Nilalaman

Dugong Handog: Mga Halimbawa, Uri, Gamit, at Katuparan

Ano ang dugong handog sa Bibliya? Para saan ito?

Sa artikulong ito, alamin ang mga sumusunod:

  • Kahulugan ng dugong handog
  • 4 na pagkakataong isinagawa ito sa Lumang Tipan
  • 4 na uri nito
  • Dakilang katuparan nito
  • 3 kahihinatnan nito

Ano Ang Dugong Handog?

Heroes: Lalaking nag-iisip
Karapatang-ari: Canva

Ipaliwanag muna natin ang pag-aalay.

Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang pag-aalay ay pagbibigay ng handog sa isang diyos. Nangangahulugan din ito ng pagsuko ng isang bagay para sa kapakanan ng ibang bagay.

Ngunit sa mas teolohikong pananaw, isa itong banal na institusyong itinalaga ng Diyos kung saan ang isang taong nagkasala ay maghahandog sa Kanya ng isang katanggap-tanggap na pagsamba1.

Sa mas partikular na paglalarawan, ang sakripisyo ay isang ritwal ng pagkatay ng mga hayop at pagproseso ng kanilang mga katawan bilang alay sa isang higlikas na kapangyarihan2.

Minsan pa nga, mga pagkain, inumin, at maging tao ay ginagamit bilang sakripisyo.

Ngayon, ituon natin ang pansin sa dugong handog.

Base sa mga nabanggit na depinisyon, mahihinuhang ang dugong handog ay isang sakripisyong kinasasangkutan ng pagdanak ng dugo.

Bakit dugo?

Ang dugo kasi ay pangunahing sangkap sa pagtubos ng kasalanan base sa biblikal na sistema3.

“Sa ilalim ng kautusan, nililinis sa pamamagitan ng dugo ang halos lahat ng bagay na ginagamit sa pagsamba, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan” (Hebreo 9:22, ABTAG2001 at ASND).

Mula sa mga hayop na pinili ng Diyos tulad ng tupa, kambing, at ibon, na ating tatalakayin maya-maya, ang dugong ito ay iniaalay bilang kapalit ng dugo ng makasalanang nagsisisi upang siya’y tubusin mula sa kasalanan.

May punto ba?

Ngayon, tunghayan natin ang ilang halimbawa ng pagsasagawa nito sa Bibliya.

4 na Halimbawa ng Pag-aalay ng Dugong Handog sa Lumang Tipan

1) Handog na hayop ni Abel

Heroes: Mga handog nina Abel at Cain
Karapatang-ari: Free Bible Images

Kilala mo ba si Abel, isa sa mga anak nina Adan at Eba at kapatid ni Cain (Genesis 4:1-2)?

Si Abel ay isang pastol habang si Cain ay isang magsasaka.

Kaya nang hilingin ng Diyos na mag-alay sila sa Kanya, si Abel ay naghandog ng isang panganay sa mga inaalagaan niyang hayop habang si Cain naman ay nag-alay ng mga ani niyang prutas (mga talata 3-4).

Sa tingin mo, sino sa kanila ang may mas mainam na handog?

Pinaboran ng Diyos si Abel para sa kanyang handog, na ikinagalit ni Cain (mga talata 4-5).

“Ano ba ang ikinagagalit mo? Bakit ka nakasimangot? Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin?” (mga talata 6-7, SND at ABTAG2001).

Bakit mas katanggap-tanggap ang handog ni Abel kaysa sa handog ni Cain?

Sa handog ni Abel, makikita ang kanyang kababaang-loob na kilalanin ang kanyang pagiging makasalanan. At naniniwala siyang sa pamamagitan ng dugo ng hayop, tutubusin siya ng Diyos mula sa kasalanan4.

Sa kabilang banda, ang dahilan kung bakit hindi nagustuhan ng Diyos ang handog ni Cain ay ang kanyang kawalan ng pagpapasakop at pagsunod sa ordinansa ng Kanyang paghirang5.

Kakulangan ng pagpapasakop at pagsunod?

Oo, dahil ang bilin ng Diyos sa kanila ay maghandog ng hayop, hindi prutas at gulay, bagaman ito ay katanggap-tanggap din namang hain.

Ngunit inakala ni Cain na ang kanyang handog ay mas marangal at hindi kahiya-hiyang gaya ng dugo ng mga hayop, na nagpapakita ng pagdepende sa iba, kung kaya’t nagpapahiwatig ng kanyang kahinaan at pagkamakasalanan5.

2) Handog na hayop ni Noe

Heroes: Handog ni Noe at ng kanyang pamilya
Karapatang-ari: Free Bible Images

Naaalala mo ba ang kuwento ng malawakang pagbaha noong panahon ni Noe?

Siya at ang kanyang pamilya ay nanirahan sa arko at nakaligtas sa bahang tumagal nang 150 araw (Genesis 7:24). Ngunit pagkaraan nito, naghintay pa sila nang ilang buwan hanggang sa tuluyang humupa ang tubig.

Noong ikalawang buwan ng sumunod na taon, ang lupa ay ganap nang tuyo (talata 14 ng kapitulo 8). Noon lamang pinalabas ng Diyos si Noe at ang kanyang pamilya mula sa arko.

Pagkatapos ay nagtayo si Noe ng altar, kumuha ng ilang malilinis na hayop at ibon, at sinunog ang mga ito bilang handog (talata 20).

Nang maamoy ng Diyos ang samyo nito, nasambit Niya, “Hindi Ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama’t alam Kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi Ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa Ko ngayon” (talata 21, MBBTAG).

3) Dugong handog sa Ehipto

Heroes: Pagpapahid ng dugo sa pintuan
Karapatang-ari: Free Bible Images

Naaalala mo ba ang 10 salot na ipinadala ng Diyos sa buong Ehipto noong panahon ni Moises?

Ang tubig ay naging dugo. Pagkatapos ay nagsilabasan ang mga palaka, niknik, langaw, salot sa mga hayop, pigsa, ulan ng yelo, at balang. Nagkaroon din ng kadiliman. At ang huli ay ang kamatayan ng lahat ng panganay (Exodo 7–11).

Ngayon, upang lagpasan ng “mamumuksang anghel” ang mga bahay ng mga Israelita, hiniling ng Diyos sa bawat sambahayang maghain ng isang tupang walang kapintasan (mga talata 3 at 5 ng kapitulo 12).

Walang kapintasan?

Oo. Yamang tupa ang nagsilbing kahalili ng mga bata, dapat ito ay inosente, walang pananagutan, o walang kasalanan6.

Kaugnay nito, kailangang alagaan ng mga Israelita ang kanilang mga tupa hanggang sa ikalabing-apat na araw ng buwan. Sa araw na iyon, kakatayin nila ang mga iyon sa oras ng takipsilim (Exodo 12:6).

Pagkatapos nito, kailangan nilang kumuha ng dugo upang ipahid sa mga gilid at tuktok ng mga pintuan ng kanilang mga bahay kung saan nila kinain ang mga tupa (talata 7).

At totoo nga, nang dumating ang salot ng kamatayan ng mga panganay, lumagpas lamang ito sa mga bahay ng mga Israelita (mga talata 12-13).

Mapalad ang mga Israelita.

4) Handog na hayop sa tabernakulo

Dumako tayo sa panahong nakalaya na ang mga Israelita mula sa Ehipto.

Tinawid nila ang Dagat na Pula (Exodo 14), naglakbay nang matagal, at nanatili sa ilang.

Doon, binilinan ng Diyos si Moises na hilingang mag-alay ng handog sa Kanya ang mga Israelita (mga talata 1-2 ng kapitulo 25).

Pagkatapos, kinailangan nilang magtayo ng tabernakulong may mga kasangkapang ayon sa eksaktong tuntunin ng Diyos (mga talata 8-9).

Ano ang hitsura ng tabernakulong ito?

Heroes: Ang tabernakulo sa panahon ni Moises

Mag-imahe ng isang malaking tolda sa loob ng isang malawak na espasyong tinatawag na patyo. Ang toldang ito ay nahahati sa dalawang silid—Dakong Banal at Dakong Kabanal-banalan (Exodo 26:33).

Sa Dakong Kabanal-banalan matatagpuan ang kaban ng tipang naglalaman ng Sampung Utos (talata 34).

Nasa Dakong Banal naman ang mga sumusunod (mga kapitulo 25 at 30):

  • Mesa ng tinapay na handog – sumasagisag kay Hesus bilang Tinapay ng buhay
  • Ilawan – sumisimbolo kay Hesus bilang Ilaw ng sanlibutan
  • Dambana ng insenso – kung saan inutusan si Aaron na magsunog ng insenso bilang handog sa Diyos

Sa labas ng tolda, sa loob pa rin ng patyo, makikita ang mga sumusunod (Exodo 30; Levitico 1):

  • Palangganang hugasan – pinaghuhugasan ng mga kamay at paa bago pumasok sa tolda ng pagpupulong
  • Altar ng handog na sinusunog – kung saan ang isang nakagawa ng kasalanan ay mag-aalay ng handog na hayop

Ngayon, dumako tayo sa paghahandog ng hayop.

Heroes: Handog na hayop sa tabernakulo
Karapatang-ari: Free Bible Images

Kung ito ay toro, tupa, o kambing, hinihiling ng Diyos na ito ay “isang lalaking walang kapintasan” (Levitico 1:1-4, ABTAG2001).

Dapat itong patayin, at ang dugo ay patutuluin sa paanan ng dambana. Pagkatapos, ito ay hihiwa-hiwain, huhugasan ang mga binti, at susunugin lahat-lahat (mga talata 5-13).

Kung ang handog naman ay ibon, nais ng Diyos na ito ay isang “kalapati o batu-bato” (talata 14, ASND).

Pagkatapos tanggalin ang ulo nito, dapat itong sunugin sa altar na ang dugo ay pinatuyo sa gilid. Dapat ding tanggalin ang butsi at bituka nito (mga talata 15-16).

Pagkatapos nito, bibiyakin ang ibon sa pamamagitan ng paghila ng mga pakpak nito ngunit hindi paghihiwa-hiwalayin. At saka ito susunugin sa altar bilang handog (talata 17).

4 na Uri ng Dugong Handog

Hindi lahat ng sakripisyo ay nangangailangan ng dugo.

Ang mga unang ani, ikapu, handog na karne, handog na inumin, insenso, at iba pa, ay itinuturing ding mga sakripisyo sa Bibliya1.

Isang halimbawa nito ang handog na pagkain ni Cain (Genesis 4), na ating tinalakay kanina.

Ang isa pa ay ang sinasabi ng Exodo 34:26 (ASND): “Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Diyos ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani. Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.”

At may isa pang halimbawa sa Mga Bilang 28:7 (ABTAG1978): “Sa Dakong Banal, magbubuhos ka ng…pinakamainam na alak para sa Panginoon.”

Ngunit dahil ang artikulong ito ay nakatuon sa pag-aalay ng dugong handog, ang pinakakaraniwang sakripisyo sa sistemang Levitico, tuklasin natin ang 4 na uri nito:

1) Handog na sinusunog

Heroes: Sinunog na handog
Karapatang-ari: Free Bible Images

Tulad ng natunghayan mo sa kung paano ito ginawa ng mga Israelita sa tabernakulo, ang isang hayop ay pinapatay, nililinis, pinagpuputul-putol, at sinusunog sa altar (Levitico 1).

Iyon ay isang halimbawa ng handog na sinusunog. Ngunit ano ba talaga ito?

Ang handog o sakripisyong sinusunog ay nagmula sa salitang Hebreong olah at salitang-ugat na alah, na nangangahulugang “umakyat” o “pumanhik”3.

Ang buong handog ay umaakyat sa Diyos mula sa altar, na naglalarawan ng paglapit at pagsusumamo ng indibidwal sa langit.

Yamang kusang-loob ang pag-aalay nito, isa itong sakripisyo ng pagtatalaga, isang pagpapahayag ng malaya at malalim na debosyon ng taong naghahandog sa Diyos.

Bukod dito, ito ay ibinibigay nang may integridad ngunit kapag lamang ang kalagayan ng puso ng naghahandog ay naaayon sa Diyos. Kung hindi, ito ay magiging gawain ng panlilinlang at pagpapaimbabaw.

Bilang buod, ang handog na ating tinalakay ay isang haing sinusunog bilang kusang-loob na sakripisyo sa Diyos.

2) Handog pangkapayapaan

Heroes: Hayop para sa handog pangkapayapaan
Karapatang-ari: Free Bible Images

Sa Exodo 20:24 (ABTAG2001), inutusan ng Diyos ang mga Israelitang gumawa ng altar at dito ialay ang kanilang “mga handog na sinusunog” at “mga handog pangkapayapaan.”

Mapapansing hiwalay ang pagkakabanggit ng handog pangkapayapaan sa handog na sinusunog, na nangangahulugang iba ito7.

Tama. Ang handog pangkapayapaan ay ginagawa bilang pagpapahayag ng pasasalamat, panata o kontrata, at kusang-loob na handog”8.

Sa ganitong kadahilanan, tinatawag din minsan itong handog ng pasasalamat, handog ng panunumpa, o boluntaryong handog9.

Handog pangkapayapaan lamang ang alay na maaaring kainin ang laman. At hindi katulad ng Paskuwa, walang partikular na araw ng pagdiriwang nito. Bagkus, maaari itong isagawa sa anumang bahagi ng taon7.

Tulad ng handog na sinusunog, ang mga hayop para sa handog pangkapayapaan ay pinili mula sa bakahan o kawan. Ang mga ito ay kinakailangang walang dungis dahil walang marungis na hayop ang maaaring kumatawan sa Prinsipe ng Kapayapaan8.

Pagkatapos nito, ipapatong ng taong nag-aalay ang kanyang mga kamay sa ulo ng hayop saka ito papatayin10.

Pagkatapos, kailangan niyang ihiwalay ang taba sa ibang mga bahagi ng katawan, at susunugin ito ng pari sa altar ng mga handog na sinusunog.

Sumatutal, ang handog pangkapayapaan ay isang boluntaryong alay ng pasasalamat sa Diyos.

3) Handog para sa kapatawaran ng kasalanan

Heroes: Kambing para sa handog
Karapatang-ari: Canva

Binanggit sa Levitico 12:6 (MBBTAG), “Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis…magdadala siya sa pari…ng isang tupang isang taong gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan.”

Malinaw na ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay isa pang uri ng alay na naiiba sa dalawang natalakay natin kanina.

Para saan ito?

“At kung ang sinumang pangkaraniwang tao sa mga mamamayan ay magkasala nang hindi sinasadya sa paggawa ng bagay na hindi dapat gawin, laban sa isa sa mga utos ng Panginoon at nagkasala, kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanan niyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog na isang babaeng kambing na walang kapintasan para sa kasalanang nagawa niya” (mga talata 27-28 ng kapitulo 4, ABTAG2001).

Bilang karagdagan, ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay inilaan upang bigyang-lugod ang Diyos, bigyang-hustisya ang Kanyang katarungan, at patawarin ang pagkakasalang kinauukulan nito11.

Sa madaling salita, ito ay isinasagawa upang pagbayaran ang mga kasalanan ng isang tao.

Paano?

Isinasagawa sa mismong lugar kung saan pinapatay ang handog na sinusunog, ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay dapat kainin ng paring naghahandog nito sa looban ng tabernakulo (Levitico 6:25-26).

At maniniwala ka bang maaari rin itong kainin ng sinumang lalaki sa pamilya ng pari (mga talata 28-29)?

Oo, ngunit “hindi maaaring kainin ang handog para sa kasalanan kung ang dugo nito ay dinala sa Toldang Tipanan upang doo’y gawing pantubos sa kasalanan.” Sa halip, ito ay “dapat sunugin” (talata 30, MBBTAG).

Sapat na ang mga detalyeng ito. Malinaw na sa ating ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay isang haing iniaalay sa Diyos ng isang taong humihingi ng kapatawaran sa kasalanang nagawa nang di sinasadya.

4) Handog para sa paglabag

Heroes: Tupa panghandog
Karapatang-ari: Canva

Ang handog para sa paglabag ay binabanggit sa Levitico 5:6 (ASND): “Maghahandog siya sa Panginoon ng babaeng tupa o kambing bilang handog sa paglilinis.”

Katulad ba ito ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan? Ang kasalanan ay paglabag din, hindi ba?

Kung tutuusin, ang handog para sa paglabag ay isa ring handog para sa kapatawaran ng kasalanan12.

Inilalaan ito para sa mga kasalanang may kinalaman sa mga banal na bagay ng Panginoon gaya ng hindi pagsunod sa mga tagubilin Niya tungkol sa mga bagay na ito.

Anuman ang kasalanan ng isang tao, siya ay magdadala ng lalaking tupa bilang handog13.

Ngunit habang ang handog para sa paglabag ay itinatapon kagaya ng karaniwang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, ito ay naiiba dahil ang dugo nito ay winiwisik sa palibot ng altar sa halip na hinahawakan ang mga sungay na may dugo.

Isa pa, ito ay kadalasang ginagamit upang kumatawan sa mga kasalanan ng taong nag-aalay nito kaysa sa mga kasalanan ng publiko14.

Dahil dito, ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay kilala rin bilang handog para sa kalungkutan ng pagkakasala9.

Ngayon, dumako naman tayo sa mga alituntunin ng pagbabalik-loob.

Kung ang kasalanan ay laban sa mga banal na bagay ng Panginoon, ang pangungumpisal ay ginagawang kasama ng pari bilang kinatawan ng Diyos15.

Kung ang kasalanan naman ay nagawa laban sa isang taong yumao, ang pakikipag-ayos ay dapat gawin sa kanyang kamag-anak na lalaki. Kung wala naman siyang kamag-anak, sa Diyos ito gagawin.

Bilang buod, ang handog para sa paglabag ay tulad din ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Iba nga lang ang paraan ng pagsasagawa nito.

Ang Katuparan ng Seremonya ng Dugong Handog

Heroes: Si Hesus na nakapako sa krus
Karapatang-ari: Canva

Ngayong alam na natin ang mga uri ng dugong handog, hindi ba’t mahirap isipin kung gaano kalaki ang nakataya sa tuwing ang isang tao ay nagkakasala sa panahon ng Lumang Tipan?

Paano kung nabuhay ka sa panahong ito?

Buti na lamang at hindi na natin ito kailangang gawin ngayon. Pero paano kung kailangan pa rin?

“Ang Anak ng Diyos ay namatay bilang [ating] Sakripisyo at pumanhik sa langit upang tumayo sa harapan ng Ama bilang [ating] Tagapagtanggol”16.

Sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya, tayo ay napalaya mula sa hatol ng kasalanan. At sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo, tayo ay “maaaring makasunod sa batas ng Diyos.”

Dahil sa dakilang katuparang ito, napawalang-bisa na ang seremonya ng paghahandog. Maging ang makasanlibutang pagkasaserdote ay itinigil na rin ngunit tayo ay nakatuon kay Hesus, ang Ministro ng bagong tipan, at sa kapangyarihan ng Kanyang mapanubos na dugo17.

Sa kanilang likas, ang mga sakripisyo ay walang halaga o bisa. Sila ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating, na nagpapahiwatig ng pagdating ng dakilang Mataas na Saserdote1.

Ang mga sakripisyo ay pag-aari lamang ng isang pansamantalang ekonomiya. Ngunit ang mga ito ay lumipas na gayong ang dakilang Sakripisyo na ang humuhubog sa mga taong pinabanal.

Dahil dito, hindi na hinihiling ng Diyos ang simbolikong paraan ng pagsamba. Sa halip, nais Niyang ibigay natin sa Kanya ang ating buong pagkatao3.

Samakatwid, si Hesus ang katuparan ng lahat ng seremonyal na paghahandog. Kaya naman, hindi na natin kailangang pumatay at maghain ng mga hayop kapag nagsisisi sa ating mga kasalanan, nag-aalay ng pasasalamat, o gumagawa ng panata sa Diyos.

Ano Ang Nagagawa ng Sakripisyo ni Hesus Para sa Atin?

1) Inaaring-ganap tayo nito.

Heroes: Pag-aaring-ganap sa Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Mababasa natin sa Mga Taga-Roma 3:24-25 (SND) na “ang lahat ay pinapaging-matuwid ng Diyos nang walang bayad sa pamama­gitan ng Kanyang biyaya, sa pamamagitan ng katubusang na kay Kristo Hesus. Siya ang itinalaga ng Diyos na maging kasiya-siyang handog sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanyang dugo.”

Sa pamamagitan ng mapanubos na sakripisyo ni Hesus, tayo ay inaaring-ganap. At itinuturing natin Siyang tanging Pag-asa at Tagapagligtas18.

Inaring-ganap ni Kristo? Ano ang ibig sabihin nito?

Nangangahulugan itong pinawawalang-bisa ng Diyos ang parusang nararapat sa atin dahil sa kasalanan. Itinuturing Niya tayong makatarungan at tila ba hindi nagkasala19.

Kaya naman, tinatanggap Niya tayo sa Kanyang banal na pabor at tinatrato tayong matuwid.

Mahalaga ring malamang si Hesus ay minsan lamang naparito sa mundo “upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na Kanyang inialay” (Hebreo 9:26, MBBTAG).

Siya ang “ibinigay na handog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at hindi lang ng mga kasalanan natin kundi pati na rin ng kasalanan ng buong mundo” (1 Juan 2:2, ASND).

Sa pamamagitan nito, tayo ay tinubos mula sa kasalanan. Binigyan tayo ng pangalawang pagkakataong mamuhay nang banal, at pinahintulutang makipag-ugnayan sa Ama at Anak.

2) Pinababanal tayo nito.

Heroes: Pagpapakabanal sa Bibliya
Karapatang-ari: Canva

Tulad ng mga hayop na ang dugo ay dinadala ng mataas na saserdote sa santuario at sinusunog bilang hain para sa kasalanan, “gayundin naman, namatay si Hesus sa labas ng lungsod upang linisin [ang sangkatauhan] sa kanilang kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo” (Hebreo 13:12, MBBTAG).

“Sa kaloobang yaon, tayo’y pinapaging-banal sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Kristo” minsan at para sa lahat (talata 10 ng kapitulo 10, ABTAG 1978). Dahil dito, “tayo ngayon ay napawalang-sala, lalong tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos” (Mga Taga-Roma 5:9, MBBTAG).

Samakatwid, ang pakabanalin sa pamamagitan ng dugo ni Hesus ay nangangahulugang ang isang tao ay ibinubukod sa iba sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Nangyayari ito pagkaraan ng pag-aaring-ganap.

3) Ipinagkakasundo tayo nito sa Diyos.

Heroes: Si Hesus hawak ang kamay ng isang babae
Karapatang-ari: Canva

Si Hesus ay nagdusa bilang “matuwid dahil sa mga di-matuwid upang kayo ay madala Niya sa Diyos. Siya ay pinatay sa laman ngunit binuhay sa Espiritu” (1 Pedro 3:18, ABTAG2001).

Ang kasalanan ay naghiwalay sa atin mula sa Diyos. Ito ay humadlang sa ating paglapit sa Kanyang presensya. Ngunit sa pamamagitan ng sakripisyo ni Hesus, naging posible para sa ating magkaroon muli ng ugnayan sa Kanya dahil Kanyang ipinagkasundo ang mundo sa Kanyang sarili20.

Isang pagpapala ang malamang si Hesus mismo ang gumawa ng paraan upang atin Siyang makasamang muli!

Bagaman hindi tayo karapat-dapat makipag-ayos sa Kanya dahil sa ating mga kasalanan, ang Kanyang sakripisyo ang naging daan upang maalis ang hadlang sa pagitan Niya at natin.

Gusto Naming Malaman Ang Iyong Saloobin

Ano ang iyong natutuhan tungkol sa dugong handog at sa dakilang katuparan nito kay Hesu Kristo?

Ilahad ang iyong mga opinyon sa pamamagitan ng pagkomento sa ibaba.

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa paksang ito, magsubscribe sa Heroes: The Bible Trivia Game, basahin ang mga kwento nina Moises at Hesus sa aming pahina ng mga bayani, hanapin sila sa aming Bible study course, at idownload ang aming laro mula sa Google Play at App Store.

  1. M. G. Easton, Illustrated Bible Dictionary and Treasury of Biblical History, Biography, Geography, Doctrine, and Literature [] [] []
  2. Oxford Bibliographies []
  3. Douglas Mangum, The Lexham Bible Dictionary, 2016 [] [] []
  4. Ellen White, Confrontation, 23.1 []
  5. Ellen White, Confrontation, 23.2 [] []
  6. Ellen White, Ang Kasaysayan ng Mga Patriarka at Mga Propeta, 323.1 []
  7. Ellen White, The Cross and Its Shadow, 154.1 [] []
  8. Ellen White, The Cross and Its Shadow, 154.2 [] []
  9. James Hastings atbp., Dictionary of the Bible, 1909 [] []
  10. Ellen White, The Cross and Its Shadow, 154.4 []
  11. Alan Cairns, Dictionary of Theological Terms, 2002 []
  12. Ellen White, The Cross and Its Shadow, 143.1 []
  13. Ellen White, The Cross and Its Shadow, 143.2 []
  14. Ellen White, The Cross and Its Shadow, 143.3 []
  15. Ellen White, The Cross and Its Shadow, 141.1 []
  16. Ellen White, Ang Mga Gawa ng Mga Apostol, 296.3 []
  17. Ellen White, Christ in His Sanctuary, 66.1 []
  18. Ellen White, Selected Messages, ika-3 aklat, 192.1 []
  19. Ellen White, Selected Messages, ika-3 aklat, 191.2 []
  20. Ellen White, With God at Dawn, 53.3 []
IPAALAM SA IBA ANG ARTIKULONG ITO
ALAMIN ANG PINAKABAGONG BALITA
Search

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *