Nilalaman

6 na Balo sa Bibliya at Mga Aral Mula sa Kanilang Mga Kwento

Sino sa mga balo sa Bibliya ang alam mo ang mga kwento?

Sa artikulong ito, kilalanin ang 6 na natatanging biyuda at mahahalagang aral mula sa kanilang mga kwento.

1) Rut

Sino siya?

Sa Hebrew, ang pangalang Rut ay nangangahulugang hindi tiyak1.

Si Rut, isang Moabita, ay isa sa mga manugang ni Naomi. Ang kanyang asawa ay si Mahlon. Ngunit siya ay nabalo kinalaunan.

Paano? Alamin natin.

Ang buod ng kanyang kwento

Heroes: Si Rut at ang kanyang pamilya
Karapatang-ari: Free Bible Images

Si Naomi at ang kanyang pamilya ay mga Efrata mula sa Betlehem sa Huda. Ngunit nagkaroon ng matinding taggutom sa Huda kaya lumipat sila sa Moab (Rut 1:1-2).

Sa kasamaang-palad, namatay si Elimelec habang nasa Moab, na iniwan si Naomi kasama ang kanyang 2 anak na lalaking sina Mahlon at Kilion (talata 3).

Sa pagpapatuloy ng buhay, pinakasalan ni Mahlon si Rut at napangasawa ni Kilion si Orpa. Ang mga mag-asawang ito ay nanirahang magkasama sa loob ng 10 taon (talata 4).

Nakalulungkot dahil pagkaraan ng mga taong iyon, namatay rin ang 2 lalaki. Naiwan si Naomi kasama ang kanyang 2 manugang na babae (talata 5). Dahil dito, silang tatlo ay pare-pareho nang mga balo.

Palibhasa’y nag-iisa, nagpasiya si Naomi na bumalik sa Betlehem. Sa kanyang 2 manugang na babae, si Rut lamang ang nagpasyang sumama sa kanya (mga talata 6-22).

Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang kwento?

Heroes: Sina Rut, Orpa, at Naomi
Karapatang-ari: Free Bible Images

Noong pabalik sa Huda si Naomi, nais sumama sa kanya nina Rut at Orpa.

Ngunit sinabi ni Naomi, “Bumalik na lang kayo sa inyong ina. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sa mabuti ninyong pakikitungo sa mga yumao ninyong asawa at sa akin. At loobin sana [Niyang] makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan” (Rut 1:8-9, ASND).

Gayunpaman, umiiyak na nagmakaawa ang dalawang babae.

Ngunit iginiit ni Naomi na dapat silang manatili. Wika niya, “Matanda na ako para mag-asawang muli” (talata 12, MBBTAG).

Dagdag pa niya, “Kahit na umaasa akong makakapag-asawang muli, o kahit pa ngayong gabi ako mag-asawa’t magkaanak, mahihintay ba ninyo silang lumaki?”

Nagtapos siya sa wikang, “Huwag, mga anak ko! Magdaramdam akong mabuti dahil sa inyo sapagkat ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa akin” (talata 13, ABTAG2001).

At nagpaalam na nga si Orpa kay Naomi.

Samantala, nagpasiya si Rut na sumama sa kanya, na nagsasabing, “Huwag mo akong [pakiusapang iwan ka] o talikuran ko na ang pagsunod sa iyo! Kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos” (talata 16, ABTAG2001).

Dagdag niya, “Kung saan ka [mamamatay] ay doon ako mamamatay, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin ng Panginoon sa akin at higit pa, kahit na ihiwalay ako ng kamatayan sa iyo” (talata 17, ABTAG2001).

Nang makita ang katapatan ni Rut, pumayag na si Naomi na sumama siya.

Samakatwid, itinuturo sa atin ng kwento ni Rut ang kahalagahan ng katapatan at pagtitiwala sa isang tao, at ng katatagan sa panahon ng pagsubok.

2) Ana

Pagkilala sa kanya

Heroes: Si Ana
Karapatang-ari: Free Bible Images

Pangalawa sa ating listahan ng mga kilalang balo sa Bibliya ay si Ana, ang anak ni Fanuel mula sa tribo ni Aser (Lucas 2:36).

Tulad nina Miriam, Debora, at Hulda (Exodo 15:20; Mga Hukom 4:4; 2 Mga Taga-Cronica 34:22), isa rin siyang propetesa (Lucas 2:36).

Nanirahan si Ana kasama ng kanyang asawa sa loob ng ilang taon. Ngunit kinalaunan, nabalo siya hanggang sa edad na 84 (mga talata 36-37)2.

Mahalagang pangyayari sa Bibliya kung saan siya naging bahagi

Heroes: Dedikasyon ng Sanggol na si Hesus
Karapatang-ari: Free Bible Images

Isang araw, nagpunta sina Jose at Maria sa templo upang ialay ang Sanggol na si Hesus sa Panginoon at mag-alay ng “isang tambal na batu-bato o dalawang inakay na kalapati” (Lucas 2:22-24, SND).

Sa templo ay may isang matuwid at debotong lalaking nagngangalang Simeon (talata 25).

Sinabihan siya ng Banal na Espiritung hindi siya mamamatay hanggat hindi niya nakikita ang Mesiyas. Kaya nang makita niya ang Sanggol na si Hesus, niyakap at pinagpala niya Ito (mga talata 26-28).

Ipinahayag niyang ang Sanggol na Ito ay itinakda para sa pagbagsak at pagbangong muli ng karamihan sa bayan ng Israel; at para sa isang tandang sasalungatin; (oo, isang tabak ang tatagos din sa iyong kaluluwa,) na ang mga kaisipan ng marami puso ay maihahayag3.

Ipinropesiya din niyang si Hesus ay magiging “liwanag na tatanglaw sa mga Hentil” at magbibigay-karangalan sa bansang Israel (Lucas 2:32, MBBTAG).

Nasaan si Ana sa sitwasyong ito?

Pumasok siya at pinagtibay ang patotoo ni Simeon tungkol kay Kristo. Habang nagsasalita ang propeta, ang mukha ni Ana ay nagliwanag sa kaluwalhatian ng Diyos4.

Mapalad dahil pinahintulutang makita si Kristo, nagpatotoo siya tungkol sa Kanya sa lahat ng taong naghihintay sa pagtubos ng Herusalem (Lucas 2:38).

Ano ang matututuhan natin mula sa kanya?

Heroes: Matandang babaeng nananalangin
Karapatang-ari: Canva

Maikli lamang ang kwento ni Ana. Sa katunayan, sa seremonya ng paghahandog ni Hesus lamang siya nabanggit.

Gayunpaman, sa pambihirang pagkakataong ito, malaki ang kanyang naiambag sa pagpapahayag ng pagdating ng Kordero ng Diyos, na mag-aalis ng mga kasalanan ng mundo sa pamamagitan ng Kanyang dugo.

Bukod dito, si Ana ay kinakitaan ng masigasig na paglilingkod sa Kanya bilang propetisa.

Sa kabila ng kanyang katandaan, hindi siya umalis sa templo, kung saan siya nag-ayuno at nanalangin araw at gabi. At gaya ng ating natunghayan kanina, nangaral siya tungkol kay Hesus sa mga taong naghihintay ng pagtubos sa Herusalem (Lucas 2:37-38).

Ang kwentong ito ay nagtuturo sa atin ng kahalagahan ng pagmamahal at dedikasyon sa gawain ng Diyos.

3) Abigail

Kilala mo ba siya?

Heroes: Abigail sa Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Nagmula sa Carmel, si Abigail ay biyuda ni Nabal, isang mayamang lalaki sa Maon na may lupain sa Carmel (1 Samuel 25:2-3, 27:3).

Kinalaunan, naging asawa siya ni Dabid, na nagbigay sa kanya ng anak na lalaking pinangalanang Daniel (hindi iyong ipinatapon sa Babilonya), na kilala rin bilang Kileab (1 Mga Taga-Cronica 3:1; 2 Samuel 3:3).

Bakit siya nabalo ni Nabal? Paano siya naging asawa ni Dabid?

Orihinal na ikinasal si Abigail kay Nabal. Sa kasamaang-palad, ang lalaking Calebitang ito ay “masungit at magaspang ang pag-uugali” (1 Samuel 25:2-3, MBBTAG).

Masungit at magaspang ang pag-uugali? Paano?

Ang mga tauhan ni Dabid nang tanggihan ni Nabal

Heroes: Mga sundalong naglalakad
Karapatang-ari: Canva

Sa Disyerto ng Paran, nabalitaan ni Dabid na ginugupitan ni Nabal ang kanyang mga tupa. Dahil dito, nagpadala siya sa kanya ng mensahe sa pamamagitan ng kanyang mga tauhan upang humingi ng kaunting pagkain (1 Samuel 25:4-8).

Ngunit nang dumating ang kanyang mga tauhan, tinanggihan sila ni Nabal, na nagsabing, “Sino ba si Dabid? Sino ba ang anak ni Jesse? Maraming mga alila sa mga araw na ito ang lumalayas sa kanilang mga panginoon” (mga talata 9-10, ABTAG2001).

Ipinagpatuloy niya, “Bakit ko naman ibibigay sa iyo ang tinapay, tubig, at karneng para sa mga manggugupit ng mga tupa ko, gayong hindi ko nga alam kung saang lupalop kayo nanggaling?” (talata 11, ASND).

Si Dabid nang makasalubong si Abigail sa daan patungo kay Nabal

Heroes: Si Abigail na namamagitan kina Dabid at Nabal
Karapatang-ari: JW.org

Nang mabalitaan ni Dabid ang nangyari, nagdesisyon siyang tumungo kay Nabal kasama ng 400 lalaki (1 Samuel 25:12-13).

Nang mabalitaan ni Abigail kung paano pinakitunguhan ni Nabal si Dabid at ang kanyang mga tauhan, palihim niyang sinalubong si Dabid at ang kanyang mga tauhan para bigyan sila ng pagkain (mga talata 14-19).

Lumuhod si Abigail sa paanan ni Dabid at humingi ng tawad para sa kanyang asawa. Tiniyak din niya sa kanyang ipaghihiganti siya ng Diyos laban kay Nabal nang hindi na kailangang lumaban (mga talata 23-31).

Si Dabid nang mapatunayang inosente laban kay Nabal

Heroes: Pagkamatay ni Nabal
Karapatang-ari: Free Bible Images

Bumalik si Abigail kay Nabal, na lasing matapos magdaos ng piging sa kanyang bahay (1 Samuel 25:36).

Kinaumagahan, nang ipaalam ni Abigail sa asawa ang ipinangako niya kay Dabid, nanghina at nanigas si Nabal. Pagkaraan ng 10 araw, pinarusahan siya ng Diyos hanggang sa mamatay (mga talata 37-38).

Nang mabalitaan ito ni Dabid, siya ay napabulalas, “Purihin ang Panginoon! Siya ang gumanti kay Nabal dahil sa pang-iinsulto niya sa akin. Hindi na Niya hinayaang ako pa ang gumawa noon. Pinarusahan Niya si Nabal sa masama niyang ginawa sa akin” (talata 39, ASND).

Sina Dabid at Abigail na ikinasal

Heroes: Kasal nina Dabid at Abigail
Karapatang-ari: Pubhist (The Meeting of David and Abigail, Chrysler Museum of Art, Norfolk)

Dahil sa pagkamatay ni Nabal, nabalo si Abigail.

Sinamantala ni Dabid ang pagkakataong ito para hilinging maging asawa siya. At nagpakasal sila (1 Samuel 25:40-42).

Anong mga aral ang itinuturo sa atin ng kanyang kwento?

Gaya ng natunghayan mo sa kwento, si Abigail ay nagsilbing tagapamayapa sa pagitan nina Dabid at Nabal. Kung hindi niya sinalubong si Dabid, maaari nitong ituloy ang pakikipaglaban kay Nabal (1 Samuel 25:23-31).

Ang matalinong pamamagitan ni Abigail ay naging daan upang hindi mauwi ang lahat sa pagdanak ng dugo nang tanggihan ng kanyang asawa si Dabid at ang mga tauhan nito5.

Ang karakter ng babaeng ito ay nagpapamalas ng pagkababae ayon sa kalooban ni Kristo. Samantala, si Nabal ay sumasalamin sa isang taong sunud-sunuran kay Satanas6.

Samakatwid, ang kwento ni Abigail ay nagtuturo sa atin ng kahalagahan ng pamamagitan at pagiging matalino sa panahon ng pagsubok habang nagpapasakop sa kalooban at patnubay ng Diyos.

Kaakibat nito, nalaman din nating ang Diyos, na nakakikita at kumokontrol ng lahat, ay talagang karapat-dapat para sa ating pagtitiwala at pananampalataya, na naipamalas sa kung paano Niya iginanti si Dabid laban kay Nabal nang hindi nangangailangan ng pagdanak ng dugo.

4) Tamar

Sino ang babaeng ito?

Heroes: Tamar sa Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Ang ika-4 na babaeng ito sa ating listahan ng mga kahanga-hangang balo sa Bibliya—si Tamar—ay ang manugang ni Huda at asawa ni Er, ang panganay na anak ni Huda (Genesis 38:6, 11).

Si Er ay nagkaroon ng 2 kapatid gayong ang kanyang inang si Shua ay nanganak ng 2 pang lalaking sina Onan at Shela (mga talata 4-5).

Ang kanyang kwento

Ang pag-aasawa at pagkabalo ni Tamar

Napili nina Huda at Shua si Tamar upang maging asawa ni Er (Genesis 38:6).

Ngunit si Er ay masama sa paningin ng Diyos kaya pinatay Niya ito, dahilan ng pagkabalo ni Tamar (talata 7).

Dahil dito, hiniling ni Huda kay Onan na sipingan at bigyan ng anak ang balo sa ngalan ni Er (talata 8). Ito ay upang tuparin ang kanyang tungkulin bilang kanyang bayaw (Deuteronomio 25:5).

Ngunit yamang hindi magiging kanya ang sanggol, sa tuwing matutulog siya kasama nito, itinatapon niya ang kanyang semilya sa lupa upang hindi siya makapagbigay ng anak (Genesis 38:9).

Hindi ito kinaluguran ng Diyos kaya kinuha Niya ang kanyang buhay tulad ng sinapit ng kanyang kapatid (talata 10).

Mailalarawan mo ba ang pakiramdam ni Tamar na dalawang beses nang nabalo?

Dahil dito, inaasahang ipagkakaloob ni Huda kay Tamar ang isa pa niyang anak.

Ngunit sa halip na ihandog ang kanyang ika-3 anak na si Shela, pinayuhan niya itong manatiling balo hanggang sa paglaki ng anak. Bakit? Dahil natatakot si Huda na mamatay rin ang natitirang anak (talata 11).

Si Tamar sa pakikipaglaban para sa kanyang karapatan

Heroes: Babaeng nakabelo
Karapatang-ari: Freepik

Nang mamatay ang asawa ni Huda, nagpanggap na patutot si Tamar at inialay ang sarili sa kanya. Sa pagtakip ng kanyang mukha, hindi siya nakilala ni Huda (Genesis 38:12-14).

Hanggang sa sinipingan niya ang babae at pinangakuang bibigyan ito ng isang batang kambing mula sa kanyang kawan, ang kanyang selyo, ang tali nito, at ang kanyang tungkod (mga talata 15-18).

Sa kanyang pag-alis, tinanggal ni Tamar ang kanyang belo at muling isinuot ang kanyang kasuotang pambalo (talata 19).

Hinanap siya ni Huda ngunit hindi niya ito makita (mga talata 20-23).

Pagkalipas ng 3 buwan, nalaman ni Huda na si Tamar ay patutot at buntis. Dahil dito, iniutos niyang sunugin ito hanggang mamatay (talata 24).

Ngunit ipinakita ni Tamar ang selyo, tali, at tungkod ni Huda upang patunayang siya ang ama ng kanyang anak (talata 25). Sa pamamagitan nito, nilinlang niya siya upang gampanan ang mga tungkuling dapat ginampanan ng kanyang mga anak.

Sa pagkadama ng kasalanan, kinilala ni Huda ang kanyang kabiguang tustusan ang kanyang manugang, at nagwika, “Wala siyang kasalanan. Ako ang nagkasala dahil hindi ko pinayagang mapangasawa niya ang anak kong si Shela” (talata 26, ASND).

Kinalaunan, isinilang ni Tamar ang kambal na lalaking pinangalanang Perez at Zera (mga talata 27-30).

Anu-anong mga aral ang itinuturo nito sa atin?

Kung tutuusin, si Tamar ay nagmistulang oportunistang nagpapanggap na isang patutot upang hindi mawala ang kanyang mana mula kay Jakob.

Ngunit, sa mas malawak na pananaw, nakita natin kung gaano siya katiyagang makipaglaban para sa kanyang karapatan bilang manugang at kung gaano siya katapat sa kanyang pamilya.

At sa kabila ng kahiya-hiyang pangyayaring iyon, naging mahabagin ang Diyos kung kaya’t naging bahagi siya ng talaangkanan ni Hesus.

Samakatwid, ang kwento ni Tamar ay nagtuturo sa atin ng pagtitiyaga at katapatan.

5) Ang Balo sa Sarepta

Hindi binanggit ng Bibliya ang pangalan ng balo sa Sarepta. Ang alam lamang natin ay may kinalaman siya sa kwento ni Elias, isang kilalang propeta.

Si Elias nang hulaan ang tagtuyot

Nabuhay si Elias sa isang kritikal na panahon sa Israel—panahon ng tagtuyot. Sa panahong ito, si Haring Ahab ang namumuno (1 Mga Hari 17).

“Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng buhay na Panginoon, ang Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, na wala ni hamog o ulang darating sa loob ng ilang taon hanggat hindi ko sinasabing umulan o humamog,” sinabi ni Elias kay Ahab (talata 1, SND).

Si Elias sa Kerit

Heroes: Elias sa Kerit
Karapatang-ari: Free Bible Images

Upang iligtas ang buhay ng Kanyang propeta, pinapunta ng Diyos si Elias sa Kerit, silangan ng Jordan. Doon, ipinangako Niya, “Maiinom mo ang tubig sa batis at may inutusan Akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain” (1 Mga Hari 17:4, MBBTAG).

At nangyari ito ayon sa sinabi ng Diyos. Ngunit maya-maya, ang batis ay natuyo dahil hindi umulan sa lupain (mga talata 5-7).

Si Elias nang matagpuan ang balo sa Sarepta

Heroes: Si Elias nang matagpuan ang balo sa Sarepta
Karapatang-ari: Free Bible Images

Upang iligtas muli ang Kanyang propeta mula sa tagtuyot, pinapunta ng Diyos si Elias sa Sarepta at nangako, “May inutusan akong isang biyudang magpapakain sa iyo roon” (1 Mga Hari 17:8-9, MBBTAG).

At pagdating nga ni Elias sa tarangkahan ng lungsod, nakita niya ang balong namumulot ng mga patpat. Humingi siya sa kanya ng kaunting tubig at tinapay (mga talata 10-11).

Ngunit ipinagtapat ng balo, “Wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay” (talata 12, MBBTAG).

Pumayag si Elias at hiniling sa kanyang gumawa para sa kanya ng isang maliit na keyk. Tiniyak din niya sa kanyang “ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa” (mga talata 13-14, ABTAG2001).

At nangyari ito gaya ng ipinangako ni Elias sa kanya. Hindi naubos ang harina. Ni ang banga ng langis ay hindi nawalan ng laman (mga talata 15-16).

Ano ang matututuhan natin mula sa kwentong ito?

Mula sa kwentong ito, makikita natin kung paano tayo iniingatan ng Diyos. Halimbawa, dahil sa Kanyang kabutihang-loob, nasaksihan ng balo ang Kanyang mahimalang paglalaan para sa kanyang buhay.

Gayundin, gumagamit ang Diyos ng mga bagay at tao upang tulungan tayo sa oras ng pangangailangan. Naipamalas ito sa kung paano Niya ginamit ang balo, bagaman ito ay isang Hentil, bilang instrumento upang iligtas ang buhay ni Elias sa halip na ipadala siya sa mayayamang Hudyo.

Isa pa, ang kwentong ito ay nagtuturo sa atin ng kahalagahan ng kabaitan, mabuting pakikitungo, at pagiging bukas-palad, tulad ng naipakita ng balo sa pagbabahagi kay Elias ng kanyang sansubo. Bilang kapalit, ang buhay niya at ng kanyang anak ay naingatan7.

Sa katunayan, sa lahat na, sa panahon ng pagsubok at pangangailangan, ay nakikiramay at tumutulong sa mga higit na nangangailangan, ang Diyos ay nangako ng dakilang pagpapala. Siya ay hindi nagbago. Ang Kanyang kapangyarihan ay hindi nabawasan mula noong mga araw ni Elias.

6) Ang Balong Naghandog ng 2 Barya

Tulad ng balo sa Sarepta, ang huling babaeng ito sa ating listahan ay hindi rin pinangalanan ng Bibliya.

Maikli lamang din ang kanyang kwento. Ngunit ito ay natatangi dahil nagtuturo ito ng isa sa mga pinakadakilang aral ng buhay. Alamin natin.

Ang kanyang kwento

Heroes: Balong naghandog ng 2 barya
Karapatang-ari: Free Bible Images

Isang araw, si Hesus ay nasa korte, pinapanood ang mga taong naglalagay ng kanilang mga kaloob sa kahon ng mga handog (Marcos 12:41).

Karamihan sa mayayaman ay nagbigay ng malalaking halaga. Ngunit malungkot si Hesus dahil alam Niyang ginagawa nila ito nang may pagmamalaki8.

Sa madaling salita, ginawa nila ito nang may pagpapanggap at bulgar na pagpapakitang-tao para lamang magpahanga o magpapansin.

Ngunit ang mukha ni Hesus ay nagliwanag nang makita Niya ang isang mahirap na balong lumapit na may pag-aalinlangan at tila nahihiyang pagmasdan. Tumingin siya sa kanyang hawak na handog. Ito ay napakaliit kung ihahambing sa mga regalo ng mga nakapaligid sa kanya, ngunit iyon na ang lahat ng mayroon siya8.

At inihulog na nga niya ang kanyang 2 maliliit na baryang tanso (Marcos 12:42).

Sa ganitong paraan, nakuha niya ang atensyon ni Hesus, dahilan upang tawagin Niya ang Kanyang mga disipulo at sabihin sa kanila, “Ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat” (talata 43, MBBTAG).

Paanong ang balong ito ay nagbigay ng higit pa kaysa sa iba kung 2 tansong barya lamang ang kanyang binigay? Ipagpatuloy ang pagbabasa.

Ang itinuturo sa atin ng balong ito

Heroes: 2 barya
Karapatang-ari: Mercy at Hand

Ang lahat, halimbawa, ang mayayaman, ay “nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan.” Ngunit “ang ibinigay ng babaeng iyon, bagama’t siya’y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay” (Marcos 12:44, MBBTAG).

Ang malalaking ambag ng mayayaman ay hindi nangailangan ng sakripisyo at hindi maikukumpara sa halaga ng ibinibigay ng balo9.

Walang masyadong kayamanan ang balo, ngunit ibinigay niya ang lahat ng mayroon siya, kahit wala na siyang makain. Ang kanyang motibo ng pagbibigay ay naglalaman ng napakalaking sakripisyo.

Hindi ito biro o madaling gawain. Gayunpaman, ginawa niya ito nang buong tapang. Walang pag-aalinlangan. Walang pagsisisi.

Mahalaga ring malamang ginawa niya ito nang may pananampalataya sa paniniwalang hindi kakalimutan ng Ama sa langit ang kanyang pangangailangan. Ang kanyang di-makasariling pag-uugali at pananampalatayang tulad ng sa isang bata ay nakatamo ng papuri mula sa Tagapagligtas10.

Samakatwid, ang kwento ng balong ito ay nagtuturo sa ating hindi ang halagang ibinibigay kundi ang motibo ng pagbibigay ang mahalaga sa Diyos.

Ano Ang Iyong Saloobin?

Marami pang ibang biyuda sa Bibliya. Ngunit ang 6 na babaeng ating tinalakay ay may mga kamangha-manghang kwentong nagtuturo sa atin ng ilan sa mga pinakadakilang liksyon sa buhay.

Sino sa kanila ang pinakanagustuhan mo? Ano ang natutuhan mo mula sa kanya?

Ibahagi ito sa amin sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.

Upang makilala ang iba pang mga bayani sa Bibliya, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanilang mga kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin sila sa aming kurso sa Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.

  1. Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 957-58 []
  2. Ellen White, The Retirement Years, 190.4 []
  3. Ellen White, Daughters of God, 75.3 []
  4. Ellen White, Daughters of God, 75.4 []
  5. Ellen White, Daughters of God, 41.4 []
  6. Ellen White, Daughters of God, 43.4 []
  7. Ellen White, Christian Service, 188.4 []
  8. Ellen White, From Heaven With Love, 410.5 [] []
  9. Ellen White, From Heaven With Love, 411.2 []
  10. Ellen White, From Heaven With Love, 411.3 []
IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *