Nilalaman

10 Katotohanan Tungkol sa Pagpapagaling sa Lalaking Lumpo

Maaaring narinig mo na ang kwento ng pagpapagaling sa lalaking lumpo sa pamamagitan nina Juan at Pedro. Ngunit hindi mo pa siguro alam ang mga detalye.

Sa artikulong ito, kilalanin o alamin natin ang mga sumusunod:

  • Sina Pedro at Juan
  • Ang kanilang ministeryo
  • Ang lalaking lumpo
  • Ang kwento ng pagpapagaling sa kanya
  • Ang 10 nakamamanghang pangyayari noong araw na iyon

Sinu-sino Ang Mga Tauhan?

Pedro

Heroes: Si Pedrong may hawak na tungkod
Karapatang-ari: Free Bible Images

Marahil kilala mo na si Pedro.

Bakit hindi? Isa siya sa pinakakilalang mga disipulo ni Hesus, hindi ba?

Pero marahil may mga bagay na hindi mo pa alam tungkol sa kanya.

Ating tuklasin ang mga ito!

Ang kanyang pamilya at tirahan

Si Jonas ang ama ni Pedro at si Andres naman ang kanyang kapatid (Juan 1:40, 21:15).

Lumaki siya sa Betsaida at Capernaum (Juan 1:44; Mateo 8:5-17).

Ang kanyang hanapbuhay bago nakilala si Hesus

Si Pedro ay isang mangingisda sa Capernaum kasama nina Andres, Santiago, at Juan1.

Sa kasamaang-palad, wala silang bahagi mula sa kanilang mga nahuling sariwang isda.

Bakit at paano?

Nakasaad sa kasunduan nila ng maniningil ng buwis na ang mga sariwang isda ay para lamang sa mayayaman. Mga naprosesong isda lamang ang maaari nilang makuha bilang kapalit.

Hindi makatarungan, ano?

Ano ang gagawin mo kung ikaw ay nasa kanilang kalagayan? Ipaglalaban mo ba ang iyong karapatan?

Paano niya nakilala si Hesus?

Si Andres, kapatid ni Pedro, ay nakikinig sa pangangaral ni Juan Bautista tungkol sa pagdating ni Hesus. Sa katunayan, Siya ay kasama na nila, ayon sa mangangaral.

Heroes: Si Juan Bautista habang nangangaral
Karapatang-ari: Free Bible Images

Laking gulat at pagkasabik siguro ni Andres, ano?

Maikukumpara ito sa isang pambihirang pagkakataong makita at makamayan ang iyong paboritong artista.

Maniniwala ka bang kaagad na nagpasya si Andres na sumunod kay Hesus (Juan 1:40)? Sa kanyang pagkasabik, tinawag niya si Pedro upang salubungin Siya.

At alam mo ba? Noong araw ring iyon, sumunod si Pedro kay Hesus2.

Napakabilis namang magdesisyon!

Marahil kilala na nila si Hesus at nakarinig na ng magagandang bagay tungkol sa Kanya bago pa man nila Siya makita. Matagal na nila Siyang hinihintay.

Ang kanyang buhay kasama ni Hesus

Si Pedro ay kabilang sa tatlong matatalik na alagad ni Hesus kasama nina Santiago at Juan.

Sa pamamagitan nito, nasaksihan niya ang pagbabagong-anyo ni Hesus (Lucas 9:28). Naroon din siya noong Siya ay nanalangin sa Getsemani (Mateo 26:36-46).

Ngunit, tulad ng ibang mga alagad, si Pedro ay mayroon ding mga di-kaaya-ayang karanasan kasama ni Hesus na labis niyang pinagsisihan.

Halimbawa, muntik na siyang malunod habang sinusubukang lumakad sa tubig (Mateo 14:28-33).

Heroes: Si Pedrong naglalakad sa tubig
Karapatang-ari: Canva

Paano?

Naaalala mo ba ang iyong pinakanakakahiyang karanasan ng pagpapakitang-gilas?

Ipagpalagay nating gusto mong ipakita sa iyong mga kalarong kaya mong lumipad mula sa bubong ng inyong bahay. Ngunit nahulog ka at napahiya kaya napagtanto mo kung gaano ka kabaliw at kadesperadong sumubok ng isang imposibleng bagay.

Malamang, ganito rin ang naramdaman ni Pedro nang magpakitang-gilas sa ibang mga alagad na bumaba mula sa bangka at lumakad sa dagat kasama ni Hesus.

Ngunit nanaig sa kanya ang takot at pagdududa, dahilan upang unti-unti siyang malunod. Ngunit salamat kay Hesus sa pagsagip sa kanya!

Ang isa pang pagkakataon ay noong makilala siya ng ilang mga tao bilang tagasunod ni Hesus. Ngunit natakot siyang madamay sa Kanyang paglilitis at pagkapako sa krus. Kaya tumanggi siya at sinabing hindi niya Ito kilala.

Biglang tumilaok ang manok—mismong senyales na inilarawan ni Hesus sa Kanyang babala kay Pedro bago ito nangyari (Lucas 22:54-62; Juan 13:31-38).

Hiyang-hiya siya sa pagkakanulong nagawa niya sa kanyang Guro.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, binago ng Banal na Espiritu si Pedro tungo sa isang mapagpakumbaba at masigasig na apostol noong panahong nasa langit na muli si Hesus.

Naging aktibo siya sa pangangaral ng Kanyang banal na Salita. Ang iglesya sa Antioc ay isa sa mga pinaglingkuran niya (Mga Gawa 11:19-30).

Juan

Heroes: Juan, ang anak ng kulog

Kilala mo na rin siguro si Juan bilang disipulo ni Hesus tulad ni Pedro.

Nugnit kilala mo ba ang kanyang pamilya at alam ang kanyang hanapbuhay?

Kilalanin natin siya at alamin ang kanyang buhay bago nakilala si Hesus.

Si Juan ay anak ni Zebedeo at kapatid ni Santiago (Mateo 10:2-4; Marcos 3:16-19).

Siya ay isang mangingisda sa Capernaum1, nagtatrabahong kasama nina Pedro, Andres, at Santiago.

Ngunit gaya ng ating natuklasan kanina, hindi sila maaaring magkaroon ng bahagi sa kanilang sariwang huli. Ang maniningil ng buwis ay binibigyan lamang sila ng mga naprosesong isda kapalit ng mga sariwang isdang nakalaan para sa mayayaman.

Kamusta ang kanyang buhay kasama ni Hesus?

Bilang alagad, si Juan ay napakamalapit kay Hesus. Sa katunayan, isa siya sa Kanyang tatlong matatalik na kaibigan kasama nina Pedro at Santiago.

Heroes: Si Juan, Hesus, at iba pang mga disipulo
Karapatang-ari: Free Bible Images

Dahil dito, mas marami siyang nakitang mga gawain ni Hesus kaysa sa ibang mga alagad. Dalawa sa mga ito ay ang Kanyang pagbabagong-anyo (Lucas 9:28-36) at pananalangin sa Getsemani (Mateo 26:36-46).

Maniniwala ka rin bang si Juan ay nakaupong katabi ni Hesus at nakasandal pa sa Kanya noong huling hapunan Niya kasama ng lahat ng mga disipulo (Juan 13:23)?

Matalik talaga silang magkaibigan, hindi ba?

Ngunit bukod sa mga ito, alam mo ba kung gaano kalaki ang tiwala ni Hesus kay Juan?

Naaalala mo ang Kanyang mga huling sandali sa krus? Bago Siya mamatay, hiniling Niya kay Juan na alagaan ang Kanyang inang si Maria mula noon (Juan 19:26-27).

Isang karangalan!

Ngayon, dumako tayo sa panahong nasa langit na muli si Hesus.

Si Juan ay aktibong nangaral tungkol kay Hesus sa iba’t ibang lugar. Ngunit gusto siyang patigilin ng kanyang mga kaaway3.

Heroes: Mga kamay na nakagapos
Karapatang-ari: Canva

Dinala siya sa Imperyo ng Roma upang litisin. Doon ay hinamon siya ng emperador na maligo sa kumukulong langis at uminom ng lason45.

Hindi man lang nasaktan at nalason si Juan kaya nagpatuloy siya sa pangangaral. Ang kanyang mga kaaway ay hindi maiwasang mamangha sa kanyang patotoo ng kapangyarihan dahil siya ay may di-matatawarang sigasig at tagumpay6.

Ngunit hindi nagbago ang isip ng emperador. Ipinatapon niya si Juan sa pulo ng Patmos (Apocalipsis 1:9).

Nailalarawan mo ba ang iyong sarili sa ganito kalungkot na lugar at sitwasyon? Kakayanin mo kaya?

Ngunit hindi siya pinabayaan ng Diyos. Sa katunayan, ito ay naging isang pagpapala7.

Paano?

Nasaksihan ni Juan sa isang pangitain ang “mga pangyayaring magaganap sa mga huling yugto ng kasaysayan ng lupa.”

Sina Pedro at Juan bilang magkatuwang sa ministeryo

Tulad ng iyong nabasa kanina, magkatuwang sina Pedro at Juan bilang mga mangingisda sa Dagat ng Galilea. Sa ganitong hanapbuhay sila nadatnan ni Hesus nang anyayahan silang sumunod sa Kanya (Lucas 5:10).

Bukod diyan, magkasama rin sila sa gawain ng Panginoon8.

Heroes: Si Pedro at si Juan
Karapatang-ari: Free Bible Images

Halimbawa, sila ang ipinadala ni Hesus sa isang siyudad upang maghanda para sa Paskuwa (Lucas 22:8).

Sa lungsod na iyon, makakatagpo sila ng isang lalaking magpapakita sa kanila ng isang malaking silid sa itaas kung saan nais ni Hesus kumain kasama ang Kanyang mga alagad (Marcos 14:12-16).

Ngayon, tunghayan natin ang kwento sa Mga Gawa 8:9-25.

Dito, isang lalaking nagngangalang Simon ang nagsasagawa ng mahika sa Samaria. Kinikilala niya ang kanyang sarili bilang isang mahusay na mahikero. Sa katunayan, marami ang namamangha sa kanyang ipinapakita.

Ngunit aakalain mo ba? Nang marinig ng madla si Felipe mangaral tungkol sa Diyos, nakumbinsi sila at nagpabinyag. Maging ang salamangkero ay nahikayat.

Biruin mo iyon! Siguradong kasama ni Felipe ang Banal na Espiritu.

Nang malaman ito ng mga apostol, pinapunta nila sina Pedro at Juan. Nanalangin sila para sa mga taong tanggapin ang Banal na Espiritu.

Ngayon, dumako tayo sa Galacia 2:1-10.

Dito, sumangguni sina Pablo at Bernabe sa mga apostol tungkol sa ebanghelyong kanilang ipinangangaral sa mga Hentil. Inaprubahan ito nina Pedro, Santiago, at Juan.

Base sa mga kwentong ito, ano ang masasabi mo sa tambalan nina Pedro at Juan? Bukod sa pagiging magkapartner sa paglilingkod, malamang ay matalik din silang magkaibigan.

Ang lalaking lumpo

Sa kasamaang-palad, hindi pinangalanan ng Bibliya ang lalaking lumpong ito. Ngunit binabanggit nitong siya ay pilay “mula pa sa pagkapanganak” (Mga Gawa 3:2, ABTAG2001). Hindi sapat ang lakas ng kanyang mga kalamnan upang makagalaw siya nang malaya.

Heroes: Lalaking lumpo sa Herusalem
Karapatang-ari: Free Bible Images

Kung gayon, paano nga naman siyang makakalakad o makakatakbo?

Upang makagala, kailangan niya ng tulong mula sa ibang mga tao. Sa katunayan, araw-araw siyang binubuhat ng mga tao patungong pintuan ng Templo ng Herusalem.

Bakit doon? Bakit hindi sa ibang mga lugar kung saan mabibigyan siya ng tamang pag-aaruga?

Noon kasi ay walang mga ospital9. Kaya dapat siya ay nasa isang lugar kung saan ang kanyang kalagayan ay makikita ng mga taong may mabuting kalooban.

Dahil sa kapansanang ito, hindi makapagtrabaho ang lumpong ito kaya wala siyang pera. Lumaki siyang pulubi. Ginugugol na lamang niya ang bawat araw sa panlilimos sa mga taong dumaraan.

Nakakita ka na ba ng taong gaya nito? Naawa ka ba? Ano ang iyong ginawa?

Ang Kwento ng Pagpapagaling Nina Pedro at Juan sa Lalaking Lumpo

Saan ito nangyari?

Ang kwento ay nangyari sa Templo ng Herusalem, malapit sa pintuan nitong pinangalanang Maganda (Mga Gawa 3:9-10).

Heroes: Lalaking nanlilimos
Karapatang-ari: Free Bible Images

Marahil nagtatanong ka kung ang templong ito ay ang itinayo ni Solomon maraming taon na ang nakalipas (1 Hari 6). Tama, ito nga ‘yon.

Maraming pagkawasak ang naranasan nito tulad noong pananakop ng mga taga-Babilonya (Jeremias 39:8).

Ngunit nagsimula ang pagsasaayos nito noong panahon nina Ezra at Nehemias, at nagpatuloy sa panahon ni Haring Darius at kahit ni Hesus, lalo noong malapit na Siyang ipako sa krus.

Yamang nabanggit si Hesus, malamang naaalala mo ang sandaling nakatitig Siya sa templong ito nang may kalungkutan (Mateo 24).

Kausap ang Kanyang mga alagad, ipinaalam Niya sa kanilang ang templong ito ay muling mawawasak. Sa pamamagitan nito, ipinahayag Niya sa kanila ang mga tanda ng wakas gaya ng itinakda sa Banal na Kasulatan.

Kailan ito nangyari?

Ikasiyam na oras (bandang alas tres nang hapon) noon ng pananalangin o pag-aayuno ng mga Hudyo sa Herusalem.

Ano ang pakay nina Pedro at Juan sa pagtungo roon?

Sina Pedro at Juan ay patungo sa Templo ng Herusalem upang dumalo sa oras ng panalangin at makihalubilo sa mga Hudyo at Kristiyano (Mga Gawa 2:42-47, 3:1).

Kung iyong mapapansin, wala silang intensyong gumawa ng isang himala ng pagpapagaling.

Ano ang inaasahan ng lalaking lumpo?

Tulad nina Pedro at Juan, hindi rin naghihintay ng isang himala ang lumpong ito.

Sa halip, umaasa lamang siyang mabigyan ng limos ng mga taong dumaraan upang mabuhay, lalo ngayong lampas na siya sa kwarenta (Mga Gawa 4:22).

Ano ang inialok nina Pedro at Juan?

Wika ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto” (Mga Gawa 3:6, MBBTAG).

Nakadidismaya, hindi ba?

Buong buhay na desperadong matulungan ang lalaking ito tapos ganito pa ang maririnig niya. Malamang nawalan na siya ng pag-asa.

Ngunit nagpatuloy si Pedro, “Kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo.”

Ano kaya iyon? Nakakapanabik naman!

“Sa pangalan ni Hesu Kristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.”

Heroes: Lumpong nakakalakad na
Karapatang-ari: Free Bible Images

Talaga ba?

Ngunit hindi ito naunawaan ng lalaki noong una. Kaya, hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at pinatayo (talata 7).

Anong 10 Kamangha-manghang Mga Bagay Ang Nangyari sa Kwentong Ito?

1) Ang lalaking lumpo ay himalang lumakas.

Nang ibangon ni Pedro ang lumpo, ang mga paa at bukung-bukong nito ay lumakas (Mga Gawa 3:7).

Akalain mo ‘yon!

Hindi siya makapaniwala. Akala niya ay nananaginip lamang siya. Marahil sinusuri pa niya ang kanyang mga binti at paa upang malaman kung paano siya nakatayo at nakalakad.

2) Napagaling nina Pedro at Juan ang lumpo nang hindi gumagamit ng anumang gamot.

Oo, hindi gumamit ng medikal na lunas ni anumang espesyal na kagamitan sina Pedro at Juan.

Ngunit nagawa nilang palakarin ang lalaki sa unang pagkakataon ng kanyang buhay. Paano? Sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Diyos (Mga Gawa 3:6).

3) Nagsimulang maniwala sa Diyos ang lalaki at pinuri Siya sa kanyang kagalingan.

Heroes: Lumpong nagdiriwang nang makalakad na
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa kanyang paglalakad, hindi maiwasan ng lalaking tumalon sa sobrang saya at kasabikan (Mga Gawa 3:8).

Maya-maya, pumasok na siya sa templo kasama nina Pedro at Juan.

Patuloy ang kanyang pagtalon at pagpuri sa Diyos. Sadyang hindi niya mapigil ang kanyang kaligayahan.

4) Maging ang mga taong nakapaligid ay namangha at naniwala rin sa Diyos.

Nakakita ka na ba ng isang aksidente? Ipagpalagay nating dalawang sasakyan ang nagkabanggaan.

Ano marahil ang gagawin mo? Lalapit ka para makita itong mabuti, hindi ba?

Magugulat ka na lamang na dinudumog na ito ng maraming tao pagkaraan ng ilang saglit.

Ganito ang eksena nang pagalingin nina Pedro at Juan ang lalaking lumpo.

“Nakita ng lahat na siya’y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. Nang makilala nilang siya ang pulubing dati’y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya” (Mga Gawa 3:9-10, MBBTAG).

5) Sinamantala ni Pedro ang pagkakataong ipangaral ang tungkol sa kapangyarihan ng Diyos sa pagpapagaling.

Heroes: Si Pedro habang nangangaral
Karapatang-ari: Free Bible Images

Habang nakahawak ang lalaki kina Pedro at Juan patungong Portiko ni Solomon, lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka pa rin sa nangyari (Mga Gawa 3:11).

Wika ni Pedro sa kanila, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo’y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan?” (talata 12, MBBTAG).

Napakamapagpakumbaba! Imbis na angkinin niyang lahat ang papuri, ibinalik ito ni Pedro sa Diyos.

Aakalain mo bang ito ang dating Pedrong mayabang, mapagmataas, at mapagduda? Ang laki ng kanyang pinagbago.

Sa pagpapatuloy ng kwento, sinamantala ni Pedro ang pagkakataong mangaral tungkol sa Diyos (mga talata 13-16).

Ipinaalam niya sa kanilang ang Diyos na ito ang dinala ng kanilang mga ninuno kay Pilato. Siya ang May-akda ng buhay ngunit tinanggihan at pinatay nila Siya.

Gayunpaman, ang Diyos na ito ay Siya ring Diyos na nagpagaling sa lalaking lumpo.

“Saksi kami sa pangyayaring ito,” dagdag ni Pedro (talata 15, MBBTAG).

“Ang kapangyarihan ng pangalan ni Hesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa Kanyang pangalan. Ang pananalig kay Hesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita” (talata 16, MBBTAG).

6) Sina Pedro at Juan ay inaresto at ikinulong ng galit na mga pinuno.

Heroes: Sina Pedro at Juan nang hulihin
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa kasamaang-palad, ang pangyayaring ito ay bumagabag sa mga pari at sa kapitan ng templo. Nayamot din ang mga Saduceo (Mga Gawa 4:1-2).

Bakit kaya?

Inakala nilang tinuturuan nina Pedro at Juan ang mga tao tungkol sa pagkabuhay-muli.

Bakit ganoon ang kanilang iniisip? Iyon ba ang idiniin nina Pedro at Juan sa kanilang pangangaral?

Hindi natin alam. Ngunit dahil sa kaisipang iyon, dinakip nila ang dalawang apostol (talata 3). Inilagay nila sila sa kustodiya hanggang sa sumunod na araw.

7) Natutuhan ng mga pinuno mula kay Pedro ang tungkol sa sakripisyo ng Tagapagligtas at ang Kanyang pagnanais na tanggapin ng mga Hudyo.

Kinabukasan, ang mga pinuno, mga nakatatanda, at mga eskriba ay nagtipon sa Herusalem.

Kasama nila ang matataas na saserdote—sina Anas (ang punong saserdote), Caifas, Juan, at Alejandro (Mga Gawa 4:5-6).

Tinanong nila si Pedro, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” (talata 7, MBBTAG).

Sumagot si Pedro, “kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito…nais kong malaman ninyong lahat…na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni [Hesu Kristong taga-Nazaret]” (mga talata 9-10, MBBTAG).

Sinusuri tungkol sa isang mabuting gawa? Makatarungan ba ito? Nararapat ba ito para kina Pedro at Juan?

Sa pagpapatuloy ni Pedro, inulit niya ang kanyang nabanggit sa pangangaral sa tempo.

Wika niya, “Ang Hesus na ito ang Batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay, ang Siyang naging Batong-panulukan” (talata 11, MBBTAG).

Bukod pa rito, ipinako nila Siya sa krus. Ngunit binuhay Siyang muli ng Diyos at bumalik sa langit.

Dahil dito, ipinaalala ni Pedro sa kanilang “walang kaligtasan [kaninuman], sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas” (talata 12, ABTAG2001).

Heroes: Pagkapako ni Hesus sa krus
Karapatang-ari: Canva

Makikitang hinihimok sila ni Pedro upang magsisi at talikuran ang kasalanan.

8) Nalaman nilang ang kapangyarihan ni Hesus ang nagpagaling sa lalaking lumpo.

Ipinaalam ni Pedro sa mga pinunong ang Diyos na ipinako ng kanilang mga ninuno ay Siya ring nagpagaling sa lalaking lumpo.

At ang lalaking nakaranas ng gayong pagpapagaling ay kaharap nila ngayon—malusog.

Ano ang magiging reaksyon mo kung isa ka sa mga pinunong ito? Maniniwala ka ba sa iyong narinig?

Isa pa, mahihiya ka ba sa pag-akusa kina Pedro at Juan sa isang bagay na hindi naman nila ginawa?

9) Ikinamangha ng mga pinuno ang husay nina Pedro at Juan sa pagsasalita kahit wala silang pormal na edukasyon.

Nasaksihan ng mga pinuno kung gaano katapang sina Pedro at Juan sa kabila ng paglilitis (Mga Gawa 4:13). Hindi sila natinag sa pagpapatotoo tungkol kay Hesus.

Ngunit itinuring nila ang mga apostol na ordinaryo at walang pinag-aralan. Gayunpaman, namangha sila sa lahat ng kanilang ipinangaral.

Dahil dito, napatunayan nilang ang mga apostol na ito ay nakasama ni Hesus.

10) Dahil sa kanilang patotoo, hindi napigilan ng mga pinunong palayain na sina Pedro at Juan.

Heroes: Sina Pedro at Juan nang palayain
Karapatang-ari: Free Bible Images

Nang makitang gumaling ang pilay, hindi magawang sumalungat ng mga pinuno sa lahat ng mga patotoo nina Pedro at Juan.

Maya-maya, nag-usap-usap ang mga miyembro ng konseho.

“Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Hayag na sa buong Herusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila at hindi natin ito maikakaila” (Mga Gawa 4:16, MBBTAG).

Gayunpaman, ayaw ng mga pinunong kumalat pa ang patotoo nina Pedro at Juan. Kaya naman, tinawag nila sila at pinagbilinang huwag nang magturo sa pangalan ni Hesus.

Ngunit ipinakita ng dalawang apostol kung gaano sila katapang at katapat. “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos” (talata 19, MBBTAG).

Talaga? Bakit?

“Sapagkat hindi namin mapigilang sabihin ang patungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig” (talata 20, SND).

Ngunit ang mga pinuno ay walang mahanap na anumang mali upang parusahan sila. Kaya, sa wakas ay pinalaya nila sina Pedro at Juan.

At pinuri ng mga tao ang Diyos dahil dito.

Ibahagi Ang Iyong Saloobin

Nagustuhan mo ba ang mahimalang kwentong ito ng lalaking lumpo? Ano ang natutuhan mo mula kina Pedro at Juan?

Higit sa bagay na iyan, ano ang napagtanto mo tungkol sa kapangyarihang magpagaling ni Hesus? Naniniwala ka bang kaya ka rin Niyang pagalingin?

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa kwentong ito, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, bisitahin ang pahina ng mga kwento nina Pedro, Juan, at Hesus, hanapin sila sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.

  1. Oakman, sa Deni Rene YouTube Channel, 2017 [] []
  2. Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 584-94 []
  3. Ellen White, The Sanctified Life, 70.3 []
  4. Wilson, 2020 []
  5. Early Christian Writings, 2021 []
  6. Ellen White, The Sanctified Life, 70.1 []
  7. Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 432.1 []
  8. Francis Nichol, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 6, 152.1 []
  9. Francis Nichol, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 6, 153.2 []
IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *