Nilalaman

Sino Ang Lumikha Kina Adan at Eba at Saan Sila Nanirahan?

Sa artikulong ito, sasagutin natin ang mga sumusunod na tanong:

  • Sino ang lumikha kina Adan at Eba?
  • Saan sila nanirahan?

Pero bago ang lahat, kilalanin muna natin sila.

Sino Sina Adan at Eba?

Heroes: Sina Adan at Eba sa Eden
Karapatang-ari: 3AM – General Conference Corporation of Seventh-day Adventists

Sina Adan at Eba ang mga unang taong nabuhay sa mundo (Genesis 1–2). Bilang unang mag-asawa, sila ang ating mga ninuno o unang mga magulang123.

Ngayon, tuklasin natin ang pinagmulan ng kanilang mga pangalan.

Ang Adan ay isang Hebreong pangalang nangangahulugang lalaki. Sa mga tekstong kuneiporme, ito ay binabaybay na Adamu45.

Ang Eba naman ay nagmula sa Hebreong pangalang Chawwah, na nangangahulugang ninuno, ina, ang nabubuhay, o ang nagsilang.

Ngunit nakuha niya lamang ang pangalang ito nang magkasala silang mag-asawa. Ang una kasing ipinangalan sa kanya ni Adan ay ‘ishshah,’ na nangangahulugang babae.

Kung iyong mapapansin, ang pangalang Adan ay tumutukoy sa panlalaking kasarian habang ang Eba ay nagpapahayag ng pambabae.

Sino Ang Lumalang sa Kanila?

Ang sagot mula sa Bibliya

Heroes: Genesis sa Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Sa Genesis 1:26 (ASND), sinabi ng Diyos, “Likhain Natin ang tao ayon sa Ating wangis.”

Base rito, maliwanag na Diyos ang lumikha kina Adan at Eba. Pero bakit “Natin”? Marami bang Diyos?

Mayroon lamang isang Diyos. Ngunit ito ay isang pamilya ng tatlong Miyembro—Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Ang pamilyang ito ay tinatawag na Trinidad67.

Isa sa mga pangyayari sa Bibliya kung saan nabanggit Silang lahat ay noong itinalaga ni Hesus ang Kanyang mga disipulo upang ipangaral ang ebanghelyo.

Sinabi Niya, “Humayo nga kayo. Gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa; inyong bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu” (Mateo 28:19, SND).

Bakit sila nilikha ng Diyos?

Heroes: Adan sa Eden
Karapatang-ari: Free Bible Images

Nilikha ng Diyos sina Adan at Eba upang mamahala “sa lahat ng uri ng hayop: mga lumalangoy, lumilipad, lumalakad, at gumagapang” (Genesis 1:26, ASND).

Sa madaling salita, sila ay mga tagapangalaga o tagapangasiwa ng lahat ng nilikha ng Diyos.

Sa bersikulo 28 (ASND), inutusan sila ng Diyos, “Magpakarami kayo para mangalat ang mga lahi ninyo at mamahala sa buong mundo. At pamahalaan ninyo ang lahat ng hayop.”

Sa madaling salita, kailangan nilang punuin ang sanlibutan ng mga nilalang mula sa kanilang uri. Ito ang dahilan ng pagkakaroon ng sangkatauhan sa mundong ito.

Paano Niya sila nilikha?

Heroes: Paglikha ni Hesus kay Adan
Karapatang-ari: Ernie Carrasco; Wellcome Collection

Kung babalikan ang Genesis 1:26 (ASND), mababasa natin, “Likhain Natin ang tao ayon sa Ating wangis,” na nagpapahiwatig na ang likas nina Adan at Eba ay naaayon sa likas ng Diyos. At gayon din naman ang atin.

Paano ito ginawa ng Diyos?

“Nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buhay na kaluluwa” (Genesis 2:7, ABTAG2001). At pinangalanan Niya siyang Adan (talata 20).”

Ngunit napagtanto ng Diyos na hindi mabuti para sa taong ito ang mag-isa. Kaya nagpasya Siyang gumawa ng “isang katuwang na nababagay sa kanya” (talata 18, ABTAG2001).

Isang araw, habang si Adan ay tulog, kumuha ang Diyos ng isang bahagi ng kanyang tadyang at binalutan ito ng laman. Mula sa tadyang na ito, gumawa Siya ng isang babae at dinala ito sa kanya (talata 21).

Kung iyong mapapansin, nasa hustong gulang na sina Adan at Eba nang likhain sila ng Diyos. Hindi sila ipinaglihi o ipinanganak ng isang ina ni nabuhay bilang mga sanggol.

Ano ang hitsura nina Adan at Eba?

Heroes: Adan at Ebang nakaharap sa araw
Karapatang-ari: Free Bible Images

Dahil hindi isinilang sina Adan at Eba, tiyak na wala silang pusod, hindi nga ba?

Ngunit yamang nilalang sila sa larawan ng Diyos (Genesis 1:26), siguradong sila ay may kabuuang anyong tulad ng mayroon ang lahat ng tao—isang ulo, mukha, at katawang may tig-iisang pares ng mga braso, kamay, binti, at paa.

Saan Nanirahan Sina Adan at Eba?

Ang sagot mula sa Bibliya

Heroes: Aklat ng Genesis sa Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Matapos lalangin ng Diyos si Adan, gumawa Siya ng hardin sa silangan ng Eden (Genesis 2:8). Sa harding ito nanirahan sina Adan at Eba.

Hindi ito ordinaryong hardin lamang. Ito ay napakaganda dahil ang Diyos ay maibigin sa kagandahan8.

Ang harding ito ay kilala bilang Halamanan ng Eden.

Ano ang kahulugan ng pangalang Eden?

Heroes: Eden sa diksyunaryo
Karapatang-ari: Canva

Ang Eden ay nagmula sa salitang Akkadiyong edinu, na hango sa salitang Sumeryong eden, na nangangahulugang kapatagan2.

Binabaybay na Eaden, Eadin, Edenia, o Edinia sa Hebreo, ang Eden ay nangangahulugang kasiyahan, paraiso, o lugar ng kaluguran910.

Sa aklat ng Genesis, ang Eden ay binibigyang-kahulugan bilang hardin ng Panginoon. Sa aklat naman ng Ezekiel, ito ay kilala bilang hardin ng Diyos2.

Batay sa mga ito, mailalarawan natin ang Eden bilang isang lupain kung saan ang lahat ay perpekto at kung saan madarama ang presensya ng Diyos.

Saan ito matatagpuan?

Heroes: Eden sa mapa
Karapatang-ari: Travelling Pioneers

Gaya ng inilalarawan sa Genesis 2:10-14, may isang ilog na nagdidilig sa Halamanan ng Eden. Ito ay nahahati sa 4 pang ilog.

Ang unang ilog ay pinangalanang Pishon, na umaagos sa palibot ng lupain ng Havila. Ang pangalawa ay tinawag na Gihon, na umaagos sa palibot ng lupain ng Cus. Ang ikatlo ay ang Tigris, na umaagos sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat ay Eufrates.

Batay sa modernong interpretasyon, ang Eden ay matatagpuan sa pinakadulo ng Gulpo ng Persia sa katimugang Mesopotamia (ngayon ay Iraq), kung saan ang mga ilog ng Tigris at Eufrates ay dumadaloy sa dagat11.

Iminumungkahi rin ng ilang iskolar na ito ay matatagpuan sa Kabundukan ng Armenya o Talampas ng Armenya. Posible rin itong nasa Iran at sa paligid ng Tabriz, ayon sa arkeologong taga-Britanyang si David Rohl. Maaari rin itong nasa Herusalem, ayon sa ilang sekta ng relihiyon.

Nangangahulugan ba itong narito pa sa mundo ang Eden?

Nasa sanlibutan pa ba ang harding ito?

Heroes: Hardin ng Eden
Karapatang-ari: 3AM – General Conference Corporation of Seventh-day Adventists

Ang Halamanan ng Eden ay nanatili nang matagal sa sanlibutan mula nang itapon sina Adan at Eba. Ang mga henerasyong nagmula sa kanila ay matagal ding pinahintulutang sulyapan ang tahanan ito. Hindi nga lang sila maaaring pumasok dahil may mga anghel na nagbabantay12.

Sa kasamaang-palad, nang ang mundo ay naging napakasama kung kaya’t kinailangan ng Diyos na wasakin ito sa pamamagitan ng baha noong panahon ni Noe, ang Eden ay inalis mula sa sanlibutan.

Mula noon, ang kasalanan ay kumalat sa Halamanan ng Eden, maging sa ibang mga lugar sa sanlibutan11.

At dahil sa malalaking pagbabagong heograpikal sa pagitan ng mga panahon nina Adan at Moises, ang lokasyon ng mga ilog ng Gihon at Pishon, na diumano’y nagpapahiwatig kung saan matatagpuan ang Eden ngayon, ay hindi na matukoy.

Kaya naman, masasabi nating wala na sa sanlibutan ang Eden, marahil batay lamang sa naaabot ng pag-aaral.

Ngunit may pag-asa sa hinaharap. Sa paglalang ng Diyos ng “isang bagong langit at isang bagong lupa,” ang Eden ay ibabalik na may kagandahang higit pa sa original nitong pagkalikha (Apocalipsis 21:1, MBBTAG)12.

Nais Naming Malaman Ang Iyong Saloobin

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito? Ano ang iyong natutuhan?

Ibahagi ang iyong mga saloobin sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.

Upang makilala pa sina Adan at Eba, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang kanilang kuwento sa aming pahina ng mga bayani, hanapin sila sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.

  1. Creation Ministries International []
  2. Encyclopaedia Britannica [] [] []
  3. Ellen White, The Adventist Home, 25.1 []
  4. New World Encyclopedia []
  5. Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 16-17 []
  6. Christianity []
  7. Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 426 []
  8. Ellen White, Adventist Home, 27.1 []
  9. Siegfried Horn, The Seventh-day Adventist Bible Dictionary, 1979, 302-3 []
  10. Verywell Family []
  11. History of Yesterday [] []
  12. Ellen White, Heaven, 77.1 [] []
IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *