Kaya mo bang ilarawan ang iyong sarili sa sitwasyon ni Juan sa Patmos? Siguradong napakalungkot nito. Ngunit bakit nga ba siya ipinatapon?
Sa artikulong ito, tatalakayin natin:
- Ang mga dahilan ng kanyang pagkakatapon
- Kung paano ito naging isang pagpapala nang di inaasahan
- Ang mga aral na maaaring matutuhan mula rito
Pero kilalanin muna natin siya nang personal.
Sino si Juan?
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 14 Heroes: Talaangkanan ni Juan](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/John-lineage-1024x576.jpg)
Kilalanin natin ang kanyang pamilya.
“Gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon” (Lucas 5:10, MBBTAG).
Katulad nito, sinasabi ng Marcos 3:17 (MBBTAG), “Sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo.”
Kung mapapansin mo, si Zebedeo ay ama ni Juan habang si Santiago naman ay kanyang kapatid.
Paano naman ang kanyang ina?
Silipin natin ang Mateo 27:55-56 (MBBTAG).
Sinasabi rito, “Naroon din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Sila’y sumunod kay Hesus mula pa sa Galilea, at naglingkod sa Kanya.” Sila ay sina Maria Magdalena, Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
Ngunit hindi rito binanggit ang pangalan ng huling babae.
Kung gayon, tunghayan natin ang Marcos 15:40-41.
Tulad ng naunang teksto, inilalarawan din dito ang tatlong babaeng nakatingin mula sa malayo. Ngunit sa talatang ito, mas partikular ang kanilang mga pangalan.
Sila ay sina Maria Magdalena, Maria na ina nina Santiago at Jose, at Salome.
Mapapansing parehong nabanggit sina Maria at Maria Magdalena sa parehong talata. Ngunit si Salome ay inilarawan lamang sa unang teksto at saka pinangalanan sa pangalawa. Dahil dito, siya nga talaga ang ina ni Juan.
Ngayon, alamin naman natin kung saan siya lumaki.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 15 Heroes: Bayan ni Juan](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/09_FB_Fishing_Boats_Galilee_1920-1024x576.jpg)
Sa bayan ng Betsaida sa kanlurang baybayin ng Dagat ng Galilea nakatira si Juan, kasama ng kanyang amang si Zebedeo, inang si Salome, at kapatid na si Santiago1.
Ano ang ikinabubuhay ni Juan?
Ang magkapatid na sina Juan at Santiago ay katuwang ng kanilang ama sa pangingisda1.
Dahil dito, sanay na sila sa hirap ng buhay ng isang mangingisda.
Pero siyempre, nasusubok pa rin siya paminsan-minsan.
Halimbawa, nagkaroon siya ng kontrata sa maniningil ng buwis. Para sa kahit sino, ito ay hindi patas.
Paano at bakit?
Nagtrabaho si Juan kasama nina Pedro, Santiago, at Andrew sa negosyo ng pangingisda2.
Naghihirap silang makahuli ng sariwang isda ngunit hindi sila binibigyan ng bahagi ng mga ito. Inilalaan lamang ng maniningil ng buwis ang mga ito para sa mayayamang tao.
Ano lamang ang nakukuha ng mga mangingisdang ito bilang kapalit? Naprosesong isda lamang. Nakalulungkot!
Kung ikaw ay nasa kalagayan nila, matitiis mo ba ang ganitong pagtrato?
Kung ito rin ang iyong pangunahing hanapbuhay, ano ang posibleng gawin mo upang ipaglaban ang iyong karapatan?
Sa kabila nito, may masasayang karanasan din sila sa pangingisda.
Isang gabi, nangisda si Juan kasama ang ilan sa kanyang mga kaibigan tulad nina Pedro, Tomas, at Natanael (Juan 21:1-2). Ngunit wala silang nahuli.
Kinabukasan, “tumayo si Hesus sa pampang” (talata 4, MBBTAG). Tinanong niya sila kung nakahuli sila ng isda. Ang sagot nila ay hindi.
Iniutos ni Hesus na ihagis ang kanilang lambat sa kabilang ibayo ng bangka “at makakahuli kayo” (talata 6, MBBTAG).
At oo, nakahuli sila ng mga isda! Sa pagpapatuloy ng talata 6 (SND), “hindi na nila kayang hilahin ang kanilang lambat dahil sa dami ng isda.”
Himala! Kanina, wala silang mahuli. Ngayon, napakabigat naman ng kanilang mga lambat.
At alam mo ba kung ilang mga isda ang kanilang nahuli? 153 (talata 11).
Kumusta naman ang kaniyang mga karanasan bilang tagasunod ni Hesus?
Bilang isang alagad
Malamang alam mo nang isa si Juan sa mga alagad ni Hesus.
Pero paano?
Kanina, nadiskubre nating si Juan ay isang mangingisda kasama ng kanyang kapatid na lalaki at ama.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 16 Heroes: Si Juan at iba pang mga disipulo sa Dagat ng Galilea](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/08_FB_LUMO_Fishers_Men_1920-1024x576.jpg)
Sa ganitong hanapbuhay din nadatnan ni Hesus sina Santiago at Juan sa Dagat ng Galilea. Nang hikayatin silang sumama sa Kanya, “agad-agad nilang iniwan ang kanilang bangka at ang kanilang ama at sumunod sa Kanya” (Mateo 4:21-22, SND).
Kabilang si Juan sa mga piling alagad ni Hesus3. Dahil sa pribilehiyong ito, nasaksihan niya ang karamihan sa Kanyang mga pansariling gawain at pampublikong paglilingkod.
Halimbawa, naroon siya sa panahon ng Kanyang pagbabagong-anyo (Lucas 9:28) at pananalangin sa Getsemani (talata 39-46 ng kapitulo 22). Gayundin, sinamahan niya Siya sa Kanyang mga gawaing pagpapagaling tulad ng sa taong sinapian ng demonyo (Marcos 5).
Ngunit mayroon din siyang nakahihiyang karanasan kasama ni Hesus.
Nang hindi patuluyin ng mga Samaritanong tagabaryo si Hesus, nagalit sina Juan at Santiago. Sinabi nila, “Panginoon, gusto ba Ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila’y lipulin?” (Lucas 9:54, MBBTAG).
Ngunit malumanay silang sinaway ni Hesus. Ipinaalala Niya sa kanilang hindi Siya naparito sa mundo para hatulan ang mga tao. Sa halip, naparito Siya upang iligtas sila (Juan 3:17).
Kung ikaw si Juan o si Santiago, hindi ka ba mahihiya sa iyong ginawa?
Gayunpaman, napatunayan ni Juan na isa siyang maaasahang kaibigan ni Hesus sa bandang huli.
Nang huling mga oras ni Hesus sa krus, kasama ni Juan ang Kanyang inang si Maria.
Nakuha ni Juan ang tiwala ni Hesus at ng Kanyang pamilya, dahilan upang ihabilin sa kanya ang pag-aalaga ng Kanyang ina4.
Napakalaking pribilehiyo at tiwala, hindi ba?
Bilang isang apostol at mangangaral
Pagkabalik ni Hesus sa langit, nagsimulang mangaral si Juan kasama ni Pedro. Ipinahayag nila ang ebanghelyo ni Kristo saanman sila magpunta.
Halimbawa, nagbigay sila ng sermon sa Herusalem noong Pentekostes (Mga Gawa 2:14-41). Ibinalita nila sa mga tao ang mga natupad na propesiya ni Hesus alinsunod sa Kanyang ministeryo, kamatayan, at muling pagkabuhay.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 17 Heroes: Si Juan habang nangangaral](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/01_FB_LUMO_Birds_Flowers_1920-1024x576.jpg)
Ngayong nasa langit na ang Panginoon, sila ay magiging mga patotoo ng Kanyang dakilang pag-ibig. Dahil dito, hinimok sila ni Juan na tanggapin ang Banal na Espiritu at magpabautismo.
Si Juan ay nanatili sa Herusalem nang ilang taon5. Ang kanyang pag-eebanghelyo ay nakaambag nang malaki sa pagtatatag ng sinaunang iglesya ng mga Kristiyano noong 58 AD.
Sa pagdaan ng maraming panahon, nanatiling aktibo si Juan sa pangangaral. Nangaral siya nang may di-matatawarang sigasig at tagumpay. Mayroon siyang kapangyarihan, karunungan, paniniwala, at katapatang di kayang baliin ng kanyang mga kaaway6.
Isa pa, malinaw at nakakukumbinsing inihayag ni Juan ang kanyang mga paniniwala. Sa pamamagitan ng simple ngunit tahasang pagsasalita ay nagkaroon siya ng malakas na impluwensya. Dahil dito, ang kanyang mga tagapakinig ay namangha sa kaniyang karunungan at husay sa pangangaral.
Ngayon, may ideya ka na tungkol sa buhay ni Juan bilang apostol.
Ang tanong ngayon ay paano nagdulot ng pagkatapon sa Patmos ang kaniyang pangangaral? Anong kasalanan ang kanyang nagawa para parusahan nang ganoon?
Bakit Siya Ipinatapon sa Patmos?
1) Nais patigilin ng kanyang mga kaaway si Juan sa pangangaral tungkol kay Hesus.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 18 Heroes: Pag-uusig kay Juan](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/04_FB_LUMO_Authority_1920-1024x576.jpg)
Malaki ang pagmamalasakit ni Juan sa kanyang mga bagong nahikayat sa pananampalataya.
Halimbawa, may mga pagkakataong tila humihina ang pananampalataya ng mga Kristiyano. Pero palaging ipinapaalala sa kanila ng apostol ang mga salita ni Hesus sa 1 Juan 1:1-37:
“Sumusulat kami sa inyo tungkol sa Kanya na sa simula pa’y Siya na ang Salitang nagbibigay-buhay. Siya ay aming narinig at nakita, napagmasdan, at nahawakan. Nahayag ang buhay na ito, nakita namin Siya, at pinapatotohanan namin at ipinapangaral sa inyo ang buhay na walang hanggan kasama ng Ama, at nahayag sa amin. Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita’t narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesu Kristo.”
Nagsisikap si Juan sa kanyang ginagawa. Nagpapakita siya ng mabuting halimbawa ng pagiging responsable at tapat na mangangaral.
Sa kasamaang-palad, ang di natitinag na katapatang ito sa layunin ni Kristo ay nagdulot ng napakapait na poot mula sa kanyang mga kaaway. Dahil si Juan na lamang ang natirang buhay mula sa mga disipulo ni Hesus, desperado silang patahimikin na siya8.
Kung magtatagumpay sila sa planong ito, iniisip nilang hindi na lalaganap ang doktrina ni Kristo. Inaasahan din nilang makakalimutan ito ng mga tao kung gagawin lamang ito nang maayos.
Paano nila isinakatuparan ang planong ito?
2) Ipinadala nila siya sa emperador ng Roma upang litisin.
Oo, sa kasamaang-palad, ginawa iyon ng mga kaaway ni Juan.
Ngunit walang kasalanan si Juan, hindi ba?
Nagkamali sila sa kanyang mga doktrina at kinasuhan siya ng mga huwad na akusasyon8.
Pinaratangan nila siya bilang isang taong mapanghimagsik na nagtuturo sa publiko ng mga teoryang magpapabagsak sa bansa.
Sa pamamagitan ng mga akusasyong ito, umaasa silang magdudulot ito ng kamatayan ni Juan9.
Kaya dinala na nila si Juan kay Emperador Domiciano noong 81 AD10. Sinamantala nila ang pagkakataong may pag-uusig laban sa mga Kristiyano sa panahong iyon.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 19 Heroes: Pagpapatapon kay Juan](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/05_FB_John_Baptist_Prison_1920-1024x576.jpg)
Matapos marinig ang mga paratang laban kay Juan, isinalang siya ng emperador sa isang kaldero ng kumukulong langis11. Isa pa, hinamon niya itong uminom ng lason.
Grabeng pagpapahirap, ano?
Ano ang gagawin mo kung ikaw si Juan?
Pero alam mo ba? Iningatan ng Diyos si Juan tulad ng pagligtas Niya kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan mula sa maapoy na hurno.
Sa maniwala ka o sa hindi, walang bakas ng paso sa balat si Juan. Hindi rin siya nalason ng inumin.
Sa bagay na ito, napatunayan niya ang pangako ng Diyos sa Marcos 16:18 (FSV), na nagsasabing “walang mangyayaring masama” sa sinumang “uminom ng anumang nakamamatay na lason.”
3) Ang mga patotoo ni Juan ay lalo pang nagpaigting ng galit ng kanyang mga kaaway at ng emperador ng Roma.
Hindi pa rin kumbinsido ang emperador kahit na nakaligtas si Juan mula sa kumukulong langis at hindi nalason ng kanyang inumin. Hindi rin nabago ang kanyang masamang impresyon kay Hesus.
Sinabi pa niya, “Sa ganito ay mamamatay ang lahat ng naniniwala sa mandarayang iyon, si Hesu Kristo ng Nazaret”11.
Ngunit sumagot si Juan, “Ang aking Panginoon ay matiising tinanggap ang lahat ng kahihiyan at pahirap ni Satanas at mga anghel niya. Ibinigay Niya ang [Kanyang] buhay upang iligtas ang sanlibutan.”
Ipinagpatuloy niya, “Ako ay nagagalak na magdusa sa Kanyang pangalan. Ako ay taong mahina at makasalanan. Si Kristo ay banal, walang kapintasan. Hindi Siya nagkasala o may nasumpungan mang daya sa Kanyang bibig.”
Nakikita mo ba ang kababaang-loob na iyon? Di rin matatawaran ang kanyang pananampalataya at pagtitiyaga.
Gayon din ba ang iyong gagawin kung ikaw ang nasa posisyon ni Juan?
Ngunit kung gaano kahusay ang kanyang patotoo, gayon din kalalim ang pagkamuhi sa kanya ng kanyang mga kaaway12.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 20 Heroes: Galit na Romanong emperador](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/angry-1024x576.jpg)
Maging si “Emperador Domiciano ay napuno ng galit”13.
Bakit?
Hindi niya kayang baliin ang katwiran ni Juan o pantayan man lang ang kapangyarihan nito sa pagbigkas ng katotohanan.
Nangangahulugan itong namangha ang emperador sa pananalig ni Juan. Wala siyang masumpungang mali sa mga patotoo nito.
Gayunpaman, nagpasya siyang patahimikin ang mangangaral.
Nakalulungkot, hindi ba?
Hanggang sa inalis na ng emperador si Juan mula sa kaldero14.
Ano sa tingin mo ang susunod niyang gagawin?
4) Ipinadakip na ng emperador si Juan.
Hindi pa rin nagbago ang isip ng emperador. Dito naramdaman ni Juan ang bigat ng pag-uusig sa kanya15.
Maya-maya ay ibinigay na ang hatol. “Sa utos ng emperador, si Juan ay itinapon sa pulo ng Patmos.”
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 21 Heroes: Pagposas kay Juan](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/chained-1-1024x576.jpg)
Ano? Bakit? Paano nangyari iyon?
Sandali lamang. Maaaring nagtatanong ka kung ano at saan matatagpuan ang Patmos na ating nabanggit.
Ang Patmos ay isang tigang at mabatong isla sa Dagat Egeo16. Dito palagi itinatapon ng pamahalaang Romano ang mga kriminal.
Pagpapatapon ng mga kriminal? Kriminal din ba si Juan? Anong kasalanan ang nagawa niya?
Ayon sa Bibliya, siya ay hinatulan dahil sa pagpapatotoo para kay Hesus (Apocalipsis 1:9).
Sa bagay na ito, inakala ng kanyang mga kaaway na hindi na nila mararamdaman ang kanyang presensya. At mamamatay na siyang tuluyan sa kahirapan at pagkabalisa15.
Kung ikaw ang nasa lugar ni Juan, malamang tatanungin mo ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat ng ito.
Bakit ka nagdurusa nang ganito gayong wala ka namang ginagawang masama?
Maaaring itatanong mo rin sa iyong sarili, “Nararapat ba ito para sa akin?”
Paano Naging Isang Pagpapala ang Kanyang Pagkatapon?
1) Sa tigang na kapaligiran ng Patmos, nahinuha ni Juan ang mahahalagang aral ng Diyos.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 22 Heroes: Si Juan habang nagsusulat](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/quill-1024x576.jpg)
Tunay na malungkot sa islang ito. Walang kausap. Walang libangan. Ang isipin pa lamang na ika’y nasa isang mapanglaw na lugar ay lubos na nakapanlulumo na, hindi ba?
Noong kanyang kabataan, napaliligiran siya ng magagandang tanawin ng mga burol na nababalutan ng kahoy, mga luntiang lambak, at malulusog na kapatagan.
Ngayon, ang nakapalibot sa kanya ay mga tanawing mapanglaw at hindi kaakit-akit para sa nakararami16.
Ngunit hindi iyon ang nakikita ni Juan. Nahihinuha niya ang mahahalagang aral ng Diyos sa gitna ng ligaw at tiwangwang na mga bato, malawak na kalaliman, at malaking kalawakan.
Sa gitna ng tigang na kapaligiran, namamasdan ng apostol ang bughaw na kalangitang tulad ng matatanaw mula sa iniirog niyang bayan, ang Herusalem.
Ipinamamalas din ng mababagsik na alon ng karagatan ang kapangyarihan ng Diyos na kumokontrol ng kalaliman17.
Dahil dito, nakita ni Juan kung gaano kabulag at kahangal ang tao sa kanyang pagmamataas. Ang isang oras lamang ng paglasap ng biyaya ng Diyos sa gitna ng sikat ng araw at ulan ay isa nang malaking pagpapala.
Kaya nitong baguhin ang larawan ng kalikasan higit pa sa maaabot ng mapagmalaking kaalaman at matiyagang pagsisikap ng tao.
Ngunit higit sa lahat, ipinaalala ng karanasang ito kay Juan ang pinakabanal na bahagi ng Paglikha—ang Sabado.
Halimbawa, napagbabalik-tanaw niya ang Diyos na inilalahad ang Kanyang kautusan sa mga Israelita sa Bundok Horeb. Ito ay, “Alalahanin mo ang araw ng [Sabado] upang ipangilin” (Exodo 20:8, ABTAG1978).
At ipinangilin nga ni Juan ang araw ng Sabado gaya ng kanyang ipinangaral noon18.
2) Nasaksihan niya ang kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 23 Heroes: Kalangitan sa gabi](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2021/12/majesty-1024x576.jpg)
Sa pagninilay-nilay ni Juan sa mga nilikha ng Diyos, namangha siya sa Kanyang kadakilaan. Humanga siya sa kapangyarihan ng dakilang Arkitekto19.
Sa katunayan, hindi niya matagalan ang kaluwalhatian ng presensya ni Kristo20. Siya ay bumabagsak sa lupa gaya ng isang taong natamaan at namatay.
Hindi nakapagtataka.
Sino ang makapapantay sa Panginoon? Siya ay kinasisindakan ng kapulungan ng mga banal at iginagalang ng lahat ng nasa palibot Niya21.
Dahil dito, pupurihin ng kalangitan ang kadakilaan ng Panginoon. Ang milyun-milyong daigdig sa itaas ay maghahandog ng awitin ng karangalan, papuri, at kaluwalhatian sa kanilang Manlalalang.
Dahil dito, paano makahaharap si Juan sa Diyos?
Ngunit ipinatong ni Hesus ang Kanyang kamay sa kanya.
Wika Niya, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, at ang nabubuhay!” (Apocalipsis 1:17-18, MBBTAG). Dahil dito, lumakas ang loob ni Juan na mamuhay kasama ng Diyos.
Sa pagpapatuloy, napagtanto ni Juan na ang ligaw at tiwangwang na mga bato, misteryo ng malawak na kalaliman, at kagandahan ng kalawakan ay pawang nagpapahiwatig ng kahanga-hangang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos16.
Kaya naman, ating pagmasdan ang kagandahan ng langit sa gabi at purihin ang Diyos sa makapangyarihang paglikha ng mga bagay sa kalawakan.
Ipinakikita nito sa atin ang kadakilaan ng ating Manlalalang kumpara sa ating kababaan ng likas kung kaya ang ating pagmamataas ay mapapalitan ng kababaang-loob sa pagkilala ng Kanyang kaluwalhatian.
Tiyak na iyon din ang napagtanto ni Juan, hindi nga ba?
Ang mapagkumbabang apostol na ito ay dating mainitin ang ulo tulad ng kanyang kapatid (Lucas 9:54). Tunay na malaki ang nabago sa kanya ng karanasang ito sa Patmos.
3) Napagbalik-tanawan niya ang mahahalagang pangyayari sa simulain ng kasaysayan ng mundo.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 24 Heroes: Mundo sa kalawakan](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/01/earth-1024x576.jpg)
Nakita ni Juan ang mga eksena sa Horeb kung saan ibinigay ng Diyos ang kautusan sa pamamagitan ni Moises at pinabanal ang araw ng Sabado22.
Napagbulay-bulayan niya ang kasalanan ni Adan sa paglabag sa banal na kautusan at nasaksihan ang bunga nito.
Nakita rin ni Juan ang mga saksi ng Baha sa panahon ni Noe. Napagtanto niya kung gaano katindi ang pagsuway ng mga naninirahan sa lupa sa batas ng Diyos.
Sa gayong paglabag, nasaksihan niya ang poot ng Diyos sa paghihiwa-hiwalay ng mga tubig.
4) Binigyan siya ng pangitain ukol sa mga mangyayari sa hinaharap.
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 25 Heroes: Mabagyo at maaraw na panahon](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/01/escathology-1024x576.jpg)
Inihayag ng Diyos ang propesiya kay Juan23.
Sa pamamagitan ng isang pangitain20, binigyan Niya siya ng pinakamalawak na larawan ng magiging gawain ng Diyos sa lupa sa hinaharap23.
Para rito, gumamit ang Diyos ng mga simbolo tulad ng kalikasan at mga hayop upang kumatawan sa mga kaganapan sa huling panahon. Ang mga kaganapang ito ay magiging mga palatandaan ng ikalawang pagdating ni Hesus.
Ang ilan sa mga pangyayaring ito ay ang mga sumusunod ayon sa aklat ng Apocalipsis:
- Lindol, kidlat, kulog, bagyo, at iba pang mga sakunang pangkalikasan
- Mga sakit, taggutom, at tagtuyot
- Mga digmaan at kaguluhan sa mga tao at bansa
- Pag-usbong ng mga huwad na propeta
- Pagdilim ng kalangitan at pagbagsak ng mga tala
Napakalaking pribilehiyo ang makita ang lahat ng ito!
Bukod sa mga ito, ang kagandahan ng tahanan sa langit ay ipinakita rin sa kanya. Pinahintulutan din siyang tumingin sa trono ng Diyos20.
Dito, nasaksihan ni Juan ang mga tinubos ng Diyos na nakasuot ng puting balabal ng katwiran. Narinig din niya ang musika ng makalangit na mga anghel at ang awit ng tagumpay ng mga nagwagi laban sa kasalanan.
Kalakip ng mga ito, nais ng Diyos na si Juan ay maging isang mensahero23. Siya ay magiging tagapaghatid ng mga babala at mensahe ng pag-asa ng Diyos para sa mga tao.
Napakalaking pribilehiyo, hindi ba?
Kung iisipin, maaaring ang pagkakatapon kay Juan sa Patmos ang pinakamasaklap na nangyari sa kanila.
Ngunit, gaya ng nakita natin, umakay ito sa kanya sa isang malalim na ugnayan sa Diyos. At dito siya binigyan ng isang mahalagang misyon para sa mundo.
Tunay na isang di-inaasahang pagpapala ang karanasang ito.
Ano Ang Itinuturo sa Atin ng Kwento ng Pagkakatapon ni Juan?
![Juan sa Patmos: Bakit Ipinatapon? Paano Naging Pagpapala? 26 Heroes: Lalaking pinupuri ang Diyos](https://www.heroesbibletrivia.org/wp-content/uploads/2022/01/hope-1024x576.jpg)
Ang pagkakausig kay Juan ay “may kahanga-hangang liksyon ng kalakasan at kaginhawahan para sa [isang] Kristiyano”24.
Sa bagay na ito, “hindi hinahadlangan ng Diyos ang mga pakana ng [masasamang tao].” Sa halip, “ang mga pakanang ito ay binabaligtad Niya ukol sa ikabubuti nilang sa panahon ng pagsubok at tunggalian ay nananatiling tapat at may pananampalataya.”
Kaya ating pakatandaang “ang karanasang natatamo sa hurno ng kahirapan ay kasinghalaga ng lahat ng mga pagdurusa.”
Sa pamamagitan nito, inilalapit tayo ng Diyos sa Kanya. Ipinakikita Niya sa atin ang ating mga kahinaan at ang Kanyang kalakasan upang turuan tayong manalig sa Kanya.
Sa ganito ay inihahanda tayong humarap sa mga kagipitan upang ating magampanan ang Kanyang “dakilang adhikain” para sa atin.
Sa kaso ni Juan, ang layuning ito ay ang makita ang mangyayari sa sanlibutan at langit sa hinaharap. At sa pamamagitan nito, magsisilbi siyang tagapaghatid ng pag-asa ng Diyos para sa ating mga nabubuhay sa huling panahon.
Gusto Naming Malaman Ang Iyong Opinyon
Ano ang masasabi mo sa karanasan ni Juan sa Patmos? Ano ang natutuhan mo rito?
Mayroon ka bang katulad na karanasan? Kung gayon, ano ang natutuhan mo mula roon? At paano ka tinulungan ng Diyos na malampasan ito?
Ilahad ang iyong mga saloobin.
Upang makilala pa si Juan, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanyang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin siya sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.
- Stephen Haskell, The Story of the Seer of Patmos, 15.1 [↩] [↩]
- Oakman, sa Deni Rene YouTube Channel, 2017 [↩]
- Stephen Haskell, The Story of the Seer of Patmos, 16.1 [↩]
- Stephen Haskell, The Story of the Seer of Patmos, 17.1 [↩]
- Stephen Haskell, The Story of the Seer of Patmos, 22.1 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 70.1 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 70.2 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 70.3 [↩] [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 431.1 [↩]
- Wilson, 2020 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 431.3 [↩] [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 71.1 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 431.2 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 431.4 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 431.5 [↩] [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 72.1 [↩] [↩] [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 73.2 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 74.2 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 72.1, 76.2 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 78.1 [↩] [↩] [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 76.2 [↩]
- Stephen Haskell, The Story of the Seer of Patmos, 24.1 [↩]
- Stephen Haskell, The Story of the Seer of Patmos, 17.3 [↩] [↩] [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 434.4 [↩]