Nilalaman

10 Malilikhaing Paraan ng Paglalahad ng Kwento ni Ester

Naghahanap ka ba ng mga malikhaing paraan ng pagkukwento ng istorya ni Ester sa mga bata?

Sa sulating ito, alamin ang 10 simple ngunit praktikal na mga ideya upang magawa ito.

1) Magdaos ng Munting Patimpalak ng Kagandahan

Alamin muna natin ang kwento ni Ester.

Sa Ester 2:3, nagpahanap si Haring Ahasuerus ng magagandang dalagang papalit kay Reyna Vasti. Para itong Miss Universe o Miss World beauty pageant sa kasalukuyan.

Heroes: Ester at iba pang mga kandidata ng pagkareyna sa Persya
Karapatang-ari: Free Bible Images

Si Ester ay isa sa maraming naggagandahang dalagang dinala sa palasyo upang pagpilian ng hari. Napakalaking karangalan at pribilehiyo nito para sa dalagang Hudyong ito.

Ilarawan nating nakapila ang mga kababaihang nakagayak sa kani-kanilang pinakamagagandang damit at pampaganda. Marahil nagpapakitang-gilas sila ng kanilang mga natatanging galaw, paglakad, at kasanayan sa pakikipagtalastasan.

At inanunsyo na ang hatol ng hari. Sino kaya ang napili?

Tama, si Ester nga ang nakoronahan! Siya ang napiling bagong reyna ng hari.

Marahil rumampa pa siya gaya ng madalas nating napapanood sa mga patimpalak?

Ngayon, oras na para isadula ang eksena.

Heroes: Pagganap sa kwento ni Ester
Karapatang-ari: Canva

Pumili ng isang batang gaganap bilang Ester, isa pa bilang kahit sino sa ibang mga kababaihan, at isa bilang si Haring Ahasuerus.

Gumawa ng iskrip. Ipakabisa sa kanila ang kani-kanilang mga linya. Pagsuotin sila ng naaangkop na kasuotan at pampaganda. Maghanda rin ng mga ekstrang kagamitan.

Hindi man ito ang eksaktong pangyayari sa Bibliya, magkakaroon naman sila ng patikim ng tunay na pangyayari.

Ngayon, simulan na natin! Mga ilaw. Mga kamera. Mga artista. Pagbilang ng 3-2-1, aksyon!

Papasok ang mga kababaihan sa palasyo at yuyuko sa hari. Lalapit ang hari upang kilalanin sila at kilatisin ang kanilang karunungan at katalinuhan.

Pagkatapos nito, pipili siya ng pito hanggang sa dalawa na lamang ang matira.

Panandaliang katahimikan. Lahat ay kinakabahan lalo na ang dalawang magkatunggali.

Dagundong ng tambol. Maaari mo pang sabayan ng nakakakabang tugtugin.

At inihayag na ng hari, “Ang nagwagi ay…ang ating bagong reyna…si Ester!”

Ilalagay na ang korona sa ulo ni Ester, at siya’y rarampa. Magpapalakpakan ang lahat at babatiin ang dalaga.

Dito nagtatapos. Masaya ba? Siguradong magugustuhan ito ng iyong mga anak.

Bakit magandang paraan ng pagkukwento ang dula-dulaan?

Narito ang 3 dahilan kung bakit:

  1. Nagkakaroon ng buhay ang kwento para sa iyong mga anak.
  2. Ang pagsasadula ng senaryo ay nakatutulong upang mailarawan nila ang kwento sa kanilang isip.
  3. Nahihikayat silang pagnilayan at talakayin ang kanilang mga natutuhan mula sa kwento.

Kung gayon, hindi na magiging kainip-inip ang kwento ni Ester para sa iyong mga anak. Ano sa tingin mo?

2) Magtanghal ng Teatro ng Mambabasa

Heroes: Anak at mga magulang na nagbabasa ng libro
Karapatang-ari: Canva

Ano ito?

Ang teatro ng mambabasa ay isang istratehiya ng pagkukwentong ipinagsasama ang pagbasa at pagganap. Ang layunin nito ay pahusayin ang mga kasanayan sa pagbabasa ng mga bata habang tinitiyak na nauunawaan nila ang binabasa.

Sa madaling salita, paano ito ginagawa?

Ganito lamang iyan kasimple:

  1. Bigyan ng mga karakter mula sa kwento ang iyong mga anak upang kanilang basahin at ganapin.
  2. Ipabasa sa kanila ang mga linya nang may madamdaming boses at naaakmang kilos ng katawan.

Ano ang masasabi ng mga guro tungkol sa aktibidad na ito? Ano ang kanilang maipapayo?

Ayon kay Judy Freeman, isang kasangguni sa edukasyon, ang teatro ng mambabasa ay nagbibigay sa mga bata ng kalugurang magtagal sa isang kwento. Sa pagganap nito nang maraming beses, nauunawaan nila ang mga pananarinari nito.

Dagdag pa niya, madalas na mababaw at literal ang pagkakaunawa ng mga bata sa kanilang mga binabasang kwento. Ngunit sa pamamagitan ng teatro ng mambabasa, hindi lamang sila nagbabasa ng kwento kundi isinasakabuhayan din nila ito.

Si Susan Finney, isang retiradong tagapagturo, ay may ilang payo para sa makabuluhan at kawili-wiling pagsasagawa ng teatro ng mambabasa:

  1. Piliin lamang ang mga iskrip na mainam isadula nang may magandang diyalogo. Ang nakababagot na iskrip ay mas masahol pa sa nakaiinip na kwento.
  2. Magsimula nang dahan-dahan at huwag pagmadaliin ang mga kalahok nang sa gayon ay maging komportable sila sa pagganap.
  3. Imodelo ang bahagi ng bawat karakter at iakma ito sa napiling mambabasa.
  4. Pagsama-samahin ang mga bahagi kung napakarami. Alisin ang mga hindi kinakailangang eksena at karakter.
  5. Hindi kailangang istriktong sundin ang mga iskrip. Ang mga ito ay maaaring baguhin ayon sa kagustuhan ng gaganap.

Paano nga ba ito dapat gawin?

Heroes: Makinilya
Karapatang-ari: Canva

Ang sikreto sa matagumpay na teatro ng mambabasa ay mahusay na pagkakasulat ng iskrip.

Siguraduhing ito ay naghahatid ng angkop na damdamin at emosyon sa mga eksena. Lahat ng kalahok ay dapat may papel na gagampanan.

Ang ilang bahagi ay maaaring basahin nang sabay-sabay habang ang ilan ay mas mainam kung isa-isa o dala-dalawa.

Isa pa, gamitin ang iyong imahinasyon at pagkamalikhain. Maaari kang gumamit ng mga artipisyal na tunog at tugtugin sa bakgrawnd upang maging mas masigla at mas makabuluhan ang pagtatanghal.

Bakit mas madali itong gawin kaysa sa dula-dulaan?

Narito ang 4 na dahilan kung bakit:

  1. Hindi kailangang kabisaduhin ng mga kalahok ang kanilang mga linya.
  2. Opsyonal lamang ang paggamit ng kostyum, ekstrang kagamitan, mga ilaw, mga kamera, at iba pa.
  3. Walang pang-entabladong posisyong kailangan isaalang-alang.
  4. Pagbabasa at pagpapahayag lamang ang kanilang pagtutuunan ng pansin.

Napakasimple, hindi ba? Pero masayang gawin.

3) Magsagawa ng Interaktibong Pagkukwento

Heroes: Inang nagkukwento sa anak
Karapatang-ari: Canva

Paalam sa tradisyunal na pagkukwento!

Ang interaktibong pagkukwento ay iba sa karaniwan mong pagkukwento.

Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan, ito ay interaktibo. Nangangahulugang maaaring magtanong ang iyong mga anak habang ikaw ay nagkukwento. Maaari ka ring gumamit ng ekstrang kagamitan, kostyum, at mga artipisyal na tunog upang gawin itong mas kawili-wili.

Sa ganitong paraan, napapagana ang lahat ng pandama sa proseso ng pagkatuto.

Anu-ano ang mga hakbang sa pagsasagawa nito?

Sundin ang mga ito:

  1. Basahin ang kwento ni Ester sa Bibliya.
  2. Pumili ng isang tauhan sa kwento upang maging mananalaysay. Isasalaysay niya ang lahat mula sa kanyang pananaw. Maaari mong piliin ang karakter ni Ester o isang Hudyo mula sa Imperyo ng Persya.
  3. Ihanda ang angkop na kasuotan o mga kagamitang kailangan ng mananalaysay sa kabuuan ng presentasyon. Mas magiging kapana-panabik ang kwento kung malapit sa katotohanan ang mga kagamitang gagamitin.
  4. Pumili ng mga bahagi sa kwento kung saan maaaring isali ang mga bata. Halimbawa, sa koronasyon ni Ester, maaari silang sumigaw ng, “Mabuhay ang reyna!” O kaya naman, sila’y papalakpak, tatalon, sasayaw, at iba pa.
  5. Bigyan ang isa sa iyong mga anak ng pangunahing gampanin. Isang halimbawa ang eksena kung saan itinuro ni Haring Ahasuerus ang kanyang setro kay Ester sa pagdating nito.
  6. Hilingin ang ibang mga batang magbato ng mga linya o magtanong at sagutin ang mga tanong tungkol sa presentasyon. Panatilihin itong natural at hindi kinabisa upang maging makatotohanan.

Kumpara sa pagsasadula, ang interaktibong pagkukwento ay mas natural at hindi kailangang aral.

4) Manood ng Musikal na Pelikulang Hango sa Kwento ni Ester

Kung ang pagsasadula at interaktibong pagkukwento ay mahirap idaos para sa iyo, marahil di mo matatanggihan ang panonood ng sine.

Hindi kailangang mag-ensayo ng anuman. Mamili lamang ng pelikula at maaari ka nang magsimula.

Kaya kunin na ang iyong papkorn. Umupo at magrelaks. Telebisyon na ang bahala sa iyong libangan.

Narito ang ilan sa magagandang pelikula ni Ester na maaari mong pagpilian:

a. Queen Esther (2020)

Ang pelikulang ito ay nilikha ng Sight & Sound Theatres, Virgil Films & Entertainment, at Virgil Films.

Dahil sa bago at orihinal nitong produksyon, nabibigyang-buhay nito ang kwento ni Ester.

Magandang set. Kakaibang mga pakulo ng animasyon. Tunay at buhay na mga hayop. Magagarbong kagamitan at kostyum. Malinis at tuluy-tuloy na sinematograpia. Angkop na musika at mga tunog. Mahusay na pagganap.

b. Esther: A Musical Based on the Old Testament Book (2018)

Ang mala-Broadway na musikal na ito ay ginawa ng Five Lanterns Productions at ginanap ng mga estudyante sa mataas na paaralan ng Wisdom Builders sa Indianapolis.

Ang iskrip nito ay isinulat nina Aaron Alsmeyer at Beth Walsman. Ang himig at titik naman ay nilikha ni Aaron Alsmeyer.

Ang haba nito ay humigit-kumulang 2 oras at 45 minutong may ilang pahinga.

Kumpara sa ibang mga musikal hango sa kwento ni Ester, ito ay mas malapit sa nakasaad sa Bibliya. Mas matalino rin ang pagganap ng mga aktor nito.

c. Esther: Children’s Musical and Play (2016)

Ang musikal na ito ay ginanap ng mga kabataan ng Christ United Methodist Church.

Oo, hindi tulad ng mga naunang musikal, mga bata lamang ang bumubuo sa produksyong ito.

Mga diyalogong hatid ng mga bata. Mga awiting kinanta rin ng mga bata. Kakaiba, ano?

Naturingan silang mga bata para sa kanilang mga gampanin ngunit dahil sa mga kagamitan at kasuotan nila, aakalain mong matatanda na sila.

Panoorin ito nang mapatunayan!

d. The Book of Esther (2015)

Ang dulang ito ay isinulat nina Henry Gainey at Amber Gainey Meade. Ginanap ito sa Calvary Chapel ng Costa Mesa sa California.

Gaya ng ikalawang musikal na itinampok natin kanina, sinisikap din nitong maging malapit sa isinasaad ng Bibliya. At totoo nga.

Ngunit hindi tulad ng ikatlo nating tampok, ang dramang ito ay ginampanan ng matatanda. Kaya naman asahan mong magulang na ang pag-awit at pagganap.

Bukod dito, mukhang makatotohanan ang ayos ng lahat. Ang mga damit ng mga aktor ay gawa sa mamahaling tela. Mapapansin ding ang mga kagamitan at bakgrawnd ay pinaghirapan.

5) Hamunin Ang Mga Bata sa Paglalaro ng Scavenger Hunt

Heroes: Mga batang naglalaro ng treasure hunting
Karapatang-ari: Canva

Ano ito?

Ang Scavenger Hunt ay isang laro kung saan maglilista ka ng kahit anong bagay. Ang mga kalahok ay lilibot sa paligid upang hanapin ang mga ito.

Layunin ng bawat kalahok na mauna sa pagkumpleto o makakuha man lang ng pinakamaraming aytem mula sa lista.

Paano ito isinasagawa?

  1. Maglista ng mga bagay na matatagpuan sa kwento ni Ester tulad ng mga sumusunod:
    • Korona
    • Setro
    • Mga bitayan
    • Mga tasa para sa piging
    • Kalesa
    • Mga damit
    • Mga pampaganda
    • Dais
    • Tinapay
    • Bibliya
    • Iskrol
  2. Ipahanap na sa mga kalahok ang mga nakalistang kagamitan, gaanuman karami ang kaya nila. Maaari ka ring magtakda ng limitasyon sa oras bilang hamon.
  3. Pagkatapos ng itinakdang oras, tipunin ang lahat at gantimpalaan ang nakakuha ng pinakamaraming aytem.
  4. Panahon na upang ibahagi sa kanila ang kwento ni Ester.

6) Kapanayamin si Ester

Heroes: Mga batang nagkukwentuhan
Karapatang-ari: Canva

Sino may sabing hindi nakalilibang ang pakikipanayam?

Pumili ng isa sa iyong mga anak upang gumanap bilang Ester at ang mga natira ay mga tagapagtanong.

Maghanda ng ilang katanungan para sa mga tagapanayam. Ngunit maaari rin silang magtanong ng anumang biglaan nilang maisip.

Ilang katanungang maaari mong isaalang-alang:

  1. Ano ang iyong buong pangalan? Ano ang ibig sabihin nito?
  2. Saan ka nanggaling?
  3. Sinu-sino ang iyong mga magulang?
  4. Sa anong tribo ka kabilang?
  5. Ano ang ginagawa mo sa Persya?
  6. Paano ka naimpluwensyahan ng iyong pinsang si Mardokeo sa iyong paglaki?
  7. Alam mo bang maganda ka?
  8. Ano ang pakiramdam nang mapili kang kandidato para sa bagong reyna?
  9. Natakot ka bang humarap sa hari?
  10. Anu-anong pampaganda ang ginamit ng mga Persyano?
  11. Ano ang naramdaman mo nang ituro sa iyo ng hari ang kanyang setro?
  12. Kamusta ang karanasang hirangin bilang bagong reyna?
  13. Ano ang nangyari sa mga babaeng hindi napili?
  14. Kamusta ang buhay bilang asawa ng hari?
  15. Nasiyahan ka ba sa iyong pananatili sa palasyo?
  16. Pinangarap mo bang maging isang reyna?
  17. Alin ang pipiliin mo, maging maganda o maging matalino?
  18. Anu-anong mga pangako sa Bibliya ang pinanghawakan mo nang malaman mong may gustong pumatay sa iyong mga kababayan?
  19. Paano mo nailigtas ang iyong mga kababayan mula sa pakana ni Haman?
  20. Ano ang maipapayo mo sa mga dalagang nag-aalala para sa kanilang kinabukasan?

Ang paghahanda ng mga katanungang tulad nito ay makatutulong upang maging tuluy-tuloy ang panayam. Ngunit, tulad ng nabanggit kanina, maaaring magdagdag ng biglaang tanong.

7) Ipagdiwang ang Purim

Heroes: Pagdiriwang ng Purim
Karapatang-ari: Canva

Ano ito?

Ang Purim ay isang kapistahang ipinagdiriwang ng mga Hudyo bilang paggunita sa pagliligtas ng Diyos sa panahon ni Reyna Ester.

Ang kwento sa likod nito

Gaya ng nalaman natin mula sa kanyang kwento, ang taktika at alindog ni Ester ang naging daan upang makamit niya ang maharlikang pribilehiyo at titulo ng pagkareyna.

Nagsimula siyang maglingkod sa ikapitong taon ni Haring Ahasuerus noong 478 BC. Ito ay pagkatapos ng mapaminsalang digmaan sa Gresya.

Abril noong 474 BC, napapayag ni Haman ang haring ipatupad ang pagpatay sa lahat ng mga Hudyo sa mga lugar na nasasakupan ng kaharian ng Persya.

Sa pamamagitan nito, naghiganti si Haman kay Mardokeo. Ito ay dahil lagi itong tumatangging yumuko sa kanya tuwing papasok sa palasyo (Ester 3:2-6).

Ang utos na ito ay nagdulot ng pagkabalisa sa mga Hudyo.

Samantala, ikinwento ito ni Mardokeo kay Ester. Binalaan niya itong nais ng Diyos na siya’y maging reyna sa oras na ito ng kagipitan (mga talata 1-17 ng kapitulo 4).

Kinalaunan, umapela si Ester sa hari alang-alang sa mga Hudyo. Gagawin niya ang lahat para iligtas sila sa nakamamatay na kahihinatnan ng utos ng hari.

Ang problema nga lang ay isa rin siyang Hudyo. At ito ang kanyang unang pagkakataong sabihin sa hari ang katotohanang ito (mga kapitulo 6–7).

Ngunit hindi nagtagal, pinatay si Haman. Dahil dito, si Mardokeo ang ipinalit sa kanyang posisyon.

Kinalaunan, nilagdaan niya ang isang utos na inihanda ni Mardokeo na nagpawalang-bisa sa utos ni Haman (talata 1 ng kapitulo 8).

Paano ito nakaugaliang ipagdiwang?

Sa masayang pagdiriwang ng kanilang pagkaligtas, idineklara ng mga Hudyo ang panahon ng kapistahang kilala bilang Purim. Tinawag naman ito ng mga Hebreo bilang Lots.

Ang piging na ito ay nagsilbing pag-alaala sa pakana ni Haman na pagpatay sa mga Hudyo. Kasabay nito, ginunita rin ang katapangan at debosyon ni Ester sa pagligtas sa kanyang mga kababayan mula sa mapanganib na pakanang iyon.

Sa panahong ito, ginawa nila ang mga sumusunod:

  1. Mishloach manot – pagpapalitan ng pagkain at inumin bilang regalo
  2. Mattanot la-evyonim – pagkakawanggawa sa mahihirap
  3. Se’udat Purim – pagkain ng isang pagkain ng pagdiriwang
  4. Kriat ha-megillah – pampublikong pagbigkas (“pagbabasa ng megillah”) ng iskrol ni Ester na karaniwang ginagawa sa sinagoga
  5. Al HaNissim – karagdagang pagbigkas sa araw-araw na dasal pagkatapos kumain

Paano isinasagawa ang kapistahang ito?

Heroes: Pamilyang nagpipiknik
Karapatang-ari: Canva

Magdaos ng simpleng salu-salo para sa pamilya.

Kasabay nito, magpalitan ng mga regalo o magdaos ng seremonya ng pananalangin at pagbabasa ng aklat ni Ester.

Maaari ka ring makipag-ugnayan sa iyong lokal na komunidad, paaralan, o simbahan upang magkawanggawa sa mahihirap.

8) Dalhin Ang Iyong Mga Anak sa Mga Palasyo at Museong Nagtatampok Kay Ester

Sino may sabing hindi magandang ideya ang paglalakbay-aral?

Bisitahin ang mga lugar na itong hango sa kwento ni Ester:

a. Biblical Lands Museum

Heroes: Biblical Lands Museum
Karapatang-ari: Go Jerusalem

Itinayo ni Haring Darius I ang Afadna Palace sa Susa. Tinapos ito ng kanyang kahaliling si Xerxes, na pinaniniwalaang si Haring Ahasuerus.

Ang Biblical Lands Museum sa Herusalem ang nagsisilbing replika ng matandang palasyong ito.

Ginawa ito alinsunod sa paglalarawan ng Bibliya at mga nahukay na artepakto ng isang pangkat ng mga arkeologong Pranses na pinangunahan ni Jean Farrow noong huling bahagi ng 1960.

Halimbawa, sa trono ng hari ay matatanaw ang labasan mula sa bakuran ng kaharian.

Tama! Ayon sa Bibliya, ang trono nga ay nakaharap sa looban ng bakuran. Mula rito, natatanaw ng hari si Reyna Ester na nakasuot ng maharlikang damit.

b. Louvre Museum

Heroes: Louvre Museum
Karapatang-ari: Canva

Ang museong ito sa Pransiya ay naglalaman ng mga bagay na natuklasan ng naturang pangkat ng mga arkeologong Pranses.

Ito ang ilan sa kanilang mga natuklasan:

  • Mga pundasyon ng mga haligi
  • Ang mga kapital ng mga haliging inukitan ng mga ulo ng toro

Habang ang karamihan sa mga ito ay nasa Louvre Museum, ang ilan ay nasa Persya pa rin, kung saan naganap ang paghuhukay.

c. Shushan Palace

Heroes: Shushan Palace
Karapatang-ari: https://www.youtube.com/watch?v=kw_FtzYCkus

Ang palasyong ito ay wala na sa orihinal nitong estado. Ngunit may naiwang mga labi sa labas ng lungsod ng Shush sa kanlurang Iran.

Dati itong palasyong tinitirhan ng mga hari ng Persya kapag taglamig. Kinalaunan, naging tagpuan ito ng kwento ni Ester sa Bibliya.

Ayon sa kapitulo 2–4 ng kanyang aklat, ang palasyong ito ay may napakalaking pintuang-daan. Sa pagpasok dito ay sasalubong sa iyo ang malawak na liwasang-bayan.

Mayroon ding mga patyo ayon kapitulo 5–6. Isa rito ang sentrong hukuman.

9) Pumunta sa Isang Simbahang Malapit sa Iyo

Heroes: Mga tao sa simbahan
Karapatang-ari: Canva

Paano kung walang mga palasyo o museong malapit sa iyo, o kaya nama’y kulang ang iyong badyet?

Puwes, hindi ka gagastos nang malaki sa pagbisita sa pinakamalapit na simbahan sa iyong lokalidad.

Dalhin ang iyong mga anak at ang kanilang paboritong aklat ng kwento ni Ester.

Pagkatapos magdasal at mamasyal sa palibot ng simbahan, humanap ng tahimik na lugar at simulan ang pagkukwento.

Kung nariyan ang inyong ministro, maaari mo rin siyang anyayahang magbahagi ng mga kaalaman tungkol sa kwento. Maaari rin niyang sagutin ang mga tanong ng iyong mga anak.

10) Anyayahan ang Buong Pamilyang Laruin ang Karakter ni Ester sa Heroes: The Bible Trivia Game

Heroes: Ester

Ano ang larong ito?

Ang Heroes: the Bible Trivia Game ay dinebelop ng Seventh-day Adventist Church sa pakikipag-ugnayan sa Hope Channel International, Inc.

Ipinakikilala nito ang mga tauhan sa Bibliya bilang “mga bayani.” Ang kanilang mga kwento ay nagtataglay ng mga aral sa buhay. At ang pinakamahalaga sa lahat, umaakay ito sa pagkamit ng pag-asa kay Hesus, ang tunay na Bayani.

Ano ang mekanismo nito?

Sa larong ito, maglalakbay ka sa mga kwento ng iba’t ibang karakter sa Bibliya mula Genesis hanggang Apocalipsis.

Ang mga bayaning ito ay magtatanong tungkol sa kani-kanilang kwento sa Bibliya. Dapat mong sagutin nang tama ang mga ito upang makaipon ng mga puntos (tinatawag na experience points o XPs sa Ingles). Mas maraming XP, mas maraming bayani ang maaari mong buksan at laruin.

Ang laro ay binubuo ng 12 katanungang pahirap nang pahirap sa pag-usad ng laro.

Para sa mahihirap na tanong, maaari kang gumamit ng mga power-up na ipinangalan sa mga bayani mismo. Halimbawa, ang Daniel Effect ay nagsasaad ng talata sa Bibliyang naglalaman ng sagot sa tanong.

Ang mas kapana-panabik pa ay maaari mong hamunin ang iyong pamilya at mga kaibigan. Ibahagi lamang sa kanila ang link sa laro at maaari na silang makipaglaro sa iyo sa pamamagitan ng multiplayer mode.

Ano Ang Natutuhan Mo Mula sa Babasahing Ito?

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito?

Alin sa 10 paraan ng pagkukwento ang paborito mo?

May naiisip ka pa bang ibang mga ideya bukod sa aming mga nabanggit?

Ibahagi ang iyong opinyon sa seksyon ng mga komento sa ibaba.

Upang makilala si Ester, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanyang kwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin siya sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.

IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *