Narinig mo na ba ang Museum of the Bible? Ano ito at ano ang iyong makikita sa loob?
Sa artikulong ito, tuklasin ang 7 sa mga kapana-panabik na eksibit nito:
- The Impact of the Bible
- The Stories of the Bible
- The History of the Bible
- The People of the Land
- The Shroud of Turin
- Personal Stories
- Heroes: The Bible Trivia Game
Ngunit alamin muna natin kung ano ang museong ito.
Ano Ang Museum of the Bible?
Matatagpuan 3 bloke mula sa US Capitol sa Washington, DC, ang Museum of the Bible, na may sukat na 430,000 kwadrado, ay binuksan noong Nobyembre 2017.
Kasalukuyang pinamumunuan ni Harry Hargrave, ito ay naglalaman ng mga makasaysayang artepaktong 4,000 taong gulang na at nag-aalok ng isang nakaeengganyong paglalakbay-aral sa Bibliyang nagbibigay ng karanasang nakapagpapabago ng buhay.
Sa ganitong paraan, nilalayon ng institusyong maging kabilang sa pinakamauunlad na museo sa buong mundo.
Sulyap sa 7 Eksibit ng Museo
1) Alamin ang impluwensya ng Bibliya sa mundo.
Matatagpuan sa Palapag 2, inilalarawan ng “The Impact of the Bible” ang impluwensya ng Bibliya sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ito ang mga maaaring isagawa rito:
- Alamin ang kasaysayan ng Bibliya sa Amerika mula sa panahon ng unang paninirahan hanggang sa ika-21 siglo.
- Tuklasin ang epekto nito sa industriya ng pelikula, musika, panitikan, pananamit, pamamahala, at iba pa.
- Obserbahan ito sa pamamagitan ng isang pandaigdigang monitor ng mga datus.
- Magsagawa ng multi-sensoring paglalakbay lampas ng mga biblikal na sanggunian sa loob at paligid ng Washington, DC.
Kapana-panabik, hindi ba?
2) Balikan ang ilang mga kwento sa Bibliya.
Sa “The Stories of the Bible” ng Palapag 3, maglakbay-aral sa mga kwento ng Hebreong Bibliya.
Ito ang mga maaari mong gawin dito:
- Alamin ang mga biblikal na impormasyon at kwento ng arka ni Noe, nasusunog na palumpong, Paskuwa, at iba pa sa loob ng 30-minutong presentasyong ginantimpalaan ng Thea award.
- Maglakad sa mga lansangan, maglibang sa magagandang tanawin, at makipag-usap sa mga taganayon ng unang-siglong Nazaret.
- Dalawin ang New Testament Theater, isang 270-digring teatrong nagtatampok ng kwento kung paanong ang mga tagasunod ni Hesus ay naging maunlad na komunidad.
Nais mo bang subukan ang mga ito?
3) Repasuhin ang kasaysayan ng Bibliya.
Sa Palapag 4, ang “The History of the Bible” ay binibigyang-pagkakataon kang maglakbay sa sinaunang panahon ng Bibliya mula sa mga sulat-kamay na iskrol hanggang sa mga kagamitang mobil.
Sa eksibit na ito, ito ang mga maaari mong gawin:
- Tingnan ang higit 600 kaakit-akit na mga artepakto tulad ng mga manuskrito ng Bagong Tipan, sinaunang barya, iskrol ng Torah, manuskritong inilawan, at nakalimbag na Bibliya.
- Maglakbay sa mga lugar at kaganapan sa Bibliya kasama si Dave Stotts.
- Makinig sa mga salita ng Bibliya at damhin ang mayamang pamana nito sa Bible Reading Room.
Kawili-wili, ano?
4) Pag-aralan ang tungkol sa mga Israelita.
Sa Palapag 5 naroon ang “The People of the Land,” isang pangmatagalang eksibit mula sa Israel Antiquities Authority.
Dito, magkakaroon ka ng pagkakataong:
- Tingnan ang mga natuklasang kagamitan, at alamin ang buhay at kultura ng sinaunang Israel.
- Manood ng araw-araw na pagtatanghal ng mga kwento ng Bibliya sa World Stage Theater, isang maganda at nakaaangat na teatrong may 472 upuan.
Huwag palampasin ang eksibit na ito!
5) Suriin ang isang replika ng Shroud of Turin.
Ano ang Shroud ng Turin?
Ang Shroud of Turin, na tinatawag ding Holy Shroud, ay isang telang linong pinaniniwalaan sa loob ng maraming siglo bilang saplot ni Hesus nang Siya ay ilibing.
May 4.3 metrong haba at 1.1 metrong lapad, nagpapakita ito ng 2 maputlang kayumangging larawan ng likod at harap ng isang 5-talampakan at 7-pulgadang lalaki. Naglalaman din ito ng mga markang tumutugma sa mga sugat ni Hesus sa pagkakapako sa krus.
Napanatili mula noong 1578, ang orihinal na saplot ay nakatago sa katedral ng San Giovanni Battista sa Turin, Italya.
Paano ito inieeksibit sa Museum of the Bible?
Alinsunod sa panuntunan ng katedral na angkinin ang orihinal na saplot, replika lamang ang maaaring ieksibit ng Museum of the Bible.
Ayon sa paring Heswitang si Robert Spitzer, ito ay nasa anyo ng isang imbersyong larawang nasa isang di-pampotograpiyang lino.
Dagdag ng pangunahing tagapangasiwang si Jeffrey Kloha, itinatampok ng eksibit na ito ang mga kwento ng ebanghelyo at ipinakikita kung paano ito inilalarawan sa tela, na nagbibigay ng paunang kaalaman para sa mas malalim na pag-aaral ng Bibliya.
At ang nakaaaliw na bahagi ng eksibit, ayon sa tagapangasiwang si Brian Hyland, ay ang mga interaktibong dako.
Halimbawa, sa isang lugar na nakatuon sa saplot bilang salamin ng mga Ebanghelyo, may isang interaktibong talahanayang nagpapakita ng isang harapang imahe mula sa saplot.
May mga sensor na nakalagay sa kinaroroonan ng mga sugat ni Hesus. Sa paglalagay ng kamay sa ibabaw nito, may sinag ng liwanag na magpapagana ng isang tinig na nagbabasa ng isang sipi mula sa mga Ebanghelyo ukol sa sinusuring bahagi ng saplot.
Kawili-wili, hindi ba?
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa eksibit na ito, panoorin ang bidyong ito:
6) Alamin ang buhay at pagkamartir ni Watchman Nee.
Nagbukas noong Marso 6, 2023, ang eksibit na “Personal Stories” ay naglalaman ng buhay at pagkamartir ni Watchman Nee.
Kinilala bilang isa sa mga pinakamaimpluwensyang Kristiyano noong ika-20 siglo, si Nee ang nagtatag ng Local Church Movement sa China, ang unang katutubong kilusang Kristiyano sa bansa.
Inilarawan ni Nee noong Oktubre 20, 1936 na nang tawagin siya ng Panginoon upang maglingkod sa Kanya, ang pangunahing layunin ay hindi para magdaos ng mga rebaybal na pagpupulong upang marinig ng mga tao ang higit pang mga doktrina ng Banal na Kasulatan, o maging isang dakilang ebanghelista.
Sa halip, ipinahayag sa kanya ng Panginoong nais Niyang magtayo ng mga lokal na simbahan sa ibang mga lokalidad upang maihayag ang Kanyang sarili, at magbahagi ng patotoo ng pagkakaisa sa lokalidad upang ang bawat santo ay magampanan ang kanyang tungkulin sa simbahan at magkaroon ng matiwasay na pamumuhay sa iglesya.
7) Laruin ang Heroes.
Oo, tama ang iyong nabasa!
Ang aming laro ay ipinwesto sa ika-4 na palapag ng museo noong Hunyo at Hulyo ng 2022.
At maaari pa rin itong laruin kasama ng iyong buong pamilya bilang bahagi ng pagsisikap ng museong tulungan ang mga bisitang maging pamilyar sa mga kwento ng Bibliya.
Sulyap sa Heroes
Ano ito?
Dinebelop ng Hope Channel, ang Heroes: The Bible Trivia Game, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ay isang larong pangkaalaman sa Bibliyang nagtatampok ng mga tauhan sa Bibliya.
Nilalayon nitong magturo ng mga impormasyon at kwento sa Bibliya, na ibinabahagi ang mga aral mula sa Salita ng Diyos at naglalapit kay Hesus, ang dakilang Bayani ng lahat.
Tulad ng sinabi ni Sam Neves, ang lumikha ng konsepto ng laro, ang Heroes ay ginawa upang ang mga tao ay maging pamilyar sa mga kamangha-manghang kuwento ng Bibliya, at mapagtantong sila ay maaari ring maging mga bayani ng Diyos ngayon at maging mga saksi ni Kristo.
Bakit “Heroes”?
Ang bayani ay inilalarawan sa diksyunaryo bilang isang taong hinahangaan dahil sa kanyang katapangan, natatanging mga gawa, o marangal na katangian.
Wala itong sinasabi tungkol sa mga kapangyarihan. Ngunit dahil sa modernong kultura, madalas itong naiuugnay sa isang taong may kakaibang kakayahan o kapangyarihan.
Karaniwan natin itong nakikita sa mga pelikulang nagtatampok ng mga bayani gaya ng Superman at Spider-Man. Lahat ay nabibighani sa ganitong konsepto at istilo.
Ngunit kung ating babalikan ang pangunahing kahulugan ng bayani, na nangangahulugang isang taong nakagawa ng isang kahanga-hangang bagay, maaalala natin ang mga bayani sa Bibliya.
Nakagawa sila ng mga kamangha-manghang bagay dahil sa kapangyarihang mula sa Diyos. Halimbawa, iniligtas ni Jose ang Ehipto mula sa taggutom sa pamamagitan ng pagbibigay-kahulugan sa panaginip ni Paraon hindi sa kanyang sariling kakayahan kundi sa tulong ng karunungan ng Diyos.
Tulad ng mga bayani sa Bibliya, maaari ka ring maging bayani sa iyong sariling paraan kung hahayaan mong gamitin ka ng Diyos para sa Kanyang layunin.
Paano ito nilalaro?
Pagkatapos ayusin ang iyong profile, simulan ang iyong paglalaro kina Adan at Eba.
Sagutin ang isang set ng 12 tanong na may pagpipilian. Para sa bawat tamang sagot, makakukuha ka ng mana, na magsisilbing iyong pera upang makabili ng mga power-up na magpapadali ng iyong paglalaro.
Sa patuloy na paglalaro, darami ang iyong mana hanggang sa makapagbukas ka ng marami pang bayani upang laruin.
Napakasimple at napakadali, hindi ba?
Oo. Ngunit kailangan mong siguraduhing tama ang bawat sagot upang makaangat. Kaya naman, nararapat na pag-aralang mabuti ang iyong Bibliya.
Isang napakamakabuluhang laro upang hindi lamang makaramdam ng pagkasabik at pagkalibang kundi matuto rin tungkol sa Bibliya at mahasa ang iyong kaalaman tungkol dito!
Saan makukuha ang app na ito?
Kung ang iyong aparato ay pinatatakbo ng Android, maaari mong idownload ang Heroes mula sa Google Play. Ito ay angkop sa Android 7 pataas.
Kung ang iyong aparato naman ay pinatatakbo ng Apple, idownload ang laro mula sa App Store.
Maaari ba itong laruin sa iyong sariling wika?
Noong Setyembre 2022 kung kailan sinulat ang artikulong ito, ang Heroes ay nakasalin sa mga sumusunod na lenggwahe:
- Ingles
- Portuges
- Espanyol
- Pranses
- Thai
- Malay
- Koreano
- Romano
- Swahili
- Intsik
- Hindi
- Filipino
- Ukranyan
- Bahasa Melayu
Paano kung wala sa listahan ang iyong wika?
Huwag mag-alala! Tinatrabaho namin ang pagsasalin nito sa marami pang wika sa lalong madaling panahon.
Sa katunayan, kung nais mong ibahagi ang iyong kasanayan sa pagsasalin, maaari kang sumali sa aming organisasyon. Padalhan lamang kami ng email sa [email protected] o [email protected].
Ngayon, ang eksibit ng Heroes sa museo
Paano at kailan ito nagsimula?
Ang Hope Channel, ang debeloper at tagapaglathala ng Heroes, ay nakipagpartner sa Museum of the Bible.
Nagpakita ang museo ng suporta at sigasig hanggang sa naging interesado itong makipagsosyo sa naturang tagapaglathala sa ngalan ng Heroes.
Nagbigay-daan ito upang maieksibit sa unang pagkakataon ang laro sa unang bahagi ng Hunyo.
Ayon kay Justin Woods, direktor ng pagbobrodkast ng Hope Channel, maganda ang kinahinatnan ng eksibit na ito. Sa katunayan, pinababalik pa ng Museum of the Bible ang Heroes sa susunod na eksibit.
At natupad ang kahilingan! Bumalik nga ang Heroes para sa ikalawang eksibit noong Hulyo 1, 2022. Mula noon, naging bahagi na ng museo ang larong ito.
Ano ang inihahandog ng eksibit?
Sa eksibit ng Heroes ay may mga pampromosyong poster at mesang may mga tauhan upang gabayan ang mga bisita sa paglalaro. Sa hinaharap, umaasa kaming magkakaroon ng higit pang mga pagkakataon upang malaro ito.
Ituturo sa iyo ng mga tauhan kung ano ang larong ito, kung paano ito idownload, kung paano ito laruin, at iba pa. Bibigyan ka rin nila ng ilang mapagkukunang pang-edukasyong maaaring iuwi at basahin.
At ang pinakakapana-panabik na bahagi ng eksibit ay ang malaro mismo ang Heroes sa mga aparatong ipinapagamit sa mesa sa gabay ng mga tauhan.
Ano ang dapat pang asahan sa eksibit?
Sa panahong isinulat ang artikulong ito (Setyembre 2022), ang Heroes ay nakikipag-usap sa Museum of the Bible upang magdisenyo ng librong pambata at magdaos ng kompetisyon sa museo sa taong 2023.
Huwag palampasin ang mga proyektong ito. Manatiling nakatutok para sa mga updeyt.
Bisitahin na Ang Museum of the Bible!
Nasiyahan ka ba sa ating birtwal na pamamasyal sa museo? Nais mo bang makapunta na rito sa personal?
Planuhin na ang iyong pagbisita sa Museum of the Bible kasama ang iyong pamilya at mga kaibigan.
Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa website ng Museum of the Bible at/o makipag-ugnayan sa [email protected].
Magkita tayo!