Nabalitaan mo na ba ang disipulong nagtangkang tumawag ng apoy mula sa langit? Sino siya? Bakit niya ginawa ito? Ano ang kuwento sa likod nito?
Sa artikulong ito, tuklasin:
- Kung sino ang alagad na ito bilang tao at tagasunod ni Hesus
- Ang kuwento sa likod ng pagtawag niya ng apoy mula sa langit at kung bakit niya ito ginawa
- Kung paano siya binago ng karanasang ito
- Ang mga aral na mapupulot mula sa kwentong ito
Sino ang Disipulong Itong Nais Tumawag ng Apoy Mula sa Langit?
Alamin natin ang bakgrawnd ng kanyang pamilya.
Si Juan ay isa sa “mga anak ni Zebedeo” (Lucas 5:10, MBBTAG). Ang kanyang kapatid ay si Santiago (Marcos 3:17).
Sino naman ang kanyang ina?
May tatlong Maria. Dalawa sa kanila ay sina Maria Magdalena at Maria, ang ina nina Santiago at Jose. Ang pangatlo ay si Salome, ang “ina ng mga anak ni Zebedeo” (Mateo 27:55-56; Marcos 15:40, SND).
Base rito, si Salome ang ina ni Juan.
Ano ang kanyang hanapbuhay?
Tulad ng kanyang ama at kapatid, si Juan ay isa ring mangingisda. Sa katunayan, sa ganitong hanapbuhay siya nadatnan ni Hesus at inanyayahang maging disipulo Niya (Mateo 4:21).
Kasama ng magkapatid na ito sa pangingisda sina Pedro at Andres. Sa kasamaang-palad, hindi nila maaaring kainin ang kanilang huli ayon sa kasunduan nila ng maniningil ng buwis1.
Ang sariwang isda ay para lamang sa mayayaman. Bilang kapalit, mga naprosesong isda lamang ang ibinibigay sa mga mangingisda.
Hindi makatarungan, ano?
Gayunpaman, may magagandang karanasan din si Juan sa pangingisda.
Halimbawa, isang gabi, siya ay nangingisda kasama ng ilan sa mga alagad. Sa kasamaang-palad, wala silang nahuli. Nang makita sila ni Hesus kinabukasan, pinayuhan silang ihagis ang kanilang mga lambat sa kabilang ibayo ng bangka.
Maniniwala ka bang nakahuli sila ng 153 isda (Juan 21:11)? Sa sobrang bigat ng lambat, halos hindi na nila ito mahila.
Akalain mo iyon!
Ano ang kanyang mga tungkuling pang-ebanghelyo?
Bilang alagad
Si Juan ay isa sa pinakamatatalik na disipulo ni Hesus.
Siya ay kabilang sa tatlong piling alagad kasama nina Pedro at Santiago. Kasama sila ni Hesus sa Kanyang pagbabagong-anyo (Lucas 9:28), pagpapagaling (Marcos 5:37), at halos lahat ng Kanyang mahahalagang gawain.
Napakalaking pribilehiyo ang masaksihan nang personal ang bawat sandali ng ministeryo ni Hesus.
Bukod dito, umupo si Juan sa Kanyang tabi noong Huling Hapunan. Nakasandal siya sa Kanyang dibdib habang nakikipag-usap sa Kanya (Juan 13:23-26).
Nag-ambisyon pa siyang pumwesto sa isa sa dalawang panig ng Kanyang trono sa langit (Marcos 10:37). Matinding tiwala sa sarili!
Gayunman, siya ang pinagkatiwalaang disipulo ni Hesus upang alagaan ang Kanyang inang si Maria bago Siya mamatay sa krus (Juan 19:26-27).
Grabeng tiwala!
Bilang apostol
Pagkabalik ni Hesus sa langit, nakipagtulungan si Juan kay Pedro sa pagtatatag ng sinaunang iglesyang Kristiyano.
Sila ang nanguna sa mga unang gawain nito. Ipinangaral nila ang sermon ng Pentecostes matapos matanggap ang Banal na Espiritu sa anyong dila ng apoy (Mga Gawa 2:1-41).
Si Juan ay nangaral nang may di-matatawarang sigasig at tagumpay2.
Siya ay may patotoo ng kapangyarihang hindi kayang salungatin ng kanyang mga kalaban ngunit nagbigay-inspirasyon sa mga nakikinig. Tunay nga, hinangaan nila ang kanyang karunungan, pananalig, at katapatan.
Bilang isang ebanghelista
Sa sobrang sigasig ni Juan sa pangangaral tungkol kay Hesus, kinundena at nilitis siya ng Imperyo ng Roma.
Inilagay siya ni Emperador Domiciano sa isang palayok ng kumukulong langis at hinamon siya ni Aristodemus, ang punong saserdote, na uminom ng lason3.
At nagkaroon ng hamon! Kung hindi raw ito makapipinsala kay Juan, maniniwala siya sa kanyang Diyos4.
Pero alam mo ba? Hindi siya nasunog mula sa kumukulong mantika ni nalason ng inumin. Kaya nagpatuloy siya sa pangangaral3.
Dahil dito, napatunayan ni Juan ang pangako ng Diyos na sinuman ang uminom ng anumang nakamamatay, “hindi ito makasasama” sa kanya (Marcos 16:18, ABTAG2001).
Naiisip mo ba ang iyong sarili sa pagsubok na ito? Handa ka bang magdusa alang-alang kay Kristo?
Sa kasamaang-palad, ang sigasig ni Juan sa pangangaral ay nagdala sa kanyang pagkatapon sa Patmos—mag-isa sa islang iyon. Walang kausap. Walang libangan. Nakaiinip.
Pero alam mo ba? Sa lugar na ito, nakatanggap siya ng mga pangitain mula sa Diyos tungkol sa “mga pangyayaring magaganap sa mga huling yugto ng kasaysayan ng lupa”5.
Nais mo rin bang makita ang mga pangyayaring ito?
Bukod dito, napagbulay-bulayan din ni Juan ang mga gawain ng paglikha at mahusay na karunungan ng Diyos. Nakita niya ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian sa pamamagitan ng kalikasan6.
Ang Kwento ng Pagtawag ng Apoy Mula sa Langit
Saan ito nangyari?
Naaalala mo ba ang engkwentro ni Hesus sa babaeng Samaritana sa balon? Tanda mo kung saang lugar ito nangyari?
Tama, sa Samaria nga.
Dito rin dumaan si Hesus at ang Kanyang mga disipulo patungong Herusalem (Lucas 9:51).
Ngayon, ang insidente ng “pagtawag ng apoy”
Palapit sa isang nayon ng mga Samaritano, hinilingan ni Hesus sina Santiago at Juan na maghanap ng pagkain at matutuluyan (Lucas 9:52).
Teka, nayon ng Samaritano? Tiyak, naaalala mo ang kuwento ng mabuting Samaritano (mga talata 25-37 ng kapitulo 10).
Dalawang lalaki ang nakakita ng isang Hudyong nangangailangan ng tulong. Ngunit hindi siya pinansin ng mga ito at nilampasan lamang siya. Tanging ang Samaritano ang tumigil sa kinaroroonan niya. Naawa siya sa lalaki, dinala siya sa kanyang bahay-panuluyan, at inalagaan siya.
Sa ganitong kagandahang-loob ng mabuting Samaritanong iyon, sa palagay mo ba ang Samaritanong nayong ito ay patutuluyin din si Hesus?
Sa kasamaang-palad, hindi nila Siya tinanggap (talata 53 ng kapitulo 9).
Paano nangyari ito?
May kasaysayan kasi ng poot sa pagitan ng mga Hudyo at mga Samaritano.
Nang bumalik ang mga Hudyo mula sa pagkabihag sa Babilonya, tinanggihan nila ang pagpapatuloy ng mga Samaritano. Nang ang mga Samaritano naman ay nagboluntaryong sumama sa muling pagtatayo ng Herusalem, tinanggihan din sila ng mga Hudyo (Ezra 4).
Mapapansing naghihiganti ang mga Samaritano.
Balik sa eksena sa nayon, ang kabastusan at kawalang-galang ng mga Samaritano ay nagbunsod ng galit nina Santiago at Juan. Tinanong nila si Hesus, “Panginoon, gusto ba Ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila’y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]?” (Lucas 9:54, MBBTAG).
Mailalarawan mo ba kung gaano sila kagalit? Kung ikaw ang nasa sitwasyon nila, ano ang magiging reaksyon mo?
Paano hinarap ni Hesus ang tensyong ito?
Dahil sa gayong pagpapakita ng init ng ulo at pagkabugnutin, pinagalitan ni Hesus sina Santiago at Juan. Wika Niya, “Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo” (Lucas 9:55, MBBTAG).
Dahil dito, tinawag sila ni Hesus na “Boanerges,” nangangahulugang “mga anak ng kulog,” “mga anak ng kaguluhan,” o “mga anak ng galit” (Marcos 3:17, MBBTAG)7.
Ipinaalala rin ni Hesus sa kanila ang Kanyang misyon kung saan “hindi sinugo ng Diyos ang Anak” upang “hatulan ang sanlibutan” kundi upang ito ay “maligtas sa pamamagitan Niya” (Juan 3:17, ABTAG2001).
Nakagugulat na katotohanan! Kung ikaw si Santiago o Juan, ano ang mararamdaman mo? Paano nito mababago ang paraan ng pakikitungo mo sa mga Samaritanong taganayon?
Ano Ang Natutuhan ni Juan Mula sa Karanasang Ito?
Tiyak na nahiya si Juan sa ginawa nila ng kanyang kapatid. Ngunit nasaksihan niya ang di-matatawarang pag-ibig ni Hesus sa mga makasalanan.
Sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, ninais Niya na silang lahat ay makatanggap ng kaligtasan. Iyan ay kung sila ay maniniwala at tatanggap kay Kristo8.
Sa pamamagitan nito, personal na nadama ni Juan ang pagmamahal ni Hesus para sa kanya. Kaya naman tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “alagad na mahal ni Hesus” maraming beses sa kanyang Ebanghelyo (Juan 13:23, 19:26, 20:2, 21:7, 21:20).
Teka, hindi ba ito pagyayabang? Aminin natin, mukha nga. Ngunit ito ay paraan lamang ni Juan upang ipakita ang dakilang biyaya at pagmamahal ng Diyos9.
10 Aral Mula sa Bugnuting Disipulong Ito
1) Gaya ng iba, ikaw ay nagkakasala rin.
Tulad ni Juan, “ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Mga Taga-Roma 3:23, MBBTAG).
Ano ang sanhi ng kasalanan?
“Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito’y mandaraya at walang katulad” (Jeremias 17:9, MBBTAG).
“Natutukso ang tao kapag siya’y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. At ang pagnanasa, kapag naitanim sa puso, ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang, ay nagbubunga ng kamatayan” (Santiago 1:14-15, MBBTAG).
May kapangyarihang “nakikipaglaban sa kautusan ng [isipan ng isang tao].” Siya ay “binibilanggo ng kautusan ng kasalanan” (Mga Taga-Roma 7:23, SND).
Tungkol sa kautusan, “sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din sa kautusan” (1 Juan 3:4, SND).
Ito ay dahil “ang sinumang nananatili sa [Diyos] ay hindi nagkakasala.” Gayundin, “ang sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kanya o nakakilala sa Kanya” (talata 6, SND).
Binabanggit din sa Mga Taga-Roma 8:7-8 (MBBTAG), “Kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya’y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa [Kanyang kautusan], at sadyang hindi niya ito magagawa.” Kaya naman, kung ikaw ay nasa laman, hindi mo nabibigyang-lugod ang Diyos.
2) Si Hesus ay Diyos ng pangalawang pagkakataon.
Gaano ka man kamakasalanan, ang Diyos ay hindi ka kailanman susukuan.
“Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa Kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan” sapagkat “hindi Niya nais na may mapahamak.” Sa halip, nais Niyang “lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan” (2 Pedro 3:9, MBBTAG).
Ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi (Mga Taga-Roma 2:4). Nakatutuwang malamang hindi Siya nagtatanim ng galit.
Ngayon, iugnay natin ito sa eksena sa nayon ng mga Samaritano.
Maaaring sunugin ni Hesus ang mga Samaritanong ito gaya ng hiniling nina Santiago at Juan. Ang mas masaklap pa, maaari rin Niyang isama ang magkapatid.
Ngunit hindi Niya ito ginawa.
Sa halip, tulad ng ating natunghayan sa kwento kanina, pinaalala sa kanila ni Hesus ang tunay na dahilan kung bakit Siya naparito sa lupa—upang iligtas ang Kanyang bayan mula sa kasalanan.
Dahil dito, napagbulay-bulayan ng magkapatid ang kanilang pagkamakasalanan at nadama ang pangangailangang magsisi. At ito ay humantong sa kanilang pagbabago.
Ano ang pinakamabigat na kasalanang iyong nagawa sa buong buhay mo? Maaaring pakiramdam mo ay wala ka nang pag-asang magbago.
Subalit kung ipahahayag mo ang iyong mga kasalanan sa Diyos, patatawarin at lilinisin ka Niya mula sa iyong kalikuan (1 Juan 1:9).
3) Malalim na relasyon sa Diyos ang nagdudulot ng kaibahan.
Habang lumalapit ka sa Diyos, mas inihahayag Niya ang Kanyang sarili. Tanging sa isang malalim na relasyon sa Kanya maaaring marinig ang Kanyang tinig, malaman ang Kanyang kalooban, at maunawaan ang Kanyang damdamin10.
Sa bagay na ito, mahalaga ang pagpapakumbaba. Sabi nga sa 1 Pedro 5:6-8 (MBBTAG), magpasakop “sa kapangyarihan ng Diyos.”
Sa pagiging mapagpakumbaba, nagiging handa kang kilalanin ang iyong pagiging makasalanan, dahilan upang hanapin mo ang Diyos at tumalikod sa iyong masasamang lakad.
At ika’y patatawarin at dadakilain ng Diyos (2 Cronica 7:14; Santiago 4:10).
4) Sa pagpapakumbaba nagsisimula ang pagbabago ng karakter.
“Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala Niya ang mga mapagpakumbaba” (Santiago 4:6, MBBTAG).
Kaya naman, sabi ng Diyos, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa Akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa Akin” (Lucas 9:23, MBBTAG).
Kapag tinawag ka ni Kristo, inaanyayahan ka Niyang humayo at mamatay sa kasalanan11. Ito ay lubos na pagsuko ng sarili.
Gayundin, ang tunay na pagpapakumbaba ay hindi alam na ito ay mapagpakumbaba. Kung mangyayari ito, ito ay magiging pagmamalaki ng pagtalima sa tamang katwiran12.
Ngayon, saan natin makikita ang kapakumbabaan sa buhay ni Juan?
“Sa mga taon ng kanyang malapitang pakikisama kay Kristo, madalas na siya ay binigyang-babala at pinayuhan.” At tinanggap niya ang Kanyang pagsaway13.
Sa pagpapakilala ni Juan ng karakter ng Diyos, nakita rin niya ang kanyang mga pagkukulang. Nasaksihan niya sa araw-araw ang “pagmamahal at pagpapahinuhod ni Hesus.” At natutuhan niya ang Kanyang “mga liksyon tungkol sa pagpapakababa at pagtitiis.”
Ikaw naman, paano itinuro sa iyo ni Hesus ang kahalagahan ng pagpapakumbaba? Paano nito binago ang iyong buhay?
5) Ang pagtitimpi ay nagdudulot ng kapayapaan.
Walang magandang dulot ang kawalan ng pagpipigil—gulo lamang.
Tulad ng sinasabi sa Mga Kawikaan 15:1 (ASND), “Ang malumanay na sagot ay nakapapawi ng poot, ngunit lalong nakapagpapagalit ang pabalang na sagot.”
Sa katunayan, ang pagpipigil sa sarili ay bahagi ng bunga ng Banal na Espiritu kasama ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan,” at “kahinahunan” (Galacia 5:22-23, ASND).
Paano nito nabago ang karakter ni Juan?
Ang pagkamagagalitin, pagiging mapaghiganti, at pagiging mapagpuna ay mga likas na ugali ni Juan. Gayunpaman, kinakitaan siya ni Hesus ng potensyal upang magbago.
Nasaksihan Niya ang “maalab, taimtim, [at] mapagmahal na puso” ng minamahal na alagad14.
Sinuwat ni Hesus si Juan sa kanyang pagiging makasarili, inawat ang mga ambisyon nito, at sinubok ang kanyang pananampalataya.
Isa pa, “inihayag din Niya sa kanya ang mga ninanasa ng kaluluwa—ang kagandahan ng kabanalan, ang nagpapabagong kapangyarihan ng pag-ibig.”
Kaya naman, mula sa isang anak ng kulog (Marcos 3:17), si Juan ay nagbago tungo sa isang mapagmahal at matiyagang disipulo.
6) Mas mainam ang kasigasigan kapag may pagmamahal at karunungan.
Ayon sa diksyunaryo, ang kasigasigan ay pagkasabik at interes sa paghahangad ng isang bagay.
Ngunit ang kasigasigan ay hindi sapat. Sabi nga sa Mga Taga-Roma 12:11 (ASND), “Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon.”
Bukod dito, ang sigasig na “hindi ayon sa lubos na kaalaman” ay hindi matuwid (mga talata 2-3 ng kapitulo 10, SND). Sa madaling salita, ang pagkilos ayon sa sariling kagustuhan ay hindi pagpapasakop sa Diyos.
Sa katunayan, marubdob na kasigasigang Kristiyano ang nararapat. Ito ay naipapakita sa paggawa ng isang bagay15.
Kaugnay nito, kung ikaw ay isang masigasig na Kristiyano, pananatilihin mo ang iyong interes sa layunin ng Diyos. At ang kasigasigan mo ay makapagpapalakas ng iyong impluwensya sa mga tao (Mga Gawa 18:25-28)16.
Kung iyong tinanggap si Kristo bilang personal na Tagapagligtas, hahanap ka ng pagkakataong maglingkod sa Kanya17.
Sa bagay na ito, ang iyong puso ay kikilusin ng walang hanggang pag-ibig at pasasalamat na iyong ipahahayag sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanya.
Ang pag-ibig na ito ni Kristo ay makikita sa pagbabago ng buhay ni Juan.
Mula sa isang bugnuting alagad, siya ay naging isang taimtim, maalab, at makapangyarihang mangangaral16.
7) Si Hesus ay maaari mo ring maging matalik na kaibigan.
Naranasan mo na bang balewalain ang iyong kaibigan nang may nakilala kang bago? Ano ang naramdaman ng iyong unang kaibigan?
Sa kasamaang-palad, ganito natin tinatrato si Hesus. Nakakaligtaan nating Siya ang ating Kasama. Sa pakikipag-usap sa ibang tao, hindi natin nababanggit ang Kanyang pangalan18.
Ngayon, ipagpalagay nating nawalan ka ng pamilya. Pakiramdam mo ay nag-iisa at wala ka nang pag-asa. Tila galit sa iyo ang mundo. Hindi mo kinaya ang paghihirap kaya gusto mo nang wakasan ang iyong buhay.
Gayunpaman, kumilos ang Diyos upang bigyan ka ng pag-asa. Gumamit Siya ng mga tao upang kupkupin ka at tulungang magsimula ng bagong buhay.
Tuwing babalikan mo ang karanasang ito, napaaalalahanan kang hindi ka iniwan ng Diyos sa kabila ng lahat. Tunay na Siya ay isang “kaibigang higit pa sa kapatid” (Mga Kawikaan 18:24, MBBTAG).
8) Ipamalas ang pag-ibig ng Diyos saan ka man magpunta.
Tinawag ni Juan ang kaniyang sarili bilang “alagad na mahal ni Hesus.”
Tulad ng ating natutuhan kanina, walang layunin si Juan na buhatin ang sariling bangko sa pagbanggit nito. Sa halip, pagpapakita lamang ito ng pag-ibig ng Diyos sa kanya9.
Tulad nina Moises at Jonas, pinatutunayan niyang ang Diyos ay “mahabagin,” “matulungin,” “mapagmahal,” “tapat,” at “hindi madaling magalit” (Exodo 34:6, ASND at MBBTAG).
Gayundin, pinatatawad ng Diyos ang kasamaan at pinalalampas ang pagsalangsang para sa iyo. Hindi Siya nagtatanim ng galit dahil “Siya’y nalulugod sa tapat na pag-ibig” (Mikas 7:18, ABTAG2001).
Tunay na ang pag-ibig ng Diyos ay sobra-sobra kaya nararapat na ibahagi anuman ang iyong ginagawa, saan ka man magpunta. Hindi mo mapipigilang ipakita ito sa salita at gawa—ang mismong karanasan ni Juan.
9) Magpatuloy gaanuman kahirap ang buhay Kristiyano.
Ang buhay-Kristiyano ay puno ng kasiyahan at kalungkutan, hindi ba?
Bilang disipulo at apostol, nakaranas din ng mga hamon sa buhay si Juan.
Kasama ni Pedro, siya ay inaresto ng mga Saduceo dahil sa pagtuturo tungkol kay Hesus (Mga Gawa 4:1-7).
Dahil dito, kinundena at inusig siya ng Imperyo ng Roma. Nilublob siya sa kumukulong langis at pinainom ng lasong inumin34.
Gayunpaman, nagpatuloy ang apostol sa pangangaral kahit na nangangahulugan ito ng kanyang pagkatapon sa Patmos (Apocalipsis 1:9).
Doon, wala siyang ibang kasama kundi ang Diyos at kalikasan. Gayunpaman, ito ay naging isang pagpapala dahil ipinakita sa kanya ang “mga pangyayaring magaganap sa mga huling yugto ng kasaysayan ng lupa”5.
Anong aral ang mapupulot mo mula rito?
Sinasabi sa Deuteronomy 31:6 (ABTAG2001), “Kayo’y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka Niya iiwan ni pababayaan.”
Tumakbo sa takbuhing inilatag sa iyong harapan. Ituon ang iyong paningin kay Hesus sapagkat “sa Kanya nakasalalay ang ating pananampalataya.” At alalahannin ang Kanyang pagtitiis sa krus (Mga Hebreo 12:1-2, MBBTAG).
Sa anumang pagsubok ng buhay, tandaang “ang Diyos ang ating kanlungan at kalakasan.” Siya ay “laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan” (Mga Awit 46:1, SND).
Huwag matakot. Gagabayan ng Panginoon ang iyong mga hakbang at ibabangon ka kung ikaw ay bumagsak (Mga Awit 37:23).
10) Kailangang isilang muli upang makapasok sa kaharian ng Diyos.
Ang pag-ibig ni Juan sa kanyang Guro ay hindi simpleng pagkakaibigan lamang19. Ito ay pag-ibig ng isang makasalanang nagsisisi.
Naramdaman niya ang mapanubos na kapangyarihan ng dakilang dugo ni Kristo. Malibang ikaw ay ipanganak muli “sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu,” hindi ka “makapapasok sa kaharian ng Diyos” (John 3:3-5, MBBTAG).
Sa pamamagitan nito, ikaw ay magiging “bagong nilalang” bilang “na kay Kristo.” Wala na ang dating pagkatao sapagkat “ito’y napalitan na ng bago” (2 Corinto 5:17, MBBTAG).
Huling Mga Kaisipan
Tandaang karapat-dapat kang magkaroon ng pangalawang pagkakataon. Gaano ka man kamakasalanan at katigas ang ulo, nakikita ng Diyos ang iyong kalooban.
Nakikita Niya ang potensyal mong magbago. Iyan ay kung hahayaan mo Siyang manahan sa iyo sa tulong ng Banal na Espiritu (2 Corinto 3:18).
Si Juan ay dating “anak ng kulog.” Nakita mo kung gaano siya kamainipin at kamagagalitin tulad ng kanyang kapatid na si Santiago.
Ngunit nasaksihan mo rin kung paano kumilos ang Diyos sa kanyang mga kahinaan. Ang Kanyang pag-ibig ay parang isang apoy na tumunaw ng kanyang pagmamataas.
Sa bandang huli, si Juan ay naging mapagpakumbabang lingkod ng Diyos. Siya ay naging isang mapagmahal na apostol—handa at naninindigan para sa Kanyang katotohanan kahit na nauwi ito sa kanyang pagkamartir at pagkatapon (Apocalipsis 1:9).
Tulad ni Juan, handa ka bang baguhin ng Diyos ayon sa Kanyang wangis? Nais mo na bang isuko ang iyong kapalaluan? Papayagan mo ba ang Kanyang nagniningas na apoy na dalisayin ang iyong pagkatao?
Upang makilala pa si Juan, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanyang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin siya sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.
- Oakman, sa Deni Rene YouTube Channel, 2017 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 70.1 [↩]
- Wilson, 2020 [↩] [↩] [↩]
- Early Christian Writings, 2021 [↩] [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 431.6 [↩] [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 432.2 [↩]
- Francis Nichol, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 5, 595.17 [↩]
- Francis Nichol, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 5, 930.17 [↩]
- Fong, 2016 [↩] [↩]
- Kibble, 2021 [↩]
- Armstrong, 2010 [↩]
- Jimmy Long, 2014 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 422.1 [↩]
- Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 409.3 [↩]
- Ellen White, Christian Service, 229.6 [↩]
- Francis Nichol, The Seventh-day Adventist Bible Commentary, bolyum 6, 621.11 [↩] [↩]
- Ellen White, Christian Service, 229.7 [↩]
- Ellen White, Our Higher Calling, 55.3 [↩]
- Ellen White, The Sanctified Life, 53.3 [↩]