Nilalaman

Ano Ang Disensyo ng Laro at Paano Ito Ginawa sa Heroes?

Disenyo ng laro—ito ba ang grapiks, animasyon, at lahat ng mga katulad? O hindi lamang ba iyan?

Sa artikulong ito, matututuhan mo ang mga sumusunod:

  • Kahulugan ng disenyo ng laro
  • Kung bakit ito kailangan para sa isang laro
  • Kung paano ito ginawa para sa Heroes: The Bible Trivia Game
  • Kung paano ito nakatulong sa tagumpay ng naturang laro
  • Pinakamasayang bahagi ng prosesong ito

Ano Ang Disenyo ng Laro?

Heroes: Batang nag-iisip
Karapatang-ari: Canva

Karaniwang alam natin ang disenyo ng laro bilang mga larawan, pagkakaayos, at iba pang elementong nauugnay sa grapiks.

Tama naman ngunit hindi lamang iyan ang sakop nito.

Ang disenyo ng laro ay ang sining at proseso ng paglalapat ng disenyo at estetikang nagpapaganda sa isang laro. Kasama rin dito ang paglikha ng mga nilalaman at kalakip na panuntunan.

Upang lalo pa itong maunawaan, kumuha tayo ng ideya mula sa mismong may-akda nito, si Sam Neves.

Sa isang panayam ni Alyssa Truman, tinukoy ito ni Sam bilang mekanismo ng isang laro at kung gaano ito kahirap.

Kabilang din daw rito ang mga paggastos na kalakip upang makamit ang isang misyon, mga nilalaman ng larong makatutulong sa pag-angat ng iyong lebel, at pangkalahatang pag-usad sa laro.

Ilan lamang ito sa mga aspeto ng disensyo ng laro dahil malawak ang saklaw nito. Ngunit sa madaling salita, ito ang pangkalahatang mekanismo o istruktura ng isang laro, ayon kay Sam.

Anu-ano Ang Mga Elemento Nito?

1) Mga panuntunan

Heroes: Tsinetsekan ang mga kahon gamit ang highlighter
Karapatang-ari: Canva

Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ang mga panuntunan ay gabay kung paano laruin ang isang laro.

Gawin nating halimbawa ang larong Play the Bible. Kasama sa mga tuntunin nito ang pagbuo ng 31,000 talata sa Bibliya, paggamit ng power-ups upang umangat ang iyong lebel, makakuha ng mga puntos at ginto, at iba pa.

Sa Heroes, kabilang sa mga panuntunan ang pagpili ng karakter sa Bibliya at pagpili ng 3 power-ups para gamitin sa bawat sesyon ng 12 tanong.

2) Espasyo

Heroes: Halimbawa ng espasyo ng laro
Karapatang-ari: Canva

Ang espasyo ng laro ay ang mundo o kapaligirang ginagalawan nito.

Saklaw nito ang mga kulay, tunog, at mga sagabal na kaakibat ng misyon. May kinalaman ang mga ito sa mga nangyayari sa laro, bagay na iyong nakikita rito, at sa kung paano ka gumagalaw rito.

Sa kaso ng video games, madaling matukoy ang espasyo.

Ang World of Warcraft, halimbawa, ay itinakda sa Aserot, isang mundo ng mahika at walang hanggang pakikipagsapalaran. Sa kabilang banda, ang Minecraft naman ay may hindi mabilang na mga mundo. Dito, maaari kang magtayo ng halos kahit ano—mula sa mga simpleng bahay hanggang sa mga naglalakihan at naggagandahang kastilyo.

Para sa mga larong pangkaalaman tulad ng Heroes, iba ang kaso. Sa halip na isang pisikal na mundo, ang nagsisilbing espasyo at disenyo ng laro ay ang mismong pormat ng pagsusulit nito, kalakip ang mga musika at tunog.

3) Mga nilalaman

Heroes: Mga nilalaman ng isang mobile game
Karapatang-ari: Pexels

Kabilang dito ang mga karakter, hamon, power effects, at ibang mga tampok ng laro.

Gawin nating halimbawa ang I Am Jesus Christ, isa sa mga pinakabagong laro noong 2022.

Kabilang sa mga karakter si Hesus, ang mga disipulo, at ang mga taong Kanyang pinagaling at pinaglingkuran. Kasama sa mga hamon ang 30 himalang Kanyang ginawa tulad ng pagpapakain sa 5,000 tao.

Samantala, para sa mga larong pangkaalaman, kasama sa mga nilalaman ang mga tanong na sasagutin, power-ups upang pahusayin ang iyong paglalaro, at iba pa.

Ang Superbook Bible Trivia Game, halimbawa, ay may gabay na robot na nagngangalang Gizmo. Kasama sa mga hamon ang 20 nakawiwiling laro, 39 na kwento o yugto sa Bibliya, at marami pang iba.

4) Mga mekanika

Heroes: Mekanismo ng isang laro
Karapatang-ari: Canva

Hindi ba panuntunan din ang mekanika ng laro? Hindi!

Ang mga panuntunan ay mga instruksyon upang laruin ang isang laro. Ang mga mekanika naman ay mga kilos o galaw na kinakailangan sa paglalaro nito.

Halimbawa, ang Super Mario ay nilalaro sa pamamagitan ng paglalakad, pagtakbo, paglukso, pagtalon, at iba pa.

Ang Elephant in the Room ay nilalaro sa pamamagitan ng pagsakay sa isang elepante at pagtakbo nang hindi nahuhuli.

Sa Play the Bible naman, kabilang sa mga mekanika ang pagbura ng isang salita, linya, o taludtod.

Panghuli, ang Bible Character Quiz ay may mga mekanikang kinabibilangan ng pagpili ng sagot mula sa mga pagpipilian at pagpuno ng mga kahong walang laman.

5) Mga layunin

Heroes: Dart na tinamaan ang target
Karapatang-ari: Canva

Ang mga layunin ay tumutukoy sa mga bagay na kailangang makamit sa isang laro.

Nakapaglaro ka na ba ng A Journey Towards Jesus? Ang misyon dito ay tulungan ang babaeng kapatid ni Eliab na si Sara upang mahanap si Hesus para sa kanyang kagalingan.

Upang magawa ito, kailangan mong maglakbay sa 5 landas na nilakaran ni Hesus, sumagot ng 2,000 tanong, maglaro ng maiikling laro sa loob ng mga ito, at iba pa.

Sa kaso ng Heroes, ang layunin ay sagutin ang mga tanong tungkol sa mga tauhan ng Bibliya.

Sa paggawa nito, makaiipon ka ng mga mana at puntos upang makakuha ng power effects at makapaglaro ng marami pang mga karakter.

Bakit Mahalaga Ang Disensyo ng Laro?

Heroes: Sampol ng disenyo ng laro
Karapatang-ari: Canva

Napakaraming nangyayari sa isang laro.

May musika, biswalisasyon, animasyon, mga karakter, kwento, at iba pa. Kailangan mo ring isaisip ang mga mekanika habang binabantayan ang iyong oras, bilis, puntos, at iba pa.

Sa lahat ng ito, ang tanong ay “Masaya pa bang laruin ang larong ito?”

Ayon kay Sam, ang isang laro ay dapat nakahahamon ngunit madali rin para sa mga nagsisimula. Kailangang madaling makapasok dito ngunit mahirap panagumpayan at makasanayan.

Ngunit sa lahat ng ito, ang pangunahing layunin ng disenyo ng laro ay gawin itong nakalilibang. Sa ibang salita, umiiral ito upang gawin itong kalaru-laro at kawili-wili para sa manlalaro.

Paano Sinimulan Ang Disenyo ng Laro Para sa Heroes?

Ang disenyo ng laro para sa Heroes ay nagsimula sa pagguhit. Iginuhit ni Sam ang hitsura ng mga karakter, nilalaman, at iskrin.

Ang mga drowing na ito ay kanyang ipinasa sa tagadisenyo ng grapiks at departamento ng sining na nagpoproseso ng mga iyon upang maging makatotohanan sa laro.

Nagtulungan sila, nagtanungan, at nagpalitan ng mga ideya upang mapaganda ang konsepto. Sa proseso, isinaalang-alang din nila kung madaling laruin ang laro. Hindi lamang kasi ito dapat magkaroon ng magagandang grapiks, animasyon, power-ups, at iba pa ngunit dapat ding maging masaya at madaling laruin.

Ngunit hindi ito madali. Ayon kay Sam, madaling isiping magiging kawili-wili ang isang laro ngunit hanggat hindi pa nakikita ang resulta ng pagdebelop, wala kang garantiya.

Sa katunayan, sa unang pagsusuri ng Heroes, nabagot siya. Dahil dito, kinailangang baguhin ang mga konsepto nito.

Bumalik ang mga debeloper sa kanilang drawing board, binago ang mga estratehiya, at nilaro muli ang laro hanggang sa masiyahan sila.

Paano Umusad Ang Kolaborasyon?

Heroes: Kolaborasyon para sa disenyo ng laro
Karapatang-ari: Canva

Matapos pagtrabahuhan ang kakayahang malaro ng Heroes, sunod namang tinalakay ng mga debeloper ang bilis nito.

Halimbawa ni Sam, ilang laro ang kailangan upang umangat ang lebel at mabuksan ang susunod na bayani?

Upang ipaliwanag ito, sinisimulang laruin ang Heroes kina Adan at Eba. Sasagot ka ng 12 tanong tungkol sa kanila at uulit-ulitin ito hanggang sa mabuksan ang susunod na bayani.

Sa bawat tanong, makaiipon ka ng mga mana at puntos, pagpapatuloy ni Sam. Gagamitin ang mga ito upang makakuha ng power effects at magbukas ng marami pang bayaning lalaruin.

Sa pag-usad sa laro, makararating ka sa ika-2 lebel, sunod sa ika-3, at iba pa. Ang ika-2 lebel ay karakter ni Noe. Ang ika-3 ay kay Jose. Ang ika-4 ay kay Moises. Ang ika-5 ay kay Rut. At marami pang iba.

Bakit hindi lebel 9 para kay Moises? Bakit hindi lebel 26 para kay Juan? Ayon kay Sam, ito ay dahil nakabase sa kasanayan ng manlalaro ang pag-usad sa laro.

Ngunit hindi ito madaling gawin.

Napakaraming matematikang kailangang gawin. Kailangang malaman ang algoritmong bubuo ng XP, dagdag ni Sam.

Anu-ano Ang Mga Naiambag Nito sa Tagumpay ng Laro?

1) Nakalikha ito ng maramihang moda.

Heroes: Mga tinedyer na naglalaro ng mobile games
Karapatang-ari: Canva

Tulad ng ibang mga laro, ang pangalawang bersyon ng Heroes ay nagdagdag ng bahagi kung saan pwede kang makipaglaro sa ibang tao. Maaari mong hamunin ang iyong mga kaibigan, mga magulang, at maging mga pastor at kapwa miyembro ng simbahan.

Kapana-panabik, hindi ba?

Ano nga ba ang nag-udyok sa mga debeloper na gawin ito?

Kwento ni Sam, sa mga pagtitipon ng Heroes, napansin niyang gustung-gustong makipaglaro ng mga kabataan sa kanilang mga pastor. Gusto rin nilang hamunin ang kanilang mga magulang, ibang mga nakatatanda, at iba pang marurunong sa Bibliya.

Ito ang nag-udyok sa paglikha ng multiplayer na moda.

Kailangan lamang magbigay ng link upang makapaglaro, paliwanag ni Sam. Sa paglalarong ito, paunahang makasagot ng parehong mga tanong sa pagitan ng mga manlalaro.

Ngunit hindi ito madaling gawin. May isang buong imprastruktura upang mabuo ito.

Sa kabutihang-palad, bihasa ang mga debeloper at tagadisenyo para makamit ang nararapat. Nagustuhan ng mga inhinyero ang mga hamong ito. Nairaos din nila ang proyekto at napakaganda nito, pagmamalaki ni Sam.

2) Nagdebelop ito ng power effects.

a. Abraham effect

Heroes Abraham effect

Alam mo bang si Abraham, dating Abram, ay nagbiyak ng ilang hayop?

Sa Genesis 15:9, mababasa nating hiniling ng Diyos kay Abram na mag-alay ng kambing, tupa, kalapati, at kalapati.

“Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon” (talata 10, MBBTAG).

Katulad nito, ang Abraham effect ay nagtatanggal ng 2 sa 4 na opsyon sa isang tanong upang mas madaling hanapin ang tamang sagot.

b. Daniel effect

Heroes Daniel effect

Ipinaliwanag ni Daniel ang panaginip ni Haring Nabucodonosor at ang mga sulat sa dingding ng kanyang palasyo (Daniel 2 at 5).

Sinabi niyang ang hari ay pababagsakin ng isa pang hari at ang Babilonya ay matatalo.

Ang interpretasyong ito ay hindi sa pamamagitan ng sariling karunungan ni Daniel kundi sa pamamagitan ng Diyos. Sa tulong ng panalangin at pananampalataya, ipinahayag sa kanya ng Diyos ang kahulugan ng mga tandang iyon.

Gaya nito, ang Daniel effect ay nagsasaad ng talata sa Bibliya kung saan makikita ang tamang sagot sa isang tanong.

c. Elijah effect

Heroes Elijah effect

Bago iakyat si Elias sa langit, tinanong niya si Eliseo kung ano ang magagawa niya para sa kanya.

Sumagot si Eliseo, “Kung maaari’y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan” (2 Mga Hari 2:9, MBBTAG).

Katulad nito, ang Elijah effect ay dinodoble ang iyong XP o mga puntos upang mapahusay ang iyong laro.

d. Friday effect

Heroes Friday effect

Binigyan ng Diyos ang mga Israelita ng manang nagsilbing kanilang tinapay (Exodo 16).

Tuwing umaga, pumupulot sila ng mga ito sa daming sapat para sa kani-kanilang pamilya.

Hindi sila maaaring mag-imbak ng mga ito hanggang sa susunod na araw. Kapag nangyari iyon, magkakaroon ito ng mga uod at babaho (talata 20).

Ngunit iba ang bilin sa ikaanim na araw. Dahil hindi sila bibigyan ng Diyos ng mana sa araw ng Sabado, kailangan nilang mag-ipon ng doble ng dami nito tuwing Biyernes.

Tulad nito, dinodoble ng Friday effect ang iyong mana (sa kaso ng Heroes, ang gantimpalang makukuha mo sa bawat tamang sagot) kaya maaari kang kumuha ng marami pang power effects.

e. Jonah effect

Heroes Jonah effect

Binigyan ng Diyos si Jonas ng misyong mangaral sa mga tao sa Nineve. Nais Niyang talikuran nila ang kanilang kasamaan. Ngunit si Jonas ay tumakas at nagpasyang tumungo sa Tarsis (Jonas 1).

Sa kanyang paglalakbay, isang bagyo ang tumama sa barko at gumulat sa kapitan at mga tauhan. Dahil alam niyang dahil ito sa pagtakas niya mula sa Diyos, hiniling ni Jonas na itapon siya sa dagat.

Nilamon siya ng malaking isda. Sa loob nito, nanalangin siya sa Diyos, nagpapasalamat dahil siya’y ligtas. Nangako rin siyang hindi na tatakas muli.

Maya-maya, iniluwa na siya ng isda sa tuyong lupa.

Tulad ng pagtakas ni Jonas mula sa kanyang misyon sa Nineve, nagbibigay rin ng pagkakataon ang Jonah effect na laktawan ang isang tanong na mahirap para sa iyo.

f. Joshua effect

Heroes Joshua effect

Nang ibigay ng Diyos ang mga Amoreo sa Israel, hiniling ni Josue sa Diyos na palamigin ang araw at buwan.

“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon, at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon” (Josue 10:12, MBBTAG).

“Tumigil nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway” (talata 13, MBBTAG).

Katulad nito, pansamantalang pinatitigil ng Joshua effect ang oras sa loob ng 5 segundo upang bigyan ka ng mas mahabang oras para pag-isipan ang sagot.

g. Jesus effect

Heroes Jesus effect

Sinabi ni Hesus, “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6, NIV).

Gayundin, ang Jesus effect ay inaalis ang iyong mga pagkakamali at ipinapakita ang “daan,” na siyang tamang sagot.

h. Lazarus effect

Heroes Lazarus effect

Sa Juan 11, sinabi nina Maria Magdalena at Marta kay Hesus na si Lazaro ay may sakit. Sa kanilang pagtungo sa Hudea, tapat na sinabi ni Hesus sa kanila ang katotohanan.

Wika Niya, “Patay na si Lazaro ngunit dahil sa inyo, Ako’y nagagalak na wala Ako roon nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa Akin” (mga talata 14-15, MBBTAG).

Sa puntong ito, binigyan sila ni Hesus ng pangalawang pagkakataon upang manampalataya sa kanila. Gayundin, ang Lazarus effect ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon kung mali ang iyong sagot sa isang tanong.

i. Revelation effect

Heroes Revelation effect

Isang mahalagang elemento ng panahon sa propesiya ang tatlo at kalahating simbolo. Ito ay nangangahulugang tatlo at kalahating araw, buwan, o taon ng simbolikong panahon.

“Sa loob ng tatlo’t kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay pagmamasdan ng mga tao” (Apocalipsis 11:9, MBBTAG). Ngunit “pagkalipas ng tatlo’t kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay mula sa Diyos” (talata 11, MBBTAG).

“Ngunit ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya aalagaan sa loob ng tatlo’t kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas” (talata 14 ng kapitulo 12, MBBTAG).

Katulad nito, hinahati ng Revelation effect ang oras ng labanan kung masasagot mo nang tama ang 12 tanong.

Ang Pinakamasayang Bahagi sa Proseso ng Pagdidisenyo ng Larong Ito

Heroes: 2 reaksyon sa paglalaro ng isang mobile game
Karapatang-ari:: LinkedIn

Ayon kay Sam, may 2 klase ng reaksyon siyang napapansin mula sa mga manlalaro ng Heroes.

Ang isa ay ang pagngiti nila pag nakikita ang power effects, naririnig ang musika at mga tunog, at iba pa.

Ang isa naman ay ang pagseryoso ng kanilang mga mukha, pagsalubong ng mga kilay, at pagkadama ng presyur kapag nagpopokus sa laro.

Ang mga reaksyong ito raw ay patunay ng tagumpay ng Heroes matapos ang 3 taon ng pagsisikap ng mga lumikha at nagdebelop nito.

Ipahayag Ang Iyong Saloobin!

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Anu-ano ang iyong natutuhan tungkol sa disenyo ng laro? Ano ang masasabi mo tungkol sa kolaborasyon ng mga debeloper ng Heroes at sa kanilang mga nakamit?

Ibahagi ang iyong mga saloobin sa mga komento sa ibaba.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *