdag ng mga himig, tunog, iskrin, at iba pa.

Sa pamamagitan nito, naging posible ang animasyong 3D at multiplayer na moda, ilan lamang sa napakaraming nagawa ng grupong ito.

Ngunit bukod sa pagkocode at pagdidisenyo, kinailangan ding makipag-ugnayan sa mga abogado upang asikasuhin ang mga legal na datos at pahintulot.

Napakarami nga talagang teknikal na hakbang para sa pagdebelop ng larong ito!

3) Departamento ng Pagpapalaganap

Pagkatapos ng pag-iinhinyero, ang laro ay kailangan nang iposisyon at ilathala sa merkado.

Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa halos 5,000 tsanel ng pagbabalita, mga plataporma ng sosyal midya, mga istasyon ng radyo, at iba pa.

Isa sa mga bagay na labis na ipinagpapasalamat ng grupo ay ang pagkakataong makapartner at maging tagapaglathala ang Hope Channel, ang opisyal na telebisyon ng Iglesia Adventista del Séptimo Día.

Heroes: Logo ng Hope Channel
Karapatang-ari: Hope Channel International

Sa pakikipagtulungan ng General Conference of Seventh-day Adventists, inilathala ng Hope Channel ang Heroes 2 noong Marso 25, 2021.

4) Departamento ng Pag-eebanghelyo

Ayon kay Sam, ang bawat larong nililikha ng iglesya ay may iisa lamang layunin. Ito ay hikayatin ang mga taong isuko ang kanilang mga sarili at ibigay ang kanilang mga buhay kay Hesus.

Dahil dito, hindi natatapos sa paglulunsad ang pagdebelop nitong Heroes. Kailangan din itong ibahagi sa ebanghelyo.

Heroes: Babaeng nagdarasal na may Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Sa tulong ng Hope Channel, nakapaglunsad ang Heroes ng isang modyul ng pag-aaral ng Bibliyang tinatawag na The Big Questions. Naglalaman ito ng mga sagot sa ilan sa mga karaniwang tanong tungkol sa Bibliya.

Dahil din sa pagtutulungang ito, nagkaroon ng serbisyong panalangin ang Heroes. Ikokonekta ka nito sa aming mga lingkod-panalanging handang tumulong anumang oras sa Messenger.

Ano Ang Matututuhan Natin sa Pagdebelop ng Larong Ito?

1) Ikababagsak ng isang grupo ang mababang istandard ng paggawa.

Heroes: Mahinang bahagi ng kadena
Karapatang-ari: Canva

Natutunan ni Sam mula kay Steve Jobs na hindi maaaring magdagdag ng isang karaniwang manlalaro sa isang koponan ng mahuhusay na manlalaro. Ang mahuhusay ay bihasa na samantalang ang pangkaraniwan ay kailangan pang hasain.

Ipinakikita nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga miyembrong handang makipagsabayan sa mataas na pamantayan ng pagtatrabaho.

Mas mabuti pang walang miyembro kaysa magkaroon ng kahit isa lamang miyembrong hindi bihasa dahil magiging pabigat lamang siya, dahilan upang mawalan ng gana ang buong koponan.

2) Gawin ang makakaya at Diyos ang bahala sa ibang bagay.

Heroes: Lalaki sa bingit ng bundok
Karapatang-ari: Canva

Sabi nga ng Nike, isang kilalang kumpanya ng mga sapatos, “just do it” (“gawin mo lang”).

Base rito, pinapayuhan tayo ni Sam na gawin ang makakaya at palalaguin ito ng Diyos. At uunlad ang proyekto.

Ang pagseseryoso sa paggawa ay nagdudulot ng malaking pagbabago.

3) Humanap ng mga taong handang makinig.

Heroes: Mga empleyadong nagtatrabaho
Karapatang-ari: Canva

May mga taong hihila sa iyo pababa. Sa halip na hikayatin at tulungan kang lumago, puro reklamo at pamumuna sa kamalian ang kanilang bukambibig.

Kung nagsisimula pa lamang ang proyekto, iwasan ang ganitong uri ng mga tao dahil para silang mga tinik na papatay sa binhi.

Sa halip, lumapit sa mga taong kayang magbigay-buhay sa iyong ideya. Kapag nasumpungan mo ang mga ito, parangalan sila at panatilihing ganado.

Magtrabaho at mangarap kasama nila dahil ibibigay nila ang pinakamakakaya nila para sa isang bagay na mahalaga.

Sa madaling salita, huwag sumuko sa hangarin. Lumayo lamang sa mga taong hindi makatutulong. Ilaan ang oras sa mga handang sumabay, pagtatapos ni Sam.

Ibahagi Ang Iyong Mga Saloobin!

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Ano ang natutuhan mo mula sa mga taong nasa likod ng pagdebelop ng larong Heroes at sa kanilang mga karanasan sa paggawa nito?

Ibahagi ang iyong mga saloobin sa mga komento sa ibaba.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *